TL;DR
Ang stablecoin ay isang cryptoasset na naka-peg sa isang asset na may stable na presyo, gaya ng fiat currency o precious metal. Binuo ang mga stablecoin para maiwasan ang matitinding volatility na karaniwan na sa merkado ng cryptocurrency.
May tatlong uri ng stablecoin: nakabatay sa fiat, nakabatay sa crypto, at algorithmic. Ang mga stablecoin na nakabatay sa fiat, gaya ng BUSD, ay naka-peg sa mga tradisyonal na fiat currency. Nakakapagpanatili ng peg ang mga ito sa pamamagitan ng pagtatabi ng mga reserbang fiat na puwedeng ipalit sa stablecoin. Sinosobrahan ng mga stablecoin na nakabatay sa crypto (gaya ng DAI) ang collateral sa mga token nito para isaalang-alang ang volatility ng presyo ng crypto, at kinokontrol ng mga algorithmic na stablecoin ang supply nang hindi na kailangan ng mga reserba.
Dahil sa praktikal na pakinabang ng mga stablecoin at malawak na capitalization nito sa merkado, unti-unti nitong nakukuha ang atensyon ng mga regulator. May ilan pa ngang pamahalaan na gumagawa ng sarili nila para mapanatili ang kontrol sa currency.
Hindi lang puro volatility ang mga cryptocurrency. Sa katunayan, may ilan sa mga ito na partikular na idinisenyo para magpanatili ng fixed na presyo: ang mga stablecoin. Sa isang industriya kung saan puwedeng bumagsak nang biglaan ang mga coin at token, napakalaki ng demand sa mga currency na pinagsasama ang mga benepisyong dala ng blockchain at ang kakayahang makasubaybay ng isang mas stable na commodity. Kung hindi ka pa nakakagamit ng mga stablecoin sa pag-trade o pamumuhunan, magandang malaman ang tungkol sa mga ito pati na ang mga benepisyo at disbentaheng dala ng mga ito.
Ang mga stablecoin ay mga digital na asset na sumusubaybay sa value ng
mga fiat currency o iba pang asset. Halimbawa, puwede kang bumili ng mga token na naka-peg sa dolyar, euro, yen, at maging sa ginto at langis. Sa pamamagitan ng stablecoin, nala-lock in ng may-hawak nito ang mga kita at pagkalugi, at naililipat ang value sa isang stable na presyo sa mga peer-to-peer na blockchain network.
Dati pa man, palagi nang volatile ang Bitcoin (BTC), Ether (ETH), at iba pang altcoin. Bagama't nagbibigay ito ng maraming oportunidad dahil sa speculation, may mga disbentahe rin ito. Dahil sa
volatility, mahirap gumamit ng
mga cryptocurrency para sa mga pang-araw-araw na pagbabayad. Halimbawa, puwedeng tumanggap ang mga merchant ng $5 na BTC para sa isang kape ngayong araw, pero puwede itong bumaba nang 50% kinabukasan. Ito ang dahilan kung bakit ito mahirap gamitin sa pagpaplano at pagpapatakbo ng negosyo.
Dati, walang paraan ang mga mamumuhunan at trader ng crypto na ma-lock in ang kita o maiwasan ang volatility nang hindi kino-convert ang crypto pabalik sa fiat. Noong ginawa ang mga stablecoin, nakapagbigay ito ng simpleng solusyon sa dalawang isyung ito. Ngayon, madali mong maiiwasan ang volatility ng crypto gamit ang mga stablecoin gaya ng BUSD o USDC.
Sa paggawa ng coin na sumusubaybay ng presyo o value ng isa pang commodity, kailangan mo ng mekanismo sa pag-peg. May iba't ibang paraan para magawa ito, at ang karamihan ay nakabatay sa isa pang asset na nagsisilbing
collateral. May ilang paraan na napatunayang mas matagumpay kaya sa iba, pero
wala pa ring maituturing na garantisadong peg.Mga stablecoin na nakabatay sa fiat
Ang isang stablecoin na nakabatay sa fiat ay nagtatabi ng fiat currency, gaya ng USD o GBP, sa mga reserba nito. Halimbawa, ang bawat
BUSD ay nakabatay sa isang totoong US dollar na hinahawakan bilang collateral. Dahil dito, makakapag-convert ang mga user mula fiat patungo sa isang stablecoin at vice versa sa naka-peg na rate. Kung lalayo ang presyo ng token sa pinagbabatayang fiat, agad na ibabalik ng mga arbitrageur ang presyo sa naka-fix na rate.
Sabihin nating lampas sa isang dolyar nagte-trade ang BUSD. Gagawing BUSD ng
mga arbitrageur ang mga US dollar at ibebenta ito nang mas mataas sa merkado. Papataasin nito ang supply ng BUSD na ibinebenta at pabababain ulit ang presyo sa isang dolyar. Kung magte-trade nang wala pang isang dolyar ang BUSD, bibili ang mga trader ng BUSD at iko-convert ito sa USD. Patataasin nito ang demand para sa BUSD, na magpapataas ng presyo nito pabalik sa isang dolyar.
Mga stablecoin na nakabatay sa crypo
Gumagana ang mga stablecoin na nakabatay sa crypto sa paraang katulad ng mga stablecoin na nakabatay sa fiat. Pero sa halip na gumamit ng mga dolyar o ibang currency bilang mga reserba, mga cryptocurrency ang nagsisilbing collateral. Dahil lubos na volatile ang merkado ng crypto, kadalasan ay sinosobrahan ng mga stablecoin na nakabatay sa crypto ang collateral sa mga reserba bilang pangontra sa mga pagbabago-bago ng presyo.
Gumagamit ang mga stablecoin na nakabatay sa crypto ng mga smart contract para pamahalaan ang pag-mint at pag-burn. Ginagawa nitong mas maaasahan ang proseso dahil puwedeng ma-audit mismo ng mga user ang mga kontrata. Gayunpaman, may ilang stablecoin na nakabatay sa crypto na pinapagana ng
mga Decentralized Autonomous Organization (DAO), kung saan mapagbobotohan ng komunidad ang mga pagbabago sa proyekto. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong makilahok o kaya naman ay pagkatiwalaan na lang ang DAO na gawin ang pinakamainam na desisyon.
Tumingin tayo ng halimbawa. Para mag-mint ng $100 na DAI na naka-peg sa USD, kailangan mong maglaan ng $150 na crypto bilang 1.5x na collateral. Kapag nakuha mo na ang DAI mo, magagamit mo na ito sa paraang gusto mo. Puwede mo itong ilipat, gamitin bilang puhunan, o itabi lang. Kung gusto mong makuha ulit ang collateral mo, kailangan mong bayaran ang 100 DAI. Gayunpaman, kung bababa ang collateral mo sa isang partikular na ratio ng collateral o value ng loan, mali-liquidate ito.
Kapag mas mababa sa $1 ang stablecoin, gagawa ng mga insentibo para ibalik ng mga may-hawak ang kanilang stablecoin kapalit ng collateral. Mababawasan nito ang supply ng coin, na magpapataas ng presyo nito pabalik sa $1. Kapag lampas ito sa $1, bibigyan ng insentibo ang mga user para gumawa ng token, na magpapataas ng supply nito at magpapababa sa presyo. Isa sa mga halimbawa ang DAI, pero ang lahat ng stablecoin na nakabatay sa crypto ay umaasa sa pinaghalong
game theory at mga on-chain na algorithm para magbigay ng insentibo sa stability ng presyo.
Mga algorithmic na stablecoin
Iba ang paraan ng mga algorithmic stablecoin dahil hindi nito kailangan ng mga reserba. Sa halip,
mga algorithm at
smart contract ang namamahala sa supply ng mga iniisyung token, tulad ng
patakaran sa pananalapi ng isang
bangko sentral. Mas bihira ang ganitong modelo kumpara sa mga stablecoin na nakabatay sa crypto o fiat, at mas mahirap itong patakbuhin sa matagumpay na paraan.
Sa system ng algorithmic na stablecoin, babawasan ang supply ng token kung mas magiging mababa ang presyo nito kaysa sa fiat currency na sinusubaybayan nito. Puwede itong mangyari sa pamamagitan ng naka-lock na pag-stake, pag-burn, o mga buy-back. Kung malalampasan ng presyo ang value ng fiat currency, may mga bagong token na ipapasok sa sirkulasyon para mapababa ang value ng stablecoin.
Ang mga stablecoin ay mga versatile at mahuhusay na tool para sa mga mamumuhunan, trader, at user ng cryptocurrency. Kasama sa mga pangunahin nitong bentahe ang mga sumusunod:
1. Puwedeng magamit ang mga stablecoin sa mga pang-araw-araw na pagbabayad. Mahalaga para sa mga shop, negosyo, at indibidwal ang stability. Dahil sa mataas na volatility, hindi pa malawakang ginagamit ang mga cryptocurrency para sa pagpoproseso ng bayad. May magandang track record ang malalaking stablecoin sa pagpapanatili ng kanilang peg, kaya naman medyo mapagkakatiwalaan at angkop ang mga ito sa pang-araw-araw na paggamit.
2. May mga benepisyo ang mga stablecoin sa pagiging blockchain-based. Puwede kang magpadala ng stablecoin sa sinuman sa buong mundo na may compatible na
crypto wallet (na puwedeng gawin nang libre sa loob lang ng ilang segundo). Halos imposible rin ang dobleng paggastos (double-spending) at mga maling transaksyon. Dahil sa mga katangiang ito, at higit pa, talaga namang versatile ang mga stablecoin.
3. Puwedeng magamit ang mga stablecoin ng mga trader at mamumuhunan bilang hedge sa kanilang mga portfolio. Ang
paglalaan ng ilang porsyento ng portfolio sa mga stabilized coin ay isang epektibong paraan para mapababa ang pangkalahatang panganib. Mas magiging resistant sa mga pabagu-bagong presyo sa merkado ang kabuuang portfolio mo, at may nakahanda ka ring pondo kung sakaling magkakaroon ka ng magagandang oportunidad. Makakapagbenta ka rin ng crypto kapalit ng mga stablecoin sa tuwing pababa ang merkado, at mabibili mo ulit ang mga ito sa mas mababang presyo (hal.,
shorting). Sa pamamagitan ng mga stablecoin, makakapasok at makakalabas ka sa mga posisyon sa maginhawang paraan, nang hindi kailangang maglabas ng pera mula sa chain.
Sa kabila ng potensyal ng mga ito na makasuporta sa malawakang paggamit ng cryptocurrency, may mga limitasyon pa rin ang mga stablecoin:
1. Hindi garantisadong mapapanatili ng stablecoin ang peg nito. Bagama't maganda ang track record ng ilang malalaking proyekto, marami ring proyekto ang hindi nagtagumpay. Kapag palaging may usapin ang isang stablecoin sa pagpapanatili ng peg nito, puwede nitong mawala ang lahat ng value nito.
2. Kawalan ng transparency. Hindi pa naglalabas ang
Tether (USDT) at USD Coin (USDC) ng mga kumpletong pampublikong audit, at mga regular na attestation lang ang inilalabas ng karamihan sa malalaking stablecoin. Mga pribadong accountant ang nagsasagawa ng mga ito para sa mga issuer ng stablecoin.
3. Ang mga stablecoin na gumagamit ng fiat bilang collateral ay kadalasang mas sentralisado kumpara sa iba pang cryptocurrency. May central entity na humahawak sa collateral at posibleng napapailalim din ito sa panlabas na pinansyal na regulasyon. Nagbibigay ito sa kanila ng malawak na kontrol sa coin. Kailangan mo ring magtiwala na hawak ng issuer ang mga reserbang sinasabi nilang mayroon sila.
4. Ang mga coin na gumagamit ng crypto bilang collateral at ang mga coin na hindi gumagamit ng collateral ay lubos na nakaasa sa kanilang komunidad para gumana. Karaniwan na ang pagkakaroon ng bukas na mekanismo sa pamamahala sa mga proyekto ng crypto, ibig sabihin, may boses ang mga user sa pag-develop at pagpapatakbo ng bawat proyekto. Dahil dito, kailangan mong makisali o kailangan mong magtiwala na magiging responsable ang mga developer at ang komunidad sa pagpapatakbo ng proyekto.
Tingnan nating mabuti ang dalawang sikat na stablecoin na available sa merkado: BUSD at DAI.
Stablecoin na nakabatay sa fiat: Binance USD (BUSD)
Ang BUSD ay isang stablecoin na nakabatay sa USD na ginawa ng Paxos at Binance. Nire-regulate ng New York State Department of Financial Services ang BUSD, at kinukumpirma ng mga regular na attestation na katumbas ng mga reserbang fiat ang supply ng BUSD. Sa pamamagitan ng website ng Paxos, puwede kang direktang mag-mint ng bagong BUSD o mag-burn ng BUSD kapalit ng pinagbabatayang collateral. Sa pamamagitan ng mekanismong ito, nagkakaroon ng arbitrage na nagpapanatili sa matagumpay na pag-peg ng BUSD.
Stablecoin na nakabatay sa crypto: MakerDAO (DAI)
Ang DAI ay isa sa mga pinakasikat na stablecoin na nakabatay sa crypto na sumusubaybay sa USD sa
Ethereum. Ang coin na ito ay pinamamahalaan ng komunidad ng
MakerDAO na humahawak sa governance token na MKR. Puwede kang gumamit ng MKR para gumawa ng mga proposal o bumoto para sa mga ito para baguhin ang proyekto. Sobra ang collateral sa DAI para matugunan ang volatility ng crypto, at papasok ang mga user sa mga Collateralized Debt Position (CDP) na namamahala sa kanilang collateral. Pinapatakbo ang buong proseso gamit ang mga smart contract.
Napukaw ng mga stablecoin ang interes ng mga regulator sa buong mundo dahil sa natatangi nitong kumbinasyon ng fiat at crypto. Dahil nagpapanatili ang mga ito ng stable na presyo, kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iba't ibang layunin bukod sa ispekulasyon. Mura at mabilis din ilipat ang mga ito sa buong mundo. Dahil dito, may ilang nagsasabi na puwedeng tapatan ng mga stablecoin ang fiat, bagama't hindi direktang makokontrol ng bangko sentral ng isang bansa ang mga ito. May ilang bansa pa ngang nag-eeksperimento sa paggawa ng sarili nilang stablecoin bilang tugon dito.
Dahil isang uri ng cryptocurrency ang stablecoin, malamang ay mapapailalim ito sa mga regulasyong kagaya ng sa crypto sa iyong lokal na hurisdiksyon. Posible ring mangailangan ng panregulatoryong pahintulot ang pag-isyu ng mga stablecoin gamit ang mga reserbang fiat.
Sa ngayon, mahirap nang humanap ng mamumuhunan o trader na hindi pa nakahawak ng stablecoin. Madalas hinahawakan ang mga stablecoin sa mga palitan ng crypto para mabilis na makapag-capitalize ang mga trader sa mga bagong oportunidad sa merkado. Gaya ng napag-usapan natin, talagang kapaki-pakinabang din ang mga ito sa pagpasok at paglabas sa mga posisyon nang hindi na kailangang maglabas ng pera bilang fiat. Bukod sa pag-trade at pamumuhunan, talagang kapaki-pakinabang din ang mga stablecoin sa mga pagbabayad, mga paglilipat sa buong mundo, o pagkakaroon ng passive income gamit ang pag-stake sa DeFi ecosystem.
Bagama't mahalagang bahagi ang mga ito ng crypto at binigyang-daan ng mga ito ang paggawa ng isang bagong pinansyal na sistema, hindi mo dapat maliitin ang mga panganib. Nakakita na tayo ng mga proyekto ng stablecoin na may mga palyadong peg, mga nawawalang reserba, at mga problemang legal. Kaya naman bagama't talagang mga versatile na tool ang mga stablecoin, huwag kalimutang cryptocurrency pa rin ang mga ito at may mga katulad itong panganib. Puwede mong mabawasan ang mga panganib sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng iyong portfolio, pero tiyaking magsagawa ng sarili mong pananaliksik bago mamuhunan o mag-trade.