Ang fractional reserve ay isang sistema ng pagbabangko na nagbibigay-daan sa mga komersyal na bangko para kumita sa pamamagitan ng pagpapautang ng bahagi ng mga deposito ng kanilang mga kustomer, habang ang maliit na bahagi ng mga depositong ito ay nakaimbak na cash at maaaring mai-withdraw. Kung tutuusin, ang sistema ng pagbabangkong ito ay lumulikha ng pera mula sa wala gamit ang bahagi ng mga deposito ng kanilang mga kustomer.
Sa ibang salita, ang mga bangkong ito ay kinakailangang magtago ng minimum percentage (maliit na bahagi) ng pera na idineposito sa kanilang mga financial account, ibig sabihin maaari nilang ipautang ang natitirang pera. Kapag nagpautang ang isang bangko, parehong binibilang ng bangko at ng taong humiram ng pera ang mga pondo bilang mga asset, kaya nadodoble ang orihinal na halaga sa ekonomikong konteksto. Ang perang ito ngayon ay muling ginagamit, muling ipinupuhunan, at muling ipinapautang nang maka-ilang beses, na siya namang humahantong sa multiplier effect. Ganito “nakagagawa ng bagong pera” ang fractional reserve”.
Ang pagpapautang at utang ay mahalaga sa fractional reserve na sistema ng pagbabangko at kadalasang nangangailangan sa central bank na maglagay ng bagong pera sa sirkulasyon, para makapagbigay ng mga withdrawal na serbisyo. Karamihan sa mga central bank ay nagsisilbi rin bilang mga regulatory agency para tukuyin ang ilang mga bagay kabilang ang minimum reserve requirement. Ang ganitong sistema ng pagbabangko ang ginagamit ng mga pinansyal na institusyon ng maraming bansa.’ Laganap ito sa United States at sa maraming pang ibang free-trade na bansa.
Ang Pagkakabuo ng Fractional Reserve na Sistema ng Pagbabangko
Binuo ang fractional reserve na sistema ng pagbabangko noong 1668 nang itatag ang Swedish (Sveriges) Riksbank bilang unang central bank sa mundo - ngunit ginagamit na ang mga sinaunang uri ng fractional reserve na pagbabangko. Mabilis na naging popular ang ideya na maaari pang palaguin at palawakin ang mga idinepositong pera na siyang magpapasigla sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga pautang. Naging magandang ideya na gamitin ang mga maaaring mapagkunan para hikayatin ang paggastos kaysa itago ang mga ito nang matagal sa isang vault.
Matapos magsagawa ang Sweden ng mga hakbang para gawing opisyal ang ganitong kalakaran, ang istruktura ng fractional reserve ay naitatag at mabilis na lumaganap. Dalawang central bank ang naitatag sa U.S., una noong 1971 at sumunod noong 1816, bagamat parehong hindi nagtagal. Noong 1913, itinatag ng Federal Reserve Act ang U.S. Federal Reserve Bank, na siya na ngayong U.S. central bank. Ang mga nakasaad na layunin ng pinansyal na institusyon ito ay para patatagin, lubusin, at bantayan ang ekonomiya kaugnay ng presyuhan, trabaho, at interest rates.
Paano ito gumagana?
Ganunpaman, kapag nahawakan na ng bangko ang idinepositong pera, hindi nito panghahawakan ang buong halaga. Sa halip, inirereserba ang maliit na bahagi ng deposito (isang fractional reserve). Ang halaga ng reserve ay maaaring nasa 3% hanggang 10% at ang natitirang pera ay ginagamit para makapagpautang sa ibang mga kustomer.
Isaisip kung paano nakagagawa ng bagong pera ang mga loan na ito sa simpleng halimbawa:
- Nagdeposito si Customer A ng $50,000 sa Bank 1. Nagpautang si Bank 1 kay Customer B ng $45,000
- Nagdeposito si Customer B ng $45,000 sa Bank 2. Nagpautang si Bank 2 kay Customer C ng $40,500
- Nagdeposito si Customer C ng $40,500 sa Bank 3. Nagpautang si Bank 3 kay Customer D ng $36,450
- Nagdeposito si Customer D ng $36,450 sa Bank 4. Nagpautang si Bank 4 kay Customer E ng $32,805
- Nagdeposito si Customer E ng $32,805 sa Bank 5. Nagpautang si Bank 5 kay Customer F ng $29,525
Gamit lamang ang 10% na kinakailangang fractional reserve, ang orihinal na $50,000 na deposito ay lumago sa $234,280 na total available currency, na siyang kabuuan ng lahat ng deposito ng kustomer dagdag pa ang $29,525. Bagamat ito ay pinasimpleng halimbawa lamang kung paano nakakagawa ng pera ang fractional reserve sa pamamagitan ng multiplier effect, ipinapakita nito ang pangkalahatang ideya.
Tandaan na ang proseso ay base sa principal of debt. Ang mga deposit account ay kumakatawan sa perang utang ng mga bangko sa kanilang mga customer (liability) at ang mga pautang na kumikita ng interes ang gumagawa ng karamihan ng pera ng mga bangko at ito ang mga asset ng bangko. Sa madaling sabi, kumikita ng pera ang mga bangko sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming loan account asset kaya sa deposit account liabilities.
Paano Naman Ang Bank Runs?
Paano kung ang lahat ng may hawak na deposito isa isang bangko ay nagpasyang magpakita at i-withdraw ang lahat ng kanilang mga pera. Kilala ito bilang bank run. Dahil ang mga bangko ay kinakailangan lamang itago ang maliit na bahagi ng mga deposito ng kanilang mga kustomer, posible itong magpabagsak sa bangko dahil sa kawalan nito ng kakayahan na pangatawan ang kanilang mga pinansyal na obligasyon.
Para gumana ang fractional reserve na sistema ng pagbabangko, kinakailangang hindi sabay-sabay na magpunta sa mga bangko ang mga nagdeposito para i-withdraw o i-access ang kanilang mga idinepositong halaga. Bagamat nangyari na noong nakaraan ang mga bank run, hindi ganito ang karaniwang pagkilos ng mga kustomer. Kadalasan, nagtatangka lamang ang mga kustomer na bawiin ang lahat ng kanilang pera kung naniniwala silang nasa alanganin ang bangko.
Sa U.S., ang Great Depression ay isang kilalang halimbawa ng pagkasira na maaaring idulot ng malawakang withdrawal. Ngayon, ang mga reserve na hawak ng bangko ay isa sa mga paraang ginagamit nila para mapababa ang tiyansang maulit ito muli. Ang ibang mga bangko ay nagtatago ng mas mataas kaysa sa itinatakdang pinakamababang reserve para mas maserbisyuhan ang hiling ng kanilang mga customer at makapagbigay ng access sa kanilang mga deposit account fund.
Mga Benepisyo at Limitasyon ng Fractional Reserve Banking
Bagamat tinatamasa ng mga bangko ang karamihan sa mga benepisyo ng mapagkakakitaang sistemang ito, ang maliit na bahagi nito ay tinatamasa naman ng mga kustomer kapag kumikita ng interes ang kanilang mga deposit account. Bahagi rin ang gobyerno ng sistemang ito at madalas ipinagtatanggol na ang fractional reserve na sistema ng pagbabangko ay naghihikayat sa mga kustomer na gumastos at nagbibigay ng katatagan at paglago ng ekonomiya.
Ang Fractional Reserve Banking at Cryptocurrency
Salungat sa tradisyunal na sistema ng fiat currency, binuo ang Bitcoin bilang isang decentralized na digital currency, na nagbigay-daan sa isang alternatibong balangkas ng ekonomiya na gumagana sa ganap na naiibang paraan.
Ganun din, limitado ang inilalabas na pera ng Bitcoin kaya walang bagong coins na maaaring likhaiin kapag naabot na ang maximum supply na 21 million units. Samakatuwid, ganap na naiiba ang konteksto at wala ring tinatawag na fractional reserve sa mundo ng Bitcoin at ng cryptocurrencies.