TL;DR
Ang tokenomics ay isang terminong naglalarawan sa economics ng isang token. Inilalarawan nito ang mga salik na nakakaapekto sa paggamit at halaga ng isang token, kasama ang pero hindi limitado sa paggawa at pamamahagi, supply at demand, mga mekanismo para sa insentibo, at mga iskedyul ng pag-burn ng isang token. Para sa mga proyekto ng crypto, napakahalagang magkaroon ng tokenomics na mahusay ang pagkakadisenyo para sa tagumpay. Mahalaga para sa mga namumuhunan at stakeholder na i-assess ang tokenomics ng isang proyekto bago magpasyang lumahok.
Panimula
Ang tokenomics, na pinagsamang “token” at “economics,” ay isang mahalagang bahagi ng pagsasagawa ng pangunahing pananaliksik sa isang proyekto ng crypto. Maliban sa pagtingin sa white paper, nagtatag na team, roadmap, at paglago ng komunidad, mahalaga ang tokenomics sa pagsusuri sa mga posibilidad ng isang proyekto ng blockchain sa hinaharap. Dapat idisenyo ng mga proyekto ng crypto ang tokenomics ng mga ito nang mabuti para matiyak na magkakaroon ng sustainable na pangmatagalang pag-unlad.
Tokenomics sa isang sulyap
Idinidisenyo ng mga proyekto ng blockchain ang mga panuntunan ng tokenomics batay sa mga token ng mga ito para mahikayat o mapigilan ang iba't ibang pagkilos ng user. Katulad ito ng pag-print ng pera ng bangko sentral at pagpapatupad nito ng mga patakaran sa pera para mahikayat o mapigilan ang paggastos, pagpapahiram, pag-iipon, at ang paggalaw ng pera. Tandaan na tumutukoy rito ang salitang “token” sa mga coin at token. Malalaman mo ang pinagkaiba ng dalawa dito. Hindi tulad ng mga fiat currency, ipinapatupad ang mga panuntunan ng tokenomics gamit ang code at ito ay transparent, mahuhulaan, at mahirap baguhin.
Tingnan natin ang bitcoin bilang halimbawa. Pauna nang naka-program ang kabuuang supply ng bitcoin para maging 21 milyong coin. Sa pamamagitan ng pagmimina, ginagawa at ipinapasok sa sirkulasyon ang bitcoin. Binibigyan ng ilang bitcoin ang mga minero bilang reward kapag may block na namimina bawat humigit-kumulang 10 minuto.
Ang reward, na tinatawag ding block subsidy, ay kinakalahati bawat 210,000 block. Ayon sa iskedyul na ito, nagkakaroon ng halving bawat apat na taon. Mula Enero 3, 2009, noong ginawa ang unang block, o ang genesis block, sa network ng Bitcoin, tatlong beses kinalahati ang block subsidy na mula 50 BTC ay naging 25 BTC, 12.5 BTC, at 6.25 BTC sa kasalukuyan.
Batay sa mga panuntunang ito, madaling kalkulahin na nasa 328,500 bitcoin ang mamimina sa 2022 sa pamamagitan ng paghahati ng kabuuang dami ng mga minuto ng taon sa 10 (dahil may namiminang block bawat 10 minuto) at pagkatapos ay pag-multiply sa 6.25 (dahil nagbibigay ng 6.25 BTC ang bawat block bilang mga reward). Samakatuwid, mahuhulaan ang dami ng mga bitcoin na namimina bawat taon, at inaasahang mamimina ang huling bitcoin malapit sa taong 2140.
Kasama rin sa tokenomics ng Bitcoin ang disenyo ng bayarin sa transaksyon, na natatanggap ng mga minero kapag may bagong block na nava-validate. Idinisenyo ang bayad na ito para lumaki ito habang lumalaki ang transaksyon at nagiging mas congested ang network. Nakakatulong itong pigilan ang mga spam na transaksyon at bigyan ng insentibo ang mga minero para patuloy na mag-validate ng mga transaksyon kahit na patuloy na nababawasan ang mga block subsidy.
Sa madaling salita, simple at madiskarte ang tokenomics ng Bitcoin. Transparent at mahuhulaan ang lahat. Sa mga insentibong sangkot sa Bitcoin, patuloy na nababayaran ang mga kalahok para mapanatiling malakas ang network at makapag-ambag sa halaga nito bilang cryptocurrency.
Mga pangunahing elemento ng Tokenomics
Bilang panlahat na termino para sa maraming iba't ibang salik na nakakaimpluwensya sa halaga ng isang cryptocurrency, una sa lahat, tumutukoy ang “tokenomics” sa istruktura ng ekonomiya ng isang cryptocurrency ayon sa pagkakadisenyo rito ng mga gumawa nito. Narito ang ilan sa pinakamahahalagang salik na dapat pag-isipan kapag tinitingnan ang tokenomics ng isang cryptocurrency.
Supply ng token
Supply at demand ang mga pangunahing salik na nakakaapekto sa presyo ng anumang produkto o serbisyo. Ganito rin sa crypto. May ilang napakahahalagang sukatang sumusukat sa supply ng isang token.
Ang una ay tinatawag na maximum na supply. Ibig sabihin nito, may maximum na bilang ng mga token na naka-code para magkaroon sa buong itatagal ng cryptocurrency na ito. Ang Bitcoin ay may maximum na supply na 21 milyong coin. Ang Litecoin ay may hard cap na 84 na milyong coin, at ang BNB ay may maximum na supply na 200 milyon.
Walang maximum na supply ang ilang token. Tumataas ang supply ng ether ng network ng Ethereum taon-taon. Walang maximum na supply ang mga stablecoin gaya ng USDT, USD Coin (USDC), at Binance USD (BUSD) dahil iniisyu ang mga token na ito batay sa mga reserbang sumusuporta sa mga coin. Ayon sa teorya, puwedeng magpatuloy sa paglaki ang mga ito nang walang limitasyon. Ang Dogecoin at Polkadot ay dalawa pang crypto na may supply na walang cap.
Ang pangalawa ay supply na nasa sirkulasyon, na tumutukoy sa dami ng mga token na nasa sirkulasyon. Puwedeng i-mint at i-burn ang mga token, o puwede rin itong i-lock sa iba pang paraan. May epekto rin ito sa presyo ng token.
Kung titingnan ang supply ng token, magkakaroon ka ng magandang ideya kung ilang token ang magkakaroon sa huli.
Utility ng Token
Tumutukoy ang utility ng token sa Token sa mga mapaggagamitang idinisenyo para sa isang token. Halimbawa, kasama sa gamit ng BNB ang pagpapagana sa BNB Chain, pagbabayad ng bayarin sa transaksyon at pagkakaroon ng mga diskwento sa bayad sa pag-trade sa BNB Chain, at pagsisilbi bilang utility token ng komunidad sa ecosystem ng BNB Chain. Puwede ring mag-stake ng BNB ang mga user sa iba't ibang produkto sa ecosystem para makakuha ng dagdag na kita.
Marami pang ibang mapaggagamitan ang mga token. Gamit ang mga governance token, makakaboto ang may hawak sa mga pagbabago sa protocol ng isang token. Idinisenyo ang mga stablecoin para magamit bilang currency. Sa kabilang banda, kumakatawan ang mga security token, sa mga pampinansyal na asset. Halimbawa, puwedeng maglabas ang isang kumpanya ng mga naka-tokenize na share sa isang Initial Coin Offering (ICO), na magbibigay sa may hawak ng mga karapatan sa pagmamay-ari at dibidendo.
Makakatulong sa iyo ang mga salik na ito na tukuyin ang mga potensyal na mapaggagamitan ng isang token, na mahalaga sa pag-unawa kung paano malamang na magbago ang ekonomiya ng token.
Pagsusuri sa pamamahagi ng token
Maliban sa supply at demand, mahalagang tingnan kung paano ipinapamahagi ang mga token. Magkaiba ang gawi ng malalaking institusyon at mga indibidwal na namumuhunan. Kung alam mo kung anong uri ng mga entity ang may hawak ng isang token, magkakaroon ka ng ideya kung paano nila malamang na ite-trade ang kanilang mga token, na makakaapekto naman sa halaga ng token.
Sa pangkalahatan, may dalawang paraan para maglunsad at mamahagi ng mga token: isang patas na paglulunsad at isang paglulunsad ng maagang pagmimina. Sa patas na paglulunsad, walang maagang pag-access o pribadong alokasyon bago i-mint at ipamahagi sa publiko ang isang token. Halimbawa ng kategoryang ito ang BTC at Dogecoin.
Sa kabilang banda, sa maagang pagminina, puwedeng ma-mint at maipamahagi sa isang napiling grupo ang ilan sa crypto bago ito ialok sa publiko. Ang Ethereum at BNB ay dalawang halimbawa ng ganitong uri ng pamamahagi ng token.
Sa pangkalahatan, dapat mong bigyan ng pansin kung gaano kapantay-pantay ang pamamahagi ng isang token. Karaniwang itinuturing na mas mapanganib ang paghawak ng ilang malalaking organisasyon ng napakalaking bahagi ng isang token. Kapag karamihan ng may hawak ng isang token ay mga matiyagang namumuhunan at nagtatag na team, mas naaayon ang mga interes ng mga stakeholder sa pangmatagalang tagumpay.
Dapat mo ring tingnan ang iskedyul ng pag-lock at pag-release ng isang token para malaman kung maglalagay ng maraming token sa sirkulasyon, na naglalagay ng pressure para bumaba ang halaga ng token.
Pagsusuri sa mga pag-burn ng token
Maraming proyekto ng crypto ang regular na nagbu-burn ng mga token, ibig sabihin, permanente silang nag-aalis ng mga token sa sirkulasyon.
Halimbawa, nagbu-burn ng token ang BNB para mag-alis ng mga token sa sirkulasyon at mabawasan ang kabuuang supply ng token nito. Kasama ang 200 milyong BNB na paunang namina, 165,116,760 ang kabuuang supply ng BNB hanggang noong Hunyo 2022. Magbu-burn ang BNB ng mas marami pang coin hanggang sa masira ang 50% ng kabuuang supply, ibig sabihin, magiging 100 milyon BNB na lang ang kabuuang supply ng BNB. Gayundin, nagsimulang mag-burn ng ETH ang Ethereum noong 2021 para mabawasan ang kabuuang supply nito.
Kapag nabawasan ang supply ng isang token, itinuturing itong deflationary. Ang kabaliktaran naman, kapag patuloy na lumalaki ang supply ng isang token, ay itinuturing na inflationary.
Mga mekanismo para sa insentibo
Napakahalaga ng mekanismo para sa insentibo ng isang token. Nasa sentro ng tokenomics kung paano binibigyan ng insentibo ng isang token ang mga kalahok para matiyak ang pangmatagalang sustainability. Perpektong paglalarawan ng eleganteng modelo kung paano idinidisenyo ng Bitcoin ang block subsidy at bayarin sa transaksyon nito.
Ang mekanismo ng Proof of Stake ay isa pang paraan ng pag-validate na dumarami na ang gumagamit. Sa disenyong iyo, nala-lock ng mga kalahok ang kanilang mga token para makapag-validate ng mga transaksyon. Sa pangkalahatan, kung mas maraming token na nala-lock, mas malaki ang tsansang mapili bilang mga validator at makatanggap ng mga reward para sa pag-validate ng mga transaksyon. Ibig sabihin din nito, kung susubukang pinsalain ng mga validator ang network, malalagay sa alanganin ang halaga ng mga sarili nilang asset. Binibigyan ng mga feature na ito ng insentibo ang mga kalahok para kumilos sila sa matapat na paraan at panatilihin nilang malakas ang network.
Maraming proyekto ng DeFi ang gumamit ng mga makabagong mekanismo para sa insentibo para maging mabilis ang paglago. Sa Compound, na isang platform para sa pagpapahiram at paghiram ng crypto, ang mga namumuhunan ay puwedeng magdeposito ng mga crypto sa protocol ng Compound, mangolekta ng mga interes dito, at makatanggap ng mga COMP token bilang karagdagang reward. Dagdag pa rito, nagsisilbi ang mga COMP token bilang governance token para sa protocol ng Compound. Inaayon ng mga pagpipiliang ito sa disenyo ang mga interes ng lahat ng kalahok sa mga pangmatagalang posibilidad ng Compound.
Ano ang susunod para sa tokenomics
Mula noong ginawa ang genesis block ng network ng Bitcoin noong 2009, malaki na ang ipinagbago ng tokenomics. Marami nang iba't ibang modelo ng tokenomics ang tinuklas ng mga developer. May mga nagtagumpay at pumalya. Tuloy-tuloy pa rin ang tokenomics ng Bitcoin, at marami na itong pinagdaanan. Pumalya na ang iba pang may hindi magagandang disenyo ng tokenomics.
Ang mga non-fungible token (NFT) ay nagbibigay ng ibang modelo ng tokenomics na nakabatay sa digital scarcity. Ang tokenization ng mga tradisyonal na asset gaya ng mga real estate at artwork ay puwedeng gumawa ng mga bagong inobasyon ng tokenomics sa hinaharap.
Mga pangwakas na pananaw
Ang tokenomics ay isang pangunahing konsepto para maunawaan kung gusto mong pumasok sa crypto. Isa itong terminong sumasaklaw sa mga pangunahing salik na nakakaapekto sa halaga ng isang token. Mahalagang tandaan na walang iisang salik na nagbibigay ng mahiwagang paraan. Nakabatay dapat ang iyong assessment sa maraming salik hangga't maaari at dapat itong suriin sa kabuuan. Puwedeng isama ang tokenomics sa iba pang fundamental analysis tool para makapagpasya nang batay sa kaalaman tungkol sa mga posibilidad sa hinaharap ng isang proyekto at sa presyo ng token nito.
Sa huli, ang economics ng isang token ay magkakaroon ng malaking epekto sa kung paano ito ginagamit, gaano kadaling bumuo ng network, at kung magkakaroon ng matinding interes sa mapaggagamitan ng token.