Ang technical analysis (TA), na kadalasang tinutukoy bilang pag-chart, ay isang uri ng pagsusuri na naglalayong hulaan ang gawi ng merkado sa hinaharap batay sa dating pagkilos ng presyo at data sa dami. Malawakang ginagamit ang diskarte ng TA sa stocks at iba pang asset sa mga tradisyonal na pampinansyal na merkado, pero isa rin itong mahalagang bahagi ng pag-trade ng mga digital currency sa merkado ng cryptocurrency.
Salungat sa fundamental analysis (FA), kung saan maraming isinasaalang-alang na salik sa presyo ng isang asset, sa dating pagkilos ng presyo lang nakatuon ang TA. Samakatuwid, ginagamit ito bilang tool para suriin ang mga pagbabago-bago ng presyo at data ng volume ng isang asset, at ginagamit ito ng maraming trader para tumukoy ng mga trend at magagandang pagkakataon sa pag-trade.
Bagama't lumabas sa Amsterdam noong ika-17 siglo at sa Japan noong ika-18 siglo ang mga sinaunang anyo ng technical analysis, kadalasang matutukoy na galing sa akda ni Charles Dow ang makabagong TA. Isa si Dow, na isang financial journalist at tagapagtatag ng The Wall Street Journal, sa mga unang nakaobserba na ang mga indibidwal na asset at merkado ay kadalasang gumagalaw ayon sa mga trend na puwedeng paghiwa-hiwalayin at pag-aralan. Sa paglaon, nabuo mula sa gawa niya ang Dow Theory na nanghikayat sa higit pang pagpapahusay sa technical analysis.
Sa mga unang yugto, nakabatay ang pangunahing diskarte ng technical analysis sa mga sulat-kamay na piraso ng papel at manu-manong kalkulasyon, pero sa pag-unlad na dala ng teknolohiya at makabagong computing, naging malawakan ang TA at isa na ngayon itong mahalagang tool para sa maraming namumuhunan at trader.
Paano gumagana ang technical analysis?
Gaya ng nabanggit, sa pangkalahatan, ang TA ay ang pag-aaral ng mga kasalukuyan at dating presyo ng isang asset. Ang pangunahing pinagbabatayang palagay ng technical analysis ay ang mga pagbabago-bago sa presyo ng isang asset ay hindi random at karaniwang nagiging dalawang matutukoy na trend sa paglipas ng panahon.
Sa sentro nito, ang TA ay ang pagsusuri ng mga puwersa sa merkado ng supply at demand, na representasyon ng pangkalahatang saloobin sa merkado. Sa ibang salita, ipinapakita ng presyo ng isang asset ang magkasalungat na puwersa ng pagbebenta at pagbili, at malapit na nauugnay ang mga puwersang ito sa mga emosyon ng mga trader at namumuhunan (sa pangkalahatan, takot at pagkagahaman).
Mahalagang pansinin na itinuturing ang TA na mas maaasahan at epektibo sa mga merkadong tumatakbo sa mga normal na kondisyon, na may mataas na dami at liquidity. Ang mga merkadong may mataas na volume ay hindi masyadong maaapektuhan ng pagmamanipula sa presyo at mga abnormal na panlabas na impluwensya na puwedeng lumikha ng mga maling signal at maging dahilan para mawalan ng silbi ang TA.
Para masuri ang mga presyo at sa kalaunan ay makakita ng mga paborableng pagkakataon, gumagamit ang mga trader ng iba't ibang tool sa pag-chart na kilala bilang mga indicator. Makakatulong ang mga indicator ng technical analysis sa mga trader na tukuyin ang mga dati nang trend at magbigay rin ng makakatulong na impormasyon tungkol sa mga trend na posibleng lumabas sa hinaharap. Dahil posibleng maging mali ang mga indicator ng TA, gumagamit ang ilang trader ng maraming indicator para mabawasan ang mga panganib.
Mga karaniwang indicator ng TA
Kadalasan, ang mga trader na gumagamit ng TA ay gumagamit ng maraming iba't ibang indicator at sukatan para subukang tumukoy ng mga trend sa merkado, batay sa mga chart at dating pagkilos ng presyo. Kasama sa maraming indicator ng technical analysis, ang simple moving averages (SMA) ay isa sa mga pinakamadalas na ginagamit at pinakasikat na halimbawa. Gaya ng isinasaad ng pangalan, kinakalkula ang SMA batay sa mga closing price ng isang asset sa isang takdang yugto ng panahon. Ang exponential moving average (EMA) ay isang binagong bersyon ng SMA na nagbibigay sa mga kamakailang closing price ng mas mabigat na timbang kaysa sa mga luma.
Isa pang karaniwang ginagamit na indicator ang relative strength index (RSI), na bahagi ng isang klase ng mga indicator na kilala bilang mga oscillator. Hindi tulad ng mga simple moving average na sumusubaybay lang sa mga pagbabago sa presyo sa paglipas ng panahon, gumagamit ang mga oscillator ng mga mathematical formula sa data ng pagpepresyo at pagkatapos ay gumagawa ang mga ito ng mga reading na pasok sa mga paunang tinukoy na saklaw. Sa sitwasyon ng RSI, ang saklaw na ito ay mula 0 hanggang 100.
Ang indicator ng Bollinger Bands (BB) ay isa pang oscillator na napakasikat sa mga trader. Binubuo ang indicator ng BB ng dalawang lateral band na gumagalaw sa isang linya ng moving average. Ginagamit ito para makita ang mga potensyal na kondisyon sa merkado na labis na nabili at labis na naibenta, pati na rin para sukatin ang volatility ng merkado.
Maliban sa mga mas basic at simpleng instrumento ng TA, may ilang indicator na umaasa sa iba pang indicator para makabuo ng data. Halimbawa, kinakalkula ang Stochastic RSI sa pamamagitan ng paglalapat ng mathematical formula sa regular na RSI. Isa pang sikat na halimbawa ang indicator ng moving average convergence divergence (MACD). Binubuo ang MACD sa pamamagitan ng pagbabawas ng dalawang EMA para gawin ang pangunahing linya (ang linya ng MACD). Pagkatapos, gagamitin ang unang linya para bumuo ng isa pang EMA, na humantong sa pangalawang linya (na kilala bilang linya ng signal). Dagdag pa rito, mayroon ding histogram ng MACD, na kinakalkula batay sa pinagkaiba-iba ng dalawang linyang iyon.
Mga signal sa pag-trade
Bagama't kapaki-pakinabang ang mga indicator para sa pagtukoy ng mga pangkalahatang trend, magagamit din ang mga ito para magbigay ng mga insight sa mga potensyal na entry at exit point (mga signal ng pagbili o pagbebenta). Puwedeng buuin ang mga signal na ito kapag may mga partikular na event na nangyari sa chart ng isang indicator. Halimbawa, kapag nakabuo ang RSI ng reading na 70 o mas mataas, puwede nitong isaad na tumatakbo ang merkado sa mga kondisyong labis na nabili. Ganito rin ang lohika kapag bumaba ang RSI sa 30 o mas mababa pa, na karaniwang itinuturing na signal para sa mga kondisyon sa merkado na labis na naibenta.
Gaya ng natalakay kanina, hindi laging tumpak ang mga signal sa pag-trade na ibinibigay ng technical analysis, at marami-raming noise (maling signal) ang ginagawa ng mga indicator ng TA. Partikular itong nakakapag-alala sa mga merkado ng cryptocurrency, na mas maliit kaysa sa mga tradisyonal na merkado, at dahil dito, mas volatile.
Mga Kritisismo
Bagama't malawakan itong ginagamit sa lahat ng uri ng merkado, itinuturing ang TA ng maraming espesyalista bilang isang kontrobersyal at hindi maaasahang paraan at kadalasan ay tinutukoy ito bilang “self-fulfilling prophecy.” Ginagamit ang nasabing termino para ilarawan ang mga event na nangyayari lang dahil ipinagpalagay ng maraming tao na mangyayari ang mga ito.
Iginigiit ng mga kritiko na, sa konteksto ng mga pampinansyal na merkado, kung maraming trader at namumuhunan ang umaasa sa mga parehong uri ng mga indicator, gaya ng mga linya ng support at resistance, lumalaki ang tsansang gagana ang mga indicator na ito.
Sa kabilang banda, iginigiit naman ng maraming sumusuporta sa TA na ang bawat chartist ay may partikular na paraan ng pagsusuri sa mga chart at paggamit sa maraming indicator na available. Ipapahiwatig nito na halos imposibleng gamitin ng maraming trader ang iisang partikular na diskarte.
Fundamental analysis kumpara sa technical analysis
Ang isang sentrong pahayag ng technical analysis ay na ipinapakita ng mga market price ang lahat ng pangunahing salik na nauugnay sa isang partikular na asset. Pero salungat sa diskarte ng TA, na pangunahing nakatuon sa data ng dating presyo at dami (mga chart ng merkado), gumagamit ang fundamental analysis (FA) ng mas malawak na diskarte sa pagsisiyasat na mas nagbibigay-diin sa mga qualitative na salik.
Ayon sa fundamental analysis, hindi lang sa dating data nakasalalay ang performance ng isang asset sa hinaharap. Sa pangkalahatan, ang FA ay isang pamamaraang ginagamit para tantyahin ang taglay na halaga ng isang kumpanya, negosyo, o asset batay sa maraming iba't ibang micro at macroeconomic na kondisyon, gaya ng pamamahala at reputasyon ng kumpanya, kumpetisyon sa merkado, mga rate ng paglago, at kalagayan ng industriya.
Samakatuwid, puwede naming isaalang-alang na hindi tulad ng TA na pangunahing ginagamit bilang tool sa paghula para sa pagkilos ng presyo at gawi ng merkado, ang FA ay isang paraan para sa pagtukoy kung overvalued ang isang asset o hindi, ayon sa konteksto at potensyal nito. Bagama't sa pangkalahatan, ginagamit ang technical analysis ng mga panandaliang trader, mas pinipili ng mga manager ng mga pondo at mga pangmatagalang namumuhunan ang fundamental analysis.
Isang kapansin-pansing bentahe ng technical analysis ay ang katotohanan na umaasa ito sa quantitative data. Dahil dito, magbibigay ito ng framework para sa isang objective na imbestigasyon ng kasaysayan ng presyo, kung saan nababawasan ang panghuhula na kasama sa mas qualitative na diskarte ng fundamental analysis.
Gayunpaman, sa kabila ng paggamit ng empirical data, naiimpluwensyahan pa rin ang TA ng personal na pagkiling at opinyon. Halimbawa, ang isang trader na may malaking posibilidad na magkaroon ng partikular na kongklusyon tungkol sa isang asset ay malamang na makakapagmanipula sa mga TA tool niya para masuportahan ang pagkiling niya at maipakita ang mga maagang opinyon niya at, sa maraming sitwasyon, nangyayari ito nang hindi nila alam. Higit pa rito, puwede ring pumalya ang technical analysis sa mga panahon kung saan hindi nagpapakita ng malinaw na pattern o trend ang mga merkado.
Mga pangwakas na pananaw
Sa kabila ng mga kritisismo at ng matagal nang kontrobersyal na debate kung aling pamamaraan ang mas maganda, ang kumbinasyon ng mga diskarteng TA at FA ay itinuturing ng marami bilang mas makabuluhang opsyon. Bagama't karaniwang nauugnay ang FA sa mga pangmatagalang diskarte sa pamumuhunan, puwedeng magbigay ang TA ng makakatulong na impormasyon sa mga panandalihang kondisyon sa merkado, na puwedeng maging kapaki-pakinabang sa mga trader at namumuhunan (halimbawa, kapag sinusubukan mong tumukoy ng mga mainam na entry at exit point).