Ano Ang Fundamental Analysis (FA)?
Home
Mga Artikulo
Ano Ang Fundamental Analysis (FA)?

Ano Ang Fundamental Analysis (FA)?

Baguhan
Na-publish Jun 26, 2020Na-update Dec 2, 2022
12m

Panimula

Pagdating sa trading – ikaw man ay tumataya sa matagal nang mga stock o sa baguhang cryptocurrencies - wala itong kaugnay na tiyak na siyensiya. O, kung meron man, tinitiyak ng mga top player sa Wall Street na sikreto ang formula.

Sa halip, mayroon tayong maraming uri ng mga kasangkapan at metodolohiya na ginagamit ng mga trader at investor. Para sa karamihan, maaari mong hatiin ang mga ito sa dalawang kategorya: fundamental analysis (FA) at technical analysis (TA).

Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga pangunahing ideya sa fundamental analysis.


Ano ang fundamental analysis?

Ang fundamental analysis ay isang paraan na ginagamit ng mga investor at trader para tangkaing itatag ang intrinsic value ng mga asset at negosyo. Para wastong malaman ang halaga ng mga ito, masusi nilang inaaral ang mga internal at external factor para matukoy kung ang pinag-uusapang asset o negosyo ay overvalued o undervalued. Ang kanilang mga konklusyon ay makatutulong para bumalangkas ng istratehiya na posibleng magbigay ng malaking kita.

Halimbawa, kung interesado ka sa isang kumpanya, pag-aaralan mo muna ang ilang bagay tulad ng kita ng kumpanya, balance sheets, financial statements, at cash flow para mapakiramdaman ang pinansyal na estado nito. Maaari mo ring tingnan sa mas malawak na pananaw ang organisasyon at tingnan ang merkado o industriyang kinabibilangan nito. Sino ang mga kakompetensiya nito? Ano ang target demographics ng kumpanya? Pinapalawak ba ang naabot nito? Maaari mo pa itong mas palawakin at isaalang-alang ang ilang pang-ekonomikong konsiderasyon tulad ng interest rates at inflation.
Ang nabanggit sa itaas ay tinatawag na bottom-up approach: magsisimula ka sa kumpanyang gusto mo at palawakin ang pananaw hanggang sa maintindihan ang lugar nito sa pangkalahatang ekonomiya. Ngunit maaari mo ring tangkilikin ang top-down approach, kung saan mo pinapakitid ang iyong pagpipilian sa pamamagitan ng pagsuri gamit ang malawak na pananaw.

Ang huling layunin sa ganitong uri ng analysis ay makagawa ng inaasahang presyo ng share at ikumpara ito sa kasalukuyang presyo. Kung ang numero ay mas mataas sa kasalukuyang presyo, maaari mong sabihin na ito ay undervalued. Kung mas mababa ito sa presyo sa merkado, maaari mong sabihin na kasalukuyang itong overvalued. Gamit ang data mula sa iyong analysis, magiging maalam ka sa pagpapasya kung bibili o magbebenta ng partikular na stock ng kumpanya.


Fundamental analysis (FA) kumapara sa technical analysis (TA)

Madalas nalilito ang mga trader at investor na bago sa cryptocurrency, forex, o stock markets sa kung anong approach ang tatahakin. Magkasalungat ang fundamental analysis at technical analysis at nakadepende nang malaki sa iba’t ibang metodolohiya para suriin ang iba’t ibang bagay. Ngunit pareho silang nagbibigay ng datos na mahalaga sa trading. Alin ang mas mainam?

Sa katunayan, mas makabubuting tingnan kung ano ang alok ng bawat isa. Sa kabuuan, naniniwala ang mga fundamental analyst na ang presyo ng stock ay hindi kinakailangang maging indikasyon ng totoong halaga ng stock – isang ideolohiya na nagpapalakas sa kanilang mga desisyon sa investment.

Kabaligtaran nito, naniniwala ang mga technical analyst na ang paggalaw ng presyo sa hinaharap ay maaaring mahulaan mula sa mga nakaraang paggalaw ng presyo at volume data. Hindi sila nababahala sa pag-aaral ng mga external factor, sa halip ay mas gustong nakatuon sa mga price chart, pattern, at trend sa merkado. Layon nilang matukoy ang mainam na punto sa pagpasok at paglabas sa mga posisyon.

Naniniwala ang mga nagmungkahi ng efficient market hypothesis (EMH) na imposibleng tuloy-tuloy na malagpasan ang performance ng merkado gamit ang technical analysis (TA). Iminumungkahi ng teorya na ang financial market ay kumakatawan sa lahat ng kilalang impormasyong tungkol sa mga asset (na ang mga ito ay “rational”) at isinaalang-alang na ng mga ito ang datos sa kasaysayan. Hindi pinapabulaanan ng mga “mas mahinang” bersyon ng EMH ang fundamental analysis, ngunit iginigiit ng mga “mas malakas” na uri na imposible na malamangan ito, kahit pa gumamit ng masusing pananaliksik.

Sa patas na pananaw, walang masasabing mas magandang istratehiya mula sa dalawa, dahil pareho silang kumakatawan sa makabuluhang kaalaman sa iba’t ibang larangan. Maaaring magiging mas kapaki-pakinabang sa ibang ang partikular na istilo sa trading, at sa totoong buhay ay gumagamit ang mga trader ng kombinasyon ng pareho para obserbahan ito sa mas malawak na pananaw. Totoo ito para sa mga short-term trade tulad sa long-term investments.


Mga kilalang indicator sa fundamental analysis

Hindi tayo tumitingin sa candlesticks, MACD, o RSI para sa makabuluhang impormasyon sa fundamental analysis – sa halip, maraming magagamit na mga indicator na partikular sa FA. Sa bahaging ito, tatalakayin natin ang mga kilalang indicator.


Earnings per share (EPS)

Ang earnings per share ay isang matatag nang sukatan ng kakayahang kumita ng isang kumpanya, sinasabi nito kung gaano kalaki ang kinikita nito sa bawat outstanding share. Ginagamit ang formulang ito para sa kalkulasyon:

(netong income - preferred na dibidendo) / bilang ng shares


Ipagpalagay na ang isang kumpanya ay hindi nagbabayad ng mga dibidendo, at ang kita ay $1 million. Kapag may 200,000 shares na inilabas, lalabas sa formula ang EPS na $5. Hindi komplikado ang kalkulasyon, ngunit makapagbibigay ito ng makabuluhang impormasyon sa potensyal na mga investment. Ang mga negosyong may mas mataas (o lumalagong) EPS ay kadalasang mas kaakit-akit sa mga investor.

Mas pinipili naman ng iba ang diluted earnings per share, dahil isinasaalang-alang din nito ang ilang sanhi na maaring magpataas sa kabuuang bilang ng shares. Sa kaso ng stock options, halimbawa, binibigyan ang mga empleyado ng opsyon na bumili ng company stock. Dahil sa pangkalahatan ay nagbibigay ito ng mas mataas na bilang ng shares para ipang-divide sa netong income, inaasahan natin ang mas mababang halaga para sa diluted EPS kumpara sa simpleng EPS.

Gaya sa lahat ng indicator, hindi lang dapat earnings per share ang ginagamit na sukatan sa halaga ng ninanais na investment. Mahalaga itong kasangkapan kung ginagamit kasama ng iba.


Price-to-earnings (P/E) ratio

Sinusukat ng price-to-earning ratio (o P/E ratio) ang halaga ng isang negosyo sa pamamagitan ng pagkumpara ng presyo ng share sa kanyang EPS. Ang formula na ito ang ginagamit sa kalkulasyon:

presyo ng share / earnings per share


Gamitin natin ulit ang parehong kumpanya sa nakaraang halimbawa, na may $5 na EPS. Sabihin natin na ang bawat share ay itini-trade ng $10, na magbibigay sa atin ng P/E ratio na 2. Ano ang ibig sabihin nito? Nakadepende ito nang malaki sa kung ano ang ipakikita ng ating pananaliksik. 

Marami ang gumagamit ng profit-to-earnings ratio para tukuyin kung ang stock ay overvalued (kung ang ratio ay mataas) o undervalued (kung ang ratio ay mababa). Magandang ideya na isaalang-alang ang numero sa pamamagitan ng pagkumpara nito sa P/E ratio ng mga parehong negosyo. Muli, hindi laging totoo ang panuntunang ito, kaya pinakamabuting gamitin ito kasama ng ibang mga quantitative at qualitative analysis technique.


Price-to-book (P/B) ratio

Ang price-to-book ratio (kilala rin bilang price-to-equity ratio o P/B ratio) ay makapagsasabi sa atin kung paano sinusukat ng mga investor ang halaga ng isang kumpanya ayon sa book value nito. Ang book value ay ang halaga ng negosyo na inilalarawan ng kanyang mga financial report (kadalasan ay mga asset bawas ang mga liability). Ganito ang kalkulasyon:

presyo kada share / book value kada share


Muli nating balikan ang kumpanya sa mga nakaraang halimbawa. Ipagpalagay natin na mayroon itong book value na $500,000. Ang bawat share ay itini-trade nang $10, at mayroong 200,000 na ganito. Samakatuwid, ang ating book value per share ay $500,000 divided by 200,000 na nagreresulta sa $2.5. 

Kung ilalagay ang mga numero sa formula, ang $10 divided by $2.5 ay magreresulta sa price-to-book ratio na 4. Sa pang-ibabaw, mukhang hindi ito maganda. Sinasabi nitong ang mga share ay kasalukuyang naka-trade sa halagang apat na beses na mas mataas sa kung ano talaga ang halaga ng kumpanya sa papel. Maaaring iminumungkahi nito na ino-overvalue ng merkado ang negosyo, posibleng dahil sa inaasahang malaking paglago. Kung mayroon tayong ratio na mas mababa sa 1, maaaring sinasabi nito na mas may halaga ang negosyo kumpara sa kung paano ito kinikilala ng merkado.

Isang limitasyon sa price-to-book ratio ay ang pagiging mas akma nito sa pagsukat sa halaga ng “asset-heavy” na mga negosyo. Ang mga kumpanyang may kaunting physical na asset ay hindi kinakatawan nang maigi.


Price/earnings-to-growth (PEG) ratio

Ang price/earnings-to-growth ratio (PEG) ay isang extension ng profit-to-earning ratio, pinapalawak nito ang sakop para isaalang-alang ang growth rates. Ginagamit nito ang formula na:

price-to-earnings ratio / earnings growth rate


Ang earnings growth rate ay isang pagtatantiya ng inaasahang paglago ng kita ng kumpanya sa itinakdang panahon. Ipinapakita ito bilang isang percentage. Ipagpalagay na mayroon tayong pagtatantiya ng average growth na 10% sa susunod na limang taon para sa naunang nabanggit na kumpanya. Kukunin natin ang price-to-earnings ratio (2) at idi-divide ito ng 10 para humantong sa ratio na 0.2.

Iminumungkahi ng ratio na magandang investment ang kumpanya dahil lubos itong undervalued kapag isinasaalang-alang ang paglago sa hinaharap. Ang anumang negosyong may ratio na mas mababa sa 1, sa pangkalahatan, ay undervalued. Anumang mas mataas ay maaaring overvalued.

Mas pinipili ng marami ang PEG ratio kaysa sa P/E dahil isinasaalang-alang nito ang mahalagang variable na tinatanggal ng P/E.



Fundamental analysis at cryptocurrencies

Ang mga unang nabanggit na sukatan ay hindi magagamit sa cryptocurrency. Sa halip, maaari mong tingnan ang ibang mga bagay para suriin ang kapasidad ng isang proyekto. Sa susunod na bahagi ay ang ilang mga indicator na ginagamit ng mga cryptocurrency trader.


Network value-to-transactions (NVT) ratio

Madalas itinuturing na katumbas ng P/E ratio sa cryptocurrency market, ang NVT ratio ay mabilis na nagiging pangunahing ginagamit sa crypto FA. Maaari itong kalkulahin sa pamamagitan ng sumusunod:

network value / daily transaction volume


Tinatangka ng NVT na magsagawa ng interpretasyon sa halaga ng network base sa halaga ng mga ipinoproseso nitong transaksyon. Ipagpalagay na mayroon kang dalawang proyekto: Coin A at Coin B. Parehong mayroong market capitalization na $1,000,000 ang mga ito. Ngunit, ang Coin A ay may arawang transaction volume na $50,000, habang $10,000 naman sa Coin B’.

Ang NVT ratio para sa Coin A ay 20, at ang NVT naman sa Coin B ay 100. Sa pangkalahatan, ang mga asset na may mas mababang NVT ratio ay itinuturing na undervalued, habang ang mga may mas mataas na ratio ay maaaring ituring na overvalued. Ito mismo ay makapagsasabing ang Coin A ay undervalued kumpara sa Coin B.


Mga aktibong address

Tinitingnan ng iba ang bilang ng mga aktibong address sa isang network para masukat kung gaano ito kadalas nagagamit. Bagamat hindi maaasahan bilang mag-isang indicator (maaaring paglaruan ang sukatan), maaari pa rin itong makapagbigay ng impormasyon sa aktibibad ng network. Maaari mo itong isaalang-alang sa tunay na pagsukat ng isang digital asset.


Price-to-mining-breakeven ratio

Ang price-to-mining-breakeven ratio ay isang sukatan ng halaga ng Proof of Work coins, na mina-mine ng mga kalahok sa network. Isinasaalang-alang nito ang mga gastos kaugnay ng prosesong ito: partikular ang gastos sa kuryente at hardware.
coin market price / cost to mine a coin


Maraming masasabi ang price-to-mining-breakeven ratio tungkol sa kasalukuyang estado ng isang blockchain network. Tinutukoy ng breakeven ang gastos sa mining ng isang coin– halimbawa, kung ito ay nasa $10,000, ang mga miner ay gumagastos ng $10,000 para makalikha ng bagong unit.
Ipagpalagay na ang Coin A ay itini-trade ng $5,000 at ang Coin B naman ay nasa $20,000, at pareho silang may breakeven point na $10,000. Ang ratio ng Coin A ay 0.5, habang 2 naman ang sa  Coin B. Dahil mas mababa sa 1 ang ratio ng Coin A, sinasabi nito na ang mga miner ay natatalo sa mining ng coin. Ang mining ng Coin B  ay mapagkakakitaan dahil sa bawat $10,000 na gastos sa mining, mayroon kang aasahan na $20,000.

Dahil sa mga insentibo, maaaring inaasahan mo na ang ratio ay gagalaw papalapit sa 1 paglipas ng oras. Para sa Coin A, ang mga nagma-mine nang natatalo ay maaaring umalis sa network maliban kung tumaas ng presyo. Ang Coin B ay may kaakit-akit na gantimpala, kaya inaasahang mong may mas maraming miner na sasali para samantalahin ito hanggang sa hindi na ito kumikita.

Tinututulan ang pagiging epektibo ng indicator na ito. Ganunpaman, binibigyan ka pa rin nito ng ideya sa mining economics, na maaari mong isaalang-alang sa pagsususri ng digital asset.


Whitepaper, team, at roadmap

Ang pinakapopular na paraan sa pagtatatag ng halaga ng cryptocurrencies at tokens ay may kinalaman sa dati nang ginagawang pananaliksik tungkol sa proyekto. Sa pagbabasa ng whitepaper, maiintindihan mo ang layunin ng proyekto, ang use case, at ang teknolohiya nito. Ang track record ng miyembro ng team ay magbibigay sayo ng ideya sa kanilang kakayahan na gumawa at palawakin ang pagtangkilik sa produkto. Panghuli ang roadmap ay magsasabi sayo kung nakakasunod sa oras ang proyekto. Maaari itong suportahan ng karagdagang research para tukuyin ang posibilidad na maabot ng proyekto ang malalaking tagumpay.


Mga benepisyo at kawalan sa fundamental analysis

Mga benepisyo sa fundamental analysis

Ang fundamental analysis ay isang matatag nang teknolohiya sa pagsusuri ng mga negosyo sa paraang hindi matutumbasan ng technical analysis. Para sa mga investor sa buong mundo, ang pag-aaral ng maraming qualitative at quantitative factors ay mahalagang simula sa anumang trade.
Maaaring gumawa ang sinuman ng fundamental analysis dahil nakadepende ito sa mga subok nang technique at madaling makuhang mga datos ng negosyo, kahit man lamang sa mga tradisyunal na merkado. Kung titingnan natin ang cryptocurrency (na isa pa ring maliit na industriya), hindi laging mayroong mga datos, at ang mabigat na ugnayan sa pagitan ng mga asset ay nangangahulugan hindi epektibo ang FA.

Kung nagawa ng tama, nagbibigay ito ng pundasyon sa pagtukoy ng mga stock na kasalukuyang undervalued at inaasahang tataas ang presyo sa paglipas ng oras. Ang mga nangungunang investor tulad nina Warren Buffett at Benjamin Graham ay tuloy-tuloy na napatunayan na ang masusing pananaliksik sa negosyo sa paraang ito ay maaaring magbunga ng magagandang resulta.


Mga kawalan sa fundamental analysis

Madaling gawin ang fundamental analysis, ngunit mas mahirap na gumawa ng mainam na fundamental analysis. Ang pagtukoy sa “intrinsic value” ng isang stock ay isang prosesong kumokonsumo ng maraming oras at nangangailangan ng mas maraming trabaho kaysa pagsasalpak lamang ng mga numero sa isang formula. Maraming dahilan ang dapat na sinusuri, at mahirap magkaroon ng progreso sa pag-aaral nito. Dagdag pa rito, mas nababagay ito sa mga long-term trade kumpara sa short-term.

Kinakaligtaan ng ganitong uri ng analysis ang makapangyarihang mga pwersa at trend sa merkado na maaaring matukoy ng technical analysis. Tulad ng sinabi ng ekonomistang si John Maynard Keynes: 

Maaaring manatiling irrational ang merkado nang mas matagal kaysa sa iyong pagiging solvent.

Ang mga stock na tila undervalued (gamit ang anumang sukatan) ay hindi garantisadong tataas ang halaga sa hinaharap.


Pangwakas na ideya

Ang fundamental analysis ay isa nang naitatag na kasanayan na napatunayan na ng mga matagumpay na trader. Sa pagpulido ng isang istratehiya, hindi lang matututo ang mga investor sa mas mainam na pagtantiya ng totoong halaga ng stocks, cryptocurrencies, at ibang mga asset kundi mas naiintindihan din nila sa kabuuan ang mga negosyo at industriya.
Kasama ng technical analysis, ang fundamental analysis ay makapagbibigay sa mga trader at investor ng mas maayos na pag-intindi sa kung anong mga asset o negosyo sila mas kikita. Ang kombinasyon ng FA at TA ay pinapaboran ng marami sa parehong tradisyonal at cryptocurrency market.
Ganunpaman, dahil sa pagiging bago ng crypto markets, dapat mong maintindihan na posibleng hindi kasing epektibo rito ang FA. Laging tandaan ang Do Your Own Research para tiyakin na mayroon kang matibay na istratehiya sa pangangasiwa ng panganib.