Paano Kalkulahin ang Laki ng Posisyon sa Pag-trade
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Paano tukuyin ang laki ng account
Paano tukuyin ang panganib ng account
Paano tukuyin ang panganib sa trade 
Paano kalkulahin ang laki ng posisyon
Mga pangwakas na pananaw
Paano Kalkulahin ang Laki ng Posisyon sa Pag-trade
Home
Mga Artikulo
Paano Kalkulahin ang Laki ng Posisyon sa Pag-trade

Paano Kalkulahin ang Laki ng Posisyon sa Pag-trade

Baguhan
Na-publish May 6, 2020Na-update Nov 11, 2022
6m

Panimula

Gaano man kalaki ang iyong portfolio, kakailanganin mong magsagawa ng angkop na pamamahala sa panganib. Kung hindi, baka mabilis mong mapabagsak ang account mo at magtamo ka ng malalaking pagkalugi. Puwedeng mawala ang ilang linggo o maging ang ilang buwan ng pag-usad dahil sa isang trade na hindi maayos na napamahalaan.
Isang mahalagang layunin pagdating sa pag-trade o pamumuhunan ang pag-iwas na magdesisyon batay sa emosyon. Dahil may sangkot na panganib sa pananalapi, malaki ang magiging gampanin ng emosyon. Kailangan mo itong makontrol para hindi ito makaapekto sa iyong mga desisyon sa pag-trade at pamumuhunan. Kaya naman kapaki-pakinabang na bumuo ng mga hanay ng mga panuntunang puwede mong sundin kapag nagsasagawa ka ng iyong mga aktibidad sa pamumuhunan at pag-trade.
Tawagin nating sistema ng pag-trade mo ang mga panuntunang ito. Ang layunin ng sistemang ito ay pamahalaan ang panganib, pero kasinghalaga nito, tulungang alisin ang mga hindi kinakailangang pagdedesisyon. Sa ganitong paraan, pagdating ng panahon, hindi ka papayagan ng iyong sistema ng pag-trade na gumawa ng mga mabilisan at pabigla-biglang desisyon.

Kapag nagtatakda ka ng mga ganitong sistema, kakailanganin mong pag-isipan ang ilang bagay. Ano ang tunguhin mo sa pamumuhunan? Ano ang tolerance mo sa panganib? Magkanong kapital ang kaya mong isugal? Marami pa kaming ibang maiisip, pero sa artikulong ito, pagtutuunan natin ang isang partikular na aspekto – kung paano sukatin ang iyong mga posisyon para sa mga indibidwal na trade.

Para magawa iyon, kakailanganin muna nating tukuyin kung gaano kalaki ang iyong account sa pag-trade, at kung magkano rito ang handa mong isugal sa isang trade.


Paano tukuyin ang laki ng account

Bagama't mukhang simple at hindi na kailangan ang hakbang na ito, wastong pagsasaalang-alang ito. Lalo na kung baguhan ka, baka makatulong na maglaan ng ilang partikular na bahagi ng iyong portfolio sa iba't ibang diskarte. Sa ganitong paraan, mas tumpak mong masusubaybayan ang pag-usad mo sa iba't ibang diskarte, at mapapaliit mo rin ang tsansang sumobra ang maisugal mo.
Halimbawa, sabihin nating naniniwala ka sa hinaharap ng Bitcoin at mayroon kang pangmatagalang posisyon na nakatabi sa isang hardware wallet. Pinakamainam siguro kung hindi mo iyon ituturing na bahagi ng iyong kapital sa pag-trade.
Sa ganitong paraan, para matukoy ang laki ng account, kailangan lang tingnan ang available na kapital na mailalaan mo sa isang partikular na diskarte sa pag-trade.


Paano tukuyin ang panganib ng account

Ang pangalawang hakbang ay tukuyin ang panganib ng iyong account. Kasama rito ang pagpapasya kung ilang porsyento ng iyong available na kapital ang handa mong isugal sa isang trade. 


Ang 2% rule

Sa tradisyonal na mundo ng pananalapi, may diskarte sa pamumuhunan na tinatawag na 2% rule. Ayon sa panuntunang ito, hindi dapat isugal ng isang trader ang mahigit sa 2% ng kanyang account sa isang trade. Tatalakayin natin kung ano ang eksaktong ibig sabihin noon, pero i-adjust muna natin ito para maging mas angkop ito sa mga volatile na merkado ng cryptocurrency.
Ang 2% rule ay isang diskarteng angkop sa mga istilo sa pamumuhunan na karaniwang kinasasangkutan ng paglalagay ng ilang mas pangmatagalang posisyon lang. Karaniwang iniangkop din ito sa mga instrumentong hindi masyadong volatile kumpara sa mga cryptocurrency. Kung isa kang mas aktibong trader, at lalo na kung nagsisimula ka pa lang, posibleng maging malaking tulong kung magiging mas konserbatibo ka pa kaysa rito. Sa sitwasyong ito, gawin na lang natin itong 1% rule.
Idinidikta ng panuntunang ito na hindi mo dapat isugal ang mahigit sa 1% ng iyong account sa isang trade. Ibig sabihin ba nito, papasok ka lang sa mga trade gamit ang 1% ng iyong available na kapital? Hindi! Ang ibig sabihin lang nito, kung mali ang ideya mo sa trade, at naabot ang iyong stop-loss, 1% lang ng account mo ang mawawala sa iyo.


Paano tukuyin ang panganib sa trade 

Sa ngayon, natukoy na natin ang laki ng account at panganib ng account natin. Paano natin tutukuyin ang laki ng posisyon para sa isang trade?

Titingnan natin kung saan walang bisa ang ating ideya sa trade.
Napakahalaga nitong pagsasaalang-alang at naaangkop ito sa halos kahit anong diskarte. Pagdating sa pag-trade at pamumuhunan, laging parte ng laro ang mga pagkalugi. Sa katunayan, siguradong mayroon nito. Laro ito ng mga posibilidad – kahit ang pinakamagagaling na trader ay hindi laging tama. Sa totoo lang, posibleng mas madalas na mali kaysa tama ang ilang trader at kumikita pa rin sila. Paano iyon naging posible? Nakasalalay itong lahat sa angkop na pamamahala sa panganib, pagkakaroon ng diskarte sa pag-trade, at pagsunod dito.
Dahil dito, may invalidation point dapat ang bawat ideya sa trade. Dito natin sasabihing: “mali ang unang ideya natin, at dapat tayong lumabas sa posisyong ito para mabawasan ang mga karagdagang pagkalugi.” Sa mas praktikal na antas, ibig sabihin lang nito, dito natin ilalagay ang ating stop-loss order.
Ang paraan para tukuyin ang puntong ito ay nakabatay lang sa indibidwal na diskarte sa pag-trade at sa partikular na setup. Puwedeng nakabatay ang invalidation point sa mga teknikal na parameter, gaya ng support o resistance area. Puwede ring nakabatay ito sa mga indicator, isang break sa istruktura ng merkado, o iba pa.

Walang isang diskarteng angkop sa lahat ng sitwasyon para matukoy ang iyong stop-loss. Kakailanganin mong magpasya nang mag-isa kung anong diskarte ang pinakabagay sa iyong istilo at tukuyin ang invalidation point batay roon.



Gustong magsimula sa cryptocurrency? Bumili ng Bitcoin sa Binance!



Paano kalkulahin ang laki ng posisyon

Ngayon, nasa atin na ang lahat ng sangkap na kailangan natin para makalkula ang laki ng posisyon. Sabihin nating mayroon tayong $5000 na account. Naitakda na natin na hindi lalampas sa 1% ang isusugal natin sa isang trade. Ibig sabihin nito, hindi lalampas sa $50 ang puwedeng mawala sa atin sa isang trade.

Sabihin nating nakapagsagawa na tayo ng pagsusuri sa merkado at natukoy natin na mawawalan ng bisa ang ating trade sa 5% mula sa unang entry natin. Dahil dito, kapag sumalungat sa atin ang merkado nang 5%, lalabas tayo sa trade at magtatamo tayo ng $50 na pagkalugi. Sa madaling salita, 1% dapat ng ating account ang 5% ng ating posisyon. 

  • Laki ng account – $5000
  • Panganib ng account – 1%
  • Invalidation point (layo sa stop-loss) – 5%

Ang formula para kalkulahin ang laki ng posisyon ay ang sumusunod:

laki ng posisyon = laki ng account x panganib ng account / invalidation point
laki ng posisyon = $5000 x 0.01 / 0.05
$1000 = $5000 x 0.01 / 0.05
Ang laki ng posisyon para sa trade na ito ay magiging $1000. Sa pamamagitan ng pagsunod sa diskarteng ito at paglabas sa invalidation point, puwede mong mabawasan ang di-hamak na mas malaking potensyal na pagkalugi. Para maayos na maisagawa ang modelong ito, kakailanganin mo ring isaalang-alang ang mga babayaran mo. Dapat mo ring pag-isipan ang potensyal na slippage, lalo na kung nagte-trade ka ng instrumento sa mas mababang liquidity.

Para maipakita kung paano ito gumagana, gawin nating 10% ang ating invalidation point, habang ganoon pa rin ang lahat ng iba pa. 

laki ng posisyon = $5000 x 0.01 / 0.1
$500 = $5000 x 0.01 / 0.1
Ang ating stop-loss ay doble na ngayon ng layo mula sa ating unang entry. Kaya kung gusto nating isugal ang parehong halaga ng $ ng ating account, mahahati ang laki ng posisyong makukuha natin.


Mga pangwakas na pananaw

Hindi nakabatay sa arbitrary na diskarte ang pagkalkula sa laki ng posisyon. Sangkot dito ang pagtukoy sa panganib ng account at pagtingin kung saan mawawalan ng bisa ang ideya sa trade bago pumasok sa isang trade.

Isang kasinghalagang aspekto ng diskarteng ito ang pagpapatupad. Kapag natukoy mo na ang laki ng posisyon at ang invalidation point, hindi mo dapat i-overwrite ang mga iyon kapag live na ang trade.

Ang pinakamahusay na paraan para matuto ng mga prinsipyo sa pamamahala sa panganib tulad nito ay sa pamamagitan ng pagsasanay. Pumunta sa Binance at subukan ang bago mong natutuhan!