Ano Ang Mga Options Contract?
Ano Ang Mga Options Contract?
HomeMga Artikulo
Ano Ang Mga Options Contract?

Ano Ang Mga Options Contract?

Advanced
Published Jun 3, 2019Updated Mar 16, 2022
9m
Ang options contract ay isang kasunduang nagbibigay sa trader ng karapatang bumili o magbenta ng asset sa isang paunang tinukoy na presyo, bago ang o sa isang partikular na petsa. Bagama't parang katulad ito ng mga futures contract, ang mga trader na bibili ng mga options contract ay hindi obligadong bayaran ang kanilang mga posisyon. 
Ang mga options contract ay mga derivative na puwedeng nakabase sa iba't ibang pinagbabatayang asset, kabilang ang mga stocks at cryptocurrency. Puwede ring ma-derive ang mga contract na ito mula sa pinansyal na mga index. Karaniwang ginagamit ang mga options contract para i-hedge ang mga panganib sa mga kasalukuyang posisyon at para sa speculative trading


Paano gumagana ang mga options contract?

May dalawang pangunahing uri ng options na kilala bilang puts at calls. Ang call options ay nagbibigay sa mga may-ari ng contract ng karapatang bilhin ang pinagbabatayang asset, habang ang mga put option ang nagbibigay ng karapatang magbenta. Dahil dito, madalas na pumapasok ang mga trader sa mga call kapag inaasahan nilang tataas ang presyo ng pinagbabatayang asset, at sa mga put kapag inaasahan nilang bababa ang presyo. Posible rin nilang gamitin ang mga call at put sa pag-asang mananatiling pareho ang mga presyo - o maging ang kumbinasyon ng dalawang uri para tumaya sa o laban sa volatility ng merkado.

Binubuo ng hindi bababa sa apat na bahagi ang options contract: laki, petsa ng pag-expire, strike price, at premium. Una, ang laki ng order ay tumutukoy sa bilang ng mga contract na ite-trade. Pangalawa, ang petsa ng pag-expire ay ang petsa kung kailan hindi na puwedeng magamit ng trader ang option. Ikatlo, ang strike price ay ang presyo kung saan mabibili o maibebenta ang asset (halimbawang magpasya ang bumili ng contract na gamitin ang option). Panghuli, ang premium ay ang trading price ng options contract. Tinutukoy nito ang halagang dapat bayaran ng namumuhunan para makuha ang kapangyarihang pumili. Nakakakuha ang mga mamimili ng mga contract mula sa mga writer (nagbebenta) ayon sa value ng premium, na patuloy na nagbabago habang papalapit ang paetsa ng pag-expire.

Sa madaling sabi, kapag mas mababa ang strike price kaysa sa market price, mabibili ng trader ang pinagbabatayang asset nang may diskwento, pagkatapos isama ang premium sa kalkulasyon, puwede nilang piliing gamitin ang contract para kumita. Pero kung mas mataas ang strike price kaysa sa market price, walang dahilan ang may-hawak para gamitin ang option, at ituturing nang walang silbi ang contract. Kapag hindi ginamit ang contract, mawawala lang sa mamimili ang premium na binayaran sa kapag pumasok sa posisyon.

Mahalagang tandaan na bagama't makakapagdesisyon ang mga mamimili kung gagamitin o hindi ang kanilang mga call at put, nakadepende ang mga writer (nagbebenta) sa desisyon ng mamimili. Kaya kapag nagpasya ang mamimili ng call option na gamitin ang kanyang contract, obligado ang nagbebenta na ibenta ang pinagbabatayang asset. Gayundin, kapag ang trader ay bumili ng put option at nagpasyang gamitin ito, obligado ang nagbebenta na bilhin ang pinagbabatayang asset mula sa may-hawak ng contract. Nangangahulugan ito na nahaharap sa mas mataas na panganib ang mga writer kaysa sa mga mamimili. Habang limitado lang ang mga pagkalugi ng mga mamimili sa binayarang premium para sa contract, puwedeng mawalan ang writer ng higit pa depende sa market price ng asset.

Nagbibigay ang ibang mga contract sa mga trader ng karapatang gamitin ang kanilang option anumang oras bago ang petsa ng pag-expire. Kadalasang tinatawag ang mga ito na mga American option contract. Sa kabaliktaran, ang mga European options contract ay magagamit lang sa petsa ng pag-expire. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang mga denominasyong ito ay walang kinalaman sa kanilang lokasyon sa mundo.


Options premium

Ang value ng premium ay naaapektuhan ng maraming salik. Para sa mas simpleng paliwanag, puwede nating ipagpalagay na ang premium ng isang option ay nakadepende sa hindi bababa sa apat na element: ang presyo ng pinagbabatayang asset, ang strike price, ang natitirang oras bago ang petsa ng pag-expire, at ang volatility ng katumbas na market (o index). May iba't ibang epekto ang apat na bahaging ito sa premium ng mga call at put option, gaya ng inilalarawan sa ibaba.



Call options premium

Put options premium

Pagtaas ng presyo ng asset

Tumataas

Bumababa

Mas mataas na strike price

Bumababa

Tumataas

Nababawasang oras

Bumababa

Bumababa

Volatility

Tumataas

Tumataas


Natural lang na may impluwensya ang presyo ng asset at strike price sa premium ng mga call at put sa magkasalungat na paraan. Sa kabaliktaran, kapag mas kaunti ang oras, madalas na nangangahulugan itong mas mababa ang presyo ng premium para sa dalawang uri ng option. Ang pangunahing dahilan nito ay mas mababa ang posibilidad na maging pabor sa mga trader ang mga contract. Sa kabilang banda, ang pataas na antas ng volatility ay madalas na nagdudulot ng pagtaas sa mga presyo ng premium. Kung kaya, ang option contract premium ay resulta ng mga ito at ibang puwersang pinagsama.


Options Greeks

Ang mga options Greek ay mga instrumentong idinisenyo para sukatin ang ilan sa maraming salik na nakakaapekto sa presyo ng isang contract. Sa partikular, ang mga ito ay mga statistical value na ginagamit para sukatin ang panganib ng isang partikular na contract base sa iba’t ibang pinagbabatayang variable. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangunahing Greek at isang maikling paliwanag kung ano ang kanilang sinusukat.

  • Delta: sinusukat kung gaano kalaki ang magiging pagbabago sa presyo ng options contract kaugnay ng presyo ng pinagbabatayang asset. Halimbawa, ang 0.6 na Delta ay nangangahulugang malamang na gumalaw ang premium price nang $0.60 sa bawat $1 na paggalaw sa presyo ng asset.

  • Gamma: sinusukat ang bilis ng pagbabago sa Delta sa paglipas ng oras. Kaya kapag nagbago ang Delta mula sa 0.6 at naging 0.45, ang Gamma ng isang option ay magiging 0.15.

  • Theta: sinusukat ang pagbabago sa presyo kaugnay ng isang araw na pagbaba sa panahon ng contract. Ipinapakita nito kung gaano kalaki ang inaasahang pagbabago sa premium habang papalapit ang pag-expire ng options contract.

  • Vega: sinusukat nito ang bilis ng pagbabago sa contract price kaugnay ng 1% pagbabago sa implied volatility ng pinagbabatayang asset. Ipinapakita ng pagtaas ng Vega ang pagtaas sa presyo ng mga call at put.

  • Rho: sinusukat ang inaasahang pagbabago sa presyo kaugnay ng pagtaas-baba ng rate ng interes. Ang pagtaas ng rate ng interes ay nagdudulot sa pangkalahatan ng pagtaas sa mga call at pagbaba sa mga put. Dahil dito, ang value ng Rho ay positibo para sa mga call option at negatibo sa mga put option.


Mga karaniwang paggamit

Pag-hedge

Ang mga options contract ay kadalasang ginagamit bilang instrumento sa pag-hedge. Isang simpleng halimbawa ng isang diskarte sa pag-hedge ay ang pagbili ng mga trader ng mga put option sa mga hawak na nilang stock. Kung mawawala ang pangkalahatang value sa kanilang mga pangunahing hawak dahil sa mga pagbaba ng presyo, ang paggamit ng mga put option ay makakatulong sa kanilang maibsan ang mga pagkalugi.

Halimbawa, ipagpalagay na bumili si Alice ng 100 share ng isang stock sa halagang $50, sa pag-asang taas ang market price nito. Gayunpaman, para makaiwas sa posibilidad na bumaba ang stock price, nagpasya siyang bumili ng mga put option na may strike price na $48, at nagbayad siya ng $2 na premium sa bawat share. Kapag naging bearish ang merkado at bumaba sa $35 ang presyo, puwedeng gamitin ni Alice ang kanyang contract para mapigilan ang mga pagkalugi, at ibebenta niya ang bawat share sa halagang $48 imbes na $35. Pero kung naging bullish ang merkado, hindi niya kinakailangang gamitin ang contract at mawawalan lang sa kanya ang ibinayad na premium ($2 sa bawat share).

Sa ganitong sitwasyon,  magbe-break even si Alice sa $52 ($50 + $2 bawat share), habang malilimitahan ang kanyang mga pagkalugi sa -$400 ($200 na ibinayad sa premium at $200 na dagdag kung ibebenta niya ang bawat share sa halagang $48).


Speculative trading

Marami rin ang gumagamit ng mga option para sa speculative trading. Halimbawa, ang trader na naniniwalang malapit nang tumaas ang presyo ng asset ay puwedeng bumili ng call option. Kung gagalaw ang presyo ng asset at magiging mas mataas sa strike price, puwedeng gamitin ng trader ang option at bilhin ito nang may diskwento. Kapag ang presyo ng asset ay mas mataas o mas mababa sa strike price sa paraang mapagkakakitaan ang contract, sinasabing "in-the-Money" na ang option. Gayundin, sinasabing "at-the-Money" ang contract kapag ito ay nasa breakeven point, o "out-of-Money" kapag nalulugi.


Mga pangunahing diskarte

Kapag nagte-trade ng mga option, puwedeng gumamit ng malawak na hanay ng mga diskarte ang mga trader na base sa apat na pangunahing posisyon. Bilang mamimili, puwede kang bumili ng call option (karapatang bumili) o put option (karapatang magbenta). Bilang writer, puwede kang magbenta ng mga call o put options contract. Tulad ng nabanggit, obligado ang mga writer na bilhin o ibenta ang mga asset kung magpapasya ang may-hawak ng contract na gamitin ito.

Nakabase ang iba’t ibang diskarte sa options trading sa iba’t ibang posibleng kumbinasyon ng mga call at put contract. Ilan sa mga halimbawa ng ganitong mga diskarte ang mga protective put, covered call, straddle, at strangle.

  • Protective put: may kinalaman ito sa pagbili ng put option ng isang asset na pagmamay-ari na. Ito ang diskarte sa pag-hedge na ginamit ni Alice sa nabanggit na halimbawa. Kilala rin ito bilang portfolio insurance dahil pinoprotektahan nito ang namumuhunan sa potensyal na downtrend, habang pinapanatili rin ang kanilang exposure sakaling tumaas ang presyo ng asset.

  • Covered call: may kinalaman ito sa pagbebenta ng call option ng isang asset na pagmamay-ari na. Ginagamit ng mga namumuhunan ang diskarteng ito para makagawa ng karagdagang kita (options premium) mula sa kanilang mga hinahawakan. Kapag hindi ginamit ang contract, kikitain nila ang premium habang pinapanatili ang kanilang mga asset. Gayunpaman, kapag ginamit ang contract dahil sa pagtaas ng market price, obligado silang ibenta ang kanilang mga posisyon.

  • Straddle: pagbili ng call at put sa parehong asset sa magkaparehong mga strike price at petsa ng pag-expire. Nagbibigay-daan ito sa mga trader na kumita hangga't sapat ang layo ng paggalaw ng asset sa anumang direksyon. Sa madaling sabi, tumataya ang trader sa volatility ng merkado.
  • Strangle: may kinalaman ito sa parehong pagbili ng call at put na “out-of-the-Money” (ibig sabihin, mas mataas ang strike price sa market price para sa mga call option at mas mababa para sa mga put option). Ang strangle ay tulad ng straddle, pero may mas mababang gastos sa pagtatakda ng posisyon. Gayunpaman, nangangailangan ang strangle ng mas mataas na antas ng volatility para mapagkakitaan.


Mga bentahe

  • Nababagay sa pag-hedge laban sa mga panganib sa merkado.

  • Mas may flexibility sa speculative trading.

  • Pinapahintulutan ang ilang kumbinasyon at diskarte sa pag-trade, na may natatanging risk/reward pattern.

  • Potensyal na kumita mula sa lahat ng bull, bear, at side-way na market trend.

  • Magagamit para mapababa ang mga gastos sa pagpasok sa mga posisyon.

  • Pinapayagan ang sabay na pagsasagawa ng maraming pag-trade.


Mga kahinaan

  • Hindi laging madaling intindihin ang mga mekanismo at kalkulasyon ng premium.

  • May kaakibat na mataas na panganib, lalo na sa mga contract writer (mga nagbebenta)

  • Mas kumplikado ang mga diskarte sa pag-trade kung ikukumpara sa mga kumbensyonal na alternatibo.

  • Ang mga mga options market ay laging tinatamaan ng mababang liquidity kaya mas hindi sila kaaya-aya para sa maraming trader.

  • Ang value ng premium ng mga options contract ay masyadong volatile at madalas bumababa kapag papalapit na ang petsa ng expire.


Options vs. futures

Ang options at futures contract ay parehong derivative na instrumento, kaya may magkatulad na mapaggagamitan. Pero sa kabila ng kanilang mga pagkakatulad, may malaking pagkakaiba sa mekanismo ng settlement sa pagitan ng dalawa.

Hindi gaya ng options, palaging ipinapatupad ang mga futures contract kapag naabot na ang petsa ng pag-expire, ibig sabihin, may legal na obligasyon ang mga may-hawak ng contract na ipagpalit ang pinagbabatayang asset (o katumbas na halaga sa cash). Sa kabilang banda, ipinapatupad lang ang options depende sa kagustuhan ng trader na may hawak ng contract. Kung ipapatupad ng may-hawak ng contract (mamimili) ang option, obligado ang sumulat ng contract (nagbebenta) na i-trade ang pinagbabatayang asset.


Mga pangwakas na pananaw

Base na rin sa pangalan nito, nagbibigay ang options sa namumuhunan ng pagpipilian kung ibebenta o bibilhin ang asset sa hinaharap, anuman ang market price. Maraming mapaggagamitan ang uri ng mga contract sa iba’t ibang sitwasyon - hindi lang sa speculative trading kundi maging sa pagsasagawa ng mga diskarte sa pag-hedge. 

Gayunpaman, mahalagang tandaan na maraming kaakibat na panganib ang pag-trade ng mga option, at pati na iba pang derivative. Kaya bago gamitin ang ganitong uri ng contract, dapat munang magkaroon ng malalim na pag-unawa ang mga trader sa kung paano ito gumagana. Maganda ring magkaroon ng malalim na pag-unawa sa iba't ibang kumbinasyon ng mga call at put, at sa mga potensyal na panganib na nauugnay sa bawat diskarte. Dapat ring isaalang-alang ng mga trader ang paggamit ng mga diskarte sa pamamahala sa panganib kasama ng mga technical at fundamental analysis para limitahan ang mga potensyal na pagkalugi.