Ang Sikolohiya ng mga Market Cycles
Home
Mga Artikulo
Ang Sikolohiya ng mga Market Cycles

Ang Sikolohiya ng mga Market Cycles

Baguhan
Na-publish Oct 14, 2019Na-update Feb 9, 2023
7m

Ano ang Sikolohiya ng Market?

Ang sikolohiya ng merkado ay isang ideya na nagsasabing ang mga paggalaw sa merkado ay repleksyon (o naiimpluwensyahan ng) emosyonal na kalagayan ng mga kalahok. Isa ito sa mga pangunahing paksa sa behavioral economics - isang larangan ng iba’t ibang disiplina na sumusuri sa iba’t ibang sanhi sa likod ng mga ekonomikong pagpapasya.

Marami ang naniniwala na ang mga emosyon ang pangunahing nagtutulak sa likod ng mga pagbabago sa mga financial market. At ang pangakalahatang sentimyento ng pabagu-bagong investor ang bumubuo sa tinatawag na sikolohikal na market cycles.

Sa madaling sabi, ang sentimyento ng merkado ang pangkalahatang nararamdaman ng mga investor at trader tungkol sa paggalaw sa presyo ng isang asset. Kapag positibo ang sentimyento ng merkado, patuloy ang pagtaas ng mga presyo at nasasabing may bullish trend (madalas tinatawag na bull market). Salungat nito ang tinatawag na bear market, kung saan may umiiral na pagbaba ng mga presyo.

Kaya naman, binubuo ang sentimyento ng mga indibidwal na pananaw at pakiramdam ng lahat ng mga trader at investor sa isang financial market. Isang pang perspektibo rito ay bilang nangingibabaw na pangkalahatang pakiramdam ng mga kalahok sa merkado. 

Ngunit tulad din sa anumang grupo, walang iisang opinyon ang ganap na naghahari. Base sa mga teorya sa sikolohiya ng merkado, madalas nagbabago ang presyo ng isang asset bilang sagot sa pangkalahatang sentimyento ng merkado - na mabilis ding magbago. Kung hindi, magiging mahirap magsagawa ng isang matagumpay na trade. 

Nakagawian na kapag umaakyat ang merkado, posibleng dahil ito sa pagbuti ng saloobin at kumpyansa pagitan ng mga trader. Nagdudulot ang positibong sentimyento ng merkado ng pagtaas ng demand at pagbaba ng supply. Dahil dito, ang pagtaas sa demand ay nagdudulot ng mas malakas na saloobin. Ganun din, ang malakas na downtrend ay lumilikha ng negatibong sentimyento na nagpapababa naman ng demand at nagpapataas ng mapagkukunan ng supply.

 

Paano nagbabago ang mga emosyon sa isang market cycle?

Uptrend

Dumadaan ang lahat ng merkado sa mga cycle ng expansion at contraction. Kapag ang merkado ay nasa isang yugto ng expansion (isang bull market), may klima ng pag-asa, paniniwala, at kasakiman. Ito ang madalas na mga nanginginabaw na emosyon na humahantong sa malakas na buying activity.

Karaniwang nakakakita ng ganitong uri ng cyclical at retroactive na epekto tuwing mga market cycle. Halimbawa, nagiging mas positibo ang sentimyento kapag tumataas ang presyo, na siya namang nagiging dahilan ng lalong pagiging positibo ng sentimyento kaya’t’mas naitutulak pataas ang merkado.

Minsan, may mabigat na kasakiman at paniniwala na nangingibabaw sa merkado sa paraang humahantong sa pagkabuo ng financial bubble. Sa ganitong eksena, maraming investor ang nagiging hindi makatwiran kaya nawawalan ng maayos na pananaw sa totoong halaga at binibili lamang ang asset dahil sa paniniwalang patuloy na aakyat ang merkado. 

Nagiging sakim at sobrang nasasabik sila sa market momentum, at umaasang kikita nang malaki. Habang nagiging overextended ang presyo sa upside, nagkakaroon ng local top. Sa pangkalahatan, nakikita ito bilang pinakamataas na punto ng pinansyal na panganib.

Sa ibang mga kaso, nakararanas ang merkado ng panandaliang palihis na paggalaw habang dahan-dahang naibebenta ang mga asset. Kilala rin ito bilang distribution stage. Ganunpaman, hindi nagpapakita ang ibang mga cycle ng malinaw na distribution stage, at agad nagsisimula ang downtrend kapag naabot ang tuktok.

Downtrend

Kapag nagsimulang mag-iba ng daan ang merkado, ang sobrang pagkatuwa ay mabilis napapalitan ng pagiging kampante dahil pilit itinatanggi ng mga trader na tapos na ang uptrend. Habang patuloy na bumababa ang mga presyo, mabilis na nagiging negatibo ang sentimyento ng merkado. Madalas kabilang rito ang pakiramdam ng pagkabahala, pagtatangi, at pagkagulo.

Sa kontekstong ito, maaari nating ilarawan ang pagkabahala bilang isang sandali kung kailan nagsisimulang magtanong ang investor tungkol sa pagbagsak ng presyo, na kalaunay humahantong sa yugto ng pagtatangi. Ang yugto ng pagtatangi ay makikitaan ng pakiramdam ng hindi pagtanggap. Iginigiit ng maraming investor ang paghawak sa mga natatalo na nilang posisyon, maaaring dahil sa "masyado nang huli para magbenta” o dahil naniniwala pa silang "makakabalik din agad ang merkado."

Ngunit sa lalo pang pagbagsak ng presyo, lalong lumalakas ang pagbenta. Sa puntong ito, ang takot at pagkagulo ay madalas humahantong sa tinatawag na market capitulation (kung kailan sumusuko ang mga holder at ibenebenta ang kanilang mga asset malapit sa local bottom).
Hindi magtatagal, titigil ang downtrend habang bumababa ang volatility at nagiging matatag ang merkado. Karaniwan, nakakaranas ang merkado ng palihis na mga paggalaw bago muling mangibabaw ang mga pakiramdam ng pag-asa at pagiging positibo. Ang ganitong palihis na yugto ay kilala rin bilang accumulation stage.

 

Paano ginagamit ng mga investor ang sikolohiya ng merkado?

Sa pagpapalagay na katanggap-tanggap ang teorya ng sikolohiya ng merkado, ang pag-intindi rito ay makatutulong sa trader na pumasok at lumabas sa mga posisyon sa kanais-nais na oras. Ang pangkalahatang saloobin ng merkado ay hindi produktibo: ang sandali ng pinakamataas na pinansyal na oportunidad (para sa isang buyer) ay madalas dumarating kapag karamihan sa mga tao ay nawawalan ng pag-asa, at masyadong bagsak ang merkado. Sa kabilang banda, ang sandali ng pinakamataas na pinansyal na panganib ay umuusbong kapag ang mayorya ng mga kalahok sa merkado ay labis ang pagkatuwa at kompyansa.

Samakatuwid, sinusubukang basahin ng ilang mga trader at investor ang sentimyento ng merkado para matukoy ang iba’t ibang yugto ng mga sikolohikal na cycle nito. Maganda sana kung gagamitin ang impormasyong ito para bumili kapag may pagkagulo (mababang presyo) at magbenta kapag may kasakiman (mataas na presyo). Ganunpaman, sa totoong buhay, mahirap basahin ang mga pinakamainam na puntong ito. Ang tila local bottom (support) ay maaaring bumitiw, na humahantong naman sa mas mababang mga low.

 

Teknikal na pagsusuri at sikolohiya ng merkado

Madaling balikan ang mga market cycle at makita kung paano nagbago ang pangkalahatang sikolohiya. Madaling mahalata sa pagsusuri sa mga nakaraang datos kung ano dapat ang mga aksyon at desisyon na may kaakibat na malaking kita.

Ganunpaman, mas mahirap intindihin kung paano nagbabago ang merkado habang ito ay umiiral pa, at mas lalong mahirap hulaan kung ano ang susunod na mangyayari. Maraming investor ang gumagamit ng technical analysis (TA) para tangkaing hulaan kung saan patungo ang merkado.
Maaaring nating sabihin na ang mga TA indicator ay mga kasangkapang maaaring gamitin kapag sinusubukang sukatin ang sikolohikal na kalagayan ng merkado. Halimbawa, maaaring imungkahi ng Relative Strength Index (RSI) kung sobra ang pagkakabili sa asset dahil sa malakas na positibong sentimyento ng merkado (halimbawa ang labis na kasakiman).
Isa ring halimbawa ang MACD ng isang indicator na maaaring magamit para tukuyin ang iba’t ibang sikolohikal na yugto ng isang market cycle. Sa madaling sabi, ang relasyon sa pagitan ng mga linya ay maaaring indikasyon kung kailan nagbabago ang market momentum (halimbawa humihina ang pwersa ng pagbili).

 

Ang Bitcoin at sikolohiya ng merkado

Ang Bitcoin bull market noong 2017 ay isang malinaw na halimbawa kung paano naaapektuhan ng sikolohiya ng merkado ang mga presyo, at gayun din ang kabaliktaran. Mula Enero hanggang Disyembre, umakyat ang Bitcoin mula sa tinatayang $900 papunta sa alll-time high na $20,000. Sa pagtaas nito, lalong mas nagiging positbo ang sentimyento ng merkado. Libo-libong mga bagong investor ang sumali, at humabol sa kasabikan ng bull market. Mabilis na itinulak ng FOMO, labis na pagiging positbo, at kasakiman ang presyo pataas – hanggang sa paghinto nito.
Nagsimulang bumaliktad ang trend sa pagtatapos ng 2017 at pagsisimula ng 2018. Ang sumunod na correction ay humantong sa malaking pagkatalo ng mga nahuling sumali. Kahit pa noong naitatag na ang downtrend, nagdulot pa ang maling kompyansa at pagkakampante ng paggit ng maraming tao sa HODLing
Makalipas ng ilang buwan, naging masyadong negatibo ang sentimyento ng merkado habang umabot sa pinakamababa ang kompyansa ng mga investor. Ang FUDat pagkagulo ang nagdulot sa marami sa mga bumili sa pinakamataas na magbenta malapit sa pinakamababa, kaya’t nakapagtala ng malaking pagkatalo. Maraming mga tao ang nadismaya sa Bitcoin, bagamat pareho pa rin naman ang teknolohiya. Sa katunayan, patuloy itong pinapaunlad.

 

Mga cognitive bias

Ang mga cognitive bias ay mga karaniwang pattern ng pag-iisip na madalas nagdudulot sa mga tao para gumawa ng mga hindi makatuwirang desisyon. Ang mga pattern na ito at maaaring makaapekto sa indibidwal na mga trader o sa pangkalahatang merkado. Ilan sa mga karaniwang halimbawa ang mga sumusunod:

  • Bias sa kumpirmasyon: ang posibilidad sa sobrang pagpapahalaga sa impormasyon na kumukumpirma sa sarili nating paniniwala habang isinasawalang-bahala o isinasantabi ang impormasyon na salungat sa mga ito. Halimbawa, ang mga investor sa bull market ay maaaring mas bigyang-pansin ang mga positibong balita habang isinasawalang-bahala ang mga hindi magandang balita o sinyales na malapit nang bumaliktad ang market trend.

  • Pag-ayaw sa pagkatalo: ang karaniwang hilig ng mga tao na mas katakutan ang mga pagkatalo kaysa lasapin ang mga panalo, kahit pa pareho o higit pa ang panalo. Sa madaling salita, ang sakit sa pagkatalo ay madalas mas mabigat kaysa sa tuwi sa pagkapanalo. Maaaring magtulak ito sa mga trader na malagpasan ang mga magagandang oportunidad o magkagulo sa pagbenta sa mga yugto ng market capitulation.
  • Epekto ng pagkaloob: Ito ang hilig ng mga tao na sobrang pahalagahan ang kanilang mga pag-aari dahil lang pag-aari nila ito. Halimbawa, ang isang investor na nagmamay-ari ng isang bag ng cryptocurrency ay mas may posibilidad na maniwalang mas may halaga ito kaysa sa isang no-coiner.

 

Pangwakas na ideya

Karamihan sa mga trader at investor ay sumasang-ayon na may epekto ang sikolohiya sa mga presyo at cycle sa merkado. Bagamat kilala ang mga sikolohikal na market cycle, hindi sila laging madaling kaharapin. Mula sa Dutch Tulip Mania noong 1600s hanggang sa dotcom bubble noong 90s, maging ang mga dalubhasang trader ay nahihirapang ihiwalay ang sarili nilang saloobin sa pangkalahatang sentimyento ng merkado. Nahaharap ang mga investor sa mahirap na tungkulin ng pag-intindi hindi lamang sa sikolohiya ng merkado kundi maging sa sarili nilang sikolohiya at kung paano nito naaapektuhan ang proseso ng pagpapasya.