Ano ang Anti-Money Laundering (AML)?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Anti-Money Laundering (AML)?

Ano ang Anti-Money Laundering (AML)?

Baguhan
Na-publish Aug 18, 2021Na-update Feb 14, 2023
7m

TL;DR

Sinusubukan ng mga regulasyon sa AML na pigilan ang ilegal na laundering ng mga pondong hindi pinapayagan ayon sa batas. Ang mga indibidwal na gobyerno at multinasyonal na organisasyon gaya ng FATF ay gumagawa ng mga batas laban sa mga aktibidad ng money laundering.

Sa money laundering, ang “maruming” pera ay ginagawang malinis na pera. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtatago ng mga pinagmulan ng mga pondo, paghahalo ng mga ito sa mga lehitimong transaksyon, o pamumuhunan ng mga ito sa mga legal na asset.

Ang crypto ay isang nakakaengganyong paraan para mag-launder ng pera dahil sa pagiging pribado nito, sa pagiging mahirap kumuha ng mga pondo, at sa hindi pa nabubuong lehislasyon. Sa mga malakihang pagsamsam ng crypto, makikita na regular itong ginagamit ng mga kriminal para mag-launder ng malalaking halaga.

Sinusubaybayan ng Binance at marami pang ibang palitan ng crypto ang kahina-hinalang gawi bilang bahagi ng kanilang pagsunod sa AML at iniuulat nila ito sa tagapagpatupad ng batas.


Panimula

Nakakatulong ang mga regulasyon sa Anti-Money Laundering (AML) na labanan ang paglilinis ng mga ilegal na pondo. Hinihingi ito mula sa mga sentralisadong palitan ng cryptocurrency para mapanatiling ligtas ang mga customer at malabanan ang krimen sa pananalapi. Dahil sa anonymous na katangian ng cryptocurrency, nakasalalay ang malaking bahagi ng regulasyon nito sa pagsubaybay sa gawi at mga pagkakakilanlan ng mga customer.


Ano ang AML?

Ang AML ay binubuo ng mga regulasyon at batas na pumipigil sa paggalaw at paglilinis ng mga ilegal na pondo. Malapit na nauugnay ang AML sa Financial Action Task Force (FATF) na binuo noong 1989 para hikayatin ang pakikipagtulungan ng iba't ibang bansa. Halimbawa, tina-target ng mga hakbang ng AML ang pagpipinansya sa mga terorista, panloloko sa buwis, at internasyonal na smuggling. Nag-iiba-iba ang AML ayon sa bansa, pero nagsisikap na maging magkakapareho ang mga pamantayan sa buong mundo.
Habang umuunlad ang teknolohiya, ganoon din ang mga paraan para sa money laundering. Bilang resulta, karaniwang fina-flag ng software ng AML ang gawing posibleng ituring na kahina-hinala. Kasama sa mga flag at hakbang na ito ang malalaking paglilipat ng pera, paulit-ulit na pagpasok ng mga pondo sa isang account, at mga cross-check laban sa mga user na nasa mga watchlist. Hindi lang sa mga cryptocurrency nalalapat ang AML. Puwedeng subaybayan at suriin laban sa mga regulasyon sa AML ang anumang asset o fiat currency.
Medyo natagalan bago nakahabol sa mga cryptocurrency ang regulasyon. Habang tuloy-tuloy na nagbabago ang teknolohiya ng blockchain, regular na nagbabago ang mga pamamaraan sa AML kasama ng mga hakbang sa pagsunod. Gayunpaman, hindi ito laging itinuturing na positibo. Maraming mahilig sa cryptocurrency ang nagpapahalaga sa pagiging anonymous at desentralisasyon ng asset. Dahil dito, kung minsan ay itinuturing na salungat sa diwa ng crypto ang mas maigting na regulasyon at dokumentasyon ng mga pagkakakilanlan ng mga user.


Ano ang pinagkaiba ng AML at KYC?

Ang mga pagsusuri ng Know Your Customer (KYC) ay isang obligasyon para sa mga institusyon ng pananalapi at tagapagbigay ng serbisyo bilang bahagi ng mga batas sa AML. Sa KYC, ang isang user ay kinakailangang magsumite ng personal na impormasyong nagve-verify sa kanyang pagkakakilanlan. Gumagawa ang prosesong ito ng pananagutan para sa anumang pampinansyal na transaksyong gagawin ng user. Ang KYC ay isang proactive na bahagi ng AML at nabibilang ito sa due diligence ng customer. Salungat ito sa iba pang kasanayan sa AML kung saan iniimbestigahan ang kahina-hinalang gawi bilang reaksyon.


Ano ang money laundering?

Ang money laundering ay kapag pinagmumukhang lehitimong pera, mga pamumuhunan, o mga pampinansyal na asset ng mga kriminal ang mga ilegal na pondo. Nagmumula ang mga pondo sa mga krimen gaya ng drug trafficking, terorismo, at panloloko. Nag-iiba-iba ang mga batas at regulasyong lumalaban sa money laundering sa bawat bansa. Gayunpaman, layunin ng maraming hurisdiksyon at ng FATF na gawing mas naaayon ang mga panuntunan sa isa't isa.

May tatlong yugto ang pag-launder ng pera:

  • Paglalagay: Pagpapasok ng “maruming” pera sa sistema ng pananalapi, halimbawa, sa pamamagitan ng negosyong gumagamit ng cash.
  • Pag-layer: Paglilipat-lipat ng mga ilegal na pondo para maging mahirap na subaybayan ang mga ito. Ang paggamit ng crypto ay isang paraan para itago ang pinagmulan ng “maruming” pera.
  • Pagsasama: Paggamit ng mga legal na pamumuhunan at iba pang pampinansyal na channel para ipasok ulit sa ekonomiya ang “maruming” pera.


Paano naglo-launder ng pera ang mga tao?

Maraming paraan para makamit ang tatlong hakbang sa itaas. May nagawa nang tradisyonal na paraan para makagawa ng mga pekeng resibo para sa mga serbisyong ginagamitan ng cash sa mga tindahan, restawran, at iba pang negosyo. Ginagamit ng isang indibiwal o organisasyon ang mga negosyo bilang mga panakip sa money laundering. Gumagamit ang mga kriminal ng mga pekeng resibo at binabayaran nila ang mga iyon gamit ang “maruming” pisikal na cash, kaya nagiging lehitimong kita ang mga iyon. Pagkatapos, ihahalo ang malaking perang ito sa mga totoong transaksyon para maging mahirap na pag-ibahin ang dalawa.

Gayunpaman, karaniwan na ngayong maging digital sa halip na pisikal na cash ang mga hindi lehitimong pondo. Dahil sa pagkakaibang ito, nagbabago ang mga paraang ginagamit para mag-launder ng pera. Mas marami na ngayong opsyong magtago at maglinis ng “maruming” pera kaysa dati. Halimbawa, puwede kang direktang maglipat ng pera nang hindi gumagamit ng bangko. Ang mga network ng pagbabayad gaya ng Paypal o Venmo ay nagbibigay ng isa pang paraan na magagamit ng mga launderer at susubaybayan ng mga regulator.

Dahil sa mga teknolohiyang tumutulong para maging hindi nakikilala ang mga tao gaya ng mga VPN at cryptocurrency, lalo pang humihirap ang sitwasyon. Puwedeng maging imposibleng maiugnay ang isang partikular na indibidwal sa aktibidad ng laundering. Isang paraan para malabanan ito ay ang pagsubaybay sa crypto hanggang sa kadulu-duluhan. Sa pamamagitan ng pagsunod sa “paper trail” ng isang blockchain hanggang sa isang palitan, maiuugnay mo ang mga ni-launder na pondo sa isang account sa palitan ng crypto o bank account na nasa pangalan ng isang tao. Gayunpaman, sa pagbili ng crypto nang cash o sa pamamagitan ng mga peer-to-peer na serbisyo, humihirap ang pagsubaybay sa pagpasok o paglabas ng maruming pera sa sistema ng pananalapi.

Isa pang madalas piliing paraan ay ang paggamit ng mga site ng online na pagsusugal. Idinedeposito ng mga kriminal ang perang gusto nilang i-launder sa isang account para sa online na pagsusugal. Pagkatapos, tataya sila para magmukhang lehitimo ang account. Sa huli, aalisin nila ang kanilang mga pondo at magkakaroon sila ng malinis na pera. Karaniwan itong ginagawa gamit ang maraming account para hindi ito mapaghinalaan. Posibleng ma-flag para sa pagsusuri sa AML ang isang account na may malalaking halaga ng mga pondo.


Paano gumagana ang mga hakbang sa AML?

Puwede mong hati-hatiin ang mga pangunahing aktibidad ng isang regulator o palitan ng cryptocurrency sa tatlong hakbang:

1. Awtomatikong fina-flag o iniuulat ang mga kahina-hinalang aktibidad, gaya ng pagpasok o paglabas ng malalaking halaga ng mga pondo. Isa pang halimbawa ang hindi pangkaraniwang gawi, gaya ng pagdalas ng pag-withdraw mula sa isang account kung saan karaniwang madalang ang aktibidad.

2. Habang may isinasagawang imbestigasyon o pagkatapos ng isang imbestigasyon, pipigilan ang kakayahan ng user na magdeposito o mag-withdraw. Puputulin ng pagkilos na ito ang anupamang posibleng aktibidad sa laundering. Pagkatapos, gagawa ng Suspicious Activity Report (SAR, Ulat sa Kahina-hinalang Aktibidad) ang imbestigador.

3. Kung may ebidensya ng ilegal na aktibidad, sasabihan ang mga kaugnay na awtoridad, at ibibigay ang ebidensya. Kung mahahanap ang mga ninakaw na pondo, isasauli ang mga ito sa mga orihinal na may-ari ng mga ito kapag posible.

Karaniwang maagap ang mga palitan ng cryptocurrency pagdating sa AML. Dahil sa matinding pressure sa industriya ng crypto na sumunod, karaniwan na para sa mga palitang gaya ng Binance na mas maging mapagbantay at maingat kaysa sa kinakailangan. Ang pagsubaybay sa transaksyon at pinaigting na due diligence ay ang dalawang pangunahing paraan para malabanan ang mga money laundering scheme.


Ano ang FATF?

Ang FATF ay isang internasyonal na organisasyong itinatag ng G7 para labanan ang pagpipinansya sa terorismo at money laundering. Sa pamamagitan ng paggawa ng isang hanay ng mga pamantayang dapat sundin ng mga gobyerno sa buong mundo, pahirap nang pahirap para sa mga launderer na makahanap ng mga hurisdiksyon kung saan sila makakakilos. 

Sa pagtutulungan ng mga gobyerno, humuhusay rin ang pagbabahagi ng impormasyon at pagsubaybay sa mga launderer. Mahigit 200 hurisdiksyon ang nangakong sumunod sa Mga Pamantayan ng FATF. Sinusubaybayan ng FATF ang lahat ng kalahok para matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga regulasyon sa pamamagitan ng mga regular na peer review.


Bakit natin kailangan ng AML sa crypto?

Dahil alyas ang ginagamit sa cryptocurrency, kinakasangkapan ito ng mga kriminal para mag-launder ng mga ilegal na pondo at umiwas sa pagbabayad ng buwis. Sa pagkontrol sa cryptocurrency, gaganda ang pangkalahatang reputasyon nito at matitiyak na nakokolekta ang mga naaangkop na buwis. Sa mga pagpapahusay sa AML, makikinabang ang mga lehitimong user ng crypto, bagama't nangangailangan ito ng karagdagang pagsisikap at pamumuhunan ng oras mula sa lahat ng partido.

Ayon sa Reuters, nag-launder ang mga kriminal ng tinatayang $1.3 bilyon (dolyar ng US) na “maruming” pera sa pamamagitan ng crypto noong 2020. Naaangkop ang crypto sa money laundering sa ilang dahilan:

1. Hindi mababawi ang mga transaksyon. Kapag nakapagpadala ka na ng mga pondo sa pamamagitan ng blockchain, hindi na maisasauli ang mga iyon maliban na lang kung ipapadala ito pabalik ng bagong may-ari. Hindi mababawi ng pulisya at mga ahensya sa pagkontrol ang mga pondo para sa iyo.

2. Nag-aalok ang cryptocurrency ng pagiging hindi nakikilala. Ang ilang coin gaya ng Monero ay nagbibigay ng priyoridad sa privacy ng mga transaksyon. Mayroon ding mga serbisyong “tumbler” na nagle-layer ng crypto sa iba't ibang wallet para maging mahirap na subaybayan ang trail nito.
3. Hindi pa tiyak ang regulasyon at pagbubuwis nito. Ang mga awtoridad sa buwis sa buong mundo ay nahihirapan pa ring buwisan ang crypto sa epektibong paraan, at sinasamantala ito ng mga kriminal. 


Mga halimbawa ng money laundering gamit ang crypto

Nagkaroon na rin ng kaunting tagumpay ang mga awtoridad sa pagsubaybay at paghuli sa mga kriminal na naglilinis ng kanilang mga pondo sa pamamagitan ng crypto. Noong Hulyo 2021, nakasamsam ang pulisya ng UK ng humigit-kumulang $250 milyong US dollar na crypto na ginamit para sa money laundering. Ang pagsamsam na ito ay ang pinakamalaki hanggang sa kasalukuyan sa UK para sa mga pondong crypto, na nakatalo sa dating rekord sa UK na $158 milyon na naitakda ilang linggo lang ang nakaraan. 

Noong buwan ding iyon, $33 milyon ang nasamsam ng mga awtoridad sa Brazil sa isang napakakumplikadong operasyon ng money-laundering. Dalawang indibidwal at 17 kumpanya ang sangkot sa pagbili ng crypto para magtago ng mga pondong nakuha sa ilegal na paraan. Itinatag ng kriminal na organisasyon ang mga kumpanya para lang sa nag-iisang layuning ito. Nakipagtulungan din ang mga palitan ng cryptocurrency sa mga kriminal na organisasyon nang sinasadya at hindi sila sumunod sa mga tamang pamamaraan sa AML.


Paano sinusuportahan ng Binance ang AML?

Maagap ang Binance sa pagpapatupad ng ilang hakbang sa AML para makatulong na labanan ang money laundering, kasama na ang pagpapalawak ng mga kakayahan nito sa pagtukoy at analytics para sa AML. Nabibilang ang mga pagsisikap na ito sa programa nito ng pagsunod sa AML. Nakikipagtulungan din ang Binance sa mga internasyonal na ahensya para maparusahan ang malalaking cybercriminal na organisasyon.

Halimbawa, may ginampanang tungkulin ang Binance sa pagbibigay ng ebidensyang humantong sa pagkakaaresto ng maraming miyembro ng grupo ng ransomware na Cl0p. Nag-flag ang Binance ng mga kahina-hinalang transaksyon at kriminal na aktibidad na inimbestigahan pagkatapos noon. Ginamit ng mga awtoridad ang pananaliksik sa pakikipagtulungan sa mga internasyonal na ahensya para matukoy ang mga money launderer mula sa mga pag-atake ng ransomware, kasama na ang pag-atake ng Petya.



Mga pangwakas na pananaw

Bagama't tumatagal ang proseso ng pag-trade ng mga cryptocurrency dahil sa AML, mahalagang panatilihing ligtas ang lahat. Sa kasamaang palad, hindi mapipigilan ng mga gobyerno at organisasyon ang lahat ng aktibidad ng money laundering, pero tiyak na nakakatulong ang pagpapatupad ng mga regulasyon. Humuhusay ang teknolohiya pagdating sa pagtukoy sa posibleng money laundering, at sineseryoso ng mga seryosong palitan ng crypto ang kanilang tungkulin sa pagtulong na malabanan ang krimen.