Ano ang Bollinger Bands?
Ginawa ang Bollinger Bands (BB) noong umpisa ng 1980s ng financial analyst at trader na si John Bollinger. Malawakang ginagamit ang mga ito bilang isang instrumento para sa technical analysis (TA). Sa pangkalahatan, gumagana ang Bollinger Bands bilang oscillator measurer. Isinasaad nito kung mataas o mababa ang volatility ng merkado, at kung labis na nabili o labis na naibenta ang mga kondisyon.
Ang pangunahing ideya sa likod ng BB indicator ay bigyang-diin kung paano nakakalat ang mga presyo sa isang average na halaga. Sa mas partikular, binubuo ito ng mas mataas na band, mas mababang band, at gitnang linya ng moving average (na kilala rin bilang gitnang band). Tumutugon ang dalawang sidelong band sa pagkilos ng market price, na lumalawak kapag mataas ang volatility (lumalayo sa gitnang linya) at lumiliit kapag mababa ang volatility (lumalapit sa gitnang linya).
Itinatakda ng karaniwang formula ng Bollinger Bands ang gitnang linya bilang 20 araw na simple moving average (SMA), habang kinakalkula naman ang mas mataas at mas mababang band batay sa volatility ng merkado kaugnay ng SMA (na tinutukoy bilang standard deviation). Ganito ang hitsura ng mga karaniwang setting para sa indicator ng Bollinger Bands:
Gitnang linya: 20 araw na simple moving average (SMA)
Mas mataas na band: 20 araw na SMA + (20 araw na standard deviation x2)
Mas mababang band: 20 araw na SMA - (20 araw na standard deviation x2)
May kinikilalang 20 araw na yugto ng panahon ang setting at itinatakda nito ang mas mataas at mas mababang band sa dalawang standard deviation (x2) na palayo sa gitnang linya. Ginagawa ito para matiyak na hindi bababa sa 85% ng data ng presyo ang gagalaw sa pagitan ng dalawang band na ito, pero puwedeng i-adjust ang mga setting ayon sa iba't ibang pangangailangan at diskarte sa pag-trade.
Paano gumamit ng Bollinger Bands sa pag-trade?
Bagama't malawakang ginagamit ang Bollinger Bands sa mga tradisyonal na pinansyal na merkado, puwede ring gamitin ang mga ito para sa mga setup ng pag-trade ng cryptocurrency. Natural lang na may iba't ibang paraan para gamitin at bigyang-kahulugan ang indicator ng BB, pero dapat itong iwasang gamitin bilang stand-alone na instrumento, at hindi dapat ito ituring na indicator ng mga pagkakataong bumili/magbenta. Mas mainam kung gagamitin ang BB kasama ng iba pang indicator ng technical analysis.
Habang isinasaalang-alang ito, isipin natin kung paano posibleng bigyang-kahulugan ng isang tao ang data na ibinibigay ng indicator ng Bollinger Bands.
Kung magiging mas mataas ang presyo kaysa sa moving average at lumampas ito sa mas mataas na Bollinger band, malamang na ligtas na ipagpalagay na overextended ang merkado (kondisyong labis na nabili). Kung hindi, kung aabot ang presyo sa mas mataas na band nang maraming beses, posible itong magsaad ng mataas na antas ng resistance.
Sa kabaliktaran, kung malaki ang ibababa ng presyo ng isang partikular na asset, at lumampas o umabot ito sa mas mababang band nang maraming beses, posibleng labis na naibenta ang merkado o nakahanap ito ng malakas na antas ng suporta.
Samakatuwid, puwedeng gamitin ng mga trader ang BB (kasama ng iba pang indicator ng TA) para itakda ang kanilang mga target sa pagbebenta o pagbili. O kumuha lang ng pangkalahatang-ideya ng mga nakaraang punto kung saan nagpakita ng mga kondisyong sobrang nabili o sobrang naibenta ang merkado.
Dagdag pa rito, puwedeng maging kapaki-pakinabang ang paglawak at pagliit ng Bollinger Bands kapag sinusubukang hulaan ang mga sandaling mataas o mababa ang volatility. Puwedeng lumayo ang mga band sa gitnang linya habang nagiging mas volatile ang presyo ng asset (paglawak) o puwede itong lumapit dito habang nababawasan ang pagiging volatile ng presyo (pagliit o squeeze).
Kaya naman, mas angkop ang Bollinger Bands para sa mga panandaliang pag-trade para suriin ang volatility ng merkado at subukang hulaan ang mga paggalaw sa hinaharap. Ipinagpapalagay ng ilang trader na kapag masyadong lumawak ang mga band, puwedeng malapit na sa panahon ng consolidation o pagbaliktad ng trend ang kasalukuyang trend sa merkado. Puwede rin na kapag naging masyado namang malapit sa isa't isa ang mga band, malamang na ipagpalagay ng mga trader na naghahandang magkaroon ng pasabog na paggalaw sa merkado.
Kapag sideways ang paggalaw ng market price, malamang na lumapit ang BB sa simpleng moving average line sa gitna. Kadalasan (pero hindi lagi), nagkakaroon ng mababang volatility at malalapit na antas ng deviation bago magkaroon ng mga malaki at pasabog na paggalaw, na malamang na mangyari kapag tumaas na ulit ang volatility.
Sa partikular, may diskarte sa pag-trade na kilala bilang Bollinger Bands Squeeze. Kinabibilangan ito ng paghahanap ng mga zone na may mababang volatility na binibigyang-diin ng pagliit ng BB. Neutral ang diskarte ng squeeze at hindi ito nagbibigay ng malinaw na insight sa direksyon ng merkado. Kaya naman, karaniwan itong isinasama ng mga trader sa iba pang pamamaraan ng TA, gaya ng mga linya ng support at resistance.
Bollinger Bands vs. Keltner Channels
Hindi tulad ng Bollinger Bands, na nakabatay sa SMA at mga standard deviation, ginagamit ng makabagong bersyon ng indicator ng Keltner Channels (KC) ang Average True Range (ATR) para itakda ang lapad ng channel ayon sa 20 araw na EMA. Kaya naman, ganito ang magiging hitsura ng formula ng Keltner Channel:
Gitnang linya: 20 araw na exponential moving average (EMA)
Mas mataas na band: 20 araw na EMA + (10 araw na ATR x2)
Mas mababang band: 20 araw na EMA - (10 araw na ATR x2)
Kadalasan, malamang na mas malapit ang Keltner Channels kaysa sa Bollinger Bands. Kaya sa ilang sitwasyon, posibleng mas angkop ang indicator ng KC kaysa sa BB para makakita ng mga pagbaliktad ng trend at mga kondisyon sa merkado na labis na nabili/labis na naibenta (mas halatang mga senyales). Karaniwan din na mas maagang nagbibigay ng mga signal ng labis na nabili at labis na naibenta ang KC kaysa sa BB.
Sa kabilang banda, malamang na mas mahusay na kinakatawan ng Bollinger Bands ang volatility ng merkado dahil mas malawak at mas malinaw ang mga paggalaw ng paglawak at pagliit kung ikukumpara sa KC. Dagdag pa rito, sa paggamit ng mga standard deviation, hindi masyadong malamang na magbigay ng mga pekeng signal ang indicator ng BB, dahil mas malaki ang lapad nito, at samakatuwid, mas mahirap lumampas dito.
Sa dalawa, ang indicator ng BB ang pinakasikat. Pero parehong puwedeng maging kapaki-pakinabang ang dalawang tool sa sariling paraan ng mga ito - lalo na sa mga panandaliang setup ng pag-trade. Maliban doon, puwede ring gamitin ang dalawa bilang paraan para magbigay ng mas maaasahang mga signal.