TL;DR
Kinakatawan ng sikolohiya sa pag-trade ang emosyonal na aspekto ng proseso ng pagpapasya ng isang trader. Kahit papaano, may mga emosyonal na trigger ang bawat trader. Ang dalawang pangunahing emosyon na nakakaapekto sa mga trader ay takot at pagkagahaman — pareho itong puwedeng humantong sa hindi magagandang desisyon, gaya ng pagbibigay-todo sa iisang asset, o pagpa-panic selling dahil sa takot.
Kahit na marunong na marunong magsagawa ng technical at fundamental analysis ang isang trader, ang mahina o bagabag na isipang madaling matinag ng mga emosyon ay lubos na makakasama sa kanyang portfolio — lalo na sa volatile na environment ng pag-trade gaya ng crypto.
Ano ang Sikolohiya ng Pag-trade?
Tumutukoy ang sikolohiya ng pag-trade sa mga sikolohikal na salik na nakakaimpluwensya sa kung paano nagte-trade ang mga tao sa mga merkado tulad ng crypto o stocks. Nakabatay ito sa ideya na puwedeng magkaroon ng malaking epekto ang mga emosyon sa proseso ng pagpapasya ng isang trader.
Halimbawa, dahil sa pagkagahaman, posibleng gumawa ang isang trader ng desisyong napakamapanganib, gaya ng pagbili ng cryptocurrency sa pinakamataas nito dahil sa presyo nitong mabilis na tumataas. Sa kabaliktaran, puwedeng humantong ang takot sa biglaang paglabas ng isang trader sa merkado.
Partikular na laganap ang FOMO kapag malaki ang itinaas ng halaga ng isang asset sa loob ng maikli-ikling panahon. May potensyal itong magtulak sa isang tao na gumawa ng mga desisyon sa merkado batay sa emosyon sa halip na batay sa lohika at katwiran.
Naaapektuhan ng emosyon ang bawat trader. Para sa karamihan ng mga tao, masakit mawalan ng pera, habang masaya namang kumita ng pera.
Bakit Mahalagang Maunawaan ang Pag-iisip Mo Kapag Nagte-trade
Ang takot at pagkagahaman ay ang dalawang pangunahing emosyon sa pag-trade.
Dahil sa takot, puwedeng iwasan ng isang trader ang lahat ng panganib at posibleng may mapalampas siyang matagumpay na trade. Sa kabilang banda, puwedeng humantong ang pagkagahaman sa sobra-sobrang pagsugal para mas mapataas ang mga kita, gaya ng pagbili ng asset sa pinakamataas nitong halaga dahil mabilis na tumataas ang presyo nito.
Alam ng mga sanay nang trader kung paano magkaroon ng balanse sa pagitan ng takot at pagkagahaman. Pinoprotektahan ng takot ang mga trader sa pagsugal nang hindi kinakailangan, habang inuudyukan naman sila ng pagkagahaman na samantalahin ang mga pagkakataon. Gayunpaman, sa sobrang pagdepende sa alinmang emosyon, karaniwang nagiging hindi makatuwiran ang mga desisyon sa pag-trade.
Ang pag-alam kung paano mag-trade nang may tamang pag-iisip ay kasinghalaga ng pagsasagawa ng fundamental analysis o pag-alam kung paano magbasa ng chart. Sa pamamagitan ng pag-unawa at pagkontrol sa kanilang mga emosyon, makakapagdesisyon ang mga trader batay sa kaalaman at mababawasan ang mga pagkalugi.
Siyempre, mas madaling sabihin kaysa gawin ang paggawa ng mga desisyong hindi nakabatay sa emosyon. Humaharap ang mga trader sa iba't ibang hamon araw-araw na makakapagdulot ng emosyonal na tugon. Narito ang ilang halimbawa.
Mga hindi makatotohanang inaasahan: Hindi get-rich-quick scheme ang pag-trade. Madidismaya ang mga taong pumapasok sa pag-trade nang ganito ang iniisip. Tulad ng anumang kasanayan, nangangailangan ang pag-trade ng taon-taong pagsasanay at disiplina.
Pagkatalo: Kahit ang pinakamagagaling na trader ay may mga araw na hindi maganda. Para sa mga bagong trader, mahirap tanggapin ang konsepto ng pagkatalo sa mga trade, at madalas itong humahantong sa mas marami pang palyadong pagtatangka na mautakan ang merkado.
Pagkapanalo: Habang masarap sa pakiramdam ang pagkapanalo, ang disbentahe nito ay puwedeng sumobra ang kumpyansa o lakas ng loob ng mga trader, at posibleng mapaniwala sila na hindi sila matatalo, na hindi tama. Puwede itong humantong sa mas mapangahas na desisyon, at sa huli, sa pagkatalo.
Sentimyento ng merkado at social media: Ang mga baguhang trader ay madaling naiimpluwensyahan ng sinasabi ng mga tao sa internet. Ang negatibong sentimyento sa social media ay puwedeng humantong sa takot, na puwedeng magresulta sa pagpa-panic selling. Hindi rin mainam para sa isang trader na sumunod na lang basta sa payo ng isang influencer na bumili ng partikular na token, lalo na kung sino-sponsor ang influencer ng proyekto ng token at binabayaran siya para i-promote ito.
Paano Gamitin ang Sikolohiya sa Pag-trade Para Maging Mas Magaling na Trader
Mag-isip nang pangmatagalan
Magtakda ng mga layuning madaling abutin. Makakatulong ang makatotohanang plano ng gusto mong makamit para mapigilan ang sobrang pag-trade o pagiging masyadong emosyonal dahil sa mga hindi makatotohanang inaasahan. Makakatulong din ito sa iyong tumuon sa pangmatagalang layunin sa halip na sa mga panandaliang kita o pagkalugi.
Magpahinga
Makakapagbigay ang mga regular na pahinga ng kinakailangang perspektiba at linaw tungkol sa lagay ng sitwasyon. Kung magsusunod-sunod ang panalo mo sa mga trade, magpahinga bago ka madala at mapasobra sa pag-trade. Dagdag pa rito, mabu-burn out ka sa pagpupuyat, at bilang resulta, hindi magiging maganda ang mga desisyon mo. Makakatulong ang mga pahinga hindi lang para sa iyong portfolio pero para na rin sa kalusugan ng sarili mong katawan at isipan.
Matuto sa mga pagkakamali
Lahat ay nagkakamali kapag nagte-trade. Sa halip na magalit sa sarili mo, o mas malala pa, subukang bawiin ang mga talo mo gamit ang dagdag pang kapital, balikan at suriin kung ano ang naging problema. Magpatupad ng mga bagong diskarte batay sa natututuhan mo sa mga dating pagkakamali para maging mas handa ka sa susunod.
Magtakda ng mga panuntunan
Gumawa ng detalyadong plano sa pag-trade at sundin ito. Ibabalangkas ng planong ito kung paano mo haharapin ang iba't ibang sitwasyon at makakatulong itong panatilihing kontrolado ang iyong mga reaksyon sa mga panahong nakaka-stress. Kasama sa ilang halimbawa ang paggamit ng mga stop-loss at take-profit, paglimita kung magkano ang puwede mong kitain o ikalugi sa isang araw, at isang diskarte sa pamamahala ng panganib kung saan ka kumportable.
Kung may malinaw kang plano, malalaman mo kung ano mismo ang mga hakbang na kailangang gawin nang hindi hinahayaang madiskaril ang iyong mga desisyon dahil sa emosyonal na tugon, na titiyak na hindi ka lalayo sa inisyal na planong inihanda mo para sa iyong sarili bago ka pumasok sa isang posisyon.
Iba ba ang Sikolohiya ng Pag-trade sa Crypto?
Totoo ang sikolohiya ng pag-trade para sa anumang uri ng asset, kasama na ang crypto. May pagkakatulad ang lahat ng tao, lalo na pagdating sa pera. Halimbawa, karamihan ng mga tao ay hindi natutuwang mawalan ng pera at kabaliktaran. Dagdag pa rito, nae-excite ang mga trader ng anumang asset kapag tuloy-tuloy ang pagkapanalo nila.
Gayunpaman, may ilang natatanging sikolohikal na hamon na kinaharap ang mga trader ng crypto.
Hindi tulad ng stock market, na nagsasara tuwing Sabado at Linggo, bukas ang merkado ng cryptocurrency 24/7. Bilang resulta, laging may access ang mga trader ng crypto sa mga tool sa pag-trade, sa kanilang mga asset, at pinakamahalaga sa lahat, sa mga potensyal na pagkakataon. Para sa isang trader na madalas magdesisyon sa pag-trade batay sa kanyang emosyon, posibleng maging napakagastos ang magkaroon ng 24/7 na access.
Napaka-volatile din ng merkado ng crypto. Dumoble na ang mga presyo ng coin bago ito bumalik kung saan ito nagsimula — sa loob lang ng isang araw. Sa ganito katitinding pagbabago sa presyo, kailangang mabilis mag-isip ang mga trader habang mayroon pa ring matinding disiplina.
Halimbawa, hindi basta pumapasok ang mga propesyonal na trader sa mabilis na tumataas na asset dahil lang pinag-uusapan ito ng lahat, at hindi rin sila nagpapasyang isugal ang lahat ng kanilang kapital dahil lang pataas nagsara ang merkado nang isang araw.
Mga Pangwakas na Pananaw
Isa ang mga emosyon sa mga karaniwang panganib sa pag-trade ng crypto. Ang pag-alam kung paano kontrolin ang iyong mga emosyon sa pamamagitan ng pag-unawa sa iyong pag-iisip at mga emosyonal na trigger ay isang napakahalagang kasanayan na poprotekta sa iyo laban sa paghahabol ng kita o pagpa-panic at pag-liquidate ng portfolio mo.
Sa pangkalahatan, kailangan ng taon-taong tuloy-tuloy na pag-aaral at pagsasanay para maging magaling na trader. Walang shortcut o life hack sa pagyaman sa pamamagitan ng pag-trade. Sumunod sa isang diskarte na angkop sa iyong pinansyal na sitwasyon, patuloy na magsanay, at huwag hayaang takot o pagkagahaman ang magtulak sa iyong gumawa ng isang desisyong hindi mo karaniwang ginagawa.
Iba pang Babasahin
Ano ang Mga Behavioral Bias at Paano Natin Maiiwasan ang Mga Ito?
Ano ang Mga Antas ng Stop-Loss at Take-Profit at Paano Kalkulahin ang Mga Ito?
Disclaimer at Babala sa Panganib: Ibinibigay sa iyo ang content na ito nang ganito para lang sa mga layunin ng pagbibigay ng pangkalahatang impormasyon at pagtuturo, nang walang kahit anong isinasaad o pinapatunayan. Hindi dapat ito ituring na pinansyal na payo, at hindi rin nito nilalayong irekomenda ang pagbili ng anumang partikular na produkto o serbisyo. Puwedeng maging volatile ang mga presyo ng digital asset. Puwedeng bumaba o tumaas ang halaga ng iyong pamumuhunan at puwedeng hindi mo mabawi ang halagang ipinuhunan. Ikaw lang ang responsable sa iyong mga desisyon sa pamumuhunan at walang pananagutan ang Binance Academy sa anumang pagkaluging puwede mong matamo. Hindi pinansyal na payo.