TL;DR
Ang pag-farm ng yield ay ang kasanayan ng paggamit ng mga crypto asset ng isang tao para magkaroon ng passive income o yield. Karaniwang kasama rito ang pagbibigay ng liquidity sa mga DeFi protocol, o pagpapahiram o pag-stake ng mga crypto asset kapalit ng mga reward. Ginagamit ng ilang yield farmer ang lahat ng ito nang sabay-sabay. Tulad sa lahat ng pagkakataon sa crypto, may mga panganib din ang pag-farm ng yield. Ang pansamantalang pagkalugi, mga bug sa mga smart contract o protocol, at napakalalaking bayarin sa gas ay ilang panganib na kinakaharap ng mga yield farmer.
Kaya naman, dapat magsagawa ng masusing pananaliksik ang mga yield farmer bago nila i-commit ang kanilang mga pondo sa isang yield farm. Kasama sa ilang karaniwang paraan ng paggawa noon ay ang pag-iimbestiga sa team, seguridad, uri ng token, at timeline na nauugnay sa pamumuhunan. Bagama't hindi tuluyang mapipigilan ng pag-DYOR (doing your own research o pagsasagawa ng sarili mong pananalisik) ang mga pagkalugi sa crypto, makakatulong itong bawasan ang mga panganib.
Panimula
Sa pinakasimple nitong anyo, gumagamit ang pag-farm ng yield ng mga hindi ginagamit na crypto asset para sa kumita ng interes sa crypto. Sa pamamagitan ng mga smart contract, puwedeng ipahiram ng mga may-ari ang kanilang crypto sa iba at makakatanggap sila ng mga reward bilang kapalit. Sa decentralized finance (DeFi) ecosystem, may ilang paraan para para makakuha ng yield mula sa crypto, at ang mga pinakakaraniwan ay:
Pagpapahiram ng mga asset gamit ang isang protocol sa pagpapahiram ng crypto.
Pag-stake ng cryptocurrency sa isang protocol.
Pagiging liquidity provider (LP) para sa isang DeFi protocol (hal. decentralized exchange (DEX)) at pagtanggap ng mga reward sa LP (tingnan ang LP tokens).
Ginagamit ng maraming yield farmer ang isa o higit pa sa mga paraan sa itaas para bumuo ng passive income stream. Gayunpaman, tulad ng iba pang pagkakataon sa DeFi, may mga panganib ang pag-farm ng yield. Gusto mo mang maging yield farmer o interesado ka lang sa mechanics nito, mainam na magsagawa ng due diligence mo.
Mga panganib ng yield farming
Pansamantalang pagkalugi
Malamang na ang pinakakilalang panganib sa pag-farm ng yield at sa mundo ng DeFi sa pangkalahatan ay pansamantalang pagkalugi. Kapag lumahok ang mga may-ari ng crypto sa pag-farm ng yield, kadalasan ay nila-lock nila ang kanilang crypto sa loob ng partikular na yugto, kaya may pagka-liquid na ang mga asset na iyon.
Nagkakaroon ng pansamantalang pagkalugi kapag nagbago ang presyo ng iyong mga token mula sa presyo noong idineposito mo ang mga ito sa pool. Kung mas malaki ang pagbabago, mas malaki ang pagkalugi, anuman ang direksyon ng presyo.
Bagama't posibleng makatulong ang kinikitang bayarin sa pag-farm ng yield na i-offset ang pagkalugi, hindi laging ganito ang sitwasyon at puwede itong magdulot ng malaking panganib. Kung gusto mong matuto pa, basahin ang aming detalyadong paliwanag tungkol sa pansamantalang pagkalugi.
Mga Pag-hack
Kinokontrol ng mga smart contract ang mga DeFi protocol, at dahil sa isang bug sa smart contract, posibleng bumagsak sa zero ang halaga ng isang token. Nadaragdagan ang panganib na ito dahil sa katotohanan na puwedeng samantalahin ng isang mapaminsalang hacker ang bug o isyu sa seguridad para manipulahin ang proyekto.
Mga Scam
Ang isang taong may masasamang intensyon at mga tamang kasanayan ay puwedeng gumawa ng DeFi platform at puwede niya itong palabasing lehitimong site ng pag-farm ng yield. Tutal, lahat ng proyekto ng DeFi ay open-source, transparent, at hindi nangangailangan ng pahintulot, ibig sabihin, kahit sino ay puwedeng kopyahin ang pinagbabatayang code at gumawa ng bagong proyekto. Bagama't kadalasang mas maganda ang reward sa mga unang user, mag-isip ka nang mabuti bago mo iyon gawin, dahil ang malalaking reward ay may kaakibat na malalaking panganib.
Posibleng mas mahirap magsaliksik tungkol sa mga bagong lunsad na platform ng pag-farm ng yield dahil malamang na limitado ang mga review ng user at impormasyon tungkol sa mga ito. Maging partikular na maingat sa mga ganitong platform dahil baka hindi mo ma-withdraw ang mga idineposito mong pondo o ma-claim ang iyong mga reward kahit na magbago ang isip mo pagkatapos mong mag-commit sa nasabing platform.
Matataas na bayarin sa gas
Kapag congested ang isang network, karaniwang humahantong ito sa pagtaas ng bayarin sa gas. Ang mga ganitong pagtaas na hindi pa nangyari dati ay nakakaapekto sa mga yield farmer na may mas kaunting pondo, dahil puwedeng makabawas sa kinita nilang bayarin ang bayarin sa gas. Kahit magpasya silang hayaan ang kanilang mga asset sa pool, puwede pa ring makaapekto sa kanila ang iba pang panganib gaya ng pansamantalang pagkalugi at liquidation.
Mga Karaniwang Paraan para Mag-DYOR
Seguridad
Napakahalagang tiyakin ang seguridad ng pag-farm ng yield at mga DeFi protocol para mapigilan ang mga mapaminsalang pag-atake. Para mabawasan ang panganib ng mga ganitong pag-atake, mahalagang tiyakin na na-audit ng mapagkakatiwalaang source ang code ng smart contract. Maghanap ng mga proyekto ng DeFi na masusing na-audit ang mga smart contract.
Napakaraming proyekto ng DeFi ang nagsisimula sa pamamagitan ng pag-fork mula sa mga matagumpay na DeFi protocol gaya ng UniSwap. Gayunpaman, maraming pumapalya dahil sa mga epekto ng network o kawalan ng liquidity, bukod sa iba pang dahilan. Ang mas malala pa, sadyang ginagawa ang iba bilang mga scam. Halimbawa, ang isang mapanlokong team ay puwedeng gumawa ng fork, sumubok na magdala ng liquidity rito, at pagkatapos ay mawala kasama ang mga bagong kuhang token.
Mahalaga ring malaman ang Total Value Locked (TVL) sa proyekto, na siyang kabuuang halaga na kasalukuyang naka-lock sa protocol. Kung mukhang kaduda-duda ang baba ng TVL, isa itong indicator na mas maliit pang kapital ang naka-lock sa protocol, na nangangahulugan naman na mas mababa ang yield para sa mga farmer.
Token
Nag-aalok ang iba't ibang pool ng iba't ibang pagkakataon para sa iba't ibang asset, kasama na ang mga stablecoin at blue-chip token (ibig sabihin, mga token mula sa mga kilala nang proyekto ng blockchain gaya ng Bitcoin at Ethereum). Puwede ring mamahagi ang mga protocol ng mga sariling token ng mga ito sa mga staker at liquidity provider.
Mahalagang tandaan na puwedeng i-bind ng isang protocol ang token nito sa mga serbisyo nito sa ilang paraan. Halimbawa, puwede nitong gamitin ang token bilang diskarte sa marketing para makahimok ng mas maraming user. Samakatuwid, laging siguraduhin kung anong token ang matatanggap mo mula sa pag-farm ng yield.
Timeline
Kadalasan, nag-aalok ang mga bagong DeFi protocol ng mas matataas na reward sa mga unang user sa pagsisikap na mapataas ang liquidity. Nagsisilbi rin itong insentibo sa pagiging handang sumugal sa pamamagitan ng pamumuhunan o paggamit ng bago o hindi pa nasusubukang produkto o serbisyo.
Gayunpaman, bagama't posibleng humantong ang maagang paggamit sa mas malalaking reward, malaki rin ang panganib dito — posibleng hindi magtagumpay ang protocol ng pag-farm ng yield. Dahil dito, posibleng hindi mabawi ang pera at oras na ipinuhunan.
Dapat pag-isipan nang mabuti ng mga yield farmer ang kanilang mga opsyon at dapat nilang isaalang-alang ang lahat ng salik, pati na rin ang iba pang pagkakataon. Dahil sa posibleng inflation ng token at sa magreresultang pagbaba ng presyo, hindi sustainable para sa mga bagong DeFi protocol na mag-alok ng matataas na reward nang matagal, lalo na kung binibigyan nila ng reward ang mga farmer gamit ang kanilang mga native token.
Team
Kapag nagba-browse ng impormasyon, bantayan ang mga error mula sa pangunahing website ng pag-farm ng yield – puwedeng isaad ng mga pagkakamali na hindi maingat, o mas malala pa, mandaraya ang team. Mainam kung ang website ay maganda ang pagkakadisenyo, walang typo o sirang link at mukhang propesyonal. Isa pang paraan para suriin ang pagkamaaasahan ng isang team ay kung sumasailalim ito sa mga regular na pag-audit na isinagawa ng isang hiwalay na auditor na hindi mula sa team.
Ang isang team ay dapat na balansyado at binubuo ng angkop na kumbinasyon ng mga negosyante, product manager, developer, software engineer, propesyonal sa marketing, at eksperto sa pananalapi. Bonus kung may mga kilalang tagapayo ang proyekto sa board nito.
Kung kaya mo, magsaliksik din tungkol sa mga indibidwal na miyembro ng team. Bilang panimula, tingnan ang kanilang mga social media account para malaman ang tungkol sa mga nakamit nila dati, pati na rin ang kanilang aktibidad sa mga platform gaya ng LinkedIn, GitHub, Reddit, TradingView, o YouTube.
Puwedeng isaad ng paraan ng pakikipag-interact nila sa social media ang kanilang mga kasanayan, karanasan, at impluwensya. Sa pangkalahatan, mas maliit ang posibilidad na nangsa-scam ang isang kilalang team na may magandang reputasyon.
Mga Pangwakas na Pananaw
Posibleng maging praktikal na diskarte sa passive income ang pag-farm ng yield para sa mga sanay na sa epektibong pamamahala ng panganib. Gayunpaman, dahil sa pagka-volatile ng pag-farm ng yield at mga merkado ng crypto sa pangkalahatan, nangangailangan ito ng pagkaalisto, pagsisikap, at panahon para magplano ng mahusay na diskarte sa pag-farm ng yield.
Kung pinag-iisipan mong sumabak sa pag-farm ng yield, magagamit ang mga nabanggit na diskarte bilang pagsisimulan para makontrol ang mga panganib. Dagdag pa rito, dapat kang magsaliksik at magsagawa ng iyong due diligence bago ka mamuhunan sa anumang pinansyal na pagkakataon.
Iba pang Babasahin
Disclaimer at Babala sa Panganib: Ibinibigay sa iyo ang content na ito nang ganito para lang sa mga layunin ng pagbibigay ng pangkalahatang impormasyon at pagtuturo, nang walang kahit anong isinasaad o pinapatunayan. Hindi dapat ito ituring na pinansyal na payo, at hindi rin nito nilalayong irekomenda ang pagbili ng anumang partikular na produkto o serbisyo. Pakibasa ang aming buong disclaimer dito para sa mga karagdagang detalye. Puwedeng maging volatile ang mga presyo ng digital asset. Puwedeng bumaba o tumaas ang halaga ng iyong pamumuhunan at puwedeng hindi mo mabawi ang halagang ipinuhunan. Ikaw lang ang responsable sa iyong mga desisyon sa pamumuhunan at walang pananagutan ang Binance Academy sa anumang pagkaluging puwede mong matamo. Hindi dapat ituring na pinansyal na payo ang materyal na ito. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang aming Mga Tuntunin ng Paggamit at Babala sa Panganib.