- Cryptocurrency 101
- Paano gumagana ang blockchain?
- Paano ako mamumuhunan sa cryptocurrency?
- Mga madalas itanong tungkol sa cryptocurrency
Mga Nilalaman
Ang cryptocurrency (o “crypto”) ay isang uri ng digital cash na nagbibigay-daan sa mga indibidwal na magpadala ng halaga sa isang digital setting.
Nagtataka ka siguro kung paano naiiba ang ganitong uri ng sistema sa PayPal o sa digital banking app na mayroon ka sa iyong telepono. Sa unang tingin mukhang pareho nga ang kanilang mga pinaggagamitan – pagbabayad sa mga kaibigan, pagbili mula sa iyong paboritong website – pero kung susuriing mabuti, malaki ang pagkakaiba ng mga ito.
Natatangi ang cryptocurrency sa maraming dahilan. Gayunpaman, ang pangunahing gamit nito ay ang magsilbing isang elektronikong cash system na hindi pagmamay-ari ng alinmang nag-iisang partido.
Kailangang maging
desentralisado ng isang mahusay na cryptocurrency. Walang isang banko sentral o subset ng mga user ang puwedeng bumago sa mga panuntunan nang walang naaabot na consensus. Nagpapatakbo ang mga kalahok sa network (
mga node) ng software na kumokonekta sa kanila sa ibang mga kalahok para makapagbahagi sila ng impormasyon sa isa't isa.
Sentralisado vs. desentralisadong mga network.
Sa kaliwa ay isang bagay na aasahan mong gagamitin ng isang bangko. Kailangang makipag-usap ng mga user sa pamamagitan ng sentral na server. Sa kanan ay walang hirarkiya: magkakaugnay ang mga node at naipapasa nila ang impormasyon sa isa't isa.
Sa pagiging desentralisado ng mga network ng cryptocurrency, mas
nakakaiwas ito sa pag-shutdown o pag-censor. Sa kabaliktaran, para mapilay ang isang sentralisadong network, kailangan mo lang magambala ang pangunahing server. Kung nabura ang database ng isang bangko at wala itong backup, magiging mahirap na matukoy ang mga balanse ng mga user.
Sa cryptocurrency, nagtatago ng kopya ng database ang mga node. Nagsisilbi ang bawat isa bilang sarili nilang server. Puwedeng mag-offline ang mga indibidwal na node, pero makakakuha pa rin ng impormasyon ang mga kasama nila mula sa iba pang mga node.
Kaya gumagana nang 24 oras sa isang araw, 365 araw sa isang taon ang mga cryptocurrency. Pinapayagan ng mga ito ang paglilipat ng halaga sa kahit saang parte ng mundo nang walang anumang namamagitan. Kaya madalas na itinuturing ang mga ito na walang pahintulot: puwedeng magpadala ng mga pondo ang kahit na sinong may koneksyon sa Internet.
Ang terminong "cryptocurrency" ay isang portmanteau ng cryptography at currency. Ito ay dahil gumagamit ang cryptocurrency ng mga cryptographic na diskarte para gawing ligtas ang mga transaksyon sa pagitan ng mga user.
Pinapalakas ng
Public-key cryptography ang mga network ng cryptocurrency. Ito ang ginagamit ng mga user para magpadala at tumanggap ng mga pondo.
Sa isang iskema ng public-key cryptography, mayroon kang isang
pampublikong key at isang
pribadong key. Ang pribadong key ay may napakaraming numero na imposibleng mahulaan ng kahit sino. Madalas mahirap intindihin na ganito kalaki ang numerong ito.
Para sa
Bitcoin, ang paghula sa pribadong key ay sinlabo ng paghula sa resulta ng pag-toss coin nang 256 beses. Sa mga kasalukuyang computer, hindi mo pa rin kayang mahulaan ang key ng isang tao bago ang heat death ng uniberso.
Tulad ng ipinapahiwatig ng pangalan, kailangan mong ilihim ang iyong pribadong key. Pero mula sa key na ito, puwede kang bumuo ng isang pampublikong key. Puwedeng ibigay nang ligtas sa sinuman ang pampublikong key. Imposible para sa kanila na i-reverse-engineer ang pampublikong key para makuha ang iyong pribadong key.
Puwede ka ring gumawa ng mga
digital na pirma sa pamamagitan ng pagpirma sa data gamit ang iyong pribadong key. Tulad ito ng pagpirma ng isang dokumento sa totoong buhay. Ang pagkakaiba lang, puwedeng sabihin ng kahit sino nang may katiyakan na valid ang pirma sa pamamagitan ng pagkumpara nito sa katugmang pampublikong key. Sa paraang ito, hindi kailangang ihayag ng user ang kanyang pribadong key, pero kaya pa rin niyang patunayan ang pagmamay-ari nito.
Sa mga cryptocurrency, puwede mo lang gastusin ang iyong mga pondo kung nasa iyo ang kaukulang pribadong key. Kapag gumawa ka ng transaksyon, inaanunsyo mo sa network na gusto mong ilipat ang iyong currency. Naka-anunsyo ito sa isang mensahe (ibig sabihin, transaksyon), na pinirmahan at idinagdag sa database ng cryptocurrency (ang
blockchain). Tulad ng nabanggit, kailangan mo ng pribadong key para gumawa ng digital na pirma. At dahil puwedeng makita ng kahit sino ang database, puwede nilang makita na valid ang iyong transaksyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa pirma.
May ilan nang pagtatangka sa
mga digital cash na scheme sa mga nagdaang taon, pero ang una sa mga cryptocurrency ay ang
Bitcoin, na lumabas noong 2009. Ginawa ito ng isang tao o grupo ng tao na may alyas na
Satoshi Nakamoto. Hanggang sa araw na ito, walang may alam ng kanilang tunay na pagkakakilanlan.
Maraming lumabas na cryptocurrency pagkatapos ng Bitcoin – ang ilan ay naglayong makipagkumpitensya at ang iba ay naglayong magsama ng mga feature na hindi available sa Bitcoin. Sa panahon ngayon, binibigyang-daan ng maraming blockchain na hindi lang makapagpadala at makatanggap ng mga pondo ang mga user, kundi makapagpatakbo rin ng
mga desentralisadong application gamit ang mga
smart contract. Ang
Ethereum siguro ang pinakapopular na halimbawa ng isang blockchain.
Sa unang tingin, ang mga cryptocurrency at token ay mukhang magkapareho. Parehong nate-trade ang mga ito sa mga palitan at puwedeng ipadala sa mga
address ng blockchain.
Eksklusibong ginawa ang mga cryptocurrency para magsilbing pera, bilang medium ng palitan,
store of value, o parehas. Ang bawat unit ay
fungible na nagagamit, ibig sabihin ang isang
coin ay singhalaga ng iba.
Ang Bitcoin at iba pang mga naunang cryptocurrency ay dinisenyo bilang currency, pero nilayon ng mga sumunod na blockchain ang higit pa rito. Ang
Ethereum, halimbawa, ay hindi lang ginawa para maging currency. Binibigyang-daan nito ang mga developer na magpagana ng code (
mga smart contract) sa isang nakapamahaging network, at gumawa ng mga token para sa iba't ibang
desentralisadong application.
Ang mga token ay
puwedeng gamitin nang tulad sa mga cryptocurrency, pero mas flexible ang mga ito. Puwede kang mag-mint ng magkakaparehong token o ng pili lang na may
mga natatanging katangian. Puwedeng magsilbi ang mga ito bilang kahit ano, mula sa pagiging digital na resibo na kumakatawan sa stake sa isang kumpanya hanggang sa mga loyalty point.
Sa isang protocol na kaya ang smart contract, ang batayang currency (na ginagamit sa pagbabayad sa mga transaksyon o mga application) ay hiwalay mula sa mga token nito. Sa Ethereum, halimbawa, ang native na currency ay
ether (ETH), at kailangan itong gamitin para gumawa at maglipat ng mga token sa loob ng Ethereum network. Ang mga token na ito ay ipinapatupad nang naaayon sa mga pamantayan tulad ng
ERC-20 o
ERC-721.
Umaasa ang karamihan sa mga user sa mga wallet para makipag-ugnayan sa isang network ng cryptocurrency. May iba't ibang gamit ang iba't ibang uri ng wallet – malinaw na hindi kayang pumirma ng mga transaksyon ang paper wallet o magpakita ng kasalukuyang mga presyo sa
fiat currency.
Dahil sa kaginhawaan, ang mga software wallet (hal. ang
Trust Wallet) ang itinuturing na pinakamainam para sa mga pang-araw-araw na pagbabayad. Dahil sa seguridad, hindi mapapantayan ang mga hardware wallet sa kakayahan ng mga itong itago ang mga pribadong key mula sa mapagmatyag na mga mata. Madalas na itinatabi ng mga user ng cryptocurrency ang kanilang mga pondo sa dalawang uri ng wallet.
Mga Nilalaman
Ang blockchain ay isang espesyal na uri ng database kung saan puwede lang magdagdag ng data (at hindi puwedeng magtanggal o magbago). Pana-panahong idinaragdag ang mga transaksyon sa isang blockchain sa loob ng tinatawag na
mga block (na binubuo ng mga impormasyon tungkol sa transaksyon at iba pang mahalagang
metadata).
Tinatawag nating chain ang istrukturang ito dahil ang metadata ng bawat block ay may kapirasong impormasyon na nag-uugnay dito sa naunang block. Sa partikular, naglalaman ito ng isang
hash ng naunang block, na puwede mong isipin bilang isang natatanging digital na fingerprint.
Ang posibilidad na ang dalawang piraso ng data ay magbibigay ng parehas na output mula sa
hash function ay lubhang napakababa. Dahil dito, kung may magtangka mang baguhin ang naunang block, magiging iba ang hash nito, ibig sabihin, ang hash ng susunod na block ay magiging iba rin. Kaya magiging kapansin-pansin kung nabago ang isang block dahil ang mga block na kasunod nito ay kailangan ring mabago.
Ang bawat hash ng block ay isinasama sa susunod na block. Bumubuo ito ng chain ng mga block, o blockchain.
Ang blockchain ay idina-download nang buo ng mga kalahok sa network. Natatandaan mo bang sinabi naming sinuman ay puwedeng magpatunay ng mga transaksyon at pirma gamit ang cryptography ng pampublikong key? Kapag nakatanggap ang isang node ng isang block, nagsasagawa ito ng ilang pagsusuri. Kung may anumang hindi valid, tatanggihan ang block.
Kapag nakatanggap ng valid na block ang isang node, gumagawa ito ng sarili nitong kopya at pagkatapos ay ipapasa ang block na iyon sa ibang mga node. Ganito rin ang gagawin ng ibang node hanggang sa lumaganap ang block sa buong network. Ginagawa din ang prosesong ito para sa mga hindi kumpirmadong transaksyon – ibig sabihin, mga transaksyong nai-broadcast na pero hindi pa naisasama sa blockchain.
Nasisira ang integridad ng blockchain kung makakapagtala ng pekeng pinansyal na impormasyon. Walang administrador o lider sa isang nakapamahaging system na nagpapanatili sa ledger. Kaya paano natin masisiguro na matapat na kumikilos ang mga kalahok?
Nagmungkahi si Satoshi ng sistemang
Proof of Work, na pinapayagang magmungkahi ang sinuman ng isang block na idaragdag sa blockchain. Para maglagay ng block, kailangang magsakripisyo ang mga user ng computational power para mahulaan ang hamon na tinukoy ng protocol.
Ang Proof of Work ay ang pinakasubok at pinakanapatunayan nang scheme sa pagkamit ng consensus sa mga user, pero hindi ibig sabihin na nag-iisa ito. Patuloy na pinag-aaralan ang mga alternatibo gaya ng
Proof of Stake bagama't hindi pa naipapatupad ang mga ito nang tama sa kanilang tunay na anyo (kahit na matagal nang nariyan ang
mga mekanismo ng hybrid consensus).
Ang proseso na tinutukoy sa itaas ay tinatawag na
pagmimina. Kung nakahanap ng solusyon ang minero, mapapahaba ng block na ginawa nila ang chain. Bilang resulta, mabibigyan sila ng reward na nasa denominasyon ng native na currency ng blockchain.
Ang mga cryptographic puzzle na dapat masagot ng mga minero ay nangangailangan ng paulit-ulit na
pag-hash ng data para gumawa ng isang numero na nasa ibaba ng isang partikular na value. Sa pag-hash gamit ang isang one-way na function, ibinibigay ang output, at halos imposibleng mahulaan ang input. Pero kapag ibinigay ang input, walang halaga ang pag-verify sa output. Sa paraang ito, puwedeng ma-verify ng sinumang kalahok na nakagawa ang minero ng 'tamang' block, at puwede nitong tanggihan ang mga hindi valid. Sa kasong ito, walang matatanggap na reward ang minero at nagsayang lang siya ng mga mapagkukunan sa pagbuo ng block na hindi valid.
Ayon sa mga resulta ng ilang interesanteng
game theory, masyadong magiging magastos para sa isang tao na subukang mandaya, samantalang kikita sila kung kikilos sila nang tapat. Walang masamang entity ang may sapat na mapagkukunan para atakehin nang pangmatagalan ang isang matibay na network. Kaya inaasahan namin ang mga may mapagkukunan na pagkakitaan ang kanilang pamumuhunan sa pamamagitan ng paglahok nang tama.
Makikita mo na hindi masyadong mahusay ang mga nakapamahaging network. Sa kasamaang palad, ang mga cryptocurrency ay puwedeng lang maging ligtas at may laban sa pag-censor kung ang lahat ng node ay puwedeng mag-sync ng isang kopya ng blockchain. Kapag mas mababa ang mga kinakailangan para makasabay, mas madali para sa mga taong makasali.
Makikita mo kung bakit mas mainam ang isang blockchain na nagdaragdag ng isang maliit na block lang kada sampung minuto, sa bagay na ito, kumpara sa isang nagdaragdag ng isang malaking block kada limang minuto. Mangangailangan ang huli ng mga node para magpatakbo ng mga computer na may mataas na kakayanan para manatiling naka-sync, at maitulak ang mga may mababang kakayanan na mag-offline. Magreresulta ito sa mas malawak na sentralisasyon, dahil mas kaunti ang mga peer sa network.
Pero sa mas maliliit na block, hindi natin kayang magkaroon ng maraming
transaksyon sa bawat segundo (transactions per second o TPS). Ibig sabihin nito, sa mga abalang panahon, puwedeng magtagal bago maidagdag sa blockchain ang mga transaksyon. Abala ito kung gusto mo ng mabilis na pagbabayad, pero ito ang kapalit ng desentralisasyon.
Ang isyung ito ay tinatawag na problema sa scalability. Ang isang sistemang kayang mag-scale nang mahusay ay madaling makakaangkop sa lumalaking throughput nang may iilang disbentahe. Hindi nakakapag-scale nang mahusay ang mga blockchain – tulad ng naipaliwanag na namin, ang pagpapataas lang ng throughput gamit ang mas malalaking block ay magpapahina ng buong layunin ng isang nakapamahaging network.
Para mapataas ang TPS nang hindi napipinsala ang desentralisasyon ng network, isang posibleng opsyon ang off-chain na pag-scale. Sinasakop nito ang isang malawak na saklaw ng mga solusyon – sentralisado at desentralisado – na pinapahintulutan ang pagsasagawa ng mga transaksyon nang hindi na nangangailangang i-log ang mga ito sa blockchain.
Ang mga network ng cryptocurrency ay
opt-in. Walang pumipilit sa iyo na magpatakbo ng software kung ayaw mo. Sa isang magandang protocol, ang buong code ay
open-sourced kaya nakakatiyak ang mga user sa pagiging patas at ligtas ng system.
Sa pangkalahatan, nagbibigay-daan ang mga cryptocurrency sa sinuman na makilahok sa paggawa ng mga ito. Sinusuri ng isang komunidad ng mga developer ang mga bagong feature o pagbabago sa code bago pagkasunduan at i-publish ang mga ito. Mula roon, puwedeng suriin ng mga user ang code at piliing patakbuhin ito o hindi.
Ang ilang update ay backward-compatible, ibig sabihin, puwede pa ring makipag-ugnayan ang mga na-update na node sa mga nauna rito. Ang iba ay hindi backward-compatible – ang mga lumang node ay tatanggalin sa network kung hindi na-update ang mga ito. Tingnan ang
Mga Hard Fork at Soft Fork para sa pagpapaliwanag tungkol sa mga ito.
Mga Nilalaman
Ito ay isang desisyon na ikaw lang ang puwedeng gumawa – kailangan
Do Your Own Research (DYOR) at magpasya ka batay sa iyong sariling
pagsusuri. Kaugnay nito, maraming tool na makakatulong sa iyong gumawa ng mas mahuhusay na desisyon. Halimbawa, nagbabahgi ang
Binance Research ng mahuhusay na pananaw at pagsusuri sa merkado, kasama na ang mga komprehensibong ulat sa mga indibidwal na proyekto.
Kung gusto mong timbangin kung anong cryptocurrency ang dapat bilhin, napakahalagang maintindihan mo muna kung paano gumagana ang Bitcoin. Magandang balita, iyan ang dahilan kung bakit namin ginawa ang
Ano ang Bitcoin? na gabay!
Saan ba tayo dapat magsimula? Napakaraming paraan para suriin ang mga pinansyal na merkado, at karaniwan, gumagamit ang mga propesyonal na mamumuhunan ng iba't ibang diskarte. Sa mas matalas na pagtingin, may dalawang pangunahing school of thought sa pagsusuri ng pamumuhunan: ang
fundamental analysis (FA) at ang
technical analysis (TA).
Ang fundamental analysis ay isang paraan para masuri ang valuation ng isang asset na pangunahing nakabatay sa mga salik na pang-ekonomiya at pampinansyal. Ang mga analyst na gumagamit ng paraang ito ay tumitingin sa parehong macroeconomic at microeconomic na mga salik, mga kondisyon sa industriya, o ang negosyong pinagbabatayan ng asset (kung mayroon man). Sa kaso ng mga cryptocurrency, puwede rin silang tumingin sa pampublikong data ng blockchain, na kung minsan ay tinutukoy bilang mga on-chain na sukatan.
Puwedeng kasama rito ang pagsusuri sa bilang ng mga transaksyon, address, mga nangungunang may hawak, ang
hash rate ng network, at marami pang ibang impormasyon. Ang layunin ng pagsusuring ito ay ang makabuo ng isang valuation para sa asset at maikumpara ito sa kasalukuyan nitong valuation. Sa huli, nilalayon ng paraang ito na matukoy kung ang asset ay kasalukuyang undervalued o overvalued.
Bilang karagdagan sa mga nabanggit, mahalagang tandaan na ang mga cryptocurrency ay mga bago at yumayabong na uri ng asset. Maliit ang tsansa ng fundamental analysis na magtagumpay pagdating sa pagtukoy ng valuation ng mga ito. Sa madaling salita, walang standardized na framework para sa pagtukoy ng valuation ng mga cryptocurrency, at ang karamihan ng mga kasalukuyang modelo ay hindi lubos na mapagkakatiwalaan. Nakasalalay ang tagumpay o pagkabigo ng isang proyekto ng cryptocurrency sa maraming iba't ibang salik, na walang kasalukuyang framework ang makakapagpaliwanag.
Iba ang paraan ng mga
technical analyst. Hindi tulad ng mga fundamental analyst, hindi tinatangka ng mga technical analyst na tukuyin ang intrinsic value ng isang asset. Sa halip, sinusuri nila ang mga oportunidad sa pag-trade at pamumuhunan batay sa kasaysayan ng aktibidad sa pag-trade. Ginagawa nila iyon sa pamamagitan ng pagtuon sa mga paggalaw ng presyo, mga pattern ng chart, mga indicator, at iba pang mga tool para sa charting para masuri ang mga lakas o kahinaan ng isang merkado. Sa pangkalahatan, naniniwala ang mga technical analyst na mahalaga ang mga nakaraang paggalaw ng presyo ng isang asset para mahulaan ang mga paggalaw ng presyo nito sa hinaharap.
Dahil mailalapat ang technical analysis sa kahit anong merkado na may historikal na data, maraming trader ng cryptocurrency ang gumagamit nito.
Kung ganoon, alin ang dapat mong aralin? Bakit hindi pareho? Karamihan sa mga tool sa pagsusuri ng merkado ay mas mainam na gamitin kasama ng ibang mga tool. Sa kahit anong kaso, napakahalagang maintindihan ang
pinansyal na panganib at
pamamahala sa panganib, at huwag mamumuhunan nang higit sa kaya mong mawala.
Maraming paraan para makabili ng mga cryptocurrency. Ang unang kailangan mong gawin ay i-convert ang iyong
fiat currency sa cryptocurrency. Pagkatapos, puwede mong piliing
i-HODL, i-trade sa ibang mga cryptocurrency o
ipahiram ito para kumita ng interes. Tingnan natin ang iba't ibang uri ng mga palitan ng cryptocurrency.
Mga centralized exchange (CEX)
Posibleng nakakalito sa iyo ang konsepto ng sentralisadong palitan dahil laging tinutukoy ang mga cryptocurrency bilang desentralisado. Sa madaling salita, ang mga sentralisadong palitan ay mga online na platform na namamahala ng mga trade sa pamamagitan ng pagkonekta sa mga mamimili at nagbebenta.
Dito, idinedeposito ng mga user ang kanilang fiat na pera o cryptocurrency sa palitan at nagte-trade sila sa loob ng mga system nito. Kung pamilyar ka sa kung paano gumagana ang mga cryptocurrency wallet, alam mo ring sa kasong ito, ang cryptocurrency mo ay
nasa kustodiya ng palitan. Pero madali lang sa iyong i-withdraw ang mga pondo mo at itago ang mga ito sa sarili mong wallet, kung gusto mo.
Mas gugustuhin ng ilan na itago ang kanilang mga pondo sa palitan, puwedeng dahil regular silang nagte-trade o para sa kaginhawaan. Pero kung maha-hack ang palitan, posibleng malagay sa peligro ang mga pondo ng mga user.
Mga decentralized exchange (DEX)
Iba ang mga desentralisadong palitan (DEX). Kapag gumagamit ka ng isang DEX, walang custodian. Sa katunayan, ang mas tamang paraan para tukuyin ang ganitong tipo ng palitan ay non-custodial na palitan.
Ito ang nangyayari kapag nagte-trade ka sa isang DEX. Sa halip na magdeposito ka ng mga pondo mo sa wallet ng palitan, magte-trade ka nang direkta mula sa iyong wallet. Kapag naipatupad na ang isang trade, ililipat ang mga pondo nang direkta sa blockchain gamit ang
mga smart contract.
Dahil walang entity na kumikilos bilang custodian, ipinagpapalagay ito ng ilan na mas ligtas na opsyon kaysa sa mga CEX. Ang isa pang bentahe ay hindi hinihingi ng mga DEX sa iyong magbigay ng anumang personal na impormasyon bukod sa address ng blockchain wallet. Bukod pa rito, ang pangangalaga ng iyong sariling mga pondo ay nangangailangan ng teknikal na kabihasaan at ikaw lang ang mananagot para dito.
Mga P2P na palitan
Ang isang peer-to-peer (P2P) na palitan ay isa ring lugar na nagkokonekta ng mga mamimili sa nagbebenta, pero iba ito sa CEX at DEX. Sa kasong ito, walang ginagawa ang palitan kundi ang ikonekta ang mga mamimili sa nagbebenta, at puwede nilang isagawa ang transaksyon sa anumang paraang mapagkakasunduan nila. Kaya, ang paraan ng pagdeposito at pag-settle ay puwedeng pagpasyahan ng mga mamimili at nagbebenta para sa bawat indibidwal na transaksyon.
Paano bumili ng mga cryptocurrency sa Binance
- Mag-log in sa Binance, o mag-register kung wala ka pang account.
- Pumunta sa portal ng Bumili at Magbenta ng Cryptocurrency.
- Piliin ang cryptocurrency na gusto mong bilhin, at ang currency na gusto mong ipambayad.
- Piliin ang iyong paraan ng pagbabayad.
- Kung ipo-prompt, ilagay ang mga detalye ng iyong card o bangko, at kumpletuhin ang pag-verify sa pagkakakilanlan.
- Tapos na! Ike-credit ang iyong cryptocurrency sa iyong account sa Binance.
Paano bumili ng mga cryptocurrency sa Binance DEX
Ang paggamit ng DEX ay medyo mas kumplikado kaysa sa iba pang mga available na pagpipilian.
Narito ang kailangan mo bago ka magsimula:
- Isang wallet na puwedeng kumonekta sa Binance DEX (inirerekomenda namin ang Trust Wallet).
- Ilang BNB para mabayaran ang bayarin sa transaksyon.
Kapag mayroon ka na ng mga ito, sundin ang mga tagubilin sa aming detalyadong mga gabay sa Binance DEX
Paano bumili ng mga cryptocurrency sa Binance P2P
- Mag-log in sa Binance, o mag-register kung wala ka pang account.
- Pumunta sa portal ng Binance P2P.
- Piliin kung gusto mong bumili o magbenta.
- I-filter ayon sa pera, paraan ng pagbabayad, o iba pang mga kinakailangan sa pag-trade.
- Pumili ng isang listing na nakakatugon sa iyong mga kinakailangan, o i-post ang iyong sariling listing.
Mga Nilalaman
Kakaunting bansa lang ang lubos na nagbabawal ng pagbili, pagbebenta, at pagtatago ng cryptocurrency. Sa karamihan ng bansa sa mundo, ganap na legal ang Bitcoin at iba pang mga virtual currency. Pero bago ka pa magsimula sa mga ito, dapat mo munang suriin kung pinahihintulutan ito ng iyong hurisdiksyon.
Mahalagang tandaan na ang bawat bansa ay may naiibang diskarte sa pagkontrol ng mga aktibidad ng cryptocurrency. Tiyaking hindi ka lumalabag sa anumang panuntunan na kaugnay ng pagbubuwis o pagsunod.
Maraming beses nang sinabi ng media na patay na ang cryptocurrency sa huling dekada. Pero patuloy itong gumagana tulad ng paggana nito noong 2009. Hindi ibig sabihin nito na hindi ito
volatile – matindi ang paggalaw ng presyo nito. Sa mga gusto lang kumita, puwedeng nakakapanlumo ang mga
bear market.
Gayunpaman, isang pagkakamali na ilarawan ang cryptocurrency bilang "patay na". Patuloy itong nakakaakit ng mga bagong user, at ang teknolohiya at imprastraktura ay patuloy lang na lumalago nang mas sopistikado.
Ang mga pangunahing inobasyon ng Bitcoin at Ethereum ay tiyak na magkakaroon ng mahalagang papel sa paghubog ng ating kasalukuyang mga sistema ng pananalapi para maging mas naaangkop ang mga ito para sa kasalukuyang panahon. Ang
immutability, paglaban sa pag-censor,
pagiging trustless, o mga halos agarang transaksyon gamit ang pampublikong sistema ng pananalapi ay posibleng bumago nang tuluyan sa mekanismo ng mga aktibidad na pang-ekonomiya sa Internet.
May antas ng panganib sa cryptocurrency. Kung nakalimutan mo ang password para ma-access ang iyong bank account, puwede mo itong ipa-reset sa suporta ng customer. Pero, kung nakalimutan mo o nawala ang mga pribadong key na nagbibigay sa iyo ng access sa iyong crypto, walang makakatulong sa iyo. Isang mas madaling opsyon ang paggamit ng isang mapagkakatiwalaang palitan – nangangailangan ito ng tiwala, pero hindi ka mamemeligrong mawala ang iyong mga pribadong key.
Hindi pa nasisira ang
public-key cryptography. Gamit ang mahuhusay na hakbang sa seguridad, mas malaki ang posibilidad na ma-hack ang iba mo pang mga online account kaysa sa manakaw ang mga pondo mo. Mainam na maging mapagmatyag sa mga
karaniwang scam (
social engineering,
phishing at iba pa), pagpapanatiling laging offline ang iyong mga pribadong key, at pag-back up sa mga ito sa isang ligtas na lokasyon.
Hindi nakakonekta ang pangalan mo sa iyong mga
address ng cryptocurrency – mukha lang random na hanay ng mga numero at letra ang mga ito sa blockchain. Pero huwag maging kampante na hindi ka na makikilala dahil dito. Ikaw ay
pseudonymous o gumagamit ng alyas – mayroon ka pa ring pagkakakilanlan sa chain kahit paano, hindi lang ito ang gamit mo sa totoong buhay.
May ilang paraan na nagbibigay-daan sa mga tao na ikonekta ang mga IP address sa iyong mga aktibidad. Sa puntong ito, may mga paraan tulad ng
mga dusting attack at iba pang mga diskarte sa pagsusuri para maisiwalat ang iyong pagkakakilanlan. Tandaan na isang napakalaking pampublikong database ang mga blockchain. Kung nag-aalala ka sa iyong privacy, dapat mong gawing napakahirap para sa iba na ikonekta ang iyong mga transaksyon sa iyong pangalan. Ang mga cryptocurrency tulad ng Bitcoin ay hindi pribado bilang default, pero may mga paraan tulad ng
coin mixing at CoinJoins na ginagawang hindi maaasahan ang analysis heuristics.
May maliit na subset ng mga cryptocurrency (na kilala bilang
mga pribadong coin) na kayang gawing malabo ang pinagmulan, destinasyon, o halaga ng mga pondo sa mga transaksyon, gamit ang mga paraan tulad ng mga
Kumpidensyal na Transaksyon. Mas mahigpit ang kanilang privacy bilang default pero hindi sila ganap na malaya mula sa pagsisiwalat ng pagkakakilanlan.
Sa mga sistemang pampinansyal, ang halaga ay nagmumula sa sama-samang paniniwala. Tulad ng anumang may halaga, ang halaga ay hindi likas sa cryptocurrency mismo – ito ay itinalaga ng mga tao. Sa madaling salita, ang isang bagay ay may halaga kung naniniwala ang mga tao na mayroon nito ito. Totoo ito, ang bagay na may halaga man ay isang precious metal, isang piraso ng papel, o ilang piraso sa isang database.
Bilang karagdagan sa mga nabanggit, may mga taong itinuturing na mahirap na makuhang digital na commodity ang mga cryptocurrency at
Bitcoin. Dahil sa nahuhulaang rate ng pag-isyu at patakaran sa pananalapi, may mga nagsasabing maituturing na
store of value sa hinaharap ang Bitcoin, tulad ng gold. Dahil higit sa isang dekada pa lang mula noong ginawa ang Bitcoin, malalaman pa lang natin kung magtatagal ito.
Hindi. Narinig mo na sigurong maraming bansa at mga bangko sentral ang kumikilos para gumawa ng sarili nilang mga bersyon ng digital currency. Gayunpaman, iyon lang sila – mga digital currency. Sa katunayan, madalas silang kolektibong tinatawag na
mga central bank digital currency (CBDCs). Ang mga ito ay mga digital na bersyon ng
fiat na pera at wala ang mga ito ng karamihan sa mga benepisyo ng mga cryptocurrency. Iniisyu ang mga ito at idinedeklarang legal na tender ng sentral na gobyerno at madalas na hindi gumagamit ng nakabahaging ledger, tulad ng blockchain, para magtala ng mga transaksyon.
Narinig mo na rin siguro ang
Facebook Libra, isa pang klase ng digital currency. Sa positibong banda, pinaplano itong gawin sa isang
open-source na system ng blockchain. Gayunpaman, hindi ito magiging walang pahintulot tulad ng Bitcoin o Ethereum, ibig sabihin, kailangan ng mga kalahok ng higit sa simpleng koneksyon sa internet para gamitin ito. Higit pa, ang proyekto at aktibidad dito ay patatakbuhin at pangangasiwaan ng isang asosasyon na binubuo ng ilang piling miyembro.
Kaya kahit na gumagamit ng blockchain o cryptography ang mga CBDC at iba pang anyo ng mga digital currency, ibang-iba pa rin ang mga ito sa mga cryptocurrency tulad ng
Bitcoin.
Kapag tinitingnan mo ang presyo ng cryptocurrency, isang bahagi lang ang nakikita mo. Isang kasinghalagang sukatan ay kung ilang indibidwal na unit ng cryptocurrency ang nasa mundo ngayon, ibig sabihin, ang supply.
Sa mas partikular, para masuri ang valuation ng isang network ng cryptocurrency, kailangan mong malaman kung ilang indibidwal na unit ang mayroon
sa kasalukuyan.
Supply na nasa sirkulasyon ang tawag dito. Posibleng gumamit ng iba't ibang iskedyul ng pag-isyu ang iba't ibang cryptocurrency, kaya mahalagang maintindihan kung paano gumagana ang pag-isyu ng bawat network.
Ang market capitalization (o market cap) ay ang presyo ng isang indibidwal na unit na na-multiply sa supply na nasa sirkulasyon.
Market Capitalization = Supply na Nasa Sirkulasyon*Presyo
Tulad ng naiisip mo, ang market capitalization ng isang network ng cryptocurrency ay isang mas tumpak na representasyon ng halaga sa network kaysa sa presyo ng isang indibidwal na unit. Posibleng may mas mataas na kabuuang valuation (market cap) ang isang network na may coin na may mas mababang presyo pero mas mataas na supply na nasa sirkulasyon kaysa sa isang network na may coin na may mas mataas na presyo pero mas mababang supply na nasa sirkulasyon. At ang kabaligtaran ay puwede ring maging totoo sa ilang sitwasyon.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang market capitalization ay hindi kumakatawan sa kung gaano karaming pera ang pumasok sa isang partikular na merkado. Halimbawa, isang karaniwang maling akala ng mga baguhan na ang market cap ng Bitcoin ay kumakatawan sa kabuuang halaga ng pera na ipinuhunan sa Bitcoin. Pero wala itong katuturan dahil ang market cap ay nakadepende sa presyo at supply.
Kapag nagpadala ka ng isang bitcoin sa isa pang
address, mapapansin mo na mas maliit nang kaunti ang matatanggap ng address na iyon kaysa sa ipinadala mo. Ito ay dahil nagbabayad ka ng maliit na halaga para i-reward ang mga minero sa pagdagdag ng transaksyon mo sa blockchain.
Maraming cryptocurrency ang gumagamit ng kaparehong mekanismo para mabigyan ng insentibo ang mga user na panatilihing ligtas ang network. Sa mga system na
Proof of Work, karaniwang isinasama ang bayarin sa transaksyon sa mga bagong na-mint na coin (ang
subsidyo ng block) para buuin ang
reward ng block.
Puwede mong i-adjust ang bayad depende sa pangangailangang isagawa nang mabilis ang iyong transaksyon. Ang mga makatwirang minero ay laging maghahangad na kumita nang malaki hangga't maaari, kaya uunahin nila ang mga transaksyon na may mas mataas na bayarin. Puwede kang tumingin sa kasalukuyang nakabinbing mga transaksyon para magkaroon ng ideya sa average na bayad, at itakda ang sa iyo nang naaayon.
Kung sigurado kang nawala mo ang iyong mga key, malamang na hindi mo na ito mababawi pa. Ang napakagandang bentahe ng mga cryptocurrency ay wala nang tagapag-ingat at middleman na mamamahala sa mga pampinansyal na transaksyon. Ang disbentahe nito, sa kabilang banda, ay ganap nang nasa kamay mo ang pananagutan. Kaya't kailangan mong maging lubos na maingat na hindi mawala ang iyong mga pribadong key, dahil ang pagmamay-ari mo ng iyong mga pondo ay nakasalalay sa mga ito.
Ang kinabukasan ng cryptocurrency ay depende sa kung sino ang tinatanong mo. May mga naniniwalang ang
Bitcoin ay aangat para palitan ang gold sa digital na panahon at gagambalain nito ang kasalukuyang sistemang pampinansyal. May ibang nagsasabing ang mga cryptocurrency ay mananatiling isang sekondaryang sistema lang, umiiral bilang isang niche na merkado. Mayroon ding mga naniniwala na ang Ethereum ay magiging nakapamahaging computer, na magsisilbing gulugod ng bagong internet.
Hinuhulaan ng mga nagdududa na guguho ang industriya paglipas ng panahon, habang ang mga mahihilig sa cryptocurrency ay masayang manatili ang cryptocurrency bilang mga niche na sistema ng pananalapi. Maraming posibleng kalabasan nito – masyadong maaga pa para masabi nang may katiyakan kung ano ang mangyayari kahit isang taon mula ngayon. Pero hindi natin maitatanggi na may malaki itong potensyal para sa paglago.