Mga Nilalaman
Bago natin pag-usapan kung ano ang golden cross at death cross, kailangan nating maunawaan kung ano ang
moving average (MA). Sa madaling salita, isa itong linyang naka-plot sa chart ng presyo na sumusukat sa average na presyo ng asset sa isang partikular na tagal ng panahon. Halimbawa, susukatin ng 200 araw na moving average ang average na presyo ng asset sa loob ng nakaraang 200 araw. Kung gusto mo pang magbasa tungkol sa mga moving average, mayroon kaming artikulo tungkol sa mga iyon:
Paliwanag Tungkol sa Mga Moving Average.
Ano ang golden cross at death cross, at paano ito magagamit ng mga trader sa kanilang
diskarte sa pag-trade?
Ang
golden cross (o golden crossover) ay isang
pattern ng chart kung saan may panandaliang moving average na nagkukrus nang pataas sa isang pangmatagalang moving average. Kadalasan, ginagamit ang 50 araw na MA bilang panandaliang average, at ginagamit ang 200 araw na MA bilang pangmatagalang average. Gayunpaman, hindi lang ito ang tanging paraan para pag-isipan ang golden crossover. Puwede itong mangyari sa anumang tagal ng panahon, at ang pangunahing ideya ay nagkukrus ang panandaliang average sa pangmatagalang average.
Kadalasan, nangyayari ang golden cross sa tatlong yugto:
- Ang panandaliang MA ay mas mababa kaysa sa pangmatagalang MA sa isang downtrend.
- Mababaliktad ang trend, at magkukrus ang panandaliang MA nang pataas sa pangmatagalang MA.
- May magsisimulang uptrend kung saan nananatiling mas mataas ang panandaliang MA kaysa sa pangmatagalang MA.
Isang golden cross na nagsasaad ng bagong uptrend sa Bitcoin.
Sa maraming sitwasyon, posibleng ituring na
bullish signal ang golden cross. Bakit? Simple ang ideya. Alam nating sinusukat ng moving average ang average na presyo ng isang asset sa tagal na pina-plot nito. Batay rito, kapag mas mababa ang panandaliang MA kaysa sa pangmatagalang MA, ibig sabihin nito,
bearish ang panandaliang pagkilos ng presyo kumpara sa pangmatagalang pagkilos ng presyo.
Ngayon, ano ang mangyayari kapag nagkrus ang panandaliang average nang pataas sa pangmatagalang average? Mas tataas ang panandaliang average na presyo kaysa sa pangmatagalang average na presyo. Isinasaad nito na magkakaroon ng potensyal na pagbabago sa direksyon ng
trend sa merkado, at ito ang dahilan kaya itinuturing na bullish ang golden cross.
Sa karaniwang interpretasyon, sa golden cross, nagkukrus ang 50 araw na MA nang pataas sa 200 araw na MA. Gayunpaman, ang pangkalahatang ideya sa golden cross, nagkukrus ang panandaliang moving average sa pangmatagalang moving average. Batay rito, puwede ring magkaroon ng mga golden cross sa iba pang tagal ng panahon (15 minuto, 1 oras, 4 na oras, atbp.). Gayunpaman, malamang na mas maaasahan ang mas mahahabang tagal ng panahon kaysa sa mga signal ng mas maiikling tagal ng panahon.
Sa ngayon, tiningnan natin ang golden cross gamit ang tinatawag na
simple moving average (SMA). Gayunpaman, may isa pang sikat na paraan para magkalkula ng moving average na tinatawag na
exponential moving average (EMA). Ibang formula ang ginagamit nito na mas nagbibigay-diin sa mas kamakailang pagkilos ng presyo.
Magagamit din ang mga EMA para maghanap ng mga bullish at bearish crossover, kasama na ang golden cross. Dahil mas mabilis tumugon ang mga EMA sa mga kamakailang paggalaw ng presyo, posibleng hindi masyadong mapagkakatiwalaan at magbigay ng higit pang maling signal ang mga ginagawa nitong crossover signal. Gayunpaman, sikat ang mga EMA crossover sa mga trader bilang tool para sa pagtukoy ng mga reversal ng trend.
Sa pangkalahatan, ang death cross ay kabaliktaran ng golden cross. Isa itong pattern ng chart kung saan nagkukrus ang pansamantalang MA nang pababa sa pangmatagalang MA. Halimbawa, nagkrus ang 50 araw na MA nang pababa sa 200 araw na MA. Dahil dito, karaniwang itinuturing na
bearish signal ang death cross.
Kadalasan, nangyayari ang death cross sa tatlong yugto:
- Ang panandaliang MA ay mas mataas kaysa sa pangmatagalang MA sa isang uptrend.
- Mababaliktad ang trend, at magkukrus ang panandaliang MA nang pababa sa pangmatagalang MA.
- May magsisimulang downtrend kung saan nananatiling mas mababa ang panandaliang MA kaysa sa pangmatagalang MA.
Isang death cross na nagkukumpirma ng downtrend sa Bitcoin.
Ngayong nauunawaan na natin kung ano ang golden cross, madali nang maunawaan kung bakit bearish signal ang death cross. Nagkukrus ang panandaliang average nang pababa sa pangmatagalang average, na nagsasaad ng bearish na pananaw sa merkado.
Nagbigay ng bearish signal ang death cross bago nangyari ang malalaking
pagbagsak ng ekonomiya sa kasaysayan, gaya noong
1929 o
2008. Gayunpaman, posible rin itong magbigay ng mga maling signal, halimbawa, noong 2016.
Maling crossover signal ng death cross sa SPX noong 2016.
Gaya ng nakikita mo sa halimbawa, nagpakita ng death cross ang merkado, para lang bumalik sa uptrend at magpakita ng golden cross hindi nagtagal pagkatapos noon.
Pareho na nating natalakay ang mga ito, kaya hindi mahirap maintindihan ang pinagkaiba ng dalawa. Sa pangkalahatan, ang mga ito ang kabaliktaran ng isa't isa. Puwedeng ituring na bullish signal ang golden cross, habang ang death cross naman ay bearish signal.
Mahalaga ring tandaan na mga
lagging indicator ang mga moving average at walang kapangyarihang manghula ang mga ito. Ibig sabihin, ang dalawang crossover ay karaniwang magbibigay ng matinding kumpirmasyon ng reversal ng trend na
nangyari na – hindi reversal na nangyayari pa.
May pagkadiretsahan ang pangunahing ideya sa likod ng mga pattern na ito. Kung alam mo kung paano ginagamit ng mga trader ang
MACD, madali mong mauunawaan kung paano i-trade ang mga crossover signal na ito.
Kapag pinag-uusapan natin ang karaniwang golden cross at death cross, karaniwang tinitingnan natin ang pang-araw-araw na chart. Kaya, posibleng isang simpleng diskarte ang pagbili sa golden cross at pagbebenta sa death cross. Sa katunayan, naging matagumpay sana itong diskarte para sa
Bitcoin nitong nakaraang ilang taon – bagama't nagkaroon ng maraming maling signal. Dahil ito, karaniwang hindi lang basta na lang pagsunod sa isang signal ang pinakamagandang diskarte. Kaya baka gusto mong magsaalang-alang ng iba pang salik pagdating sa mga technique sa market analysis.
Nakabatay sa pagkrus ng mga pang-araw-araw na MA ang diskarte sa crossover na binanggit sa itaas. Pero paano naman ang iba pang yugto ng panahon? Nagkakaroon din ng mga golden cross at death cross, at masusulit ang mga ito ng mga trader.
Gayunpaman, tulad sa karamihan ng mga technique sa chart analysis, mas malakas ang mga signal sa mas mahahabang tagal ng panahon kaysa sa mga signal sa mas maiikling tagal ng panahon. Posibleng nagkakaroon ng golden cross sa lingguhang tagal ng panahon habang nakatingin ka sa death cross na nangyayari sa orasang tagal ng panahon. Kaya naman laging kapaki-pakinabang na mag-zoom out at tingnan ang sitwasyon nang mas malawakan sa chart, nang isinasaalang-alang ang maraming reading.
Isang bagay na hahanapin din ng maraming trader kapag nagte-trade ng mga golden cross at death cross ang
dami ng pag-trade. Tulad sa iba pang chart ng pattern, posibleng maging matibay na tool ng kumpirmasyon ang dami. Dahil dito, kapag may kasamang pagtaas ng volume ang isang crossover signal, maraming trader ang mas magkakaroon ng kumpiyansa na valid ang isang signal.
Kapag nagkaroon ng golden cross, puwedeng ituring ang pangmatagalang moving average bilang potensyal na bahagi ng
support. Sa kabaliktaran, kapag nagkaroon ng death cross, puwede itong ituring na potensyal na bahagi ng
resistance.
Puwede ring i-crosscheck ang mga crossover signal sa mga signal mula sa iba pang
teknikal na indicator para maghanap ng
confluence. Pinagsasama-sama ng mga confluence trader ang maraming signal at indicator sa isang
diskarte sa pag-trade sa pagsubok na gawing mas maaasahan ang mga signal ng pag-trade.
Natalakay na natin ang ilan sa mga pinakasikat na crossover signal – ang golden cross at ang death cross.
Sa golden cross, may panandaliang moving average na nagkukrus nang pataas sa pangmatagalang moving average. Sa death cross, may panandaliang MA na nagkukrus nang pababa sa pangmatagalang MA. Parehong puwedeng gamitin ang mga ito bilang mga maaasahang tool para sa pagkumpirma ng mga pangmatagalang reversal ng trend, sa stock market man,
forex, o
cryptocurrency.
Mayroon ka pa bang mga tanong tungkol sa pag-trade ng mga crossover signal gaya ng golden cross at death cross? Tingnan ang aming platform ng Q&A, ang
Ask Academy, kung saan sasagutin ng komunidad ang iyong mga tanong sa pag-trade.