Isang Pangkalahatang-ideya tungkol sa Kasaysayan ng Presyo ng Bitcoin
Home
Mga Artikulo
Isang Pangkalahatang-ideya tungkol sa Kasaysayan ng Presyo ng Bitcoin

Isang Pangkalahatang-ideya tungkol sa Kasaysayan ng Presyo ng Bitcoin

Baguhan
Na-publish Aug 5, 2021Na-update Dec 7, 2022
14m

TL;DR

Nakaranas ang Bitcoin ng limang kapansin-pansing peak ng presyo mula nang ginawa ito noong 2009. Sa ngayon, umabot ang cryptocurrency sa pinakamataas na humigit-kumulang 64,000 US dollars at dumami na ang gumagamit nito sa mainstream. Naging volatile ang pakikipagsapalaran, at kadalasan ay nagkakaroon ito ng reaksyon sa mga pangyayari sa politika, ekonomiya, at mga patakaran.

Sa average, nakaranas ang Bitcoin ng 200% paglago bawat taon. Mula noong Agosto 2021, ang market cap ng Bitcoin ay humigit-kumulang $710,000,000,000 at ang pamamayani nito sa merkado ng crypto ay mas mababa lang nang kaunti sa 50%.

Maipapaliwanag ng mga pangyayari gaya ng pag-hack sa palitan ng Mt. Gox noong 2014 at pag-crash ng stock market noong 2020 ang ilang panandalian at may katamtamang tagal na gawi ng presyo. Sa kalaunan, puwede kang magkaroon ng macro na pananaw sa pamamagitan ng pagtingin sa mga modelong gumagamit ng technical, fundamental, at sentiment analysis.

Para sa technical analysis, ang Logarithmic Growth Curve at Hyperwave Theory ng Bitcoin ay dalawang interesanteng modelo. Iniuugnay rin ng Hyperwave Theory ang presyo sa saloobin ng mamumuhunan sa mga cyclical na yugto. Pagdating sa fundamental analysis, mahusay-husay na nasusubaybayan ng mga modelong Stock to Flow at Metcalfe ang presyo ng Bitcoin. Sa huli, puwede kang gumamit ng kumbinasyon ng lahat ng paraang ito para magkaroon ng balanseng pananaw.


Panimula

Napukaw ng Bitcoin (BTC) ang imahinasyon ng mundo sa napakalaking pagtaas ng halaga nito mula noong 2009. Gayunpaman, hindi ito puro bull run at kita. Nakaranas din ang Bitcoin ng mga pagbaba at bear market. Sa kabila ng volatility nito, sa ngayon ay nahigitan ng cryptocurrency na ito ang lahat ng tradisyonal na asset pagdating sa performance. Isang kumbinasyon ng maraming salik ang bumubuo sa kasaysayan ng presyo ng Bitcoin, at mapag-aaralan mo ang mga ito gamit ang iba't ibang diskarte at pananaw.


Paano suriin ang kasaysayan ng presyo ng Bitcoin

Bago natin talakayin ang data, tingnan natin kung paano mo masusuri ang kasaysayan ng presyo ng Bitcoin. May tatlong iba't ibang paraan: ang technical, fundamental, at sentiment analysis. Ang bawat uri ay may mga kalakasan at kahinaan pero puwedeng pagsama-samahin ang mga ito para makabuo ng mas malinaw na pananaw.

1. Technical analysis (TA): Ang paggamit ng dating data ng presyo at dami para subukang hulaan ang gawi ng merkado sa hinaharap. Halimbawa, puwede kang gumawa ng 50 araw na Simple Moving Average (SMA) sa pamamagitan ng pagkuha sa mga presyo sa nakaraang 50 araw at pag-average ng mga iyon. Puwede kang manghula gamit ang SMA sa pamamagitan ng pag-plot nito sa chart ng presyo ng iyong asset. Halimbawa, isipin na tine-trade ang Bitcoin nang mas mababa kaysa sa 50-araw na SMA nang ilang linggo pero nalampasan nito ito. Puwedeng ituring ang paggalaw na ito bilang senyales ng posibleng pagbawi.
2. Fundamental analysis (FA): Ang paggamit ng data na kumakatawan sa pangunahin at likas na halaga ng isang proyekto o cryptocurrency. Nakatuon ang ganitong uri ng pananaliksik sa mga external at internal na salik para subukang itakda ang aktwal na halaga ng isang asset. Halimbawa, puwede mong tingnan ang mga pang-araw-araw na transaksyon ng Bitcoin para masukat ang kasikatan ng network. Kung tataas ang numerong ito sa paglipas ng panahon, posibleng iminumungkahi nito na may halaga ang proyekto, at posibleng tumaas ang presyo.
3. Sentiment analysis (SA): Ang paggamit sa saloobin ng merkado para hulaan ang mga paggalaw ng presyo. Kasama sa saloobin ng merkado ang mga pakiramdam at disposisyon ng mga mamumuhunan tungkol sa isang asset. Karaniwang maikakategorya mo ang mga ito sa mga bullish o bearish na saloobin. Halimbawa, ang kapansin-pansing pagdami ng mga trending na paghahanap sa Google tungkol sa pagbili ng Bitcoin ay posibleng nagpapahiwatig na positibo ang saloobin ng merkado.


Aling mga salik ang maagang nakaimpluwensya sa pag-trade ng Bitcoin?

Ang susunod ay tuklasin ang mga salik na nakakaimpluwensya sa pag-trade at nakakaapekto sa mga presyo. Nagbago ang mga ito sa paglipas ng panahon mula noong nag-umpisa ang Bitcoin. Noong 2009, ang Bitcoin ay isang napaka-niche na asset na may mababang liquidity. Ginagawa ang mga trade nang Over-the-Counter (OTC) sa pagitan ng mga user sa BitcoinTalk at iba pang forum na nakakita sa halaga ng Bitcoin bilang desentralisadong currency. Hindi masyadong malaki ang tungkulin ng ispekulasyong nakikita natin sa kasalukuyan.
Minina ni Satoshi Nakamoto ang unang block noong Enero 3, 2009, na may reward na 50 bitcoin. Pagkatapos, nagpadala siya ng 10 BTC kay Hal Finney pagkalipas ng siyam na araw sa unang-unang transaksyon ng Bitcoin. Noong Mayo 22, 2010, wala pa ring $0.01 ang presyo ng Bitcoin. Noong araw na iyon, nakita rin ang unang komersyal na transaksyon ng Bitcoin noong bumili si Laszlo Hanyecz ng dalawang pizza sa halagang 10,000 BTC. Sa panahong iyon, itinuring na bago at kapana-panabik ng mga user sa mga forum ng Bitcointalk ang pagbili. Salungat ang trade na ito sa kasalukuyang paggamit, kung saan madali kang makakabili ng mga pang-araw-araw na produkto gamit ang Binance Visa Card.
Habang umaangat ang presyo at kasikatan ng Bitcoin, ang isang maliit at hindi kontroladong industriya ay unti-unting nasangkot sa pangangasiwa ng mga transaksyon at pag-trade. Kasama rito ang mga palitan ng cryptocurrency at merkado sa deep web. Madalas na naapektuhan nang matindi ang presyo ng Bitcoin nang ma-hack, maisara, o makontrol ang mga merkado at palitang ito. Malaki-laking supply ng Bitcoin ang hawak ng ilang na-hack na palitan, kaya nagkaroon ng mga kapansin-pansing price shock at kawalan ng kumpyansa ng merkado. Mas tatalakayin pa natin ang paksang ito mamaya.


Aling mga salik ang nakakaimpluwensya sa pag-trade ng Bitcoin?

Mas marami na ngayong aspekto ng Bitcoin ang kapareho ng sa mga tradisyonal na asset kaysa noong nag-uumpisa pa lang ito. Dahil mas marami nang gumagamit sa retail, pananalapi, at politika, ibig sabihin, mas marami pang salik ang nakakaapekto sa presyo at pag-trade ng Bitcoin. Lumalago na rin ang institusyonal na pamumuhunan sa mga virtual currency, kaya nagkakaroon ng mas malaking gampanin ang ispekulasyon. Nangangahulugan ang mga puntong ito na ang mga salik na nakakaapekto sa pag-trade ng Bitcoin ngayon ay kadalasang iba sa mga salik noong nag-uumpisa pa lang ito. Pag-usapan natin ang ilan sa pinakamalalaking salik.

1. Mas may regulasyon na ngayon kaysa noong nag-uumpisa pa lang ang Bitcoin. Habang nagsisimulang maunawaan nang mas mabuti ng mga gobyerno ang mga cryptocurrency at teknolohiya ng blockchain, malamang na madagdagan ang input nila pagdating sa kontrol at regulasyon. Parehong may mga epekto ang paghihigpit at pagluluwag ng mga regulasyon. Ang ilang pagbabago sa presyo ng Bitcoin ay nauugnay sa pag-ban ng BTC sa isang bansa o sa kasikatan nito sa isa pa.

2. Ang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya ay isa na ngayong direktang salik sa presyo at pag-trade ng Bitcoin. Halimbawa, mga cryptocurrency na ang ginagamit ng mga taong nakatira sa mga bansang may hyperinflation bilang hedge laban sa inflation. Bilang resulta ng krisis sa ekonomiya ng Venezuela simula noong 2016, nakakita tayo ng mga pag-trade na pinakamarami ayon sa rekord sa LocalBitcoins sa Venezuelan Bolivar. Sa pag-crash ng stock market noong 2020, nag-umpisa ang bull run ng Bitcoin na tumagal nang mahigit sa isang taon. Itinuturing na ngayong store of value ang Bitcoin, gaya ng ginto. Kapag mababa ang kumpyansa sa iba pang bahagi ng ekonomiya, bumibili ng mga ganitong asset ang mga tao.


3. Sa pagdami ng gumagamit sa mainstream mula sa malalaking kumpanya, puwedeng magkaroon ng mga pag-rally sa presyo ng Bitcoin. Ang Paypal, Square, Visa, at Mastercard ay nagpakita ng kaunting suporta para sa mga cryptocurrency, na nagbigay ng kumpyansa sa mga mamumuhunan. Nagsimula na ring tumanggap ng mga pagbabayad gamit ang Bitcoin ang mga retailer. Sa pagbawi sa suporta, puwede ring magkaroon ng mga selloff, gaya ng anunsyo ni Elon Musk noong Mayo 17, 2021, tungkol sa paghinto ng pagtanggap ng Tesla ng mga pagbabayad gamit ang Bitcoin. Sa ganitong sitwasyon, mula sa mas mababa nang kaunti sa $55,000 kada BTC, naging humigit-kumulang $48,500 ito noong araw na iyon.


4. Dahil sa mas maraming ispekulasyon at derivative gaya ng Bitcoin futures, nagkaroon ng dagdag na demand sa merkado. Sa halip na mamuhunan at humawak ng BTC dahil sa pangunahing halaga nito, shino-short ng mga trader at speculator sa futures market ang BTC para kumita, na nagdudulot ng pababang pressure sa presyo. Ibig sabihin nito, hindi na lang sa gamit ng Bitcoin nakabatay ang presyo nito.


Kasaysayan ng presyo ng Bitcoin

Mula noong 2009, nakakaranas ng matinding volatility ang presyo ng Bitcoin. Lahat ng salik na nabanggit sa itaas ay nakaambag sa pakikipagsapalaran nito sa ngayon. Bagama't nakaranas ng mga pagtaas at pagbaba ang presyo, di-hamak na mas mataas pa rin ang presyo kaysa noong nagsimula ito. 
Kapag inihambing natin ang Bitcoin sa NASDAQ 100 at ginto, makikita mong lubos na nitong naungusan ang dalawang tradisyonal na asset na ito na may napakahusay na performance. Makikita mo rin ang volatility nito, dahil mas malaki rin ang porsyento ng mga taunang pagkalugi ng Bitcoin kaysa sa anumang pagkaluging naranasan ng ginto o NASDAQ 100 (mula kay @CharlieBilello ang data).

2011

2012

2013

2014

2015

2016

2017

2018

2019

2020

Bitcoin

1473%

186%

5507%

-58%

35%

125%

1331%

-73%

95%

301%

Ginto

9.6%

6.6%

-28.3%

-2.2%

-10.7%

8.0%

12.8%

-1.9%

17.9%

24.8%

NASDAQ 100

3.4%

18.1%

36.6%

19.2%

9.5%

7.1%

32.7%

-0.1%

39.0%

48.6%


Ayon sa CaseBitcoin, nagpakita ang BTC ng 10-taong CAGR (compound annual growth rate) na 196.7%. Sinusukat ng CAGR ang taunang rate ng paglago ng isang asset nang isinasaalang-alang ang account compounding. Nagkaroon ng apat na kapansin-pansing peak sa presyo ng Bitcoin, na mula $1 lang noong 2011 ay umabot sa all-time high na $65,000 noong Mayo 2021. Hati-hatiin natin ang kasaysayan hanggang sa kasalukuyan sa limang natatanging peak.



1. Hunyo 2011: Mula sa presyong sinusukat lang gamit ang sentimo noong nakaraang taon, bumulusok sa $32 ang Bitcoin. Naranasan ng Bitcoin ang una nitong bull run na sinundan ng katamtamang pagbagsak sa $2.10.
2. Abril 2013: Pagkatapos simulan ang taon sa humigit-kumulang $13, naranasan ng Bitcoin ang unang bull run nito ng taon, at umakyat ito sa $260 noong Abril 10, 2013. Pagkatapos ay nag-crash ang presyo sa loob ng sumunod na dalawang araw at bumagsak ito sa $45.
3. Disyembre 2013: Bago ang katapusan ng taon, nakaranas ang Bitcoin ng pagtaas ng presyo na katumbas ng halos sampung beses nito mula Oktubre hanggang Disyembre. Noong umpisa ng Oktubre, nagte-trade ang BTC sa $125 bago ito umabot sa pinakamataas nito na $1,160. Pagdating ng Disyembre 18, bumagsak na naman ang presyo sa $380.
4. Disyembre 2017: Pagkatapos magsimula sa humigit-kumulang $1,000 noong Enero 2017, bumulusok ang presyo ng Bitcoin at naging mas mababa lang ito nang kaunti sa $20,000 pagdating ng Disyembre 17, 2017. Sinigurado ng bull run na ito ang posisyon ng Bitcoin sa mainstream, at natawag nito ang pansin ng mga institusyonal na mamumuhunan at gobyerno.
5. Abril 2021: Ang mga pag-crash sa stock market at crypto market noong Marso 2020 ay humantong sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo hanggang $63,000 noong Abril 13, 2021. Dahil sa kawalan ng katatagan ng ekonomiya dahil sa pandemya ng Coronavirus, itinuring na store of value ng iba ang Bitcoin. Pagkatapos, nakaranas ng malaking selloff ang BTC at ang crypto market noong Mayo 2021 bago tumigil sa paggalaw ang presyo nito.


Mga panandaliang pangyayari sa presyo

Hindi laging mailalarawan ng mga fundamental at technical model na gagamitin natin mamaya ang nakikita nating gawi ng presyo. Ang mga external na salik, kasama na ang mga pangyayari sa politika at ekonomiya, ay may matinding kinalaman dito na puwede mong suriin nang paisa-isa. Isang interesanteng halimbawa na dapat tingnan ang isang sikat na pag-hack na nangyari noong nag-uumpisa pa lang ang Bitcoin.

Ang pag-hack sa palitan ng Mt. Gox

Isang mahalagang pangyayari noong 2014 ang pag-hack sa palitan ng Bitcoin ng Mt. Gox na humantong sa pansamantalang pagbaba ng presyo ng Bitcoin. Noong panahong iyon, ang palitan ng crypto na nakabase sa Tokyo ay ang pinakamalaki sa merkado, na may dami ng pag-trade na humigit-kumulang 70% ng kabuuang supply ng Bitcoin. Mula nang ginawa ito noong 2010, naging biktima ang Mt. Gox ng maraming pag-hack pero nalampasan nito ang mga iyon at nagpatuloy pa rin ito.

Gayunpaman, sa pag-hack noong 2014, humigit-kumulang 850,000 BTC ang nanakaw, at nalimas ang karamihan ng mga digital asset ng palitan. Sinuspinde ng Mt. Gox ang mga pag-withdraw noong Pebrero 14, 2014, na humantong sa humigit-kumulang 20% pagbaba sa presyo ng Bitcoin hanggang humigit-kumulang $680 pagkatapos mag-trade sa $850 sa malaking bahagi ng linggo.

Sa huli, nakuha ng mga hacker ang $450,000,000 (USD) halaga ng mga pondo ng user, at nabangkarote ang Mt. Gox. Sinasabi ng ilang dating user na may mga isyu sa code ng website na hindi naayos agad. Hindi pa rin malinaw ang mga dahilan sa pag-hack hanggang ngayon, na humantong sa maraming tuloy-tuloy na demanda at legal na aksyon laban sa CEO ng palitan na si Mark Karpelès.


Paano natin ipapaliwanag ang pangmatagalang kasaysayan ng presyo ng Bitcoin?

Sa katagalan, maliit ang epekto ng mga hindi masyadong mahalagang pangyayari sa presyo. Dahil dito, interesanteng tingnan ang iba pang paraan para maipaliwanag ang pangkalahatang pag-angat ng Bitcoin. Isang opsyon ang pag-aaral ng mga analytical model na gumagamit ng mga diskarteng nabanggit na namin sa itaas.

Fundamental analysis: modelong Stock to Flow

Ginagamit ng modelong Stock-to-Flow ang limitadong supply ng Bitcoin bilang posibleng tagasaad ng presyo. Sa pangunahing antas, medyo kapareho ng ginto o mga diyamante ang Bitcoin. Sa paglipas ng panahon, tumaas ang dalawang commodity na ito dahil sa scarcity ng mga ito. Nagbibigay-daan ang salik na ito sa mga mamumuhunan na gamitin ang mga iyon bilang mga store of value.
Kung kukunin mo ang kabuuang pandaigdigang supply (stock) na nasa sirkulasyon at hahatiin mo ito sa kabuuang daming ginawa ayon sa taon (flow), magagamit mo ang ratio na ito para imodelo ang presyo ng Bitcoin sa paglipas ng panahon. Alam na natin ang eksaktong halaga ng mga bagong bitcoin na mabubuo ng mga minero at kung kailan banda nila matatanggap ang mga iyon. Sa madaling salita, lumiliit ang mga kita sa pagmimina, at nagkakaroon ng lumalaking ratio ng stock-to-flow dahil dito.

Napatunayan nang sikat ang Stock to Flow dahil sa katumpakan nito hanggang sa kasalukuyan sa pagmomodelo ng kasaysayan ng presyo ng Bitcoin. Makikita mo sa ibaba ang 365 araw na SMA at ang dating data ng presyo ng Bitcoin at ang hulang ibinibigay nito patungo sa hinaharap.


May ilang problema rin naman sa modelo. Sa paglipas ng panahon, kapag umabot sa zero ang flow ng Bitcoin, masisira din ang modelo dahil hindi ka puwedeng mag-divide sa zero. Nagbibigay ang kalkulasyong ito ng mga imposibleng hula sa presyo na walang katapusan. Puwede kang magbasa pa tungkol sa mga bentahe at disbentahe ng Stock to Flow sa aming artikulong Bitcoin at ang Modelong Stock to Flow.


Fundamental analysis: Metcalfe’s Law

Ang Metcalfe’s law ay isang pangkalahatang prinsipyo sa pag-compute na mailalapat mo rin sa network ng Bitcoin. Isinasaad nito na ang halaga ng isang network ay proporsyonal sa square ng bilang ng mga nakakonektang user. Ano ba mismo ang ibig sabihin nito? Isang madaling maintindihang halimbawa ang network ng telepono. Kung mas maraming tao ang may telepono, mabilis na nagiging mas mahalaga ang network. 

Sa Bitcoin, puwede kang magkalkula ng value ng Metcalfe sa pamamagitan ng paggamit ng dami ng mga aktibong address ng wallet ng Bitcoin at iba pang pampublikong impormasyon sa blockchain. Kung ipa-plot mo ang value ng Metcalfe kumpara sa presyo, makikita mong may pagkaakma ito. Puwede mo ring i-extrapolate ang trend para hulaan ang mga posibleng presyo sa hinaharap, gaya ng ginawa ni Timothy Peterson sa kanyang graph sa ibaba.


Nagbibigay ang ratio ng Network Value to Metcalfe (NVM) ng isa pang gamit ng Metcalfe’s law. Puwede mong kalkulahin ang ratio sa pamamagitan ng pagkuha sa market cap ng Bitcoin at paghahati nito ayon sa isang formula na tumatantya sa Metcalfe’s law. Ginagamit ng formula ang dami ng mga aktibong natatanging address sa isang partikular na araw bilang pamalit sa mga user ng network. Inilalarawan ang mga natatanging address bilang pagkakaroon ng hindi zero na balanse at pagsasagawa ng transaksyon sa araw na iyon.

Isinasaad ng value na mas mataas sa isa na overvalued ang merkado at isinasaad naman ng mas mababa sa isa na undervalued ito. Makikita mo kung ano ang hitsura nito sa pamamagitan ng sumusunod na graph mula sa Cryptoquant. Ang ratio ng NVM ay ang kaliwang axis, habang nasa kanan naman ang value ng network.


Technical analysis: Logarithmic Growth Curve ng Bitcoin

Ang Logarithmic Growth Curve ng Bitcoin ay isang modelo ng technical analysis noong 2019 na ginawa ni Cole Garner. Ipinapakita ng mga karaniwang chart ng presyo ng Bitcoin ang logarithmic (log) price kumpara sa linear na panahon sa x-axis. Gayunpaman, kung nila-log mo rin ang panahon, puwede kang gumuhit ng mga simpleng linya ng trend na tumutugma sa mga pinakamataas ng huling tatlong bull run at mga antas ng suporta ng merkado ng Bitcoin.


Puwedeng ibalik ang mga linyang ito sa aming orihinal na graph ng log price, na magbibigay sa atin ng growth curve na tumugma naman nang may katumpakan sa kasaysayan ng presyo ng Bitcoin sa ngayon, gaya ng makikita sa sumusunod na chart mula sa LookIntoBitcoin.com.


Technical Analysis: Hyperwave Theory

Ang Hyperwave Theory ay binuo ni Tyler Jenks at sinusubukan nitong ipaliwanag ang mga presyo sa pamamagitan ng mga emosyon ng mga mamumuhunan. Iminumungkahi ng teorya na nagpapalipat-lipat sa pesimismo at optimismo ang saloobin ng merkado. Kadalasang humahantong ang mga saloobing ito sa isang Hyperwave kung saan umaakyat ang presyo sa paglipas ng panahon bago bumalik sa isang bearish trend. Bagama't ayon sa teorya ni Jenks, nagmumula sa saloobin ng merkado ang pattern, technical analysis lang kasama ng data ng presyo ang ginagamit ng graph para iguhit ang mga linya ng trend nito. Ayon sa Hyperwave Theory, may pitong yugto sa bawat cycle ng merkado.


Sa yugto 1, 5, at 7, dapat manatili sa ibaba ng linya ng resistance ang presyo ng asset. Sa yugto 2, 3, 4, at 6, dapat manatili ang presyo sa itaas ng mga linya ng suporta. Hindi lahat ng asset ay susunod nang lubusan sa mga panuntunan, pero may ebidensya na may ganitong pattern sa ilang merkado. Makikita mo sa ibaba ang isang paunang halimbawa ng NASDAQ Composite 2000, na ipinakita ni Leah Wald (CEO ng Valkyrie Investments Inc.) gamit ang graph.


Tingnan natin ang bull run ng Bitcoin noong 2017. Kung ilalapat mo ang mga trend ng teorya ng Hyperwave, makikita mo na may pagkaakma ito maliban sa unang yugto. Makikita mo rin ang pabilis na pabilis na pagtaas ng presyo, na sinusundan ng malaking pagbagsak na sumusunod sa mga yugtong itinakda sa itaas sa pangkalahatan.


Mga pangwakas na pananaw 

Kitang-kita naman na maraming teoryang sumusubok na ipaliwanag ang kasaysayan ng presyo ng Bitcoin. Pero anuman ang sagot, ipinakita ng halos 200% na 10-taong CAGR ng Bitcoin ang kahanga-hangang pag-angat ng mga digital currency. Kahit sa mga cryptocurrency, namamayani sa merkado ang Bitcoin nang mas mababa lang nang kaunti sa 50% mula noong Agosto 2021, na may market cap na humigit-kumulang $710,000,000,000.

Kasama sa mga dahilan ng napakalaking paglagong ito ang mga pangunahing prinsipyo sa crypto, saloobin ng merkado, at mga pangyayari sa ekonomiya. Gayunpaman, hindi isinasaad ng dating performance ang mga resulta sa hinaharap. Kapaki-pakinabang na maunawaan kung bakit napakataas ng trajectory ng presyo ng Bitcoin, pero hindi nito sinasabi sa atin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Kapag tiningnan natin ang sitwasyon nang mas malawakan, nag-mature nang napakahusay ng Bitcoin para sa isang bagong klase ng asset na 12 taon pa lang ang itinatagal.