Ano ang Mga Governance Token?
Talaan ng Nilalaman
TL;DR
Panimula
Paano gumagana ang mga governance token? 
Mga bentahe at kahinaan ng mga governance token
Ano ang susunod para sa mga governance token? 
Mga pangwakas na pananaw
Ano ang Mga Governance Token?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Mga Governance Token?

Ano ang Mga Governance Token?

Baguhan
Na-publish Jun 13, 2022Na-update Sep 29, 2022
5m

TL;DR

Nagbibigay ang mga governance token sa mga may hawak ng karapatang bumoto sa mga isyung namamahala sa pag-unlad at pagpapatakbo ng isang proyekto sa blockchain. Isa itong paraan para maipamahagi ng mga proyekto ang kapangyarihan sa pagpapasya sa kanilang mga komunidad. Nakakatulong ang desentralisadong modelo ng pamamahala na ito na iayon ang mga interes ng mga may hawak ng token sa mga interes ng proyekto.


Panimula

Maraming tradisyonal na kumpanya ang pinapamahalaan ng isang lupon ng mga direktor o isang maliit na grupo ng mga tao, na puwedeng ikategorya bilang sentralisadong pamamahala. Nasa 10 tao ang average na laki ng mga lupon ng pinakamalalaking kumpanya. Malaki ang hawak nilang kapangyarihan sa kung paano pinapatakbo ang mga kumpanya. Ang mga direktor ay puwedeng magnomina o magtanggal ng matataas na executive, magpasya kung saang mga proyekto dapat mamuhunan, at magtakda ng diskarte ng kumpanya.

Kumakatawan ang mga governance token ng ibang paraan para mamahala ng mga organisasyon. Karaniwan ang modelong kinakatawan ng mga governance token para sa mga decentralized autonomous organization (DAO) at decentralized finance (DeFi), at nag-aalok ito ng mas pantay-pantay, desentralisado, at transparent na paraan ng pamamahala. Kadalasan, isang boto ang katumbas ng isang token. Idinisenyo ang mga token na ito para pagbuklurin ang mga komunidad para matiyak na uunlad nang matiwasay ang mga proyekto sa blockchain.


Paano gumagana ang mga governance token? 

Ang mga governance token ay ang pangunahing paraan para maipatupad ang desentralisadong pamamahala sa mga proyekto ng DAO, DeFi, at decentralized application (DApp). Kadalasan, ibinibigay ang mga ito sa mga aktibong user para sa kanilang katapatan at mga kontribusyon sa komunidad. Kapalit nito, bumoboto ang mga may hawak ng token sa malalaking isyu para matiyak ang maayos na pag-unlad ng mga proyekto. Karaniwang nangyayari ang botohan sa pamamagitan ng mga smart contract, at sa ganitong sitwasyon, awtomatikong ipinapatupad ang mga resulta.

Isa sa mga pinakaunang governance token ay inisyu ng MakerDAO, na isang Ethereum-based DAO na sumusuporta sa stablecoin na DAI na ginagamitan ng collateral na crypto. Pinapamahalaan ang Maker Protocol ng mga may hawak ng governance token nito na tinatawag na MKR. Katumbas ang isang MKR token ng isang boto, at ang desisyong may pinakamaraming boto ang ipapatupad. Bumoboto ang mga may hawak ng token sa iba't ibang isyu, tulad ng pagtatalaga ng mga miyembro ng team, pag-adjust ng bayarin, at pagpapatupad ng mga bagong panuntunan. Ang layunin ay siguraduhing magiging stable, transparent, at mahusay ang stablecoin ng MakerDao.

Isa pang halimbawa ang Compound, na isang protocol ng DeFi na nagbibigay-daan sa mga user na magpahiram at manghiram ng mga cryptocurrency. Nag-iisyu ito ng governance token na tinatawag na COMP para mabigyang-daan ang komunidad ng mga user nito na bumoto sa mahahalagang desisyon. Inilalaan ang mga token nang proporsyonal sa aktibidad ng mga user sa chain. Sa madaling salita, kung mas marami kang ipapahiram at hihiramin sa Compound, mas marami kang COMP token na matatanggap. 

Tulad sa MakerDAO, katumbas ang isang COMP token ng isang boto. Puwede ring italaga ng mga user ang kanilang mga token sa iba para bumoto para sa kanila. Matatandaan na isinuko ng Compound ang kontrol sa admin key ng network noong 2020. Ibig sabihin, ang mga may hawak na ng token nito ang ganap na namamahala sa proyekto nang walang anumang pamalit na paraan ng pamamahala.

Kasama sa iba pang kilalang governance token ay ang mga iniisyu ng desentralisadong palitan na Uniswap at PancakeSwap, ang platform ng pagpapahiram ng DeFi na Aave, komunidad ng NFT sa Web3 na ApeCoin DAO, at platform ng virtual na mundo na Decentraland

Bawat proyekto ay nagtatakda ng iba't ibang panuntunan kung paano gumagana ang kanilang mga governance token. Ipinapamahagi ang mga token sa mga stakeholder, kasama na ang nagtatag na team, mga namumuhunan, at mga user, ayon sa iba't ibang modelo ng kalkulasyon. Bumoboto lang ang ilang governance token sa isang partikular na hanay ng mga isyu sa pamumuhunan, habang pinagbobotohan naman ng iba ang karamihan ng mga bagay. Puwedeng kumita ang ilang governance token ng mga pampinansyal na dividend, habang ang iba naman ay hindi.  


Mga bentahe at kahinaan ng mga governance token

May ilang napakagagandang benepisyo ang mga governance token. Sa pamamagitan ng mga ito, puwedeng mawala ang hindi pagkakatugma ng mga ideya na kadalasang nakikita sa sentralisadong pamamahala. Sa desentralisadong pamamahala na binibigyang-daan ng mga governance token, nalilipat ang kapangyarihan sa pamamahala sa malawak na komunidad ng mga stakeholder, kaya nagtutugma ang mga interes ng mga user at ng mismong organisasyon.

Isa pang bentahe ng mga governance token ay ang kakayahang bumuo ng mga komunidad na aktibo, nagtutulungan, at malalapit sa isa't isa. Bawat may hawak ng token ay binibigyan ng insentibo para pagbotohan at pagandahin ang proyekto. Dahil kadalasang katumbas ng isang boto ang isang token, puwede itong maging pundasyon para sa patas at mas pantay-pantay na pagpapasya. Bawat may hawak ng token ay puwedeng magpasimula ng panukalang pagbobotohan. Bukas ang mga detalye ng bawat boto para makita ng lahat, na nagpapaliit ng tsansa ng pandaraya.

Ang pinakamalaking hamon ng mga governance token ay ang tinatawag na problema ng mga whale. Ang mga whale ay mga taong may hawak na malaking porsyento ng isang partikular na crypto. Kung ang pinakamalalaking whale ng isang proyekto ng crypto ay may hawak na malaking bahagi ng kabuuang supply ng governance token nito, puwede nilang kontrolin ang proseso ng botohan para pumabor ito sa kanila. Kailangang siguraduhin ng mga proyekto na talagang desentralisado at pantay-pantay ang pamamahagi ng pagmamay-ari ng token.

Pero kahit na patas at malawakan ang pamamahagi ng mga governance token, walang garantiya na ang mga desisyon ng nakararami ang laging pinakamainam para sa mga proyekto. Matagal na ang mga sistema ng eleksyon na isang boto para sa bawat isang tao at iba't iba ang track record ng mga ito. Nagkaroon na ng mga sitwasyon kung saan bumoboto ang mga may hawak ng governance token para makinabang ang mga nagtatag na team at malalaking namumuhunan sa paraang makakasama sa mas malaking bahagi ng komunidad.

 

Ano ang susunod para sa mga governance token? 

Bilang inobasyong nagmula sa mundo ng crypto, posibleng magkaroon ng mas maraming mapaggagamitan ang mga governance token sa mas maraming sektor. Ang Web3 movement ay isang lugar kung saan makakatulong ang mga governance token na bumuo ng desentralisadong internet. Habang nagkakaroon ng momentum ang DeFi at mga DAO, puwedeng gamitin ng iba pang industriya gaya ng gaming ang modelo ng pamamahala na ito.

Patuloy na magbabago ang mga governance token para maayos ang mga problema habang lumalabas ang mga ito. Posibleng may mga bagong mekanismo para maharap ang problema sa whale o iba pang paraan para mapaganda ang proseso ng botohan. Puwedeng magkaroon ng mga bagong paraan ng paglalaan ng mga boto. Malamang na maging mas kumplikado ang mundong ito, habang patuloy na nagkakaroon ng mga bagong inobasyon. 

Isa pang pangunahing salik na nakakaapekto sa hinaharap ng mga governance token ay ang mga potensyal na pagbabago sa pagkontrol. Puwedeng ituring ng ilang pamahalaan ang mga token na ito bilang mga security. Dahil dito, puwedeng mapailalim ang mga ito sa mahihigpit na regulasyon at puwedeng makaapekto ang mga ito sa kung paano gagana ang mga ito. 


Mga pangwakas na pananaw

Nasa mga unang yugto pa lang ng pag-develop ang mga governance token. Nagbigay-daan ang mga ito sa maayos na paglago ng maraming proyekto ng DeFi at DAO. Dahil sa kapangyarihan sa pagboto para matukoy ang pamamahala ng mga proyekto, ang mga token na ito ang pundasyon ng desentralisasyon. 

Sa prinsipyong isang boto sa bawat isang token, nagiging sentro ang mga user at ang komunidad hangga't may pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ng mga token sa mga miyembro ng komunidad. Puwedeng magpatuloy sa paglago ang mga governance token sa hinaharap. Puwedeng gumamit ng mga governance token ang mga network na pagmamay-ari ng user, proyekto sa Web3, at laro para makabuo ng mas masisiglang desentralisadong ecosystem.