TL;DR
Ibinibigay ang mga liquidity pool token (kung minsan ay kilala bilang mga liquidity provider token) sa mga user na nagbibigay ng liquidity sa mga liquidity pool. Nagsisilbi ang mga token na ito bilang resibo, na nagbibigay-daan sa iyong i-claim ang orihinal mong stake at ang kinitang interes.
Magagamit mo rin ang iyong mga LP token para mag-compound ng interes sa isang farm ng yield, kumuha ng mga pautang sa crypto, o ilipat ang pagmamay-ari sa naka-stake na liquidity. Gayunpaman, mahalagang maunawaan na hindi mo talaga pagmamay-ari ang nauugnay na liquidity kapag isinuko mo ang kustodiya ng iyong mga LP token.
Panimula
Bagama't alam ng karamihan ng mga user ng DeFi ang tungkol sa mga liquidity pool, kadalasang sa huli na naiisip ang mga LP token. Gayunpaman, ang mga crypto asset na ito ay may mga sariling mapaggagamitan maliban sa pag-unlock sa ibinigay mong liquidity. Kaya naman, bagama't may mga panganib sa paggamit sa iyong mga LP token sa iba pang application, may mga posibleng diskarte para makakuha ng mas malaki pang value sa mga natatanging asset na ito.
Ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ng liquidity?
Sa pinakapangunahing antas nito, ang liquidity ay ang kakayahang mag-trade ng asset sa madaling paraan nang hindi nagdudulot ng malalaking pagbabago sa presyo. Halimbawa, ang cryptocurrency na katulad ng Bitcoin (BTC) ay isang napaka-liquid na asset. Puwede mo itong i-trade sa libo-libong palitan sa halos anumang halaga nang hindi aktibong naaapektuhan ang presyo nito. Gayunpaman, hindi bawat token ay masuwerte para magkaroon ng ganitong antas ng liquidity.
Pagdating sa mga proyekto sa decentralized finance (DeFi) at mas maliliit na proyekto, puwedeng maging mababa ang liquidity. Halimbawa, posibleng sa isang palitan lang available ang coin. Posibleng mahirap din para sa iyo na makahanap ng mamimili o nagbebenta na tutugma sa iyong order. Puwedeng maging solusyon sa problemang ito ang modelo ng liquidity pool (na kung minsan ay kilala bilang pagmimina ng liquidity).
Ang liquidity pool ay may dalawang asset kung saan puwedeng mag-swap ang mga user. Hindi kailangan ng mga market maker, taker, o ng order book, at ang presyo ay tinutukoy ng ratio ng mga asset sa pool. Ang mga user na magdedeposito ng pares ng mga token sa pool para mabigyang-daan ang pag-trade ay kilala bilang mga liquidity provider. Naniningil ang mga ito ng maliit na bayad para sa mga user na magsa-swap gamit ang kanilang mga token.
Kaya bagama't ang ibig sabihin ng pagbibigay ng liquidity ay iaalok mo ang iyong mga asset sa isang merkado, ang malinaw nating pinag-uusapan ay mga liquidity pool ng DeFi sa sitwasyon ng mga LP token.
Tandaan na dahil lang may liquidity pool para sa isang pares ng asset, hindi iyon nangangahulugan na malaki ang liquidity. Gayunpaman, lagi kang makakapag-trade gamit ang pool at hindi mo kakailanganing umasa sa pagtugma ng isang tao sa isang order
Paano gumagana ang mga liquidity pool (LP) token?
Pagkatapos magdeposito ng isang pares ng mga token sa isang liquidity pool, makakatanggap ka ng mga LP token bilang "resibo". Isinasaad ng iyong mga LP token ang iyong bahagi sa pool at nagbibigay-daan sa iyo ang mga ito na mabawi ang iyong deposito, pati na ang anumang interes na kinita. Samakatuwid, nakadepende sa paghawak sa iyong mga LP token ang bahagi ng kaligtasan at seguridad ng iyong deposito. Kung mawawala mo ang mga ito, mawawala sa iyo ang bahagi mo.
Makikita mo ang iyong mga LP token sa wallet na ginamit mo noong nagbigay ka ng liquidity. Baka kailangan mong idagdag ang address ng smart contract ng LP token para makita mo ito sa iyong crypto wallet. Puwedeng ilipat-lipat sa mga wallet ang karamihan ng mga LP token sa ecosystem ng DeFi, kaya naililipat ang pagmamay-ari. Gayunpaman, lagi ka dapat magtanong sa liquidity pool service provider, dahil hindi laging ganito ang sitwasyon. Sa isang pagkakataon, puwedeng magdulot ng permanenteng pagkawala ng ibinigay na liquidity ang paglilipat ng mga token.
Saan ako makakakuha ng mga liquidity pool token?
Ibinibigay lang ang mga LP token sa mga liquidity provider. Para makatanggap nito, kailangan mong gumamit ng DeFi DApp para magbigay ng liquidity, gaya ng PancakeSwap o Uniswap. Pangkaraniwan ang sistema ng LP token sa maraming blockchain, platform ng DeFi, automated market maker (AMM), at decentralized exchange (DEX).
Gayunpaman, kung gagamit ka ng mga serbisyo ng liquidity pool sa setting ng centralized finance (CeFi) sa anumang palitan, malamang na hindi ka makakatanggap ng mga LP token. Sa halip, papanatilihin ito sa kustodiya ng custodial service provider.
Kadalasan, ang pangalan ng iyong LP token ay ang pangalan ng dalawang token kung saan ka magbibigay ng liquidity. Halimbawa,ang CAKE at BNB na ibibigay sa isang liquidity pool sa PancakeSwap ay magbibigay sa iyo ng BEP-20 token na tinatawag na CAKE-BNB LP. Sa Ethereum, karaniwang mga ERC-20 token ang mga LP token.
Ano ang magagawa ko sa mga liquidity pool (LP) token?
Bagama't parang resibo ang mga LP token, hindi lang iyon ang magagawa mo sa mga ito. Sa DeFi, laging may pagkakataong gamitin ang iyong mga asset sa maraming platform at magpatong-patong ng mga serbisyo na parang lego.
Gamitin ang mga ito bilang transfer of value
Baka ang pinakasimpleng mapaggagamitan para sa mga LP token ay ang paglilipat ng pagmamay-ari ng nauugnay na liquidity ng mga ito. Ang ilang LP token ay nauugnay sa mga partikular na address ng wallet, pero nagbibigay-daan ang ilan sa libreng paglilipat ng mga token. Halimbawa, puwede kang magpadala ng mga BNB-wBNB LP token sa isang taong puwedeng mag-alis ng BNB at wBNB sa liquidity pool.
Gayunpaman, mahirap gawin nang manu-mano ang pagkalkula sa eksaktong dami ng mga token na mayroon ka sa pool. Sa ganitong sitwasyon, puwede kang gumamit ng DeFi calculator para kalkulahin ang halaga ng mga naka-stake na token na nauugnay sa iyong mga LP token.
Gamitin ang mga ito bilang collateral sa isang pautang
Dahil nagbibigay ng pagmamay-ari ng pinagbabatayang asset ang iyong mga LP token, may magandang mapaggagamitan sa mga ito bilang collateral. Halimbawa, kung magbibigay ka ng BNB, ETH, o BTC bilang collateral para sa pautang sa crypto, sa ilang platform, puwede mong ialok ang iyong mga LP token bilang collateral. Kadalasan, magbibigay-daan ito sa iyong manghiram ng stablecoin o iba pang asset na may malaking cap sa merkado.
Sa mga ganitong sitwayson, sobra ang ibinigay na collateral para sa pautang. Kung hindi ka makasabay sa isang partikular na ratio ng collateral, gagamitin ng nagpapahiram ang iyong mga LP token para i-claim ang mga pinagbabatayang asset at i-liquidate ang mga iyon.
I-compound ang yield ng mga ito
Isa sa mga pinakakaraniwang bagay na puwedeng gawin sa iyong mga LP token ay ideposito ang mga ito sa isang yield compounder (na kung minsan ay kilala bilang farm ng yield). Kukunin ng mga serbisyong ito ang iyong mga LP token, regular nilang kukunin ang mga reward, at bibili sila ng mas marami pa ng pares ng token. Pagkatapos, ise-stake ulit ng compounder ang mga ito sa liquidity pool, na magbibigay-daan sa iyong i-compound ang interes mo.
Bagama't puwedeng gawin nang manu-mano ang proseso, kadalasan, mas mahusay na nagko-compound ang isang farm ng yield kaysa sa mga taong user. Puwedeng paghati-hatian ng mga user ang mahal na bayarin sa transaksyon, at puwedeng mag-compound nang maraming beses sa isang araw, depende sa diskarte.
Ano ang mga panganib ng mga LP token?
Tulad na lang sa anupamang token, may mga panganib na nauugnay sa mga LP token. Kabilang dito ang mga sumusunod:
1. Pagkawala o pagnanakaw: Kung mawawala mo ang iyong LP token, mawawala mo ang iyong bahagi sa liquidity pool at ang anumang kinitang interes.
2. Pagpalya ng smart contract: Kung makokompromiso ang liquidity pool na gagamitin mo dahil sa pagpalya ng smart contract, hindi na maibabalik sa iyo ng mga LP token mo ang iyong liquidity. Gayundin, kung ise-stake mo ang iyong mga LP token sa isang farm ng yield o provider ng pautang, puwede ring pumalya ang mga smart contract nila.
3. Hirap sa pag-alam kung ano ang kinakatawan ng mga ito: Kapag tinitingnan mo ang iyong mga LP token, halos imposibleng hulaan kung magkano mismo ang halaga ng mga ito. Kung magiging malayo sa isa't isa ang mga token ng presyo, makakaranas ka rin ng pansamantalang pagkalugi. Mayroon ka ring interes na isasaalang-alang. Sa mga bagay na ito na wala pang katiyakan, posibleng mahirap magpasya nang batay sa kaalaman kapag lalabas ka sa iyong posisyon ng liquidity.
4. Panganib sa pagkakataon: Sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong mga token bilang liquidity, may kasamang kaugnay na gastos sa pagkakataon. Sa ilang sitwasyon, baka mas mainam pa kung ipuhunan mo ang iyong mga token sa iba o gamitin mo ang mga ito sa ibang pagkakataon.
Mga pangwakas na pananaw
Sa susunod na magbibigay ka ng liquidity sa crypto sa isang pool ng liquidity sa isang protocol ng DeFi, magandang pag-isipan kung gusto mo rin bang gamitin ang iyong mga LP token. Posibleng unang parte pa lang ng diskarte sa DeFi ang pagdeposito sa isang liquidity pool. Kaya maliban sa pag-HODL lang, tingnan ang iyong mga plano sa pamumuhunan at tolerance para makapagpasya ka kung angkop ba sa iyo ang iba pang pamumuhunan sa hinaharap.