Ang nakaraan at kasalukuyan
Noong 2008, niyanig ng financial crisis ang ekonomiya ng mundo. Ngayon, makalipas ang sampung taon, iniisip ng mga tao kung paano nagbago ang mga panuntunan. Higit sa lahat, paano maiiwasan ang ganitong uri ng krisis sa ekonomiya sa hinaharap?
Ang krisis na nagsimula lamang dahil sa subprime mortgage market, kalaunan ay umabot sa mas malawak na sakop -- pinansyal na krisis at recession sa mundo. Mula sa malalaking ayuda hanggang sa paghantong nito sa pagbagsak ng ekonomiya, marami ang kume-kwestiyon ngayon sa katatagan at transparency ng mga sistema ng pagbabangko sa mundo na dati nilang pinagkatiwalaan.
Ano ang nangyari noong may financial crisis?
Tinaguriang pinakamalalang kalamidad sa ekonomiya mula noong Great Depression, winasak ng pinansyal na krisis noong 2008 ang pandaigdigang ekonomiya. Humantong ito sa tinatawag na Great Recession, na nagresulta sa mababang presyo sa pabahay at mabilis na pagtaas ng kawalan ng trabaho. Mabigat ang mga kaugnay na epekto nito, at hanggang sa ngayon ay may impluwensya pa rin sa mga pinansyal na sistema.
Sa US, walong milyong mamamayan ang nawalan ng trabaho, tinatayang 2.5 milyong negosyo ang tinamaan, at halos apat na milyong bahay ang naremata sa loob lamang ng dalawang taon. Mula sa kawalan ng seguridad sa pagkain hanggang sa hindi pagkakapantay-pantay sa kabuhayan, marami ang nawalan ng tiwala sa sistema.
Natapos sa wakas ang recession noong 2009, ngunit marami ang patuloy na nagdusa pagkatapos nito lalo na sa US. Umabot sa 10% ang unemployment rate noong 2009 at naibalik lamang sa antas na tulad ng dati noong 2016.
Ano ang nagdulot ng Great Recession?
Kung pag-uusapan ang sanhi, maraming bagay ang dapat sisihin. Namumuo pa lamang ang "perfect storm" at oras na naabot ang sukdulan nito, lumantad ang financial crisis. Nagbigay ang mga pinansyal na institusyon ng mga high-risk loan (pangunahin ang mortage) na kalaunan ay nagresulta sa malaking ayuda na pinondohan ng mga mamamayang nagbabayad ng buwis.
Masyadong kumplikado ang tunay na dahilan ng financial crisis noong 2008, ngunit ang pabahay sa America ang nagsimula ng chain reaction - bagay na naglantad ng mga lamat sa pinansyal na sistema. Sinundan ito ng pagkalugi ng Lehman Brothers firm na nagkaroon ng magkakasunod na epekto sa ekonomiya ng America at Europe. Dahil dito, naging mulat ang publiko sa mga potensyal na pagkukulang ng mga bangko. Nagdulot din ito ng malaking pag-antala sa buong mundo, base sa kung gaano magkakaugnay ang pandaigdigang ekonomiya.
Bakit ito mahalaga ngayon?
Bagamat dekada na mula nang tumama ang financial crisis, marami pa ring usapin. Nananatiling buhay ang mga epekto ng recession, at mahina pa rin ang pagbangon ng ekonomiya ng mundo kung ibabatay sa kasaysayan. Muling iniaalok ang mga high-risk loan, at bagamat mababa na ngayon ang default rates, maaari itong magbago bigla.
Iginigiit ng mga regulator na nabago na ang pinansyal na sistema sa mundo mula noong 2008 at napaganda na rin ang mga hakbang pangkaligtasan. Sa kadahilanang ito, marami ang naniniwala na mas malakas na ang pandaigdigang sistemang pinansyal ngayon kumpara sa kung ano ito noong nakaraang dekada.
Sa kabilang banda, marami pa rin ang napapaisip: maaari bang muling mangyari ang ganitong uri ng krisis sa ekonomiya? Ang madaling sagot ay oo, lahat ay posible. Sa kabila ng maraming ginawang pagbabago at ipinatupad na mga bagong panuntunan, marami pa ring naiiwang pangunahing problema.
Dapat tandaan na ipinapaalala ng financial crisis noong 2008 ang kahalagahan ng polisiya. Ang mga kaganapan na nangyari noong 2008 ay dulot ng mga desisyong ginagawa ng mga regulator, pulitiko, at mga nagtatakda ng polisiya ilang taon bago ito maganap. Mula sa hindi magandang pangangasiwa sa mga regulatory body hanggang sa epekto ng kultura ng mga korporasyon, hindi maituturing na "nakaraan" ang Great Recession.
Ang pagbuo sa Bitcoin at ibang mga cryptocurrency
Pangwakas na ideya
Bagamat dekada na ang nakalipas mula noong financial crisis noong 2008, hindi pa rin nakakalimutan ng mga tao kung gaano karupok ang pandaigdigang sistema ng pagbabangko. Hindi tayo lubos na makatitiyak, ngunit ito marahil ang dahilan na humantong sa pagbuo ng decentralized na digital currency tulad ng Bitcoin.
Malayo pa ang lalakbayin ng mga cryptocurrency, ngunit tiyak na kumakatawan ang mga ito sa isang siguradong alternatibo sa tradisyonal na sistema ng pananalapi. Maaring magbigay-daan sa malayang pananalapi ang ganitong alternatibong economic network, at siguradong may potensyal na lumikha ng mas maunlad na lipunan sa hinaharap.