TL;DR
Gamit ang market order, makakabili o makakapagbenta ka agad ng pampinansyal na asset sa pinakamagandang presyong kasalukuyang available. Kinukuha ng mga market order ang mga presyo sa mga limit order sa order book. Ibig sabihin nito, hindi ka puwedeng maging 100% sigurado sa presyong makukuha mo. Puwedeng magkaroon ng slippage kapag iba ang presyong nakuha mo kaysa sa inasahan mo.
Iba ang mga limit order sa mga market order dahil puwede mong ilagay ang mga ito nang maaga nang may nakatakdang presyo. Pupunan lang ng palitan ang iyong order sa itinakdang presyo o mas mataas. Madali kang makakapaglagay ng mga market order sa Binance sa view ng palitan. Makikita mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pag-click sa [Merkado] sa tab na [Spot].
Ang mga pangunahing bentahe ng mga market order ay ang pagiging simple, agaran, at efficient ng mga ito at ang kakayahan ng mga itong mapunan nang buo kadalasan. Gayunpaman, may kahinaan ang mga market order dahil sa panganib na magkaroon ng slippage at dahil sa katotohanang kailangang nandoon ka kapag ipinapatupad ang order.
Mas kumplikado pa ang pag-trade kaysa sa pagpapasya lang na bumili o magbenta. Kapag bumibili o nagbebenta ka ng anumang pampinansyal na asset gaya ng mga cryptocurrency, stock, o forex, may makikita kang iba't ibang uri ng mga order. Mula sa mga
Fill o Kill order hanggang sa mga stop-limit, ang mga market order ay isa sa mga pinakasimple at kadalasang ginagamit ng mga baguhan. Tingnan natin kung ano ang mga market order at kung paano gumagana ang mga ito.
Ang market order ay isang order na bumili o magbenta agad sa pinakamagandang available na presyo. Kailangan nito ng liquidity para mapunan ito, ibig sabihin, ipapatupad ito batay sa mga
limit order na nakalagay na sa order book. Kung gusto mong bumili o magbenta agad sa kasalukuyang market price, ang pagtatakda ng market order ang iyong pinakamainam na opsyon. Halimbawa, posibleng mabilis na tumataas ang presyo ng BNB, at gusto mong bumili nito sa lalong madaling panahon. Handa kang kunin ang market price hangga't makakabili ka agad ng BNB. Sa ganitong sitwasyon, gagawa ka ng market order sa napili mong palitan.
Hindi tulad ng mga limit order na inilalagay sa
order book, ipinapatupad agad ang mga market order sa kasalukuyang market price. Laging may dalawang panig sa trade: ang maker at ang taker. Kapag naglagay ka ng market order, kukunin mo ang presyong itinakda ng ibang tao. Halimbawa, itutugma ng isang palitan ang isang purchase market order sa pinakamababang
ask price sa order book. Sa kabaligtaran, itutugma ang isang sell market order sa pinakamataas na
bid price sa order book.
Gaya ng nabanggit, kailangan ng mga market order na may liquidity sa order book ang isang palitan para matugunan ang agarang demand. Dahil inaalis ng market order ang
liquidity sa palitan, mas mataas ang babayaran mong bayarin bilang
market taker kapag naglagay ka nito. Malinaw na ipinapakita ng
iskedyul ng bayad ng Binance ang pinagkaiba ng bayarin ng maker at taker.
Mas simpleng makikita ang ugnayan ng market maker at taker gamit ang mga numero, kaya tingnan natin ang isang hallimbawa. Isipin na gusto mong bumili ng 1 BNB, at nasa $370 (US dollars) ang kasalukuyang market price. Pumunta ka sa Binance at binuksan mo ang pares na BNB/BUSD. Para gumawa ng iyong buy market order, inilagay mo ang 1 sa field ng halaga at nag-click ka sa [Bumili ng BNB].
Pagkatapos ilagay ang iyong order, titingnan ng palitan ang order book. Nasa ledger na ito ang mga limit order na may partikular na dami at tinukoy na presyo para bumili o magbenta ng asset. Sa ganitong sitwasyon, ang iyong market order para bumili ng 1 BNB sa market price (na kilala rin bilang
spot price) ay itutugma sa pinakamababang sell limit order sa order book.
Gaya ng nakikita mo, 1.286 BNB sa $371.40 (BUSD) ang pinakamababang sell limit order sa book. Bibili ang purchase market order mo ng 1 BNB sa iniaalok na 1.286 BNB, na magbibigay sa iyo ng spot price na $371.40.
Pero sabihin nating gusto mong bumili ng 500 BNB sa kasalukuyang market price. Wala sa pinakamurang sell limit order na available ang daming kailangan para mapunan ang buong market buy order mo. Awtomatikong itutugma ang natitirang dami ng iyong market order sa mga susunod na pinakamainam na sell limit order, habang umaakyat sa order book hanggang sa mapunan ito nang buo. Ang prosesong ito ay tinatawag na
slippage at ito ang dahilan kung bakit mas matataas na presyo at bayarin ang binabayaran mo (o kung bakit mas mababang presyo ang natatanggap mo) bilang market taker.
Bilang maikling buod, ang mga limit order ay mga order para bumili o magbenta ng isang partikular na dami ng pampinansyal na asset sa itinakdang presyo o mas mataas. Mapipili mo rin kung puwedeng punan nang bahagya ng palitan ang iyong limit order o kung dapat itong mapunan nang buo. Sa pangalawang sitwasyon, kung hindi kayang punan ng palitan ang iyong order, hindi talaga ito ipapatupad.
Puwede lang punan ang mga market order gamit ang mga kasalukuyang limit order. Hindi lahat ay gustong kunin ang presyong available sa merkado kapag nagte-trade o namumuhunan, kaya magandang alternatibo ang limit order. Puwede kang gumamit ng mga limit order para planuhin ang iyong mga trade nang maaga nang hindi mo kinakailangang umupo at mag-trade sa desk mo.
Market Order | Limit Order |
Bumibili ng asset sa market price | Bumibili ng asset sa itinakdang presyo o mas mataas |
Napupunan agad | Napupunan lang sa presyo ng limit order o mas mataas |
Manu-mano | Puwedeng itakda nang maaga |
Maliban sa mga pangunahing pagkakaibang ito, angkop ang mga market order at limit order sa iba't ibang aktibidad at layunin sa pag-trade. Karaniwang mas mainam na gamitin ang mga limit order:
1. Kapag mataas ang volatility ng presyo ng isang asset. Puwedeng magkaroon ng mga hindi inaasahang resulta ang paglalagay ng market order sa napaka-
volatile na merkado. Posibleng magbago ang presyo mula sa sandaling gawin mo ang order at hanggang sa ipatupad ito. Ang maliliit na pagkakaibang ito ay puwedeng maging pagkakaiba ng kita at pagkalugi para sa
mga arbitrager. Sa limit order, matitiyak na makukuha mo ang presyong gusto mo, o mas mataas pa.
2. Kapag mababa ang liquidity ng isang asset. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng magsanhi ng slippage ang paggamit ng market order. Nangyayari ito kapag kaunti ang mga market maker sa order book, at hindi madaling punan ang iyong order sa kasalukuyang market price. Makakakuha ka ng mas mababang average na sell price o mas mataas na average na purchase price kaysa sa naisip mo. Sa kabilang banda, hindi mapupunan nang buo ang isang limit order kung lalampas ang presyo sa iyong limitasyon dahil sa slippage.
3. Kung may diskarte ka na. Wala nang kailangang gawin para magsimulang mapunan ang mga limit order at puwedeng ilagay ang mga ito nang maaga. Ibig sabihin, maipapatupad pa rin ang iyong mga diskarte kahit na hindi ka aktibong nagte-trade. Hindi mo iyon magagawa sa mga market order.
Gaya ng nakita natin, praktikal ang mga market order kapag mas mahalagang mapunan ang iyong order kaysa makakuha ng partikular na presyo. Ibig sabihin nito, dapat ka lang gumamit ng mga market order kung handa kang magbayad ng mas mataas na gastos dahil sa slippage. Sa madaling salita, makakatulong ang mga market order kung nagmamadali ka.
Kung minsan, posibleng nasa sitwasyon ka kung saan nagkaroon ka ng stop-limit order na nalampasan, at kailangan mong bumili/magbenta sa lalong madaling panahon. Kaya kung kailangan mong makapag-trade agad o makaiwas sa problema, doon makakatulong ang mga market order.
Gayunpaman, kung hindi ka talagang bago sa crypto at gusto mong bumili ng ilang altcoin gamit ang iyong Bitcoin, iwasang gumamit ng market order dahil baka mas malaki ang bayaran mo kaysa sa kinakailangan. Sa ganitong sitwasyon, malamang na mas mainam ang limit order.
Kapag nagte-trade ka ng mga napaka-liquid na asset na may maliit na
bid-ask spread, sa pamamagitan ng market order, magiging malapit sa inaasahang spot price o katumbas nito ang makukuha mong presyo. Mas malaki ang tsansang magdulot ng slippage ang mga asset na mas malaki ang spread.
Sabihin nating gusto mong gumawa ng market order para bumili ng 2 BNB. Pagka-log in sa iyong account sa Binance, pumunta sa view ng palitan. Piliin ang merkado ng BNB na gusto mo (hal., BNB/BUSD), hanapin ang tab na [Spot], at piliin ang [Merkado]. Pagkatapos, itakda ang halaga ng pagbili sa 2 BNB at i-click ang button na [Bumili ng BNB].
Pagkatapos noon, may makikita kang mensahe ng kumpirmasyon sa screen, at ipapatupad ang iyong market order.
Depende sa sitwasyon, may tatlong pangunahing bentahe ang paggamit ng market order:
1. Madaling gamitin ang mga market order. Kung gusto mong mag-trade ng napaka-liquid na coin gaya ng Bitcoin o
ETH na may malaking market cap, ligtas na opsyong puwedeng gamitin ang market order.
2. Puwede mong bilhin o ibenta ang buong daming gusto mo sa isang asset. Kung kailangan mong isara ang lahat ng iyong posisyon o magbukas nito sa lalong madaling panahon, halos laging magagarantiyahan ng market order na magagawa mo iyon.
3. Makakapag-trade ka agad-agad. Baka magkaroon ka ng pressure sa oras na makapagpatupad ng trade, halimbawa, bago mismo ang mga oras ng pagsasara. Makakasiguro ka na ang iyong market order ang halos laging pinakamabilis na paraan para gawin ito.
Bagama't ang husay ng market order ay pangunahing nasa bilis nito, marami itong kahinaan pagdating sa kontrol na mayroon ka. Nagmumula ang mga pangunahin nitong kahinaan sa katotohanan na:
1. Puwede kang makaranas ng mataas na slippage sa mga asset na kaunti ang dami. Baka mas malaki ang kailangan mong bayaran kaysa sa binalak mo o mas maliit ang matanggap mo. Kung wala kang sapat na dami sa order book, aakyat o bababa ka sa mga inilagay na order.
2. Hindi mo puwedeng planuhin nang maaga ang iyong mga trade. Hindi puwedeng lagi kang nasa harap ng iyong screen at handang mag-trade. Kung gagalaw ang merkado nang salungat sa iyong diskarte sa pag-trade habang tulog ka o hindi ka available, hindi ka makakapaglagay ng market order. Kung hindi, puwede kang gumamit ng limit order o stop-limit order para magplano nang maaga.
Ibinibigay ng market order ang pinakapangunahing paraan ng pagbili at pagbebenta ng mga pampinansyal na asset. Ito ang mga pinakamainam na opsyon para sa pagpasok o paglabas agad sa isang merkado. Gayunpaman, kapalit ng lahat ng ito, mawawala sa iyo ang antas ng kontrol na makukuha mo sa iba pang uri ng mga order. Ang pinakamainam mong opsyon ay pag-isipan ang partikular mong sitwasyon at maunawaan kung kailan pinakamainam na gumamit ng market order o iba pang bagay.