Ano ang Crypto Fear and Greed Index?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Ano ang index?
Ano ang indicator ng merkado?
Ano ba talaga ang Fear and Greed Index?
Paano gumagana ang Crypto Fear and Greed Index?
Bakit kapaki-pakinabang ang Crypto Fear and Greed Index?
Magagamit ko ba ang index para sa pangmatagalang pagsusuri?
Mga pangwakas na pananaw
Ano ang Crypto Fear and Greed Index?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Crypto Fear and Greed Index?

Ano ang Crypto Fear and Greed Index?

Baguhan
Na-publish Jul 7, 2021Na-update Feb 9, 2023
7m

TL;DR

Ang Crypto Fear and Greed Index ay nagbibigay ng score mula 0 hanggang 100 para sa saloobin ng merkado ng crypto. Batay ito sa CNNMoney Fear and Greed Index para sa pagsusuri sa stock market. 

Ang Fear (score mula 0 hanggang 49) ay nagsasaad ng undervaluation at sobrang supply sa merkado. Ang Greed (score mula 50 hanggang 100) ay nagpapahiwatig ng overvaluation ng mga cryptocurrency at ng posibleng bubble.

Ang pagtingin sa mga pagbabago sa antas ng fear at greed ay puwedeng maging bahagi ng iyong diskarte sa pag-trade kapag nagpapasya kung papasok ba o lalabas sa merkado ng crypto.


Panimula

Kapag nagpapasya kung dapat ka bang bumili para pumasok o magbenta para lumabas sa merkado ng crypto, ang mahusay na trader o mamumuhunan ay laging maghahanap ng pansuportang data. May mga chart na titingnan, mga batayang kaalaman na susuriin, at saloobin ng merkado na maa-access. Gayunpaman, kailangan ng mahabang panahon para pag-aralan ang bawat sukatan at index na available. Ang Crypto Fear and Greed Index, na isang kumbinasyon ng mga sukatan ng saloobin at batayang kaalaman, ay nagbibigay ng isang sulyap sa fear at greed sa merkado. Bagama't hindi ka dapat umasa lang sa indicator na ito, makakatulong ito sa iyong malaman ang pangkalahatang damdamin ng mga merkado ng cryptocurrency.


Ano ang index?

Ayon sa nakasanayan, kumukuha ang isang index ng maraming data point at pinagsasama-sama ang mga ito sa iisang sukatang pang-istatistika. Narinig mo na siguro ang Dow Jones Industrial Average (DJIA), isang sikat na index na sumusubaybay sa stock market. Ang DIJA ay isang price-weighted na kumbinasyon ng 30 malalaking kumpanya na nakalista sa napakaraming stock exchange sa U.S. Puwedeng bumili ng DIJA ang mga trader at mamumuhunan para magkaroon ng pinagsamang exposure sa mga stock ng mga kumpanyang ito.

Ang Crypto Fear and Greed Index ay isa ring weighted na sukatan ng data ng merkado, pero hanggang doon na lang ang mga pagkakatulad. Ang Crypto Fear and Greed Index ay hindi mo mabibili at hindi ito anumang uri ng instrumentong pampinansyal. Isa lang itong indicator ng merkado na makakatulong sa iyong pagsusuri.


Ano ang indicator ng merkado?

Pinapadali ng mga indicator ng merkado para sa mga trader at mamumuhunan na suriin ang data ng merkado. May mga indicator sa lahat ng uri ng pagsusuri sa merkado: technical analysis, fundamental analysis, at sentiment analysis. Kung nakapag-eksperimento ka na gamit ang technical analysis (TA), posibleng may ilang karanasan ka na sa mga indicator. Ito ay mula sa mga simpleng moving average hanggang sa mga kumplikadong pattern sa chart tulad ng Ichimoku Clouds. Nakatuon ang mga indicator ng TA sa pagsusuri ng mga presyo, dami ng pag-trade, at iba pang trend na pang-istatistika.
Iba naman ang diskarte ng mga indicator ng fundamental analysis. Kapag nagsasaliksik ka ng token o stock, sa madaling salita, sinusubukan mong tukuyin ang tunay na batayang halaga ng proyekto. Halimbawa, puwedeng kasama sa pananaliksik mo ang bilang ng mga user at ang kabuuang halaga sa merkado na pinagsama sa isang indicator.
Bukod pa rito, mayroon tayong mga indicator ng saloobin ng merkado na sumusukat sa mga damdamin at saloobin ng mga mamumuhunan at trader. Ang Crypto Fear at Greed Index ay isa lang sa maraming index. Kasama sa iba pang halimbawa ang The Bull & Bear Index mula sa Augmento at WhaleAlert na sumusubaybay sa malalaking paglilipat mula sa mga whale sa mga merkado ng crypto. Sa isang antas, nakadepende nang malaki ang pananaliksik sa crypto sa pagsusuri sa social media, sa komunidad, at pampublikong opinyon. Dahil dito, puwedeng magamit ang sentiment analysis para sa ganitong uri ng asset.


Ano ba talaga ang Fear and Greed Index?

Orihinal na ginawa ng CNNMoney ang Fear and Greed Index para suriin ang saloobin ng merkado para sa mga stock at share. Mula noon, iniangkop na ng Alternative.me ang kanilang bersyon sa merkado ng crypto. 

Sinusuri ng Crypto Fear and Greed Index ang isang pangkat ng iba't ibang trend at indicator ng merkado para matukoy kung nakakaramdam ba ng greed o fear ang mga kasali sa merkado. Ang score na 0 ay nagsasaad ng sobrang fear, habang ipinapahiwatig ng 100 ang sobrang greed. Ang score na 50 ay nagpapakitang medyo neutral ang merkado.

Ang merkado na puno ng fear ay posibleng indikasyon na undervalued ang mga cryptocurrency. Ang sobrang fear sa isang merkado ay puwedeng humantong sa sobrang pagbebenta at masyadong pagkataranta. Ang fear ay hindi nangangahulugang pumasok na ang merkado sa pangmatagalang bearish na trend. Sa halip, puwede mo itong isipin bilang panandalian o mid-term na pagtukoy sa pangkalahatang saloobin ng merkado.
Kabaligtaran naman ang sitwasyon kapag may greed sa merkado. Kung greedy ang mga mamumuhunan at trader, may posibilidad na magkaroon ng overvaluation at bubble. Isipin ang sitwasyon kung saan dahil sa FOMO (fear of missing out), pinalobo ng mga mamumuhunan ang mga merkado, kaya naging overvalued ang presyo ng Bitcoin. Sa ibang salita, kapag tumaas ang greed, puwede itong humantong sa sobrang demand, na artipisyal na nagpapataas sa presyo.


Paano gumagana ang Crypto Fear and Greed Index?

Bawat araw, nagkakalkula ang Alternate.me ng bagong value mula 0 hanggang 100. Mula noong Hulyo 2021, gumagamit na lang ang Crypto Fear and Greed Index ng impormasyong nauugnay sa Bitcon. Ang dahilan sa likod nito ay ang malaking pagkakaugnay ng BTC sa merkado ng crypto sa kabuuan, pagdating sa presyo at saloobin. May mga plano sa hinaharap na saklawin ang iba pang malalaking coin, kung saan posibleng kasama ang Ether (ETH) at BNB.


Puwede mong hatiin ang scale ng index sa mga sumusunod na kategorya:

  • 0-24: Sobrang fear (orange)
  • 25-49: Fear (amber/dilaw)
  • 50-74: Greed (light green)
  • 75-100: Sobrang greed (berde)

Kinakalkula ng index ang value sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng limang magkakaibang weighted na salik sa merkado. Tingnan natin:

1. Volatility (25% ng index). Sinusukat ng volatility ang kasalukuyang value ng Bitcoin na may mga average mula sa nakalipas na 30 at 90 araw. Dito, ginagamit ng index ang volatility bilang katumbas ng kawalang-katiyakan sa merkado.
2. Momentum ng merkado/dami (25% ng index). Ang kasalukuyang dami ng pag-trade at momentum ng merkado ng Bitcoin ay ikinukumpara sa mga average na value sa nakalipas na 30 at 90 araw at pagkatapos ay pinagsasama-sama. Ang tuloy-tuloy na maraming pagbili ay nagpapahiwatig ng positibo o greedy na saloobin ng merkado.
3. Social media (15% ng index). Tinitingnan ng salik na ito ang dami ng mga hashtag sa Twitter na nauugnay sa Bitcoin at, sa partikular, ang rate ng pakikipag-ugnayan nito. Kadalasan, ang tuloy-tuloy at hindi pangkaraniwang dami ng mga pakikipag-ugnayan ay mas nauugnay sa greed sa merkado kaysa sa fear.
4. Pamamayani ng Bitcoin (10% ng index). Sinusukat ng input na ito ang pamamayani ng BTC sa merkado. Ang pagtaas ng pamamayani sa merkado ay nagpapakita ng bagong pamumuhunan sa coin at ang posibleng reallocation ng mga pondo mula sa mga altcoin.
5. Google Trends (10% ng index). Sa pamamagitan ng pagtingin sa data ng Google Trends para sa mga query sa paghahanap na nauugnay sa Bitcoin, puwedeng makapagbigay ang index ng mga insight sa saloobin ng merkado. Halimbawa, ang pagdami ng mga paghahanap ng "Scam sa Bitcoin" ay nagsasaad ng mas malaking fear sa merkado.
6. Mga resulta ng survey (15% ng Score ng Index). Matagal-tagal nang naka-pause ang input na ito hanggang sa kasalukuyan.


Bakit kapaki-pakinabang ang Crypto Fear and Greed Index?

Posibleng maging kapaki-pakinabang na tool ang Crypto Fear and Greed Index sa pagtingin sa mga pagbabago sa saloobin ng merkado. Ang malalaking swing ay puwedeng magbigay ng pagkakataong pumasok o lumabas bago pa sumunod sa trend ang iba pang bahagi ng merkado. Puwede tayong makakita ng maikling halimbawa nito sa pamamagitan ng pagtingin sa nakalipas na tatlong buwan ng kabuuang market cap ng cryptocurrency kumpara sa mga numero sa index.


Ipinapakita ng point 1 ang Abril 26, 2021, ang pinakamababang point ng malaking swing sa value ng index mula 73 (Greed) patungong 27 (fear). Ipinapakita ng point 2 ang simula ng isa pang pagbaba noong Mayo 12, 2021, mula 68 (greed) patungong 26 (fear). Makikita natin kung tumugma ito sa merkado ng crypto sa pamamagitan ng paghahambing sa mga pagbabagong ito sa kabuuang market capitalization ng crypto.


Ipinapakita ulit ng point 1 ang Abril 26 na nagsimula sa $1.78 trillion (USD) bago umakyat sa peak na $2.53 trillion noong Mayo 12. Kung isasama mo ito sa nakita natin sa itaas, may malaking swing sa saloobin mula sa greed patungong fear, na sumasabay sa pinakamababang bahagi ng market cap sa crypto. Habang nagiging mas greedy ang merkado, tumataas ang pangkalahatang market cap hanggang sa maabot ang maximum nito. Sa maximum, mabilis na bumabagsak ulit ang saloobin.

Sa ating halimbawa, napatunayang kapaki-pakinabang ang index sa paghahanap ng pagkakataong bumili at paghula sa sell-off sa merkado. Gamit ang index, masusuri mo kung sobra-sobra ang iyong mga emosyonal na reaksyon o kung katugma ba ito ng merkado. Pero, lagi ba itong kapaki-pakinabang sa bawat sitwasyon? Mas malamang na hindi.


Magagamit ko ba ang index para sa pangmatagalang pagsusuri?

Hindi epektibo ang indicator sa pangmatagalang pagsusuri ng mga market cycle ng crypto. Sa isang bull o bear run, maraming cycle ng fear at greed. Magandang samantalahin ng mga swing trader ang mga pagpapalit-palit na ito. Gayunpaman, para sa mga mamumuhunan na gustong maghintay, mahirap hulaan ang pagbabago mula sa bull papuntang bear na merkado mula lang sa index. Kakailanganin mong suriin ang iba pang aspekto ng merkado para makakuha ng pangmatagalang pananaw.
Tulad ng dati, inirerekomendang huwag lang umasa sa iisang indicator o istilo ng pagsusuri. Tiyaking gumawa ng sarili mong pananaliksik (DYOR) bago mamuhunan ng anumang pera at ipuhunan lang ang kaya mong mawala.


Mga pangwakas na pananaw

Ang Crypto Fear and Greed Index ay isang simpleng paraan ng pagkuha at pagbubuod ng buong hanay ng mga sukatan ng batayang kaalaman at saloobin ng merkado. Sa halip na ikaw mismo ang gumawa nito, puwede kang umasa sa mga indicator para subaybayan ang social media, Google Trends, at iba pang istatistika. Kung gusto mo itong isama sa iyong pagsusuri, pag-isipang samahan ito ng iba pang sukatan at indicator para makakuha ng balanseng pananaw.