Mga Nilalaman
Ano ang risk management?
Madalas tayong nangangasiwa ng mga panganib sa ating buhay -- maaaring sa paggawa ng mga simpleng tungkulin (tulad ng pagmamaneho ng sasakyan) o sa pagbuo ng mga bagong insurance at medical plan. Sa madaling sabi, ang risk management ay tungkol sa pagsusuri at pagresponde sa mga panganib.
Karamihan sa atin ay hindi namamalayan ang pangangasiwa nito sa kalagitnaan ng araw-araw na gawain. Ngunit pagdating sa mga financial market at pangangasiwa ng negosyo, importante at pinag-iisipan ang aspeto ng pagsusuri sa mga panganib.
Sa economics, maaari nating ilarawan ang risk management bilang isang balangkas na nagdidikta kung paano hinahawakan ng mga kumpanya at investor ang mga financial risk, na likas na sa lahat ng uri ng negosyo.
Para sa mga trader at investor, maaaring kasama sa balangkas na ito ang pangangasiwa sa iba’t ibang uri ng asset tulad ng cryptocurrencies, Forex, commodities, shares, indices, at real estate.
Maraming uri ng mga financial risks, na maaaring uriin sa iba’t ibang paraan. Magbibigay ang artikulong ito ng pangunahing kaalaman tungkol sa proseso ng risk management. Ipapakita rin nito ang ilang mga istratehiya na makatutulong sa mga trader at investor na mapigilan ang mga financial risk.
Paano gumagana ang risk management?
Kadalasan, may limang hakbang na kaugnay ang risk management: pagtatakda ng mga layunin, pagtukoy sa mga panganib, pagsusuri sa panganib, paglalarawan sa mga solusyon, at pagbabantay. Ganunpaman, depende sa konteksto, maaaring magbago ang mga hakbang na ito.
Pagtatakda ng mga layunin
Unang hakbang ang pagtukoy sa mga pangunahing layunin. Madalas itong may kaugnayan sa risk tolerance ng isang kumpanya o indibidwal. Sa madaling sabi, gaano kalaki ang kaya nilang isugal para makausad papunta sa kanilang mga layunin.
Pagtukoy sa mga panganib
Kalakip ng ikalawang hakbang ang paghahanap at pagpapaliwanag sa mga potensyal na panganib. Layon nitong ilantad ang lahat ng kaganapan na maaaring magdulot ng mga negatibong epekto. Sa larangan ng negosyo, maaaring makapagbigay ang hakbang na ito ng malalim na impormasyon na walang direktang kinalaman sa mga financial risk.
Pagsusuri sa panganib
Pagkatapos matukoy ang mga panganib, ang susunod na hakbang ay ang timbangin ang inaasahang dalas at bigat ng mga ito. Dito ngayon ililista ang mga ito base sa kahalagahan, na siyang magpapadali sa paglikha at paggamit sa naaayong tugon.
Paglalarawan sa mga solusyon
Kabilang sa ikaapat na hakbang ang paglalarawan sa mga tugon sa bawat uri ng panganib, ayon sa kanilang antas ng kahalagahan. Dito itinataguyod kung anong aksyon ang gagawin sakaling mangyari ang hindi inaasahan.
Pag-monitor
Huling hakbang ang pagbabantay sa pagiging epektibo ng tugon sa mga pangyayari. Kadalasang nangangailangan ito ng tuloy-tuloy na koleksyon ng mga pagsusuri sa mga datos.
Pangangasiwa sa mga financial risk
May ilang dahilan kung bakit maaaring hindi matagumpay ang isang istratehiya o trade setup. Halimbawa, maaaring mawalan ng pera ang isang trader dahil gumalaw ang market taliwas sa kanilang futures contract position o dahil naging emosyonal sila at humantong sa pagbebenta dahil sa biglang pangamba.
Madalas itinutulak ng mga emosyonal na reaksyon ang mga trader para ipagsawalang-bahala o sukuan ang kanilang pangunahing istratehiya. Kapansin-pansin ito tuwing bear markets at yugto ng capitulation.
Sa mga financial market, marami ang sang-ayon na ang pagkakaroon ng naangkop na risk management strategy ay may malaking ambag sa kanilang tagumpay. Maaaring kasing-simple ito ng pagtatakda ng Stop-Loss o Take-Profit orders.
Dapat magbigay ng malinaw na listahan ng mga posibleng aksyon ang isang matatag na istratehiya sa trading. Nangangahulugan ito na handa ang mga trader sa pagharap sa lahat ng uri ng sitwasyon. Ganunpaman, tulad sa nabanggit, maraming paraan para pangasiwaan ang mga panganib. Maganda sana kung laging binabago at ginagamit ang mga istratehiya.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga halimbawa ng financial risks kasama ang maikling paliwanag kung paano maiiwasan ang mga ito.
Market risk: Maaaring mapigilan sa pamamagitan ng pagtatakda ng Stop-Loss orders sa bawat trade para awtomatikong maisara ang mga posisyon bago makapagtala ng malalaking pagkatalo.
Liquidity risk: Maaring mapigilan sa pamamagitan ng trading sa high-volume markets. Kadalasan, mas nagiging liquid ang mga asset na may mataas na halaga ng market capitalization.
Credit risk: Maaaring mapababa sa pamamagitan ng trading sa isang mapagkakatiwalaang exchange para hindi kailangang pagkatiwalaan ng mga borrower at lender (o buyer at seller) ang isa’t isa.
Operational risk: Maaaring maagapan ng mga investor ang mga operational risk sa pamamagitan ng portfolio diversification, para mapigilan ang exposure sa iisang proyekto o kumpanya. Maaari rin silang gumawa ng sariling research para makahanap ng mga kumpanyang may maliit na tiyansang makaranas ng operational malfunctions.
Systemic risk: Maaaring mapigilan sa pamamagitan ng portfolio diversification. Pero sa sitwasyong ito, dapat kasama ng diversification ang mga proyektong may tiyak na mungkahi o mga kumpanyang galing sa ibang mga industriya. Mas mabuti kung ang mga ito ay may mababang correlation.
Pangwakas na ideya
Bago magbukas ng trading position o magtakda ng kapital sa isang portfolio, dapat isaalang-alang ng mga trader at investor ang pagbuo ng istratehiya sa risk management. Ganunpaman, mahalaga ring isaisip na hindi ganap na maiiwasan ang mga financial risk.
Sa pangkalahatan, inilalarawan ng risk management ang paghawak sa mga panganib, ngunit hindi ito tungkol lamang sa pag-iwas sa panganib. Kalakip nito ang madiskarteng pag-iisip para maharap sa pinaka-maayos na paraan ang mga hindi maiiwasang panganib.
Sa ibang salita, tungkol din ito sa pagtukoy, pagsusuri, at pagbabantay sa mga panganib, ayon sa konteksto at istratehiya. Layon ng proseso sa pangangasiwa ng mga panganib ang pagtitimbang sa risk/reward ratio nang sa ganun ay mabigyan ng prayoridad ang pinaka kanais-nais na posisyon.