TL;DR
Ang mga antas ng stop-loss at take-profit ay dalawang pangunahing konsepto na inaasahan ng maraming trader para matukoy ang kanilang mga diskarte sa pag-exit sa pag-trade depende kung gaano kalaking panganib ang handa silang harapin. Ginagamit ang mga threshold na ito sa tradisyonal na merkado at sa merkado ng crypto, at partikular na sikat ang mga ito sa mga trader na technical analysis ang gustong diskarte.
Panimula
Ang pagtiyempo sa merkado ay isang diskarte kung saan sinusubukang hulaan ng mga namumuhunan at trader ang mga market price sa hinaharap at naghahanap sila ng mainam na antas ng presyo kung saan bibili o magbebenta ng mga asset. Sa diskarteng ito, mahalagang malaman kung kailan lalabas sa merkado. Dito pumapasok ang mga antas ng stop-loss at take-profit.
Ang mga antas ng stop-loss at take-profit ay mga target na presyo na itinatakda nang maaga ng mga trader para sa kanilang mga sarili. Ang mga paunang tinukoy na antas na ito, na kadalasang ginagamit bilang bahagi ng diskarte sa pag-exit ng isang disiplinadong trader, ay idinisenyo para malimitahan sa pinakamababa ang pag-trade batay sa emosyon, at mahalaga ang mga ito sa pamamahala sa panganib.
Mga antas ng stop-loss at take-profit
Ang antas ng stop-loss (SL) ay ang paunang tinukoy na presyo ng isang asset, na itinakda nang mas mababa kaysa sa kasalukuyang presyo, kung saan maisasara ang posisyon para malimitahan ang pagkalugi ng isang namumuhunan sa posisyong ito. Sa kabaliktaran naman, ang antas ng take-profit (TP) ay ang paunang itinakdang presyo kung saan isasara ng mga trader ang isang mapagkakakitaang posisyon.
Sa halip na gumamit ng mga market order nang real-time, puwedeng itakda ng mga trader ang mga antas na ito para ma-trigger ang awtomatikong pagbebenta nang hindi kinakailangang subaybayan ang mga merkado nang 24/7. Halimbawa, ang Binance Futures ay may function na Stop Order kung saan pinagsasama ang mga stop-loss at take-profit order. Pinagpapasyahan ng system kung ang isang order ay stop-loss o take-profit batay sa mga antas ng trigger price at last price o mark price kapag inilagay ang order.
Bakit dapat gumamit ng mga antas ng stop-loss at take-profit?
Magsagawa ng pamamahala sa panganib
Ipinapakita ng mga antas ng SL at TP ang kasalukuyang dynamics ng merkado, at ang mga nakakaalam kung paano tukuyin nang maayos ang kanilang mga mainam na halaga ay tumutukoy ng mga paborableng pagkakataon sa pag-trade at mga katanggap-tanggap na antas ng panganib. Ang pagsusuri sa panganib gamit ang mga antas ng SL at TP ay puwedeng magkaroon ng napakahalagang gampanin sa pagpapanatili at pagpapalago ng iyong portfolio. Hindi mo lang sistematikong pinoprotektahan ang iyong mga hawak sa pamamagitan ng pagbibigay ng priyoridad sa mga trade na hindi masyadong delikado, pero pinipigilan mo ring tuluyang malimas ang iyong portfolio. Kaya naman, maraming trader ang gumagamit ng mga antas ng SL at TP sa kanilang mga diskarte sa pamamahala sa panganib.
Pigilan ang pag-trade batay sa emosyon
Ang damdamin ng isang tao sa anumang partikular na sandali ay puwedeng magkaroon ng malaking epekto sa pagpapasya, at ito ang dahilan kaya umaasa ang ilang trader sa paunang itinakdang diskarte para maiwasang mag-trade kapag nase-stress, natatakot, nagagahaman, o nakakaramdam ng iba pang matinding emosyon. Makakatulong sa iyo ang pag-alam kung paano tukuyin kung kailan dapat isara ang isang posisyon na makaiwas sa pag-trade nang pabigla-bigla, na magbibigay-daan sa iyong pamahalaan ang iyong mga trade ayon sa diskarte sa halip na ayon sa kapritso.
Kalkulahin ang ratio ng panganib sa reward
Ginagamit ang mga antas ng top-loss at take-profit para kalkulahin ang ratio ng panganib sa reward ng isang trade.
Ang panganib sa reward ay ang sukatan ng panganib na sinusuong kapalit ng mga potensyal na reward. Sa pangkalahatan, mas mainam na pumasok sa mga trade na may mas mababang ratio ng panganib sa reward dahil ang ibig sabihin nito ay mas matimbang ang iyong mga potensyal na kikitain kaysa sa mga potensyal na panganib.
Puwede mong kalkulahin ang ratio ng panganib sa reward gamit ang formula na ito:
Ratio ng panganib sa reward = (Entry price - Stop-loss price) / (Take-profit price - entry price)
Paano kalkulahin ang mga antas ng stop-loss at take-profit
May iba't ibang paraang magagamit ang mga trader para matukoy ang mga mainam na antas ng stop-loss at take-profit. Ang mga diskarteng ito ay puwedeng gamitin nang hiwalay o kasama ng iba pang paraan, pero iyon pa rin ang layunin sa huli: ang gumamit ng kasalukuyang data para makapagpasya nang mas batay sa impormasyon kung kailan dapat isara ang isang posisyon.
Mga support at resistance level
Ang support at resistance ay mga pangunahing konsepto na pamilyar sa sinumang teknikal na trader sa tradisyonal na merkado at sa merkado ng crypto.
Ang mga antas ng support at resistance ay mga bahagi sa isang chart ng presyo na mas malamang na makaranas ng mas maraming aktibidad sa pag-trade, pagbili o pagbebenta man ito. Sa mga antas ng support, inaasahang hihinto nang sandali ang mga downtrend dahil sa mas matataas na antas ng aktibidad ng pagbili. Sa mga antas ng resistance, inaasahang hihinto nang sandali ang mga uptrend dahil sa mas matataas na antas ng aktibidad ng pagbebenta.
Karaniwang itinatakda ng mga trader na gumagamit ng paraang ito ang kanilang antas ng take-profit nang mas mataas lang nang kaunti sa antas ng support at ang antas ng stop-loss sa ibaba mismo ng antas ng resistance na natukoy nila.
Narito ang detalyadong paliwanag ng Mga Pangunahing Kaalaman sa Support at Resistance.
Mga Moving Average
Fini-filter nitong teknikal na indicator ang market noise at inaayos nito ang data ng pagkilos ng presyo para maipakita ang direksyon ng isang trend.
Puwedeng kalkulahin ang mga moving average (MA) sa loob ng mas maikli o mas mahabang panahon, depende sa mga kagustuhan ng mga indibidwal na trader. Sinusubaybayan nang mabuti ng mga trader ang mga moving average, at naghahanap sila ng mga pagkakataong bumili o magbenta na ipinapakita sa mga crossover signal, kung saan nagkukrus ang dalawang magkaibang MA sa isang chart. Puwede kang magbasa tungkol sa Mga Moving Average nang detalyado.
Kadalasan, tinutukoy ng mga trader na gumagamit ng MA ang mga antas ng stop-loss nang mas mababa sa isang mas pangmatagalang moving average.
Paraan ng porsyento
Sa halip na paunang tinukoy na antas na kinakalkula gamit ang mga teknikal na indicator, gumagamit ang ilang trader ng nakatakdang porsyento para tukuyin ang mga antas ng SL at TP. Halimbawa, puwede silang magdesisyong isara ang kanilang posisyon kapag ang presyo ng isang asset ay 5% mas mataas o mas mababa sa inilagay nilang presyo. Isa itong diretsahang diskarte na gumagana nang maayos para sa mga trader na hindi masyadong pamilyar sa teknikal na indicator.
Iba pang indicator
May nabanggit kaming ilang karaniwang TA tool na ginagamit para magtakda ng mga antas ng SL at TP, pero gumagamit ng marami pang ibang indicator ang mga trader. Kasama rito ang Relative Strength Index (RSI), na isang momentum indicator na nagsasaad kung labis na nabili o labis na naibenta ang isang asset, ang Bollinger Bands (BB), na sumusukat sa volatility ng merkado, at ang Moving Average Convergence Divergence (MACD), na gumagamit ng mga exponential moving average bilang mga data point.
Mga pangwakas na pananaw
Maraming trader ang gumagamit ng isa o kumbinasyon ng mga diskarte sa itaas para kalkulahin ang mga antas ng stop-loss at take-profit. Nagsisilbi ang mga antas na ito bilang mga teknikal na motibasyon para lumabas sila sa isang trade, para man iwanan ang isang paluging posisyon o maisakatuparan ang mga potensyal na kita. Tandaan na natatangi ang mga antas na ito sa bawat trader at hindi nito ginagarantiyahan ang matagumpay na performance. Sa halip, ginagabayan ng mga ito ang pagpapasya, kaya naman mas magiging sistematiko at mahusay ito. Kaya naman, magandang gawi ang pagsusuri sa panganib sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga antas ng stop-loss at take-profit o ang paggamit ng iba pang diskarte sa pamamahala sa panganib.