Web2 vs. Web3: Alin ang Mas Maganda?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Maikling Kasaysayan ng Web
Ano ang Web3?
Mga potensyal na benepisyo ng Web3
Mga pangwakas na pananaw
Web2 vs. Web3: Alin ang Mas Maganda?
Home
Mga Artikulo
Web2 vs. Web3: Alin ang Mas Maganda?

Web2 vs. Web3: Alin ang Mas Maganda?

Intermediya
Na-publish Sep 20, 2022Na-update Dec 23, 2022
6m

TL;DR

Bagama't milyon-milyon ang gumagamit sa kasalukuyang bersyon ng Internet, ang Web2, may mga problema rin ito. Laganap pa rin sa Internet ang mga isyu tungkol sa pagmamay-ari ng data, censorship, at seguridad, kaya naman nabuo ang konsepto ng bago at pinahusay na bersyong tinatawag na Web3. Layunin ng panghinaharap na Internet na ito na isama ang mga teknolohiyang tulad ng blockchain, artificial intelligence (AI), at augmented reality (AR). Sa sentro nito, dapat mag-alok ang perpektong Web3 ng mga benepisyong tulad ng pagmamay-ari at pagiging kumpidensyal ng data. Sinasabi na ang Web3 ay pinahusay na bersyon ng Web2 pero ano ba talaga ito, at mas maganda ba ito?

Panimula

Malaki na ang ipinagbago ng World Wide Web, na kilala rin bilang Internet o web, mula noong una itong ipinakilala sa mundo bilang Web1. Habang humuhusay ang mga teknolohiya at nagbabago ang mga demand ng mga user, hindi na nakakagulat na nagbago ang web nang naaayon. 

Nagbigay-daan ang Web1 sa paggamit ng content at simpleng interaksyon. Ang Web2, na kasamang hinubog ng paglabas ng mga smartphone at mobile internet access, ay nagbigay-daan sa mga user na gumamit at gumawa ng sarili nilang content. Ngayon, may lumabas na bagong konsepto ng panghinaharap na web na kilala bilang Web3. Ang pinakabagong bersyong ito ng Internet ay inaasahang magbigay-daan sa mga user hindi lang para makagamit at makagawa ng content at data, pero magmay-ari din nito. 

Maikling Kasaysayan ng Web

Bagama't marami nang naranasang pagbabago ang web sa paglipas ng mga taon, maiuuri ang dalawang pangunahing yugto nito bilang Web1 at Web2.

Web1

Ang Web1, na kilala rin bilang Web 1.0, ang orihinal na Internet. Binubuo ito ng mga page ng static HTML – ang formatting language ng web noon – na nagpakita ng impormasyon online. Tumakbo ang Web1 sa ganap na desentralisadong imprastraktura – kahit sino ay puwedeng mag-host ng server, bumuo ng mga application, at mag-publish ng impormasyon sa Internet nang hindi ito sine-censor ng mga gatekeeper. Puwedeng maghanap ng impormasyon sa net ang mga user ng Web1 gamit ang mga web browser. 

Mga hadlang sa Web1

Sa kasamaang palad, walang paraan para mabago ng mga tao ang impormasyon at kakaunti ang pagkakataong makipag-interact sa iba. Puwede lang makipag-ugnayan ang mga user sa pamamagitan ng mga simpleng chat messenger at forum. Dahil dito, pangunahing nakipag-interact ang mga user sa Web1 bilang mga tagaobserba, hindi kalahok.

Web2

Hindi tulad ng Web1, sentralisado ang kasalukuyang bersyon ng Internet, na nakatuon sa paggawa ng content, at pinangigibabawan ng malalaki at matatagumpay na kumpanya ng teknolohiya.

Noong huling bahagi ng 1990s, ang mga database, pagpoproseso sa panig ng server, form, at social media ay sama-samang bumuo ng mas interactive na Internet na kilala bilang Web2, o Web2.0. Ito ang kasalukuyang bersyon ng Internet, isang playground para sa paggawa ng content. Isa ka mang nagpupursiging writer, photographer, o influencer, madali kang makakagawa at makakapagpakita ng iyong gawa sa mundo ng Web2. 

Nag-aalok ang mga service provider tulad ng WordPress at Tumblr sa mga tao ng platform para makagawa ng content, habang nagbibigay-daan naman ang mga kumpanya ng social media tulad ng Facebook at Twitter sa mga tao na kumonekta at makipag-ugnayan kahit kanino kahit saan sa mundo. Dagdag pa rito, dahil sa mobile internet access at pagsikat ng mga smartphone, madaling nakakagamit ng content ang kahit sino.

Nakinabang ang mga kumpanyang nakatuon sa Web2 sa mga benepisyo ng rebolusyong ito sa Internet. Maliban sa kita, nakabuo rin ang mga kumpanya ng malaking database ng mga user. Binili ng mas malalaking kumpanyang tulad ng Google at Facebook ang mas maliliit na kumpanya, kaya nakaipon sila ng sentral na pandaigdigang network ng mga user at ng data nila.

Mga hadlang sa Web2

Mula noong lumabas ang Web2, naisip ng malalaking kumpanya sa Internet na magagamit nila ang data ng user para mapanatili sila sa kanya-kanya nilang mga ecosystem. Sa paggawa ng mga naka-target na ad para sa mga consumer o pagpigil sa komunikasyon sa iba't ibang platform, madalas na napipilitan ang mga user na ituloy ang paggamit sa kanilang mga serbisyo. 

Sa mga kamakailang taon, napansin ng maraming user ng internet ang mga etikal na isyung tulad ng censorship, pagsubaybay sa data, at pagmamay-ari ng data. Ang kakatwa rito, mukhang ang mga kumpanya ang nagmamay-ari ng data ng user sa Web2 sa halip na ang mga user mismo. Nakakita na tayo ng mga kaso ng hindi patas na pagkontrol sa data, kung saan isinara ang mga account ng mga user pagkatapos nilang lumabag nang hindi sinasadya sa mga alituntunin sa komunidad na internal sa platform. Noong 2010s, marami ang nagalit sa buong mundo dahil sa pangongolekta ng personal na data nang walang pahintulot ng mga user nang lumabas ang balita na hindi naprotektahan ng Facebook ang data ng mga user nito. 

Para matugunan ang mga problemang ito, may ilang naglabas ng solusyong pinagsasama-sama ang mga benepisyo ng Web1 at Web2: ang desentralisasyon at pakikilahok ng user. Bagama't hindi ito kongkreto, natukoy na nang mabuti ang mga pangunahing konsepto ng bersyong ito ng Internet, na kilala bilang Web3.

Ano ang Web3?

Kung titingnan natin ang mga kasalukuyang problema ng Web2, Web3 ang susunod na lohikal na hakbang tungo sa pagpapahusay sa Internet para sa mga user. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga peer-to-peer (P2P) na teknolohiya tulad ng blockchain, virtual reality (VR), Internet of Things (IoT), at open-source software, layunin ng Web3 na pahinain ang kapangyarihang hawak ng malalaking kumpanya sa Web2. Sa desentralisasyon, sana ay mabawi ng mga user ang kontrol sa kanilang content at pagmamay-ari sa kanilang data. 

Mga pangunahing feature ng Web3

Desentralisado: Dahil layunin nitong solusyunan ang pinag-uugatan ng problema sa Web2, ibig sabihin, ang sentralisasyon, natural lang na ang desentralisasyon ay isang napakahalagang salik sa tagumpay ng Web3. Maliban sa pagbabalik sa mga user ng kontrol sa data, kailangang magbayad ng mga kumpanya para ma-access ang data nila. Sa desentralisasyon, magiging accessible ang mga native na pagbabayad ng crypto kahit kanino, at hindi na kakailanganin ang mga mamahaling tagapamagitan sa tradisyonal na imprastraktura ng pagbabayad sa Web2.

Hindi nangangailangan ng pahintulot: Sa halip na ilang malalaking entity na nagkokontrol sa paglahok o nagbabawal ng inter-platform na komunikasyon, kahit sino ay malayang makakapag-interact sa iba sa Web3.

Hindi nangangailangan ng tiwala: Sa network kung saan nakabase ang Web3, makakalahok ang mga user nang hindi nagtitiwala sa kahit ano maliban sa network mismo. 

Pangunahing susuportahan ng blockchain at crypto ang mga prinsipyong ito. 

Mga potensyal na benepisyo ng Web3

Pinaigting na seguridad ng data

Mahina ang seguridad ng data na hawak ng mga bigatin sa teknolohiya sa mga sentralisadong database, dahil iisang system lang ang kailangang i-access ng mga hacker para makompromiso ang data ng user. Gamit ang mga desentralisadong solusyon para sa pag-store at pamamahala ng data, mas secure na mapanghahawakan ang pribadong impormasyon.

Totoong pagmamay-ari ng data

Dahil isa sa mga pinagtutuunan ng Web3 ang pagmamay-ari ng data, mababawi ng mga user ang kontrol sa kanilang data at mapagkakakitaan pa nila ito kung gusto nila.

Kontrol sa katotohanan

Kung walang sentral na kapangyarihan, hindi sasailalim sa hindi patas na censorship ang mga user. Kung walang kapangyarihan ng censorship o kakayahang magbura ng partikular na data, magiging di-hamak na mas mahirap para makontrol ng malalaking kumpanya ang usapan sa anumang diskurso.

May iba pang potensyal na benepisyo kaya naman ang Web3 ay nakakalamang sa mga sinundan nito.

Kalayaan sa pananalapi

Bibigyang-kakayahan ng Web3 ang mga user sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa kanilang gumamit, gumawa, at magmay-ari ng kanilang content at data. At dahil nakabatay ang Web3 sa teknolohiya ng blockchain, madaling maa-access ng mga user ang mga ecosystem na nangangasiwa sa decentralized finance (DeFi) at iba pang tool para magkaroon ng kalayaan sa pananalapi. 

Mas pinahusay na mga social interaction

Tulad ng mga sinundan nito, patuloy na gagamit ang Web3 ng mga teknolohiyang lalabas pagkatapos ng teknolohiya ng blockchain. Halimbawa, puwedeng maglagay ang virtual reality (VR), augmented reality (AR), at artificial intelligence (AI) ng mga digital na elemento sa mga Web3 application para mapahusay ang mga online na social interaction.

May nakikita na tayong halimbawa nito sa anyo ng metaverse, na isang virtual 3D universe na puwedeng i-explore ng mga user gamit ang mga avatar. Sa pamamagitan ng mga immersive na espasyo gaya ng metaverse, ang mga user ay puwedeng makisalamuha online, bumili ng virtual na lupa, maglaro ng games, at kahit magtrabaho nang remote.

Mga pangwakas na pananaw

Ang Web2 kumpara sa Web3 ay puwedeng ituring na variation ng matagal nang debate tungkol sa sentralisado kumpara sa desentralisado. Dahil isasakatuparan pa lang ang Web3, puwedeng pagtalunan ang sinasabing kalamangan nito sa Web2. Gayunpaman, sa desentralisadong imprastruktura nito, posibleng masolusyunan ng Web3 ang mga eskandalo kaugnay ng data na naranasan natin sa Web2, at posibleng maibalik sa mga user ang kontrol.