Sa pangkalahatan, ang mga forward at futures contract ay mga kasunduang nagbibigay-daan sa mga trader, mamumuhunan, at gumagawa ng commodity na gumawa ng ispekulasyon tungkol sa presyo ng isang asset sa hinaharap. Gumagana ang mga kontratang ito bilang pangako sa pagitan ng dalawang partido na nagbibigay-daan sa pag-trade ng isang instrumento sa isang petsa sa hinaharap (petsa ng pag-expire), sa napagkasunduang presyo sa sandaling magawa ang kontrata.
Ang pinagbabatayang pampinansyal na instrumento ng isang forward o futures contract ay puwedeng anumang asset, gaya ng equity, isang commodity, currency, pagbabayad ng interes, o kahit bond.
Gayunpaman, hindi tulad ng mga forward contract, ang mga futures contract ay sina-standardize mula sa perspektiba ng kontrata (bilang mga legal na kasunduan) at tine-trade sa mga partikular na lugar (mga palitan ng mga futures contract). Samakatuwid, ang mga futures contract ay saklaw ng isang partikular na hanay ng mga panuntunan, kung saan puwedeng kasama, halimbawa, ang laki ng mga kontrata at ang mga pang-araw-araw na rate ng interes. Sa maraming sitwasyon, ginagarantiyahan ng isang clearing house ang pagpapatupad ng mga futures contract, kaya naman nagiging posible para sa mga partido na mag-trade nang may mas kaunting panganib sa kabilang partido.
Bagama't ginawa ang mga sinaunang anyo ng mga futures market sa Europe noong ika-17 siglo, ang Dōjima Rice Exchange (Japan) ang itinuturing na unang itinatag na palitan ng futures. Noong umpisa ng ika-18 siglo sa Japan, bigas ang ginagamit sa karamihan ng mga pagbabayad, kaya nagsimula ang paggamit ng mga futures contract bilang paraan para mag-hedge laban sa mga panganib na nauugnay sa mga pabago-bagong presyo ng bigas.
Sa paglabas ng mga electronic na sistema ng pag-trade, naging laganap ang kasikatan ng mga futures contract, kasama ang iba't ibang mapaggagamitan, sa buong industriya ng pananalapi.
Mga function ng mga futures contract
Sa konteksyo ng industriya ng pananalapi, karaniwang ibinibigay ng mga futures contract ang ilan sa mga sumusunod na function:
Pag-hedge at pamamahala ng panganib: puwedeng gamitin ang mga futures contract para mabawasan ang isang partikular na panganib. Halimbawa, puwedeng magbenta ang isang farmer ng mga futures contract para sa kanyang mga produkto para matiyak na makukuha niya ang isang partikular na presyo sa hinaharap, sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari at pagbabago-bago sa merkado. O ang isang namumuhunan sa Japan na nagmamay-ari ng mga bond sa US Treasury ay puwedeng bumili ng mga JPYUSD futures contract na may halagang katumbas ng pagbabayad ng coupon bawat quarter (mga rate ng interes) bilang paraan para i-lock ang halaga ng coupon sa JPY sa isang natukoy nang rate, at samakatuwid, ihe-hedge niya ang kanyang exposure sa USD.
Leverage: nagbibigay-daan ang mga futures contract sa mga namumuhunan na gumawa ng mga leveraged na posisyon. Dahil sine-settle ang mga kontrata sa petsa ng pag-expire, nale-leverage ng mga namumuhunan ang kanilang posisyon. Halimbawa, nagbibigay-daan ang 3:1 na leverage sa mga trader na pumasok sa isang posisyong mas malaki nang tatlong beses sa balanse ng kanilang account sa pag-trade.
Maikling exposure: nagbibigay-daan ang mga futures contract sa mga namumuhunan na magdala ng maikling exposure sa isang asset. Kapag nagpasya ang isang namumuhunan na magbenta ng mga futures contract nang hindi niya pagmamay-ari ang pinagbabatayang asset, karaniwan itong tinutukoy bilang “naked position.”
Pagkakaiba-iba ng mga asset: nakakapagdala ang mga namumuhunan ng exposure sa mga asset na mahirap i-trade agad-agad. Karaniwang mahal ihatid at may kasamang malalaking gastusin sa storage ang mga commodity gaya ng langis, pero sa pamamagitan ng paggamit ng mga futures contract, puwedeng gumawa ng ispekulasyon ang mga namumuhunan at trader tungkol sa maraming iba't ibang uri ng asset nang hindi kinakailangang pisikal na i-trade ang mga ito.
Pagtuklas ng presyo: ang mga futures market ay isang one-stop shop para sa mga nagbebenta at mamimili (ibig sabihin, nagtutugma ang supply at demand) para sa ilang uri ng asset, gaya ng mga commodity. Halimbawa, natutukoy ang presyo ng langis kaugnay ng real-time na demand sa mga futures market sa halip na sa pamamagitan ng lokal na interaksyon sa isang gasolinahan.
Mga mekanismo ng settlement
Ang petsa ng pag-expire ng isang futures contract ay ang huling araw ng mga aktibidad sa pag-trade para sa partikular na kontratang iyon. Pagkatapos noon, ititigil ang pag-trade at ise-settle ang mga kontrata. May dalawang pangunahing mekanismo para sa settlement ng mga futures contract:
Pisikal na settlement: ipagpapalit ang pinagbabatayang asset sa pagitan ng dalawang partido na nagkasundo sa isang kontrata sa natukoy nang presyo. Ang partidong short (nagbenta) ang may obligasyong maghatid ng asset sa partidong long (bumili).
Settlement sa cash: hindi direktang ipinagpapalit ang pinagbabatayang asset. Sa halip, magbabayad ang isang partido sa kabilang partido ng halagang nagpapakita ng kasalukuyang halaga ng asset. Isang karaniwang halimbawa ng futures contract na sine-settle gamit ang cash ay isang futures contract ng langis, kung saan ipinagpapalit ang cash sa halip na mga barrel ng langis dahil magiging kumplikado ang pag-trade ng libo-libong barrel.
Mas madaling gamitin ang mga futures contract na sine-settle gamit ang cash, at samakatuwid, mas sikat ang mga ito kaysa sa mga kontratang pisikal na sine-settle, kahit para sa mga liquid na pampinansyal na security o mga instrumentong may fixed na kita na mabilis na maililipat ang pagmamay-ari (kung ihahambing sa mga pisikal na asset gaya ng mga barrel ng langis).
Gayunpaman, ang mga futures contract na sine-settle gamit ang cash ay puwedeng humantong sa pagmamanipula sa presyo ng pinagbabatayang asset. Ang ganitong uri ng pagmamanipula ng merkado ay karaniwang tinutukoy bilang “banging the close” - na isang terminong naglalarawan sa mga hindi normal na aktibidad ng pag-trade na sadyang nanggugulo sa mga order book kapag papalapit na ang petsa ng pag-expire ng mga futures contract.
Mga diskarte sa pag-exit para sa mga futures contract
Pagkatapos kumuha ng posisyon ng futures contract, may tatlong pangunahing pagkilos na puwedeng isagawa ng mga futures trader:
Pag-offset: tumutukoy sa pagsasara ng posisyon ng futures contract sa pamamagitan ng paggawa ng kabaliktarang transaksyon na may parehong halaga. Kaya kung short sa 50 futures contract ang isang trader, puwede siyang magbukas ng long na posisyon na may katumbas na laki, na magnu-neutralize sa inisyal niyang posisyon. Sa pamamagitan ng diskarte ng pag-offset, makukuha ng mga trader ang kanilang mga kita o pagkalugi bago ang petsa ng settlement.
Pag-rollover: nangyayari kapag nagpasya ang isang trader na magbukas ng bagong posisyon ng futures contract pagkatapos i-offset ang una, na magpapatagal ng petsa ng pag-expire. Halimbawa, kung ang isang trader ay long sa 30 futures contract na mag-e-expire sa unang linggo ng Enero, pero gusto niyang patagalin ang kanyang posisyon nang anim na buwan, puwede niyang i-offset ang inisyal na posisyon at puwede siyang magbukas ng bago na ganoon din ang laki, na may petsa ng pag-expire na nakatakda sa unang linggo ng Hulyo.
Settlement: kung hindi io-offset o iro-rollover ng isang futures trader ang kanyang posisyon, ise-settle ang kontrata sa petsa ng pag-expire. Sa puntong ito, may legal na obligasyon ang mga sangkot na partido na ipagpalit ang kanilang mga asset (o cash) ayon sa posisyon nila.
Mga pattern ng presyo ng mga futures contract: contango at normal backwardation
Mula sa sandaling magawa ang mga futures contract hanggang sa ma-settle ang mga ito, laging magbabago ang market price ng mga kontrata bilang tugon sa mga puwersang bumibili at nagbebenta.
Dahil sa ugnayan ng maturity at iba't ibang presyo ng mga futures contract sa isa't isa, nagkakaroon ng iba't ibang pattern ng presyo, na karaniwang tinutukoy bilang contango (1) at normal backwardation (3). Direktang nauugnay ang mga pattern ng presyo na ito sa inaasahang spot price (2) ng isang asset sa petsa ng pag-expire (4), gaya ng inilalarawan sa ibaba.
Contango (1): isang kondisyon sa merkado kung saan mas mataas ang presyo ng isang futures contract kaysa sa inaasahang spot price sa hinaharap.
Inaasahang spot price (2): inaasahang presyo ng asset sa sandaling ma-settle ang kontrata (petsa ng pag-expire). Tandaan na hindi laging hindi nagbabago ang inaasahang spot price, ibig sabihin, puwede itong magbago bilang tugon sa supply at demand ng merkado.
Normal backwardation (3): isang kondisyon sa merkado kung saan mas mababa ang presyo ng isang futures contract kaysa sa inaasahang spot price sa hinaharap.
Petsa ng pag-expire (4): ang huling araw ng mga aktibidad ng pag-trade para sa isang partikular na futures contract, bago mangyari ang settlement.
Bagama't malamang na maging mas maganda ang mga kondisyon sa merkado ng contango para sa mga nagbebenta (mga short na posisyon) kaysa sa mga mamimili (mga long na posisyon), karaniwang mas kapaki-pakinabang ang mga merkado ng normal backwardation para sa mga mamimili.
Habang papalapit ang petsa ng pag-expire, inaasahang unti-unting lalapit ang presyo ng futures contract sa spot price hanggang sa maging magkapareho ang halaga ng mga ito sa huli. Kung hindi magkapareho ang presyo ng futures contract at spot price sa petsa ng pag-expire, mabilis na kikita ang mga trader sa mga pagkakataon sa arbitrage.
Sa sitwasyon ng contango, tine-trade ang mga futures contract nang mas mataas kaysa sa inaasahang spot price, karaniwang para sa kaginhawaan. Halimbawa, puwedeng magpasya ang isang futures trader na magbayad ng premium para sa mga pisikal na commodity na ihahatid sa isang petsa sa hinaharap, kaya hindi niya kailangang mag-alala sa pagbabayad ng gastusin gaya ng storage at insurance (sikat na halimbawa ang ginto). Dagdag pa rito, puwedeng gumamit ng mga futures contract ang mga kumpanya para i-lock ang kanilang gastusin sa hinaharap sa mga mahuhulaang halaga, sa pamamagitan ng pagbili ng mga commodity na mahalaga para sa kanilang serbisyo (hal., pagbili ng tagagawa ng tinapay ng mga futures contract ng trigo).
Sa kabilang banda, nagkakaroon ng merkado ng normal backwardation kapag tine-trade ang mga futures contract nang mas mababa kaysa sa inaasahang spot price. Bumibili ng mga futures contract ang mga speculator sa pag-asang kikita sila kung tataas ang presyo gaya ng inaasahan. Halimbawa, ang isang futures trader ay puwedeng bumili ng mga kontrata ng mga barrel ng langis sa halagang $30 bawat isa ngayon, habang ang inaasahang spot price ay $45 para sa susunod na taon.
Mga pangwakas na pananaw
Bilang naka-standardize na uri ng forward contract, isa ang mga futures contract sa mga pinakaginagamit na tool sa industriya ng pananalapi at ang iba't ibang functionality ng mga ito ang dahilan kaya angkop ang mga ito sa maraming iba't ibang paggagamitan. Gayunpaman, mahalaga pa ring maunawaan nang mabuti ang mga pinagbabatayang mekanismo ng mga futures contract at ng mga partikular na merkado ng mga ito bago mamuhunan ng mga pondo.
Bagama't kapaki-pakinabang sa ilang partikular na sitwasyon ang “pag-lock” ng presyo ng isang asset sa hinaharap, hindi ito laging ligtas - lalo na kapag tine-trade ang mga kontrata sa margin. Samakatuwid, kadalasang gumagamit ng mga diskarte sa pamamahala ng panganib para makontrol ang mga hindi maiiwasang panganib na nauugnay sa pag-trade ng mga futures contract. Gumagamit din ng mga indicator ng technical analysis ang ilang speculator kasama ng mga pamamaraan ng fundamental analysis bilang paraan para makakuha ng mga insight sa price action ng mga futures market.