TL;DR
Nangyayari ang stagflation kapag nakakaranas ang isang ekonomiya ng matataas na unemployment rate kasama ng stagnation o negatibong paglago (recession) at mga tumataas na presyo (inflation). May mga diskarte para malabanan ang recession at inflation nang magkahiwalay, pero dahil magkasalungat ang mga epektong ito, mahirap kontrolin ang stagflation dahil sa kumbinasyon ng dalawa.
Panimula
Sa isang bansa, puwedeng tugunan ang stagnation ng ekonomiya o negatibong paglago sa pamamagitan ng pagpapalaki ng supply ng pera, kung saan nagiging mas mura para sa mga kumpanya na manghiram ng pera (mas mabababang rate ng interes). Kapag mas maraming pera, nagkakaroon ng paglago at mas matataas na employment rate, na epektibong makakapigil o makakalaban sa recession.
Sa kabaliktaran, kadalasang sinusubukang kontrolin ng mga ekonomista at mambabatas ang tumataas na inflation sa pamamagitan ng pagbabawas sa supply ng pera para pabagalin ang ekonomiya. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtataas ng mga rate ng interes, na dahilan para maging mas mahal ang manghiram ng pera. Nababawasan ang paghiram at paggastos ng mga negosyo at consumer, at tumitigil ang pagtaas ng mga presyo dahil sa nabawasang demand.
Gayunpaman, kapag nakakaranas ng stagflation ang isang ekonomiya, nasa atin ang pinakamalala sa magkabilang panig: recession na sinamahan ng mataas na inflation. Talakayin natin nang mas mabuti para maunawaan natin kung ano ang stagflation, ang mga karaniwang dahilan nito, at mga potensyal na solusyon.
Ano ang stagflation?
Ang stagflation ay isang macroeconomic na konseptong unang binanggit noong 1965 ni Iain Macleod, isang British na pulitiko at Chancellor of the Exchequer. Ang pangalan ay isang kumbinasyon ng stagnation at inflation, na naglalarawan ng ekonomiyang nakakaranas ng kaunti o negatibong paglago ng ekonomiya at mataas na unemployment na sinamahan ng mga tumataas na presyo ng consumer (inflation).
Sa mga karaniwang pang-ekonomiyang kontrol na ginagamit para labanan ang bawat kondisyon nang paisa-isa, puwedeng lumalala ang isa pa, kaya naman mahirap para sa pamahalaan o bangko sentral na harapin ang stagflation. Karaniwang may positibong korelasyon sa inflation ang matataas na antas ng employment at paglago, pero hindi ganoon ang sitwasyon sa stagflation.
Kadalasang sinusukat ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng gross domestic product (GDP) ng isang bansa, na direktang nauugnay sa mga employment rate. Kapag hindi maganda ang performancce ng GDP, at tumataas ang inflation, puwedeng humantong ang malalang stagflation sa mas malawakang krisis sa pananalapi.
Stagflation vs. inflation
Gaya ng nakita natin, ang stagflation ay ang kumbinasyon ng inflation at stagnation ng ekonomiya o negatibong paglago. Bagama't puwedeng bigyang-kahulugan ang inflation sa iba't ibang paraan, kadalasan, tumutukoy ito sa pagtaas sa mga presyo ng mga produkto at serbisyo. Puwede rin nating ilarawan ang inflation bilang pagbaba ng purchasing power ng isang currency.
Bakit nangyayari ang stagflation?
Sa madaling sabi, nangyayari ang stagflation kapag bumababa ang purchasing power ng pera kasabay ng pagbagal ng ekonomiya at pagbaba ng supply ng mga produkto at serbisyo. Nag-iiba-iba ang mga eksaktong dahilan ng stagflation depende sa konteksto sa kasaysayan at sa iba't ibang pananaw sa ekonomiya. May iba't ibang teorya at opinyong nagpapaliwanag ng stagflation sa iba't ibang paraan, kasama ang monetarist, Keynesian, at mga bagong classical na modelo. Tumingin tayo ng ilang halimbawa.
Nagsasalungatang monetary at fiscal policy
Pinapamahalaan ng mga bangko sentral gaya ng US Federal Reserve ang supply ng pera para maapektuhan ang ekonomiya. Kilala ang mga kontrol na ito bilang monetary policy. Direkta ring naaapektuhan ng mga pamahalaan ang ekonomiya gamit ang mga patakaran sa paggastos at buwis na kilala bilang fiscal policy. Gayunpaman, ang nagsasalungatang kumbinasyon ng fiscal at monetary policy ay puwedeng humantong sa runaway inflation at mabagal na paglago ng ekonomiya. Puwedeng humantong sa stagflation ang anumang kumbinasyon ng mga patakarang nakakapagpababa ng paggastos ng consumer habang nadaragdagan ang supply ng pera.
Halimbawa, puwedeng magtaas ng mga buwis ang isang pamahalaan kung saan liliit ang disposable income ng populasyon nito. Kasabay nito, puwedeng nagsasagawa ang bangko sentral ng quantitative easing ("paglilimbag ng pera") o pagbababa ng mga rate ng interes. Magkakaroon ng negatibong epekto sa paglago ang patakaran ng pamahalaan habang dinaragdagan ng bangko sentral ang supply ng pera, na madalas na humahantong sa inflation.
Ang introduksyon ng fiat currency
Dati, pine-peg ng karamihan ng mga pangunahing ekonomiya ang kanilang mga currency sa isang halaga ng ginto. Kilala ang mekanismong ito bilang gold standard pero tinalikuran na ito ng marami pagkatapos noong World War II. Dahil sa pag-aalis ng gold standard at sa pagpapalit dito gamit ang fiat currency, naalis ang anumang limitasyon sa supply ng pera. Bagama't posible nitong mapabilis ang trabaho ng mga bangko sentral sa pagkontrol sa ekonomiya, puwede rin nitong mapinsala ang mga antas ng inflation, na magsasanhi ng mas matataas na presyo.
Mga pagtaas sa gastusin sa supply
Puwede ring magsanhi ng stagflation ang biglang pagtaas ng gastusin sa produksyon ng mga produkto at serbisyo. Partikular na totoo ang ugnayang ito para sa enerhiya at kilala ito bilang supply shock. Nakakaranas din ang mga consumer ng pagtaas sa mga presyo ng enerhiya, na karaniwang nagmumula sa mga presyo ng langis.
Kung mas mahal gawin ang mga produkto at tataas ang mga presyo, at mas maliit ang disposable income ng mga consumer dahil sa pagpapainit, transportasyon, at iba pang gastusing nauugnay sa enerhiya, mas malamang na magkaroon ng stagflation.
Paano mo lalabanan ang stagflation?
Nalalabanan ang stagflation sa pamamagitan ng fiscal at monetary policy. Gayunpaman, nakadepende sa economic school of thought kung ano ang mga eksaktong patakaran na ipapatupad.
Mga monetarist
Igigiit ng mga monetarist (mga ekonomistang naniniwala na ang pagkontrol sa supply ng pera ang pinakamahalaga) na ang inflation ang pinakamahalagang salik na dapat kontrolin.
Sa ganitong sitwasyon, babawasan muna ng monetarist ang supply ng pera, na magpapababa ng pangkalahatang paggastos. Humahantong ito sa mas mababang demand at pagbaba ng mga presyo ng mga produkto at serbisyo. Gayunpaman, ang disbentahe ay hindi hinihikayat ng patakarang ito ang paglago. Kailangang asikasuhin ang paglago sa ibang pagkakataon sa pamamagitan ng maluwag na monetary policy kasama ng fiscal policy.
Mga ekonomistang panig sa supply
Isa pang school of thought ang dagdagan ang supply sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapababa ng gastusin at pagpapahusay ng efficiency. Ang mga kontrol sa presyo sa enerhiya (kung posible), pamumuhunan sa efficiency, at subsidiya sa produksyon ay makakatulong na mapababa ang gastusin at madagdagan ang pinagsama-samang supply ng ekonomiya. Napapababa nito ang mga presyo para sa mga consumer, napapasigla ang output ng ekonomiya, at nababawasan ang unemployment.
Solusyon ng bukas merkado
Naniniwala ang ilang ekonomista na ang pinakamagandang lunas sa stagflation ay hayaan ito sa bukas na merkado. Sa huli, maisasaayos ng supply at demand ang mga tumataas na presyo dahil hindi kaya ng mga consumer na bumili ng mga produkto. Hahantong ang katotohanang ito sa pagbaba ng demand at mas mababang inflation.
Maayos ding mailalaan ng bukas na merkado ang paggawa at mababawasan nito ang unemployment. Gayunpaman, puwedeng abutin nang ilang taon o dekada bago maging matagumpay ang planong ito, kaya naman nagkakaroon ng hindi magagandang kondisyon sa pamumuhay ang populasyon. Sabi nga ni Keynes, "in the long run, we're all dead (sa katagalan, patay na tayong lahat)."
Paano puwedeng makaapekto ang stagflation sa merkado ng crypto?
Mahirap tukuyin nang buo ang mga eksaktong epekto ng stagflation sa crypto. Gayunpaman, puwede tayong gumawa ng ilang pangunahing pagpapalagay kung ipagpapalagay nating hindi magbabago ang iba pang kondisyon ng merkado.
Kaunti o negatibong paglago
Ang isang ekonomiyang halos hindi lumalago o lumiliit ay humahantong sa mga hindi gumagalaw na antas ng kita o kahit nga sa pagbaba. Sa ganitong sitwasyon, mas kaunting pera ang maipupuhunan ng mga consumer. Puwede itong humantong sa pagbaba ng pagbili ng crypto at pagtaas ng benta dahil kailangan ng mga namumuhunan sa retail ng access sa pera para sa pang-araw-araw na gastusin. Sa mabagal o negatibong paglago ng ekonomiya, nahihikayat ang malalaking namumuhunan na bawasan ang pagkakalantad nila sa mga asset na may mas mataas na panganib, kasama na ang mga stock at cryptocurrency.
Mga hakbang ng pamahalaan laban sa stagflation
Kadalasan, susubukan munang kontrolin ng pamahalaan ang inflation at pagkatapos ay aasikasuhin nito ang problema sa paglago at unemployment. Puwedeng makontrol ang inflation sa pamamagitan ng pagbabawas ng supply ng pera, kung saan isang paraan ang pagtataas ng mga rate ng interes.
Babawasan nito ang liquidity dahil itatabi ng mga tao ang pera nila sa mga bangko, at nagiging mas mahal ang paghiram. Sa pagtaas ng mga rate, hindi na masyadong nakakahikayat ang mga pamumuhunang may mataas na panganib at mataas na return. Samakatuwid, puwedeng makaranas ng pagbaba sa demand at mga presyo ang crypto sa mga panahong tumataas ang mga rate ng interes at mas mababa ang supply ng pera.
Kapag nakontrol na ng pamahalaan ang inflation, malamang na gugustuhin nitong pasiglahin ang paglago. Kadalasan, ginagawa ito sa pamamagitan ng quantitative easing at pagbababa ng rate ng interes. Sa ganitong sitwasyon, malamang na magiging positibo ang mga epekto sa mga merkado ng crypto dahil sa pagtaas ng supply ng pera.
Pagtaas ng inflation
Iginigiit ng maraming namumuhunan na puwedeng maging magandang hedge ang Bitcoin laban sa mga tumataas na rate ng inflation. Sa mas mataas at tumataas na inflation, kung itatabi mo ang iyong kayamanan sa fiat nang hindi kumikita ng interes, nababawasan ang totoong halaga nito. Para maiwasan ito, marami ang gumamit ng Bitcoin para mapanatili ang kanilang pangmatagalang purchasing power at tumubo pa nga. Dahil ito sa nakikita ng mga namumuhunan ang BTC bilang magandag store of value dahil sa limitadong pag-isyu at supply nito.
Dati, gumana sana nang mahusay ang diskarteng ito sa pag-hedge para sa mga namumuhunang nag-ipon ng Bitcoin at iba pang cryptocurrency sa paglipas ng mga taon. Sa partikular, sa mga panahon o pagkatapos ng mga panahon ng inflation at paglago ng ekonomiya. Gayunpaman, posibleng hindi gumana nang mahusay ang paggamit ng crypto bilang hedge laban sa inflation sa mas maiikling time frame, lalo na sa mga panahon ng stagflation. Mahalaga ring banggitin na may iba pang salik na isinasaalang-alang, gaya ng nadagdagang korelasyon sa pagitan ng crypto at mga stock market.
Stagflation sa krisis sa langis noong 1973
Noong 1973, nagdeklara ang Organization of Arab Petroleum Exporting Countries (OPEC) ng embargo sa langis sa piling grupo ng mga bansa. Ang desisyong ito ay isang reaksyon para suportahan ang Israel sa digmaang Yom Kippur. Sa malaking pagbaba ng supply ng langis, tumaas ang mga presyo ng langis, na humantong sa kakapusan ng supply chain at mas matataas na presyong pang-consumer. Humantong ito sa malaking pagtaas sa rate ng inflation.
Sa mga bansa tulad ng USA at UK, binabaan ng mga bangko sentral ang mga rate ng interes para mahikayat ang paglago sa kanilang mga ekonomiya. Sa mas mabababang rate ng interes, mas murang kumuha ng mga pautang at magbigay ng insentibong gumastos kaysa magtipid. Gayunpaman, ang karaniwang mekanismo para mapababa ang inflation ay babaan ang mga rate ng interes at hikayating magtipid ang mga consumer.
Dahil malaking bahagi ng paggastos ng consumer ang mga gastusin sa langis at enerhiya, at hindi sapat ang paglagong nahihikayat ng pagbababa ng mga rate ng interes, maraming ekonomiya sa kanluran ang nakaranas ng mataas na inflation at stagnant na ekonomiya.
Konklusyon
Sa stagflation, nagkakaroon ng natatanging sitwasyon para sa mga ekonomista at mambabatas dahil hindi karaniwang nangyayari nang magkasama ang inflation at negatibong paglago. Kadalasang nagsasanhi ng inflation ang mga tool para malabanan ang stagnation, habang puwedeng humantong sa mabagal o negatibong paglago ng ekonomiya ang mga diskarte para makontrol ang inflation. Kaya naman, sa mga panahon ng stagflation, sulit isaalang-alang ang macroeconomic na konteksto at ang maraming salik nito, gaya ng supply ng pera, mga rate ng interes, supply at demand, at employment rate.