Store of Value ba ang Bitcoin?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Ano ang store of value?
Ano ang magandang store of value?
Ang katwirang pabor sa Bitcoin bilang store of value
Ang katwirang laban sa Bitcoin bilang store of value
Mga pangwakas na pananaw
Store of Value ba ang Bitcoin?
Home
Mga Artikulo
Store of Value ba ang Bitcoin?

Store of Value ba ang Bitcoin?

Intermediya
Na-publish Apr 15, 2020Na-update Nov 11, 2021
14m

Panimula

Kapag nag-isip ka ng safe-haven asset, malamang na mga precious metal gaya ng ginto o pilak ang papasok sa isip mo. Ito ay mga pamumuhunang pinagkakaguluhan ng mga indibidwal bilang mga hedge laban sa kawalan ng katiyakan sa mga tradisyonal na merkado.

Nagpapatuloy ang debate kung susunod ba ang Bitcoin sa mga yapak ng mga asset na ito. Sa artikulong ito, titingnan natin ang ilan sa mga pangunahing katwirang pabor at laban sa Bitcoin bilang  store of value.


Ano ang store of value?

Ang store of value ay isang asset na nakakapagpanatili ng halaga sa paglipas ng panahon. Kung bumili ka ng magandang store of value ngayon, puwede kang makatiyak nang may katwiran na hindi bababa ang halaga nito sa paglipas ng panahon. Sa hinaharap, aasahan mong ganoon pa rin ang halaga ng asset (kung hindi mas mataas).

Kapag nag-isip ka ng ganoong “safe haven” asset, malamang na ginto o pilak ang papasok sa isip mo. Maraming dahilan kung bakit noon pa man ay may halaga na ang mga ito, na tatalakayin natin sa loob ng ilang sandali.


Silipin ang mga pinakabagong presyo ng Bitcoin (BTC) ngayon.


Ano ang magandang store of value?

Para maunawaan kung ano ang magandang store of value, tuklasin muna natin kung ano ang posibleng maging hindi magandang store of value. Kung gusto nating mapreserba ang isang bagay sa loob ng mahabang panahon, makatwiran lang na kailangang matibay ito. 

Pag-isipan natin ang pagkain. May likas na halaga ang mga mansanas at saging, dahil kailangan ng nutrisyon ng mga tao para mabuhay. Kapag madalang ang pagkain, walang dudang nagiging napakataas ng halaga ng mga item na ito. Pero hindi magandang store of value ang mga ito dahil dito. Liliit nang sobra ang halaga ng mga ito kung ilalagay mo ang mga ito sa isang safe nang ilang taon dahil mabubulok ang mga ito.

Pero paano naman ang isang bagay na likas na mahalaga na nagtatagal din? Halimbawa, dry pasta? Mas maganda iyon sa paglaon, pero wala pa ring garantiya na may halaga ito. Murang gawin ang pasta gamit ang mga mapagkukunang madaling makukuha. Kayang punuin ng kahit sino ng mas maraming pasta ang merkado, kaya bababa ang halaga ng pasta na nasa sirkulasyon dahil mas nakakalamang ang supply kaysa sa demand. Samakatwid, para mapanatili ang halaga ng isang bagay, madalang din dapat ito.
Itinuturing ng iba ang mga fiat currency (dollar, euro, yen) bilang magandang paraan para magtago ng yaman dahil napapanatili ang halaga ng mga ito sa matagalan. Pero ang totoo, hindi magandang store of value ang mga ito dahil malaki ang ibinababa ng purchasing power habang mas maraming unit ang nagagawa (tulad na lang ng pasta). Puwede mong i-withdraw ang lahat ng ipon mo at puwede mo iyong itago sa ilalim ng kutson mo nang dalawang taon, pero hindi magiging pareho ang purchasing power noon kapag nagpasya ka nang gastusin iyon.
Noong taong 2000, mas marami kang mabibili sa $100,000 kaysa ngayon. Ang pangunaging dahilan nito ay inflation, na tumutukoy sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo. Sa maraming sitwasyon, ang inflation ay dulot ng sobra-sobrang supply ng fiat currency dahil sa kasanayan ng gobyerno na mag-print ng mas maraming pera.

Para ipaliwanag ito, ipagpalagay na nasa iyo ang 25% ng kabuuang supply na $100 bilyon – kaya, $25 bilyon. Lumipas ang panahon, at nagpasya ang gobyerno na mag-print, halimbawa, ng karagdagang $800 bilyon para pasiglahin ang ekonomiya. Biglang bumaba sa ~3% ang parte mo sa pie. Maraming perang nasa sirkulasyon, kaya makatwiran lang na hindi na masyadong mataas ang purchasing power ng parte mo tulad ng dati.


Ang pagkawala ng purchasing power sa paglipas ng panahon.


Gaya ng pasta natin na nabanggit kanina, hindi mahal gumawa ng mga dolyar. Puwedeng mangyari ang nasa itaas sa loob lang ng ilang araw. Sa magandang store of value, mahirap dapat punuin ng mga bagong unit ang merkado. Sa madaling salita, dahan-dahan dapat ang paghina ng parte mo sa pie, kung hihina nga ito.

Kung gagawin nating halimbawa ang ginto, alam nating may hangganan ang supply nito. Alam din nating napakahirap nitong minahin. Kaya kahit na biglang tumaas ang demand para sa ginto, hindi lang basta kailangang gumamit ng printer para makagawa ng mas marami. Kailangan itong hukayin sa lupa, gaya ng nakasanayan. Kahit napakalaki ng itaas ng demand, hindi puwedeng dagdagan nang lubos ang supply para matugunan ito.


Ang katwirang pabor sa Bitcoin bilang store of value

Mula noong nag-uumpisa pa lang ang Bitcoin, sinasabi na ng mga tagapagtaguyod na mas katulad ng “digital na ginto” ang cryptocurrency kaysa sa simpleng digital currency. Sa mga kamakailang taon, sinuportahan ng maraming mahilig sa Bitcoin ang pahayag na ito.

Ikinakatwiran ng tesis na store of value para sa Bitcoin na isa ito sa mga pinakamatatag na asset na alam ng tao. Naniniwala ang mga tagapagtaguyod ng tesis na ito na ang Bitcoin ang pinakamagandang paraan para magtago ng kayamanan dahil hindi bumababa ang halaga nito sa paglipas ng panahon.

Kilala ang Bitcoin dahil sa matinding volatility. Posibleng mukhang salungat sa inaasahan na ang isang asset na puwedeng mawalan ng 20% ng halaga nito sa loob ng isang araw ay itinuturing ng marami bilang store of value. Pero kahit na isaalang-alang ang madalas na pagbaba ng halaga nito, ito pa rin ang uri ng asset na may pinakamahusay na performance sa kasalukuyan. 

Kaya bakit itinuturing na store of value ang Bitcoin?


Scarcity

Malamang na isa sa mga pinakanakakakumbinsing katwiran para sa tesis na store of value ay may hangganan ang supply nito. Tulad ng posibleng naaalala mo mula sa aming artikulong Ano ang Bitcoin?, hinding-hindi magkakaroon ng mahigit sa 21 milyong bitcoin. Tinitiyak ito ng protocol sa pamamagitan ng naka-hardcode na panuntunan. 
Ang tanging paraan para makagawa ng mga bagong coin ay sa pamamagitan ng proseso ng pagmimina, na may pagkakahalintulad sa kung paano minimina ang ginto. Pero sa halip na maghukay ng lupa, dapat malutas ng mga minero ng Bitcoin ang isang cryptographic puzzle gamit ang computational power. Kapag nagawa nila iyon, makakakuha sila ng mga bagong coin.
Habang lumilipas ang panahon, nababawasan ang mga reward dahil sa mga pangyayaring kilala bilang mga halving. Kung ang hula mo ay kinakalahati nito ang reward, tama ka. Noong nag-uumpisa pa lang ang Bitcoin, nagbibigay ang system ng 50 BTC bilang reward sa sinumang minerong makakagawa ng valid na block. Sa unang halving, bumaba sa 25 BTC ang numerong ito. Sa sumunod na halving, nahati ito sa 12.5 BTC, at sa susunod, magiging 6.25 bitcoin kada block na lang ang reward ng mga minero. Magpapatuloy ang prosesong ito nang 100+ pang taon hanggang sa pumasok sa sirkulasyon ang huling fraction ng isang coin.
Imodelo natin ito katulad ng halimbawa nating fiat currency kanina. Ipagpalagay na binili mo ang 25% ng supply ng Bitcoin (ibig sabihin, 5,250,000 coin) maraming taon na ang nakalipas. Noong nakuha mo ang mga coin na ito, alam mong hindi magbabago ang iyong porsyento dahil walang entity na may kakayahang magdagdag ng higit pang coin sa system. Walang gobyerno rito – ayon sa tradisyonal na kahulugan nito (tatalakayin pa ito sa ilang sandali). Kaya kung bumili (at nag-HODL) ka ng 25% ng maximum na supply noong 2010, 25% pa rin nito ang pagmamay-ari mo ngayon.


Desentralisasyon

Baka iniisip mo na open-source software ito. Puwede kong kopyahin ang code at puwede akong gumawa ng sarili kong bersyong may karagdagang 100 milyong coin. 
Puwede mo ngang gawin iyon. Sabihin nating iko-clone mo ang software, gagawin mo ang mga pagbabago, at magpapatakbo ka ng node. Mukhang ayos ang takbo ng lahat. May isang problema lang: walang ibang node na makokonektahan. Kasi, noong binago mo ang mga parameter ng iyong software, hindi ka na pinansin ng mga miyembro sa network ng Bitcoin. Nag-fork ka, at ang pinapatakbo mong program ay hindi na ang tinatanggap sa buong mundo bilang Bitcoin. 

Ang ginawa mo ay katumbas ng pagkuha ng litrato ng Mona Lisa at pagsasabi na mayroon na ngayong dalawang Mona Lisa. Puwede mong kumbinsihin ang iyong sarili na ganoon ang sitwasyon, pero good luck sa pagkumbinsi sa iba.

Sinabi namin na parang may gobyerno sa Bitcoin. Binubuo ang gobyernong iyon ng bawat user na nagpapatakbo ng software. Ang tanging paraan para mabago ang protocol ay kung sasang-ayon sa mga pagbabago ang karamihan ng mga user.

Hindi madaling mangumbinsi ng mayorya na magdagdag ng mga coin – kasi nga naman, hinihiling mo sa kanilang i-debase ang sarili nilang mga hawak. Gaya ng sitwasyon sa kasalukuyan, kahit ang napakaliliit na feature ay inaabot nang ilang taon bago magkaroon ng consensus sa buong network.

Habang lumalaki ito, hihirap lang ang pagsusulong ng mga pagbabago. Samakatwid, puwedeng maging kumpyansa ang mga may-hawak na hindi magkakaroon ng inflation ang supply. Bagama't gawa ng tao ang software, nangangahulugan ang desentralisasyon ng network na ang Bitcoin ay mas nagsisilbi bilang likas na mapagkukunan kaysa code na puwedeng basta na lang baguhin.


Ang mga katangian ng magandang pera

Itinuturo din ng mga naniniwala sa tesis na store of value ang mga feature ng Bitcoin na dahilan kaya ito magandang pera. Hindi lang ito madalang na digital resource, mayroon din itong mga katangiang ilang siglo nang tradisyonal na ginagamit sa mga currency.

Nagamit na ang ginto bilang pera sa iba't ibang sibilisasyon mula noong nabuo ang mga ito. Marami itong dahilan. Napag-usapan na natin ang tibay at scarcity. Puwedeng maging magandang asset ang mga ito, pero hindi magandang anyo ng currency. Para doon, fungibility, portability, at divisibility ang gusto mo.


Kakayahang magamit

Ibig sabihin ng fungibility, hindi mapag-iiba-iba ang mga unit. Sa ginto, puwede kang kumuha ng kahit aling dalawang ounce, at magkapareho ang magiging halaga ng mga ito. Totoo rin ito sa mga bagay gaya ng mga stock at cash. Hindi mahalaga kung aling partikular na unit ang hawak mo – katumbas ang hawak nitong halaga ng anupamang kauri nito.

Kumplikadong usapin ang fungibility ng Bitcoin. Hindi dapat mahalaga kung anong coin ang hawak mo. Kadalasan, 1 BTC = 1 BTC. Nagiging kumplikado ito kapag isinaalang-alang mo na puwedeng iugnay ang bawat unit sa mga dating transaksyon. May mga sitwasyon kung saan na-blacklist ng mga negosyo ang mga pondong sa palagay nila ay nasangkot sa mga kriminal na aktibidad, kahit na natanggap ang mga ito ng may-hawak pagkatapos noon.

Mahalaga ba dapat iyon? Mahirap maintindihan kung bakit. Kapag may binabayaran ka gamit ang isang dollar bill, walang may alam sa inyo ng merchant kung saan ito ginamit tatlong transaksyon ang nakaraan. Walang konsepto ng kasaysayan ng transaksyon – hindi mas malaki ang halaga ng mga bagong bill kaysa sa mga gamit na.

Gayunpaman, sa pinakamalalang sitwasyon, posibleng maibenta nang mas mura ang mga mas lumang bitcoin (na may mas mahabang kasaysayan) kaysa sa mga mas bagong bitcoin. Depende kung sino ang tatanungin mo, posibleng ang sitwasyong ito ang pinakamalaking banta sa Bitcoin, o hindi ito dapat ipag-alala. Pero sa ngayon, fungible ang Bitcoin ayon sa function. May mangilan-ngilan lang na insidente kung saan na-freeze ang mga coin dahil sa kahina-hinalang kasaysayan.


Portability

Isinasaad ng portability ang dali ng paglilipat ng isang asset. $10,000 na tig-$100 bill? Madali lang iyon dalhin. $10,000 na halaga ng langis? Hindi masyado.

Kailangang maliit ang form factor ng magandang currency. Kailangang madali itong dalhin para mabayaran ng mga indibiwal ang isa't isa para sa mga produkto at serbisyo.

Matagal nang mahusay ang ginto sa usaping ito. Noong isinulat ang artikulong ito, halos $1,500 ang halaga ng isang karaniwang gintong coin. Malabong bibili ka ng nagkakahalaga ng isang buong ounce ng ginto, kaya mas kaunting espasyo pa ang kinakain ng mas maliliit na denominasyon. 

Sa katunayan, mas nakakalamang ang Bitcoin sa mga precious metal pagdating sa transportability. Ni wala nga itong pisikal na footprint. Puwede kang mag-store ng trilyon-trilyong dolyar na halaga ng kayamanan sa isang hardware device na kasya sa palad mo.

Matinding pagod at gastos ang kailangan para makapaglipat ng isang bilyong dolyar na halaga ng ginto (kasalukuyang mahigit sa 20 tonelada). Kahit gamit ang cash, kakailanganin mong magdala ng ilang paleta ng $100 bill. Sa Bitcoin, puwede mong ipadala ang halagang iyon kahit saan sa mundo sa halagang wala pang isang dolyar.


Divisibility

Isa pang mahalagang kalidad ng currency ay ang divisibility nito– ibig sabihin, ang kakayahang hati-hatiin ito sa mas maliliit na unit. Sa ginto, puwede kang kumuha ng isang ounce na coin at puwede mo itong hatiin sa gitna para makagawa ng dalawang unit na tig-kalahating ounce. Baka mawalan ka ng premium dahil nasira ang magandang larawan ng agila o buffalo rito, pero ganoon pa rin ang halaga ng ginto. Puwede mo ulit hatiin ang iyong kalahating ounce na unit para makagawa ng mas maliliit na denominasyon.

Ang divisibility ay isa pang larangan kung saan mahusay ang Bitcoin. Mayroon lang dalawampu't isang milyong coin, pero bawat isa ay binubuo ng isandaang milyong mas maliliit na unit (mga satoshi). Nagbibigay ito sa mga user ng napakalaking kontrol sa kanilang mga transaksyon, dahil puwede silang tumukoy ng halagang ipapadala na hanggang walong decimal place. Dahil din sa divisibility ng Bitcoin, mas madaling nakakabili ng maliliit na bahagi ng BTC ang maliliit na mamumuhunan.


Store of Value, Medium ng Palitan, at Unit ng Account

Magkakaiba ang saloobin sa kasalukuyang tungkulin ng Bitcoin. Maraming naniniwala na currency lang ang Bitcoin – isa itong tool para makapaglipat ng mga pondo mula punto A papuntang punto B. Tatalakayin natin ito sa susunod na seksyon, pero ang pananaw na ito ay salungat sa dinedepensahan ng maraming tagapagtaguyod ng store of value.

Giit ng mga tagapagtaguyod ng SoV, dapat dumaan ang Bitcoin sa mga yugto bago ito maging pinakamahusay na currency. Nagsisimula ito bilang collectible (masasabing kung nasaan tayo ngayon): napatunayan na nito na ito ay gumagana at secure pero maliit na niche lang ang gumagamit nito. Pangunahing binubuo ng mga hobbyist at speculator ang sentrong audience nito.

Kapag mas marami nang kaalaman, mas maganda na ang imprastraktura para sa mga institusyon, at mas mataas na ang kumpyansa sa kakayahan nitong magpanatili ng halaga, saka lang ito makakausad sa susunod na yugto: ang store of value. Naniniwala ang iba na umabot na ito sa ganitong antas. 
Sa puntong ito, hindi malawakan ang paggastos ng Bitcoin dahil sa Gresham’s law, na nagsasaad na dahil sa perang hindi maganda ang kalidad, nawawala ang perang may magandang kalidad. Ang ibig sabihin nito, kapag binigyan ang mga indibidwal ng dalawang uri ng currency, mas malamang na gastusin nila ang may mas mababang kalidad at itatago nila ang may mas mataas na kalidad. Mas gustong gumastos ng mga fiat currency ng mga user ng Bitcoin, dahil maliit ang tiwala nila na magtatagal ang mga iyon. Hinahawakan (o hino-HODL) nila ang kanilang mga bitcoin, dahil naniniwala silang mananatili ang halaga ng mga iyon. 
Kung patuloy na lalago ang network ng Bitcoin, mas maraming user ang gagamit nito, tataas ang liquidity, at magiging mas stable ang presyo. Dahil mas matatag ito, hindi na masyadong magkakaroon ng insentibo sa paghawak nito sa pag-asang mas lalaki ang kita sa hinaharap. Kaya puwede nating asahang mas magagamit ito sa komersyo at sa mga pang-araw-araw na pagbabayad, bilang malakas na medium ng palitan.
Kung mas maraming gagamit, magiging mas stable ang presyo. Sa huling yugto, ang Bitcoin ay magiging unit ng account – gagamitin ito para presyuhan ang iba pang asset. Kung puwede mong presyuhan nang $4 ang isang galon ng langis, susukatin ang halaga nito sa bitcoin sa isang mundo kung saan namamayani ang Bitcoin.

Kung makakamit ang tatlong milestone na ito sa pera, nakikinita ng mga tagapagtaguyod na magkakaroon ng hinaharap kung saan ang Bitcoin ay magiging bagong pamantayan na papalit sa mga currency na ginagamit sa kasalukuyan.


Ang katwirang laban sa Bitcoin bilang store of value

Ang mga katwirang ibinahagi sa nakaraang seksyon ay posibleng napakalohikal sa ilan at parang kahibangan naman sa iba. Maraming kritisismo sa ideya na ang Bitcoin ay “digital na ginto,” mula sa mga Bitcoiner at sa mga hindi naniniwala sa cryptocurrency.


Bitcoin bilang digital cash

Marami ang mabilis na tumuturo sa white paper ng Bitcoin kapag nagkakaroon ng pagtatalo tungkol sa paksa. Para sa kanila, malinaw na ang layunin ni Satoshi para sa Bitcoin, sa umpisa pa lang, ay ang gastusin ito. Sa katunayan, nasa pamagat ito mismo ng artikulo: Bitcoin: A Peer-to-Peer Electronic Cash System.

Ayon sa katwiran, magiging mahalaga lang ang Bitcoin kung gagastusin ng mga user ang mga coin nila. Sa pag-iimbak nito, hindi ka nakakatulong sa paggamit – nakakasama ka rito. Kung hindi malawakang tinatanggap ang Bitcoin bilang digital cash, nakabatay ang pangunahing proposisyon nito hindi sa gamit, kung hindi sa ispekulasyon. 

Ang mga pagkakaibang ito sa ideyolohiya ay humantong sa malaking fork noong 2017. Gusto ng minorya ng mga Bitcoiner na magkaroon ng system na may mas malalaking block, na ang ibig sabihin ay mas murang bayarin sa transaksyon. Dahil mas marami nang gumagamit sa orihinal na network, puwedeng malaki ang itaas ng gastos sa isang transaksyon, at maraming user ang hindi makapagsagawa ng mga transaksyong may mas mababang halaga. Kung may average na bayad na $10, walang masyadong silbi ang paggastos mo ng mga coin sa pagbiling nagkakahalaga ng $3.

Kilala na ngayon ang na-fork na network bilang Bitcoin Cash. Naglabas ng sariling upgrade ang orihinal na network, noong panahong iyon, na kilala bilang SegWit. Mukha ngang dinagdagan ng SegWit ang kapasidad ng mga block, pero hindi iyon ang pangunahing layunin nito. Ito rin ang naglatag ng pundasyon ng Lightning Network, na naglalayong pangasiwaan ang mga transaksyong may mababang bayarin sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga ito sa chain.

Gayunpaman, ayon sa kasanayan, malayo sa pagiging perpekto ang Lightning Network. Mas madali-daling maunawaan ang mga regular na transaksyon sa Bitcoin, samantalang maraming kailangang matutuhan bago mapamahalaan ang mga channel at kapasidad ng Lightning Network. Hindi pa alam kung puwede ba itong i-streamline, o kung masyadong kumplikado ang disenyo ng solusyon at naging abstract na ito.

Dahil sa tumataas na demand para sa espasyo sa block, hindi na mura ang mga transaksyon sa chain sa mga abalang oras. Dahil dito, puwedeng ikatwiran ng isang tao na kung hindi lalakihan ang block, masisira ang kakayahan ng Bitcoin na magamit bilang currency.


Walang likas na halaga

Para sa marami, kalokohan ang paghahambing ng ginto at Bitcoin. Sa pangkalahatan, ang kasayayan ng ginto ay ang kasaysayan ng sibilisasyon. Libo-libong taon naging napakahalagang bahagi ng mga lipunan ang precious metal. Totoo ngang medyo nabawasan ang pangingibabaw nito mula noong inalis ang pamantayan sa ginto, pero sa kabila noon, ito pa rin ang pinakamagandang safe-haven asset.

Mukha ngang mahirap paghambingin ang mga epekto sa network ng hari ng mga asset sa isang labing-isang taong protocol. Mile-milenyo nang hinahangaan ang ginto bilang status symbol at bilang pang-industriyang metal.

Sa kabaliktaran, walang silbi ang Bitcoin sa labas ng network nito. Hindi mo ito magagamit na conductor sa electronics, at hindi mo rin itong magagawang napakalaking makinang na kadena kapag nagpasya kang mag-umpisa ng career sa hip-hop. Puwede nitong gayahin ang ginto (pagmimina, may hangganang supply, atbp.), pero hindi noon mababago ang katotohanan na isa itong digital na asset.

Sa isang banda, paniniwala ng marami ang lahat ng pera – may halaga lang ang dolyar dahil iyon ang sinasabi ng gobyerno at tinatanggap iyon ng lipunan. May halaga lang ang ginto dahil sang-ayon ang lahat na may halaga nga ito. Hindi iba rito ang Bitcoin, pero sa kabuuan, napakaliit pa rin ng grupo ng mga taong nagbibigay rito ng halaga. Malamang na marami nang naging usapan sa personal mong buhay kung saan kinailangan mong ipaliwanag kung ano ito dahil hindi ito alam ng karamihan ng mga tao.


Volatility at kaugnayan

Siguradong nasiyahan ang mga maagang sumabak sa Bitcoin sa napakalaking paglago ng kanilang kayamanan. Para sa kanila, nag-imbak nga ito ng halaga – at higit pa. Pero walang ganoong karanasan ang mga bumili ng kanilang mga unang coin sa all-time high. Marami ang nalugi nang malaki sa pagbebenta sa anumang punto pagkatapos noon. 
Napaka-volatile ng Bitcoin, at hindi mahulaan ang mga merkado nito. Kung ihahambing, kaunti at maliit ang mga pagbabago sa mga metal tulad ng ginto at pilak. Puwede mong sabihin na masyado pang maaga, at magiging stable din ang presyo sa paglaon. Pero iyon mismo ay posibleng nagsasaad na hindi store of value ang Bitcoin sa kasalukuyan.

Dapat ding isaalang-alang ang kaugnayan ng Bitcoin sa mga tradisyonal na merkado. Mula noong binuo ang Bitcoin, tuloy-tuloy ang pagtaas nito. Hindi pa talaga nasubukan ang cryptocurrency bilang safe-haven asset kung maganda rin ang performance ng lahat ng iba pang klase ng asset. Puwedeng sabihin ng mga mahilig sa Bitcoin na ito ay “walang kaugnayan” sa iba pang asset, pero walang paraan para malaman iyon hanggang sa bumagsak ang iba pang asset habang nagtutuloy-tuloy ang Bitcoin.


Tulip Mania at Beanie Babies

Hindi ito wastong kritisismo ng mga katangian ng Bitcoin bilang store of value kung hindi natin uungkatin ang mga paghahambing sa Tulip Mania at Beanie Babies. Mahina ang mga paghahambing na ito kahit sa pinakamagagandang sitwasyon, pero ang silbi ng mga ito ay ipakita ang mga panganib ng pagputok ng bubble.

Sa dalawang sitwasyon, dinagsa ng mga mamumuhunan ang pagbili ng mga item na sa tingin nila ay rare sa pag-asang maibebenta nila ito nang may tubo. Hindi masyadong mahalaga ang mga mismong item – madali lang gawin ang mga ito. Pumutok ang bubble noong naisip ng mga mamumuhunan na masyado nilang ino-overvalue ang kanilang mga pamumuhunan, at pagkatapos noon, bumagsak na ang mga merkado para sa mga tulip at Beanie baby.

Muli, mahina ang mga paghahambing na ito. Nagmumula nga ang halaga ng Bitcoin sa paniniwala rito ng mga user, pero hindi tulad ng mga tulip, hindi puwedeng magpatubo ng higit pa para matugunan ang demand. Sa kabila noon, walang makakagarantiya na hindi ituturing ng mga mamumuhunan na overvalued ang Bitcoin sa hinaharap, na magsasanhi ng pagputok ng sarili nitong bubble.


Mga pangwakas na pananaw

Talagang nasa Bitcoin ang marami sa mga feature ng store of value gaya ng ginto. May hangganan ang dami ng mga unit, sapat ang pagkadesentralisado ng network para makapagbigay ng seguridad sa mga may-hawak, at magagamit ito para humawak at maglipat ng halaga.

Sa huli, dapat pa rin nitong patunayan ang halaga nito bilang safe-haven asset – masyado pang maaga para makasiguro. Kahit alin ay puwedeng mangyari – puwedeng sa Bitcoin kumapit ang mundo sa mga panahong walang katiyakan ang ekonomiya, o puwedeng maliit na grupo lang ang magpatuloy sa paggamit nito.

Panahon ang makakapagsabi.