TL;DR
Ang mga rate ng interes ay malubhang nakakaapekto sa mas malawak na ekonomiya, dahil ang pagtaas o pagbaba sa kanila ay nakakaapekto sa pag-uugali ng mga tao. Sa pangkalahatan:
- Dahil sa mas mataas na mga rate ng interes, nagiging kaakit-akit na magtipid ng pera dahil mas malaki ang babayaran sa iyo ng mga bangko para sa pagtatago ng iyong pera sa kanila. Hindi gaanong kaakit-akit ang manghiram ng pera dahil kailangan mong magbayad ng mas mataas na halaga sa credit na ilalabas mo.
- Dahil sa mas mabababang rate ng interes, nagiging mas kaakit-akit na mangutang at gumastos ng pera – hindi masyadong kumikita ang iyong perang hindi nagagalaw. Dagdag pa, hindi mo kailangang magbayad ng malaking halaga sa hiniram mo.
Panimula
Siyempre, kailangang may pinansyal na insentibo para magpautang ang isang nagpapahiram. Kadalasan, naniningil sila ng interes. Sa artikulong ito, sisiyasatin natin nang mabuti ang mga rate ng interes at kung paano gumagana ang mga ito.
Ano ang rate ng interes?
Ang interes ay isang pagbabayad na kailangang ibigay sa isang nagpapahiram ng isang nanghihiram. Kung humiram si Alice ng pera mula kay Bob, puwedeng sabihin ni Bob na puwede mong makuha ang $ 10,000 na ito, pero mayroong 5% interes. Ang ibig sabihin nito ay kakailanganin ni Alice na bayaran ang orihinal na $ 10,000 (ang prinsipal) kasama ang 5% ng halagang iyon sa pagtatapos ng takdang panahon. Samakatuwid, ang kanyang kabuuang babayaran kay Bob ay, samakatuwid, $ 10,500.
Kaya, ang rate ng interes ay isang porsyento ng interes na kailangang bayaran bawat panahon. Kung ito ay 5% bawat taon, may babayaran si Alice na $ 10,500 sa unang taon. Mula doon, posible kang magkaroon ng:
- isang simpleng rate ng interes - ang mga kasunod na taon ay magkakaroon ng 5% ng prinsipal
or
- isang pinagsamang rate ng interes - 5% ng $ 10,500 sa unang taon, pagkatapos ay 5% ng $ 10,500 + $525 = $ 11,025 sa ikalawang taon, at iba pa.
Bakit mahalaga ang mga rate ng interes?
Ang mga komersyal na bangko ay walang gaanong kakayahang umangkop pagdating sa pagtatakda ng mga rate ng interes – ang mga entity na tinatawag na mga bangko sentral ang gumagawa niyon. Isipin ang US Federal Reserve, ang People's Bank of China, o ang Bank of England. Ang kanilang trabaho ay ang pakilusin ang ekonomiya para mapanatili itong masigla. Ang isa sa ginagawa nila para makamit ang mga layuning ito ay ang pagpapataas o pagpapababa ng mga rate ng interes.
Pag-isipan ito: kung mataas ang mga rate ng interes, makakatanggap ka ng higit na interes para sa pagpapautang sa iyong pera. Sa kabaligtaran, magiging mas mahal para sa iyo na humiram, dahil mas malaki ang babayaran mo. Gayundin, hindi masyadong kapaki-pakinabang ang pagpapautang kung mababa ang mga rate ng interes, pero nagiging kaakit-akit na mangutang.
Sa huli, kinokontrol ng mga hakbang na ito ang pag-uugali ng mga mamimili. Ang pagpapababa ng mga rate ng interes ay karaniwang ginagawa para pasiglahin ang paggastos sa mga oras kung kailan bumabagal ito, dahil hinihimok nito ang mga indibidwal at negosyo na humiram. Pagkatapos, dahil mas maraming credit ang available, inaasahang gagastusin nila ito.
Ang pagpapababa ng mga rate ng interes ay puwedeng isang mahusay na panandaliang hakbang para buhayin ulit ang ekonomiya, pero nagdudulot din ito ng inflation. Mas maraming credit ang available, pero pareho pa rin ang dami ng mga mapagkukunan. Sa madaling salita, tumataas ang pangangailangan para sa mga kalakal, pero hindi ang supply. Samakatuwid, nagsisimulang tumaas ang mga presyo hanggang sa maabot ang balanse.
Sa puntong iyon, puwedeng magsilbing countermeasure ang matataas na rate ng interes. Dahil sa pagtatakda sa mga ito nang mataas, nababawasan ang dami ng credit na nasa sirkulasyon, dahil magsisimulang bayaran ng bawat isa ang kanilang mga utang. Dahil nag-aalok ang mga bangko ng magagandang rate sa yugtong ito, ise-save na lang ng mga indibidwal ang kanilang pera para kumita ng interes. Sa mas kaunting pangangailangan para sa mga kalakal, bumababa ang inflation – pero bumabagal ang paglago ng ekonomiya.
Ano ang isang negatibong rate ng interes?
Kadalasan, tinatalakay ng mga ekonomista at eksperto ang mga negatibong rate ng interes. Tulad ng naiisip mo, ang mga ito ay mga rate na sub-zero na hinihingi sa iyong magbayad para makapagpahiram ng pera – o kahit nga para itago ito sa isang bangko. Dahil dito, nagiging mas magastos para sa mga bangko na magpautang. At ginagawa din nitong magastos ang mag-save.
Mukha itong isang konseptong walang lohika. Siyempre, nasa nagpapahiram ang panganib na puwedeng hindi bayaran ng nanghihiram ang utang, bakit dapat silang magbayad?
Ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga negatibong rate ng interes ang isa sa mga huling solusyon para maayos ang mga bumabagsak na ekonomiya. Nagmumula ang ideya sa takot na posibleng gustuhin ng mga taong hawakan ang kanilang mga pera sa panahon ng pabagsak na ekonomiya, at maghintay hanggang sa makabangon ito bago lumahok sa anumang aktibidad na pang-ekonomiya.
Kapag negatibo ang mga rate, walang katuturan ang gawing ito – lumalabas na mas makatwirang mga opsyon ang paghiram at paggastos. Ito ang dahilan kung bakit ang mga negatibong rate ng interes ay itinuturing na isang wastong hakbang ng ilan sa ilalim ng hindi pangkaraniwang mga kondisyon ng ekonomiya.
Mga pangwakas na pananaw
Sa mabilis na pagtingin, mukhang ang mga rate ng interes ay isang konseptong medyo madaling maunawaan.
Gayunpaman, mahalagang bahagi ang mga ito ng mga modernong ekonomiya – tulad ng nakita natin, ang pag-adjust ng mga ito ay puwedeng bumago sa pag-uugali ng mga indibidwal at negosyo. Ito ang dahilan kung bakit aktibo ang mga bangko sentral sa paggamit sa mga ito para mapanatiling maayos ang mga ekonomiya ng mga bansa.