Paano Tumatakbo ang Ekonomiya?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Sino ang bumubuo as ekonomiya?
Pagsukat sa pang-ekonomiyang aktibidad
Credit, utang, at mga rate ng interes
Mga bangko sentral, inflation, at deflation
Ano ang mangyayari kapag pumutok ang economic bubble?
Paano nauugnay ang lahat ng ito sa isa't isa?
Mga pangwakas na pananaw
Paano Tumatakbo ang Ekonomiya?
Home
Mga Artikulo
Paano Tumatakbo ang Ekonomiya?

Paano Tumatakbo ang Ekonomiya?

Baguhan
Na-publish Aug 9, 2020Na-update Dec 28, 2022
11m

TL;DR

  • Ang credit – ang perang natatanggap mo na dapat mong bayaran sa paglaon – ang nagpapatakbo sa ekonomiya.
  • Kung mas malaki ang credit, mas maraming magagastos. Kung mas maraming magagastos, mas malaki ang kita, at kung mas malaki ang kita, mas malaking credit ang available mula sa mga nagpapahiram.
  • Ang credit ay lumilikha rin ng utang: dapat ibalik ang hiniram na pera, kaya dapat bawasan ang paggastos sa paglaon.
  • Tinataasan at binababaan ng mga pamahalaan ang mga rate ng interes para makontrol ang ekonomiya.


Panimula

Ang ekonomiya ang nagpapaikot sa mundo. Napakalaki ng epekto nito sa bawat isa sa atin sa ating mga buhay sa araw-araw, kaya talagang dapat itong maunawaan, kahit sa mataas na antas.

Nag-iiba-iba ang mga kahulugan ng “ekonomiya,” pero, sa pangkalahatan, puwedeng ilarawan ang ekonomiya bilang larangan kung saan gumagawa, gumagamit, at nagte-trade ng mga produkto. Karaniwang makikita mong pinag-uusapan ang mga ito sa pambansang antas, kung saan binabanggit ng mga op-ed at tagapagbalita ang ekonomiya ng U.S., ekonomiya ng China, atbp. Gayunpaman, puwede rin nating tingnan ang pang-ekonomiyang aktibidad sa pandaigdigang pananaw sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga aktibidad at gawain ng bawat bansa.

Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga konseptong bumubuo sa isang ekonomiya, batay sa modelo ni Ray Dalio (na ipinaliwanag sa How the Economic Machine Works).


Sino ang bumubuo as ekonomiya?

Magsimula tayo sa maliit bago tayo pumunta sa malaki. Araw-araw, nag-aambag tayo sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagbili (halimbawa, mga grocery) at pagbebenta (halimbawa, pagtatrabaho kapalit ng bayad). Ginagawa rin iyon ng iba pang indibidwal, grupo, pamahalaan, at negosyo sa buong mundo sa tatlong sektor ng merkado.

Ang pangunahing sektor ay sangkot sa pagkuha ng mga likas na mapagkukunan. Kasama rito ang mga bagay tulad ng pagpuputol ng mga puno, pagmimina ng ginto, at pagsasaka (bilang ilang halimbawa lang). Pagkatapos, gagamitin ang materyal na ito sa pangalawang sektor, na responsable sa pag-manufacture at pag-produce. Bilang panghuli, saklaw ng pangatlong sektor ang mga serbisyo mula sa pag-advertise hanggang sa pamamahagi. 
Ang pagkakahati sa “tatlong sektor” ang napagkasunduang modelo sa pangkalahatan. Gayunpaman, dinagdagan pa ito ng iba ng pang-apat na sektor at panlimang sektor para mas mapag-iba pa ang mga serbisyo sa pangatlong sektor.


Pagsukat sa pang-ekonomiyang aktibidad

Para matukoy ang kalagayan ng ekonomiya, gusto natin itong masukat kahit papaano. Sa ngayon, ang pinakasikat na paraan ng paggawa noon ay gamit ang GDP, o Gross Domestic Product. Layunin ng sukatang ito na kalkulahin ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong ginagawa sa isang bansa sa isang partikular na panahon.

Sa pangkalahatan, sinisimbolo ng tumataas na GDP ang pagtaas sa produksyon, kita, at paggastos. Sa kabaliktaran, isinasaad ng bumababang GDP na bumababa ang produksyon, kita, at paggastos. Tandaan na may ilang variation na puwede mong gamitin: isinasaalang-alang sa totoong GDP ang inflation, samantalang hindi ito isinasaalang-alang sa nominal GDP.

Pagtatantya pa rin ang GDP, pero napakahalaga nito sa mga pagsusuri sa mga pambansa at internasyonal na antas. Ginagamit ito ng lahat mula sa maliliit na kalahok sa merkado ng pananalapi hanggang sa International Monetary Fund para magkaroon ng insight sa kalagayan ng ekonomiya ng mga bansa.

Ang GDP ay isang maaasahang tagasaad ng ekonomiya ng isang bansa, pero, tulad sa technical analysis, mahalagang i-cross reference ito sa iba pang data para magkaroon ng mas komprehensibong pag-unawa.


Credit, utang, at mga rate ng interes

Mga nagpapahiram at nanghihiram

Nabanggit natin ang katotohanan na pagbili at pagbebenta ang mga pangunahing sangkot dito. Mahalagang sabihin na mahalaga rin ang pagpapahiram at paghiram. Ipagpalagay na may hawak kang napakalaking halaga ng pera na kasalukuyang walang ginagawa. Baka gusto mong gamitin ang perang iyon para makabuo ito ng mas maraming pera.

Isang paraan ng paggawa nito ay ang pagpapahiram nito sa isang taong may kailangang bilhin, gaya ng makinarya para sa kanyang negosyo. Wala siyang available na cash sa kasalukuyan, pero kapag nabili na niya ang makinarya, mababayaran na niya ito mula sa pinagbentahan ng gawang produkto niya. Kikilos ka bilang nagpapahiram, at kikilos ang kabilang partido bilang nanghihiram.
Para maging sulit ito, magtatakda ka ng bayad para sa pagpapahiram ng cash mo. Kung nagpahiram ka ng $100,000, puwede kang magsabi ng tulad ng “puwede mong kunin ang perang ito sa kondisyong babayaran mo ako ng 1% para sa bawat buwan na hindi ito mababayaran.” Ang karagdagang singil na ito ay tinatawag na interes.

Sa simpleng interes, ibig sabihin, may utang na $1,000 sa iyo ang kabilang partido bawat buwan hanggang sa maisauli ang pera. Kung mababayaran ito pagkalipas ng tatlong buwan, $103,000 ang aasahan mong matanggap, dagdag pa ang anumang karagdagang bayad na tinukoy mo.

Sa pamamagitan ng pag-aalok ng perang iyon, gumagawa ka ng credit: isang kasunduan na babayaraan ka ng nanghihiram sa ibang pagkakataon. Magiging pamilyar ang mga gumagamit ng credit card sa konseptong ito. Kapag nagbayad ka gamit ang card, hindi agad inaalis ang pera sa bank account mo. Ni hindi nga kailangang nandoon ito, hangga't babayaran mo ang iyong bill pagkatapos.
Kasama sa credit ang utang. Sa pagkilos bilang nagpapahiram, may utang sa iyong pera, at sa pagkilos bilang nanghihiram, may utang kang pera. Mawawala ang utang kapag nabayaran na ang pautang nang may interes.


Mga bangko at rate ng interes

Malamang na ang mga bangko ang pinakamahahalagang uri ng mga nagpapahiram sa mundo sa kasalukuyan. Puwede mo silang ituring na mga middleman (o broker) sa pagitan ng mga nagpapahiram at nanghihiram. Sa katunayan, parehong ginagampanan ng mga institusyon sa pananalapi ang mga tungkuling ito.

Kapag naglagay ka ng pera sa bangko, ginagawa mo iyon sa kondisyong ibabalik nila ito sa iyo. Ganoon din ang ginagawa ng marami pang iba. At dahil napakalaki ng halaga ng hawak na cash ng bangko ngayon, ipinapahiram nito iyon sa mga nanghihiram.

Siyempre, ang ibig sabihin noon, hindi hahawakan ng bangko ang lahat ng perang utang nito nang sabay-sabay. Nagpapatakbo ito ng fractional reserve system. Puwedeng maging problema kung hihilingin ng lahat na maibalik ang kanilang pera nang sabay-sabay, pero bihirang mangyari iyon. Pero kapag nangyari iyon (halimbawa, kung mawawalan ng tiwala ang lahat sa bangko), magkakaroon ng bank run, na magsasanhi ng pagbagsak ng bangko. Magagandang halimbawa ang mga bank run ng Great Depression sa U.S. noong 1929 at 1933.
Karaniwang nag-aalok sa iyo ng insentibo ang mga bangko para ipahiram mo sa kanila ang iyong pera sa anyo ng mga rate ng interes. Natural lang na mas nakakahikayat ang mas matataas na rate ng interes para sa mga magpapahiram (dahil mas maraming pera ang makukuha nila). Sa mga manghihiram, kabaliktaran ang naaangkop – sa mas mabababang rate ng interes, hindi nila kailangang magbayad nang malaki dagdag pa sa principal sum.


Bakit mahalaga ang credit?

Puwedeng ituring ang credit bilang lubricant para sa ekonomiya. Nagbibigay-daan ito sa mga indibidwal, negosyo, at pamahalaan na gumastos ng perang hindi available agad sa kanila. Sa ilang ekonomista, problema ito, pero maraming naniniwala na ang nadagdagang paggastos ay senyales ng masaganang ekonomiya. 

Kung mas maraming pera ang ginagastos, mas maraming tao ang kumikita. Mas malamang na magpahiram ang mga bangko sa mga kumikita nang mas malaki, ibig sabihin, may access na ngayon ang mga indibidwal sa mas maraming cash at credit. Kung mas maraming cash at credit, mas makakagastos ang mga indibidwal, at ibig sabihin nito, mas maraming tao ang kikita, at magpapatuloy ang cycle.

Mas malaking kita → mas maraming credit → mas malaking paggastos → mas malaking kita.


Siyempre, hindi puwedeng magpatuloy nang walang katapusan ang cycle na ito. Sa pamamagitan ng paghiram ng $100,000 ngayon, mawawalan ka ng $100,000+ bukas. Kaya bagama't pansamantala mong mapapalaki ang paggastos mo, kakailanganin mong bawasan ang paggastos mo sa paglaon para mabayaran ito.

Inilalarawan ni Ray Dalio ang konseptong ito bilang short-term debt cycle (panandaliang ikot ng utang), na ipinapakita sa ibaba. Sa tantya niya, nauulit ang mga pattern na ito sa loob ng mga 5-8 taong yugto.

Ang pula ay ang pagiging produktibo, na nadaragdagan sa paglipas ng panahon. Ang berde ay ang relatibong halaga ng credit na available.


Ano nga ba ang tinitingnan natin? Tandaan muna natin na tuloy-tuloy na nadaragdagan ang pagiging produktibo. Kung walang credit, aasahan natin na iyon lang ang pinagmumulan ng paglago – tutal, kakailanganin mong maging produktibo para kumita.

Sa unang bahagi ng chart, makikita natin na dahil sa credit, mas mabilis tumaas ang kita kaysa sa pagiging produktibo (na naging dahilan ng paglawak ng ekonomiya). Sa paglaon, huminto ang paglawak at humantong ito sa pagliit ng ekonomiya. Sa pangalawang bahagi, malaki ang ibinaba ng availability ng credit bilang kahihinatnan ng unang “boom.” Bilang resulta, mas mahirap kumuha ng mga pautang, at nagkaroon ng inflation, na nagtulak sa pamahalaan na gumawa ng mga panremedyong hakbang.

Tuklasin pa natin ito sa susunod na seksyon.


Mga bangko sentral, inflation, at deflation

Inflation

Ipagpalagay natin na may access ang lahat sa maraming credit (unang bahagi ng graph ng nakaraang seksyon). Mas marami silang mabibili kaysa kung wala sila nito. Pero bagama't napakalaki ng itinataas ng paggastos, hindi ganoon ang produksyon. Dahil dito, hindi nadaragdagan ang supply ng mga produkto at serbisyo, pero tumataas ang demand nito.

Ang susunod na mangyayari ay inflation: dito mo na makikitang tumaas ang mga presyo ng mga produkto at serbisyo dahil sa mas mataas na demand. Isang sikat na tagasaad para sa pagsukat nito ang Consumer Price Index (CPI), na sumusubaybay sa mga presyo ng mga karaniwang produkto at serbisyo sa paglipas ng panahon.


Paano gumagana ang bangko sentral?

Ang mga bangkong inilarawan natin kanina ay karaniwang mga komersyal na bangko – pangunahing nagsisilbi ang mga ito sa mga indibidwal at negosyo. Ang mga bangko sentral ay mga entity ng pamahalaan na responsable sa pamamahala sa patakaran sa pera ng isang nasyon. Sa kategoryang ito, kasama ang mga institusyon sa pananalapi gaya ng United States’ Federal Reserve, Bank of England, Bank of Japan, at People’s Bank of China. Kasama sa mahahalagang tungkulin ang pagdaragdag sa perang nasa sirkulasyon (sa pamamagitan ng quantitative easing) at pagkontrol sa mga rate ng interes.

Posibleng magtaas ng mga rate ng interes ang mga bangko sentral kapag hindi na makontrol ang inflation. Kapag tinaasan ang mga rate, mas mataas ang interes na dapat bayaran, kaya hindi na masyadong nakakahikayat na manghiram. Dahil kailangan ding magbayad ng mga utang ng mga indibidwal, inaasahang mababawasan ang paggastos.

Sa perpektong mundo, kapag mas matataas ang rate ng interes, bababa ang mga presyo dahil sa mas mababang demand. Pero sa katunayan, puwede rin itong magdulot ng deflation, na posibleng maging problema sa ilang partikilar na konteksto.


Deflation

Gaya ng posibleng nahulaan mo, deflation ang kabaliktaran ng inflation. Ilalarawan natin ito bilang pangkalahatang pagbaba ng mga presyo sa loob ng isang yugto ng panahon, na kadalasang sanhi ng pagbaba ng paggastos. Dahil hindi masyadong gumagastos, puwede pa itong samahan ng recession (tingnan ang Paliwanag tungkol sa Financial Crisis noong 2008).
Isang iminumungkahing solusyon sa deflation ang pagbababa ng mga rate ng interes. Sa pamamagitan ng pagbawas sa interes na dapat bayaran sa credit, nagkakaroon ng insentibo ang mga indibiwal na manghiram pa. Pagkatapos, kung mas maraming credit ang available, aasahan ng pamahalaan na mas gagastos ang mga partidong nasa ekonomiya nila. 

Gaya ng inflation, nasusukat ang deflation sa pamamagitan ng Consumer Price Index.



Ano ang mangyayari kapag pumutok ang economic bubble?

Paliwanag ni Dalio, ang chart na ipinakita natin sa itaas (ang short-term debt cycle) ay isang maliit na cycle na nasa long-term debt cycle.

Ang long-term debt cycle (pangmatagalang ikot ng utang).


Ang pattern na inilalarawan sa itaas (tumataas at bumababang availability ng credit) ay umuulit nang mag-isa sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, sa dulo ng bawat cycle, mas maraming utang. Sa paglaon, hindi na makakayanan ang utang, kaya mati-trigger ang malawakang deleveraging (kung saan susubukan ng mga indibidwal na bawasan ang kanilang utang). Kinakatawan ito ng biglang pagbaba sa chart.

Kapag nagkaroon ng deleveraging, magsisimulang bumaba ang mga kita, at mauubos ang credit. Dahil hindi sila makapagbayad ng utang, susubukang ibenta ng mga indibidwal ang mga asset nila. Pero dahil marami ang ganoon din ang ginagawa, babagsak ang mga presyo ng asset dahil napakaraming supply.

Bumabagsak ang mga stock market sa mga ganitong sitwasyon, at sa puntong ito, hindi na maibababa ng bangko sentral ang mga rate ng interes para mabawasan ang pasanin kung nasa 0% na ito. Kapag ginawa ito, magkakaroon ng mga negatibong rate ng interes, na isang kontrobersyal na solusyon na hindi laging umuubra.

Ano ang puwede nilang gawin? Ang pinakakapansin-pansing paraan para makausad ay bawasan ang paggastos at kalimutan na ang utang. Pero magdadala ito ng iba pang isyu: kung mababawasan ang paggastos, hindi na masyadong kikita ang mga negosyo, ibig sabihin, mababawasan ang kita ng mga empleyado. Kakailanganing magbawas ng mga manggagawa ng mga industriya, na hahantong sa mas matataas na rate ng kawalan ng trabaho.

Tapos, dahil mas mababa ang mga kita at mas maliliit ang mga lakas paggawa, hindi masyadong makakakolekta ng buwis ang pamahalaan. Gayundin, kailangan nitong dagdagan ang paggastos para matustusan ang lumaking bilang ng mga mamamayang walang trabaho. Dahil mas malaki ang ginagastos nito kaysa sa natatanggap nito, mayroon itong kakulangan sa badyet.
Isang iminumungkahing solusyon dito ang magsimulang mag-print ng pera (money printer go brrrrr, gaya ng kilala sa mga komunidad ng cryptocurrency). Dahil hawak nito ang perang iyon, puwedeng magpahiram ang bangko sentral sa pamahalaan, na susubok na pasiglahin ang ekonomiya. Pero puwede rin itong humantong sa mga problema.
Ang paggawa ng pera mula sa wala ay magdudulot ng inflation dahil papalakihin nito ang supply ng pera. Delikado ito at posible itong humantong sa hyperinflation, kung saan napakabilis ng inflation kaya naman masisira nito ang halaga ng isang currency at hahantong ito kapinsalaan sa ekonomiya. Kailangan mo lang tingnan ang mga halimbawa ng Weimar Republic noong 1920s, Zimbabwe noong katapusan ng 2000s, o Venezuela noong katapusan ng 2010s para makita ang posibleng maging epekto ng hyperinflation.

Kung ikukumpara sa mga panandaliang cycle, di-hamak na mas mahaba ang time frame ng long-term debt cycle, na pinapaniwalaang nangyayari bawat 50 hanggang 75 taon.


Paano nauugnay ang lahat ng ito sa isa't isa?

Natalakay natin dito ang ilang paksa. Sa huli, umiikot ang modelo ni Dalio sa availability ng credit – kung mas maraming credit, mamamayagpag ang ekonomiya. Kung mas kaunti ang credit, liliit ito. Nagsasalitan ang mga pangyayaring ito para gumawa ng mga short-term debt cycle, na bahagi naman ng mga long-term debt cycle.

Malaki ang impluwensya ng mga rate ng interes sa gawi ng mga kalahok sa ekonomiya. Kapag mataas ang mga rate, mas angkop ang mag-ipon, dahil hindi masyadong priyoridad ang gumastos. Kapag ibinaba ang mga ito, mukhang mas makatwirang desisyon ang gumastos.


Mga pangwakas na pananaw

Napakalaki ng makinarya ng ekonomiya kaya naman posibleng maging mahirap na maunawaan ang iba't ibang bahagi nito. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagtingin dito nang mas mabuti, makikita natin ang mga pare-parehong pattern na paulit-paulit habang nakikipagtransaksyon ang mga kalahok sa isa't isa.

Sa puntong ito, sana ay mas nauunawaan mo na ang ugnayan ng mga nagpapahiram at nanghihiram, ang kahalagahan ng credit at utang, at ang mga hakbang na ginagawa ng mga bangko sentral para subukang makontrol ang kapinsalaan sa ekonomiya.