Ano ang Saloobin ng Merkado ng Crypto?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Saloobin ng Merkado ng Crypto?

Ano ang Saloobin ng Merkado ng Crypto?

Baguhan
Na-publish Jun 3, 2021Na-update Nov 21, 2022
6m

Isinumite ng Komunidad - May-akda: Dimitris Tsapis


TL;DR

Isinasaalang-alang ng saloobin ng merkado ang mga pananaw, damdamin, at mood ng mga namumuhunan tungkol sa isang asset. Hindi laging ipinapakita ng mga damdaming ito ang mga batayang kaalaman ng isang asset o proyekto, pero puwede nitong maapektuhan nang malaki ang presyo.

Ang pagsusuri sa saloobin ng merkado ay isang uri ng pananaliksik na gumagamit sa impormasyong ito para subukan at hulaan ang mga paggalaw ng presyo. Kapag sinubaybayan mo ang dynamics ng merkado sa pamamagitan ng pangkalahatang saloobin ng mga kabilang dito, mauunawaan mo ang antas ng hype o takot na bumabalot sa isang partikular na cryptocurrency.

Panimula

Tulad ng iba pang asset, direktang nauugnay ang presyo ng cryptocurrency sa supply at demand sa merkado. Puwedeng magbago ang mga puwersang ito sa merkado sa ilang dahilan, kasama na ang pampublikong opinyon, ang press, at social media. 

Sinusuri ng maraming trader ang saloobin ng merkado para hulaan ang panandalian at mid-term na potensyal ng isang crypto asset. Kasama ang technical at fundamental analysis, puwedeng maging kapaki-pakinabang kung idaragdag sa toolkit ng trader ang pagsisiyasat sa saloobin ng crypto market.

Ano ang saloobin ng merkado?

Ang saloobin ng merkado ay ang kabuuang saloobin ng mga trader at namumuhunan sa isang pampinansyal na asset o merkado. May ganitong konsepto sa lahat ng pampinansyal na merkado, pati na sa mga cryptocurrency. May kakayahan ang saloobin ng merkado na impluwensyahan ang mga siklo ng merkado.

Gayunpaman, hindi laging humahantong sa positibong kalagayan ng merkado ang magandang saloobin ng merkado. Kung minsan, puwedeng magkaroon muna ng napakapositibong saloobin (papunta na sa moon) bago ang isang pagwawasto sa merkado o kahit bago ang isang bearish na merkado.

Bukod sa pagbibigay ng mga insight tungkol sa demand sa merkado, masusuri ng mga trader ang mga saloobing ito para mahulaan ang mga trend na posibleng pagkakitaan. Hindi laging isinasaalang-alang ng saloobin ng merkado ang mga batayang kaalaman ng isang proyekto, pero posibleng magkakaugnay ang mga ito kung minsan.

Kunin nating halimbawa ang Dogecoin. Malamang na marami sa demand ng Dogecoin noong bull run nito ang nagmula sa social media hype (na humantong sa positibong saloobin ng merkado). Maraming trader at namumuhunan ang bumili ng Dogecoin nang hindi isinasaalang-alang ang tokenomics o mga layunin ng proyekto. Bumatay lang sila sa kasalukuyang saloobin ng merkado. Kung minsan, kahit isang tweet lang mula sa sikat na personalidad na si Elon Musk ay sapat na para magdulot ng positibo o negatibong saloobin ng merkado.


Bakit mahalaga ang pagsusuri sa saloobin ng merkado?

Ang pagsusuri sa saloobin ng merkado ay isang mahalagang bahagi ng maraming diskarte sa pag-trade. Tulad ng technical o fundamental analysis, madalas na magandang ideya ang paggawa ng mga desisyon gamit ang isang kumbinasyon ng lahat ng available na impormasyon. 

Halimbawa, makakatulong sa iyo ang pagsusuri sa saloobin ng merkado na siyasatin kung makatwiran ba ang FOMO o resulta lang ito ng impluwensya ng nakararami. Sa kabuuan, kapag isinama ang technical at fundamental analysis sa mga pag-aaral sa saloobin ng merkado, mabibigyang-daan ka na:
  • Magkaroon ng mas magandang ideya sa panandalian at mid-term na pagkilos ng presyo.
  • Makontrol nang mas mahusay ang iyong emosyon. 
  • Makatuklas ng mga pagkakataong kumita.


Paano magsagawa ng pagsusuri sa saloobin ng merkado

Para maunawaan ang saloobin ng merkado, kakailanganin mong kolektahin ang mga pananaw, ideya, at opinyon ng mga nasa merkado. Bilang pag-uulit, bagama't kapaki-pakinabang ito, hindi ka dapat umasa lang sa pagsusuri sa saloobin ng merkado. Sa halip, puwede mong gamitin ang nakolektang impormasyon kasama ng kaalaman at karanasan mo sa kasalukuyan bago gumawa ng mga praktikal na konklusyon.

Para magkaroon ng pangkalahatang-ideya, puwede mong pag-isipang siyasatin ang mga nauugnay na page at channel sa social media para maunawaan kung ano ang nararamdaman ng komunidad at mga namumuhunan tungkol sa partikular na proyektong iyon. Puwede ka ring sumali sa mga opisyal na forum, Discord server, o grupo sa Telegram para makipag-usap nang direkta sa team at mga miyembro ng komunidad ng proyekto. Pero mag-ingat! Maraming scammer sa mga grupong iyon. Huwag magtiwala sa kung sino-sinong tao, at tiyaking magsagawa ng sarili mong pananaliksik bago makipagsapalaran.

Unang hakbang lang ang mga social channel. Puwede kang gumamit ng maraming paraan para makakuha ng malawak na pangkalahatang-ideya ng saloobin ng merkado. Bukod pa sa pagsubaybay sa mga social channel (lalo na sa Twitter, dahil sa pagiging sikat nito sa mahihilig sa cryptocurrency), puwede mong pag-isipan ang sumusunod:

1. Subaybayan ang mga pagbanggit sa social media sa pamamagitan ng mga software tool sa pagkolekta ng data.

2. Manatiling updated sa pinakabagong balita sa industriya sa pamamagitan ng mga media portal at blog. Ang ilang halimbawa ay ang Binance Blog, Binance News, Bitcoin Magazine, CoinDesk, at CoinTelegraph.
3. Magtakda ng mga alerto o subaybayan ang malalaking transaksyong ginawa ng mga whale. Ang mga paggalaw na ito ay regular na sinusubaybayan ng ilang namumuhunan sa crypto at kung minsan, puwedeng makaapekto sa saloobin ng merkado. Makakahanap ka ng mga libreng whale alert bot sa Telegram at Twitter.

4. Tingnan ang mga indicator ng saloobin ng merkado at mga signal sa pagpepresyo sa CoinMarketCap. Sinusuri ng mga index na ito ang isang hanay ng iba't ibang mapagkukunan at nagbibigay ito ng maiikling buod ng kasalukuyang saloobin ng merkado.

5. Sukatin ang antas ng hype na nakapalibot sa isang cryptocurrency gamit ang Google Trends. Halimbawa, kapag marami ang naghanap sa “Paano magbenta ng crypto,” puwede nitong ipahiwatig na negatibo ang saloobin ng merkado.


Mga Indicator ng Saloobin ng Merkado

Puwedeng tingnan ng mga namumuhunan ang mga indicator ng saloobin ng merkado para makakuha ng ideya tungkol sa bullish o bearish na pakiramdam sa isang merkado o asset. Isinasaad ng mga indicator ang mga pakiramdam na ito sa graphic na format o sa pamamagitan ng ilang uri ng sukatan. Puwedeng maging bahagi ng iyong kit sa pagsusuri sa saloobin ang mga tool na ito, pero hindi ka dapat umasa lang sa mga iyon. Pinakamahusay na kagawian ang paggamit ng maraming indicator para makakuha ng mas balanseng pananaw sa merkado.
Nakatuon ang karamihan sa mga indicator ng saloobin ng merkado sa Bitcoin (BTC), pero puwede ka ring makahanap ng mga index ng saloobin sa Ethereum (ETH). Ang Bitcoin Crypto Fear & Greed Index ay marahil ang pinakakilalang indicator ng saloobin ng merkado ng crypto. Ipinapakita ng index ang antas ng takot o kasakiman sa merkado ng Bitcoin sa isang sukatan na zero hanggang 100 sa pamamagitan ng pagsusuri sa limang iba't ibang mapagkukunan ng impormasyon: volatility, laki ng merkado, social media, pamamayani, at mga trend.


Ang Bull & Bear Index ng Augmento ay ibang indicator ng saloobin na nakatuon sa social media. Sinusuri ng isang artificial intelligence (AI) software ang 93 saloobin at paksa gamit ang mga pag-uusap sa Twitter, Reddit, at Bitcointalk. Bina-backtest din ng mga creator ang pamamaraan ng kanilang mga indicator gamit ang available na data na pambuong taon. Sobrang bearish ang 0 sa sukatan at sobrang bullish naman ang 1.


Pagsama-samahin ang lahat ng ito

Ang pagsusuri sa mga channel sa social media, mga on-chain metric, at iba pang indicator ng crypto ay puwedeng magbigay ng mga insight tungkol sa saloobin sa isang coin o proyekto. Kapag mas nauunawaan mo ang mga kasalukuyang saloobin ng merkado, mas malamang na makagawa ka ng mahuhusay na desisyon sa pag-trade at pamumuhunan.

Para ma-maximize ang pagiging epektibo ng pagsusuri sa saloobin, kadalasan, pinakamahusay na isama ito sa:

  • Technical analysis– puwedeng makatulong sa iyong gumawa ng mas mahuhusay na hula pagdating sa panandaliang pagkilos ng presyo.
  • Fundamental analysis– para matukoy kung makatwiran ba ang kontrobersyal na impormasyon o para suriin ang pangmatagalang potensyal ng isang coin.


Mga pangwakas na pananaw

Bagama't gumagamit ang maraming trader ng pagsusuri sa saloobin ng merkado sa mga merkado ng pamumuhunan, posibleng maging kapaki-pakinabang ito sa merkado ng cryptocurrency. Dahil medyo maliit pa rin ang industriya ng blockchain at mga merkado ng crypto, puwedeng magdulot ng matinding pagbabago sa presyo ang mga pananaw at saloobin ng publiko.

Sa pamamagitan ng paggamit sa mga tinalakay na paraan, puwede mo nang maunawaan ang saloobin ng merkado at (sana) makagawa ka ng mas mahuhusay na pasya sa pamumuhunan. Bilang pag-uulit, kung gusto mong magsimula sa pagsusuri sa saloobin ng merkado, puwede mong pag-isipang:

  • Subaybayan ang mga channel sa social media at ang mga emosyong nakapalibot sa isang proyekto.
  • Maging updated sa pinakabagong balita sa industriya at sa mga paparating na event.
  • Gumamit ng mga indicator na tutulong sa iyong magkaroon ng mas magandang ideya tungkol sa interes ng publiko sa isang partikular na coin.

Sa pamamagitan ng higit pang pagsasanay at karanasan, puwedeng magbigay ang pagsusuri sa saloobin ng merkado ng mas mahuhusay na resulta, pero posibleng hindi ito epektibo sa ilang sitwasyon. Tiyaking gumawa ng makatwirang mga hakbang bago mag-trade o mamuhunan dahil may kasamang isang partikular na antas ng panganib ang bawat desisyon.