TL;DR
Sa pagpapahiram ng crypto, puwedeng manghiram at magpahiram ng mga cryptocurrency ang mga user kapalit ng bayad o interes. Puwede kang makakuha agad ng pautang at magsimulang mamuhunan sa pamamagitan lang ng pagbibigay ng ilang collateral. Puwedeng sa pamamagitan ito ng isang DApp ng pagpapahiram sa DeFi o palitan ng cryptocurrency. Kapag naging mas mababa ang iyong collateral kaysa sa isang partikular na halaga, kakailanganin mo itong dagdagan para umabot ito sa kinakailangang antas para maiwasan ang liquidation. Kapag isinauli mo ang iyong pautang na may dagdag na bayad, maa-unlock ang kapital mo.
Makakakuha ka rin ng mga pautang na walang collateral na kilala bilang mga flash loan, na dapat mong mabayaran sa parehong transaksyon. Kung hindi mo ito magagawa, mare-reverse ang transaksyon ng pagpapahiram bago ito magkaroon ng tsansang ma-finalize. Pinapasimple ng mga pautang sa crypto ang paghiram at pagpapahiram, at lubos na naka-automate ang proseso gamit ang mga smart contract. Para sa marami, isa itong madaling paraan para kumita ng APY sa mga crypto asset na hino-HODL nila o mag-access ng murang credit.
Gayunpaman, tulad na lang ng anumang proyekto, smart contract, o pamumuhunan sa blockchain, may panganib din sa pananalapi sa pagpapahiram ng crypto. Halimbawa, kung gagamit ka ng volatile na coin bilang collateral, puwede kang ma-liquidate sa magdamag. Puwede ring i-hack, atakihin, o samantalahin ang mga smart contract, na madalas na humahantong sa malalaking pagkalugi.
Bago manghiram o magpahiram, dapat mong maunawaan na mawawala sa kustodiya mo ang iyong mga coin. Dahil dito, mawawala ang mga ito sa iyong kontrol at mababawasan ang liquidity mo. Tandaan ang lahat ng tuntunin at kondisyon ng pautang para maunawaan kung kailan mo maa-access ang iyong mga pondo at ang anumang bayaring kasama. Puwede kang magsimulang kumuha ng mga pautang gamit ang iyong account sa Binance ngayon sa pamamagitan ng pagpunta sa page na
Mga Pautang sa Crypto.
Kapag pinag-isipan mo ang mga kita at pagkalugi sa crypto, puwedeng pumasok sa isip mo ang mga volatile na presyo at abalang merkado. Pero hindi lang iyon ang paraan para kumita sa blockchain. Ang pagpapahiram ng crypto ay isang madaling i-access na serbisyo kung saan mo mapapahiram ang iyong mga pondo nang may mababa-babang panganib. Sa kabilang banda, madali ka ring magkakaroon ng access sa mga hiniram na digital asset sa mabababang rate ng interes. Kadalasang mas diretsahan, epektibo, at mura sa crypto ang pagkuha at pagbibigay ng mga pautang, kaya naman isa itong opsyong sulit tuklasin para sa magkabilang partido sa isang pautang.
Gumagana ang pagpapahiram ng crypto sa pamamagitan ng pagkuha ng
crypto mula sa isang user at pagbibigay nito sa isa pa nang may bayad. Nagbabago ang eksaktong paraan ng pamamahala sa pautang sa bawat platform. Makakakita ka ng mga serbisyo sa pagpapahiram ng crypto sa mga sentralisado at desentralisadong platform, pero hindi nagbabago ang mga pangunahing prinsipyo.
Hindi mo rin kailangang manghiram lang. Puwede kang kumita sa passive na paraan at makakuha ng interes sa pamamagitan ng pag-lock ng iyong crypto sa isang pool na namamahala sa mga pondo mo. Depende sa pagkamaaasahan ng ginagamit mong
smart contract, karaniwang maliit lang ang panganib na mawala ang iyong mga pondo. Posibleng dahil ito sa nagbibigay ng collateral ang nanghihiram, o isang platform ng CeFi (centralized finance) gaya ng Binance ang namamahala sa pautang.
Kadalasang tatlong partido ang kasali sa pagpapahiram ng crypto: ang nagpapahiram, ang nanghihiram, at isang platform ng DeFi (Decentralized Finance) o palitan ng crypto. Kadalasan, dapat magbigay ng ilang
collateral ang kumukuha ng pautang bago siya manghiram ng anumang crypto. Puwede ka ring gumamit ng mga flash loan nang walang collateral (may higit pang detalye tungkol dito sa ibaba). Sa kabilang panig ng pautang, posibleng mayroon kang smart contract na nagmi-mint ng mga
stablecoin o isang platform na nagpapahiram ng mga pondo mula sa ibang user. Idaragdag ng mga nagpapahiram ang kanilang crypto sa isang pool na mamamahala naman sa buong proseso at magpapasa sa kanila ng parte ng interes.
Mga flash loan
Nagbibigay-daan sa iyo ang mga
flash loan na manghiram ng mga pondo nang hindi nangangailangan ng collateral. Ang pangalan nito ay dahil sa pagbibigay at pagbabayad sa pautang sa iisang
block. Kung hindi maisasauli ang halaga ng pautang nang may dagdag na interes, makakansela ang transaksyon bago ito ma-validate sa isang block. Ibig sabihin nito, hindi nangyari ang pautang, dahil hindi ito kinumpirma at idinagdag sa chain. Kinokontrol ng smart contract ang buong proseso, kaya hindi kailangan ng interaksyon ng tao.
Para makagamit ng flash loan, kailangan mong kumilos nang mabilis. Sa kinakailangang ito papasok ulit ang mga smart contract. Sa lohika ng smart contract, puwede kang gumawa ng top-level na transaksyon na may mga sub-transaction. Kung may anumang sub-transaction, hindi lulusot ang top-level na transaksyon.
Tumingin tayo ng halimbawa. Isipin ang isang token na nagte-trade sa halagang $1.00 (USD) sa
liquidity pool A at $1.10 sa liquidity pool B. Gayunpaman, wala pang pondong pambili ng mga token mula sa unang pool para ibenta sa pangalawa. Kaya puwede mong subukang gumamit ng flash loan para kumpletuhin itong pagkakataon sa
arbitrage sa isang block. Halimbawa. Isipin na ang pangunahin nating transaksyon ay maglalabas ng 1,000 BUSD na flash loan mula sa isang platform ng DeFi at magbabayad nito. Pagkatapos, puwede natin itong hati-hatiin sa mas maliliit na sub-transaction:
1. Ililipat sa iyong wallet ang mga hiniram na pondo.
2. Bibili ka ng $1,000 na halaga ng crypto mula sa liquidity pool A (1,000 token).
3. Ibebenta mo ang 1,000 token sa halagang $1.10, na magbibigay sa iyo ng $1,100.
4. Ililipat mo sa smart contract ng flash loan ang pautang na dinagdagan ng bayad sa paghiram.
Kung hindi maipapatupad ang alinman sa mga sub-transaction na ito, kakanselahin ng nagpapahiram ang pautang bago ito mangyari. Gamit ang paraang ito, puwede kang kumita sa mga flash loan nang hindi ka nanganganib o hindi nanganganib ang iyong collateral. Kasama sa mga classic na pagkakataon para sa mga flash loan ang mga pag-swap ng collateral at arbitrage ng presyo. Gayunpaman, sa chain mo lang magagamit ang iyong flash loan, dahil malalabag ang panuntunang isang transaksyon kung maglilipat ka ng mga pondo sa ibang chain.
Mga pautang na ginagamitan ng collateral
Sa pautang na ginagamitan ng collateral, nagkakaroon ng mas maraming oras ang nanghihiram para gamitin ang kanyang mga pondo kapalit ng pagbibigay ng collateral. Isang halimbawa ang
MakerDAO, dahil puwedeng magbigay ng iba't ibang crypto ang mga user para suportahan ang mga pautang nila. Dahil volatile ang crypto, malamang na magkakaroon ka ng mababang ratio ng loan-to-value (LTV), gaya ng 50%, bilang halimbawa. Ibig sabihin ng numerong ito, ang iyong pautang ay magiging kalahati lang ng halaga ng collateral mo. Nagbibigay-daan ang pagkakaibang ito sa halaga ng collateral kung bababa ito. Kapag naging mas mababa ang iyong collateral kaysa sa halaga ng pautang o iba pang partikular na halaga, ibebenta o ililipat sa nagpapahiram ang mga pondo.
Halimbawa, sa 50% LTV na pautang na $10,000 BUSD, kakailanganin mong magdeposito ng $20,000 (USD) na halaga ng ether (ETH) bilang collateral. Kung magiging mas mababa ang halaga kaysa sa $20,000, kakailanganin mong magdagdag pa ng mga pondo. Kung magiging mas mababa ito kaysa sa $12,000,
mali-liquidate ka, at maibabalik sa nagpapahiram ang mga pondo niya.
Kapag kumuha ka ng pautang, kadalasang makakatanggap ka ng mga kaka-mint lang na stablecoin (gaya ng DAI) o crypto na ipinahiram ng isang tao. Idedeposito ng mga nagpapahiram ang kanilang mga asset sa isang smart contract na puwede ring mag-lock ng mga pondo nila sa loob ng partikular na panahon. Kapag nasa iyo na ang mga pondo, malaya kang gawin ang kahit anong gusto mo sa mga ito. Gayunpaman, kakailanganin mong dagdagan ang iyong collateral ayon sa pagbabago sa presyo nito para matiyak na hindi ito mali-liquidate.
Kung magiging masyadong mataas ang iyong ratio ng LTV, baka kailangan mo ring magbayad ng multa. Papamahalaan ng isang smart contract ang proseso, kaya magiging transparent at epektibo ito. Kapag nabayaran na ang iyong pautang at ang anumang interes na kailangan mong bayaran, mababawi mo ang iyong collateral.
Ang mga pautang sa crypto ay ilan taon nang mga karaniwang ginagamit na tool sa mundo ng DeFi. Pero sa kabila ng kasikatan ng mga ito, may ilang kahinaan. Siguraduhing magiging balansyado ang pagtingin mo bago ka magpasyang mag-eksperimento sa pagpapahiram o paghiram:
Mga benepisyo
1. Madaling i-access na kapital. Ang mga pautang sa crypto ay ibinibigay sa sinumang makakapagbigay ng collateral o makakapagsauli ng mga pondo sa isang flash loan. Dahil sa katangiang ito, mas madali itong makuha kaysa sa pautang mula sa tradisyonal na pinansyal na institusyon, at hindi kailangan ng credit check.
2. Mga smart contract ang namamahala ng mga pautang. Ino-automate ng isang smart contract ang buong proseso, kaya naman mas epektibo at napapalawak ang pagpapahiram at paghiram.
3. Simpleng magkaroon ng passive na kita sa kaunting trabaho. Puwedeng ilagay ng mga
nagho-HODL ang kanilang crypto sa isang vault at magsisimula silang kumita ng APY nang hindi kinakailangang sila mismo ang mamahala sa pautang.
Mga kahinaan
1. Mataas na panganib na ma-liquidate depende sa iyong collateral. Kahit sa mga lubos na over-collateralized na pautang, puwedeng biglang bumagsak at humantong sa liquidation ang mga presyo ng crypto.
2. Puwedeng maging madaling atakihin ang mga smart contract. Sa code na hindi maganda ang pagkakasulat at mga back-door exploit, puwedeng mawala ang mga inutang mong pondo o ang iyong collateral.
3. Sa paghiram at pagpapahiram, puwedeng tumaas ang panganib ng iyong portfolio. Bagama't magandang ideya ang pag-diversify ng iyong portfolio, magkakaroon ng mga dagdag na panganib kung gagawin mo iyon sa pamamagitan ng mga pautang.
Sa paggamit ng pinagkakatiwalaang platform ng paghiram at mga stable na asset bilang collateral, magkakaroon ka ng pinakamagandang tsansang matagumpay sa pautang sa crypto. Pero bago ka magmadaling magpahiram o manghiram, pag-isipan mo rin ang mga sumusunod na tip:
1. Maunawaan ang mga panganib ng pagpapasa ng kustodiya ng iyong mga crypto coin. Pag-alis ng mga coin sa iyong wallet, kakailanganin mong ipagkatiwala sa iba (o sa isang smart contract) ang pangangasiwa sa mga ito. Puwedeng maging mga target ng mga pag-hack at scam ang mga proyekto, at sa ilang sitwasyon, baka hindi agad ma-access para ma-withdraw ang mga coin mo.
2. Pag-isipan ang mga kondisyon sa merkado bago mo ipahiram ang iyong crypto. Puwedeng ma-lock ang iyong mga coin sa loob ng isang partikular na panahon, kaya imposibleng mag-react sa mga downturn ng merkado ng crypto. Puwede ring maging delikado ang pagpapahiram o paghiram sa bagong platform, at baka mas maigi pang maghintay ka hanggang sa mas marami nang nagtitiwala rito.
3. Basahin ang mga tuntunin at kondisyon ng pautang. Napakaraming mapagpipilian kung saan puwedeng kumuha ng mga loan. Dapat kang maghanap ng mas magagandang rate ng interes at mabubuting tuntunin at kondisyon.
Aave
Ang Aave ay isang protocol ng DeFi na batay sa Ethereum na nag-aalok ng iba't ibang pautang sa crypto. Puwede kang magpahiram at manghiram, at pumasok sa mga liquidity pool at mag-access ng iba pang serbisyo ng DeFi. Baka ang Aave ang pinakasikat dahil sa ginawa nito sa pagpapasikat ng mga flash loan. Para magpahiram ng mga pondo, idedeposito mo ang iyong mga token sa Aave at makakatanggap ka ng mga aToken. Magsisilbi itong resibo mo, at nakadepende sa ipapahiram mong crypto ang kikitain mong interes.
Abracadabra
Ang Abracadabra ay isang proyekto ng DeFi sa maraming chain na nagbibigay-daan sa mga user na i-stake ang kanilang mga token na may interes bilang collateral. Nakakakuha ng mga token na may interes ang mga user kapag nagdeposito sila ng kanilang mga pondo sa isang pool ng pagpapahiram o
yield optimizer. Kapag humawak ka ng token, magkakaroon ka ng access sa iyong orihinal na deposito at sa kinitang interes.
Puwede mo pang i-unlock ang halaga ng iyong mga token na may interes sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito bilang collateral para sa pautang sa stablecoin na Magic Internet Money (MIM). Isang diskarte ang pagdeposito ng mga stablecoin sa isang smart contract para sa pag-farm ng yield at pagkatapos ay paggamit sa mga token na may interes para bumuo ng MIM. Hangga't hindi nakakaranas ng volatility ang iyong mga stablecoin, mananatiling mababa ang tsansang ma-liquidate ka.
Binance
Maliban sa mga serbisyo ng palitan nito, nag-aalok ang Binance ng iba't iba pang pampinansyal na produkto ng crypto kung saan puwedeng magpahiram, manghiram, at magkaroon ng
passive na kita ang mga user. Kung ayaw mong mag-access ng mga DApp at mamahala ng DeFi
wallet nang mag-isa, posibleng di-hamak na mas madali ang opsyong CeFi (centralized finance). Nagbibigay ang Binance ng access sa mga simpleng pautang na may crypto collateral sa maraming token at coin, kasama na ang Bitcoin (BTC), ETH, at BNB. Ang mga pondo para sa mga pautang na ito ay nagmumula sa mga user ng Binance na gustong kumita ng interes sa crypto na hino-HODL nila.
Madali kang makakahiram ng crypto nang direkta mula sa iyoung account sa Binance. Una, mag-log in at pumunta sa page na
Mga Pautang sa Crypto page.
1. Ilagay ang halaga at crypto na gusto mong hiramin.
2. Piliin ang asset na gusto mong ibigay bilang collateral. Ang halagang kailangan mong ibigay ay lalabas sa field na ito batay sa Inisyal na LTV na makikita sa panel sa kanan.
3. Piliin ang tagal ng panahon kung kailan mo gustong hiramin ang asset.
4. I-click ang [Simulan ang Paghiram Ngayon] kapag kuntento ka na sa mga detalye ng iyong pautang.
Kapag ginawa ito sa responsableng paraan, nagbibigay ng halaga ang mga platform ng pagpapahiram ng crypto sa nanghihiram at nagpapahiram. May isa na namang opsyon ang mga nagho-HODL para magkaroon ng passive na kita, at maa-unlock ng mga namumuhunan ang potensyal ng kanilang mga pondo sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito bilang collateral. Proyekto ng DeFi o CeFi man ang pipiliin mo para pamahalaan ang iyong mga pautang, unawain ang mga tuntunin at kondisyong kasama at siguraduhing isasapriyoridad mo ang paggamit ng pinagkakatiwalaang platform. Mas pinadali na ng teknolohiya ng blockchain na mag-access at magbigay ng credit, kaya naman ang mga pautang sa crypto ay isang makapangyarihang tool para sa mga interesado.