Ano ang Metaverse?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Metaverse?

Ano ang Metaverse?

Baguhan
Na-publish Sep 21, 2021Na-update Jun 9, 2023
9m

TL;DR

Ang metaverse ay isang konsepto ng nagpapatuloy na online na 3D universe kung saan pinagsasama-sama ang maraming iba't ibang virtual na espasyo. Puwede mo itong ituring na bersyon ng internet sa hinaharap. Sa metaverse, ang mga user ay puwedeng magtrabaho, magkita, maglaro, at makisalamuha nang magkakasama sa mga 3D na espasyong ito.

Hindi totoong-totoo ang metaverse, pero may mga elementong parang pang-metaverse sa ilang platform. Sa kasalukuyan, ibinibigay ng mga video game ang pinakamalapit na karanasan sa metaverse na iniaalok. Sinagad ng mga developer ang mga posibilidad kung ano ang isang laro sa pamamagitan ng pagho-host ng mga event sa laro at paggawa ng mga virtual na ekonomiya.

Bagama't hindi ito kinakailangan, puwedeng maging napakaakma ng mga cryptocurrency sa isang metaverse. Nagbibigay-daan ang mga ito sa paggawa ng digital na ekonomiya na may iba't ibang uri ng mga utility token at virtual collectible (NFT). Makikinabang din ang metaverse sa paggamit ng mga crypto wallet, gaya ng Trust Wallet at MetaMask. Makakapagbigay rin ang teknolohiya ng blockchain ng mga transparent at maaasahang sistema ng pamamahala.

Mayroon nang mga blockchain application na parang pang-metaverse at nagbibigay ang mga ito sa mga tao ng mga kitang puwede nang ikabuhay. Ang Axie Infinity ay isang play-to-earn game na nilalaro ng maraming user bilang pandagdag sa kanilang kita. Ang SecondLive at Decentraland ay iba pang halimbawa ng matagumpay na pagsasama ng mundo ng blockchain at mga virtual reality app.

Kapag tiningnan natin ang hinaharap, sinusubukang manguna ng malalaking tech giant. Gayunpaman, nakakasali rin sa pag-unlad ng metaverse ang mas maliliit na kalahok dahil sa mga desentralisadong aspekto ng industriya ng blockchain.


Panimula

Nagiging mas magkakaugnay na ang mga pampinansyal, virtual, at pisikal na mundo. Sa mga device na ginagamit natin para pamahalaan ang ating mga buhay, nagkakaroon tayo ng access sa kahit anong gusto natin sa pagpindot lang sa isang button. Hindi rin nakakawala rito ang ecosystem ng crypto. Hindi na lang limitado sa mga crypto geek ang mga NFT, laro sa blockchain, at pagbabayad gamit ang crypto. Madali na ngayong magamit ang lahat ng ito bilang bahagi ng umuunlad na metaverse.


Ano ang kahulugan ng metaverse?

Ang metaverse ay isang konsepto ng online na 3D na virtual na espasyo na nagkokonekta sa mga user sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. Pagkokone-konektahin nito ang maraming platform, katulad ng internet na naglalaman ng iba't ibang website na naa-access gamit ang iisang browser. 

Binuo ang konsepto sa science fiction na nobelang Snow Crash ni Neal Stephenson. Gayunpaman, bagama't kathang-isip lang noon ang ideya ng metaverse, mukhang posible na itong magkatotoo sa hinaharap.

Ang metaverse ay papaganahin ng augmented reality, kung saan may kokontroling character o avatar ang bawat user. Halimbawa, posibleng makipag-mixed reality meeting ka gamit ang Oculus VR headset sa iyong virtual office, matapos ka sa trabaho at mag-relax ka sa isang larong nakabatay sa blockchain, at pagkatapos ay pamahalaan mo ang iyong crypto portfolio at mga pananalapi sa loob ng metaverse.
Nakikita mo na ang ilang aspekto ng metaverse sa mga dati nang virtual na mundo ng video game. Sa mga laro gaya ng Second Life at Fortnite o mga socialization tool para sa trabaho gaya ng Gather.town, pinagsasama-sama ang maraming elemento ng ating buhay sa mga online na mundo. Bagama't hindi metaverse ang mga application na ito, may pagkakatulad ang mga ito. Wala pa ring metaverse. 

Bukod sa pagsuporta sa gaming o social media, pagsasama-samahin ng metaverse ang mga ekonomiya, digital na pagkakakilanlan, desentralisadong pamamahala, at iba pang application. Kahit sa kasalukuyan, nakakatulong ang paggawa at pagmamay-ari ng user ng mahahalagang item at currency para makabuo ng nagkakaisang metaverse. Ibinibigay ng lahat ng feature na ito sa blockchain ang potensyal na paganahin ang teknolohiyang ito sa hinaharap.


Bakit nauugnay ang mga video game sa metaverse?

Dahil sa pagbibigay-diin sa 3D virtual reality, iniaalok ng mga video game ang pinakamalapit na karanasan sa metaverse sa kasalukuyan. Pero ang puntong ito ay hindi lang dahil 3D ang mga ito. Nag-aalok na ngayon ang mga video game ng mga serbisyo at feature na nagagamit din sa iba pang aspekto ng ating mga buhay. Nagho-host pa nga ang video game na Roblox ng mga event gaya ng mga concert at meetup. Hindi na lang basta naglalaro ang mga manlalaro; ginagamit na rin nila ito sa iba pang aktibidad at bahagi sa kanilang mga buhay sa "cyberspace." Halimbawa, sa multiplayer na larong Fortnite, 12.3 na milyong manlalaro ang sumali sa virtual in-game music tour ni Travis Scott.


Paano naging angkop ang crypto sa metaverse?

Ibinibigay ng gaming ang 3D na aspekto ng metaverse pero hindi nito saklaw ang lahat ng kailangan sa isang virtual na mundo kung saan masasaklawan ang lahat ng aspekto ng buhay. Maiaalok ng crypto ang iba pang mahahalagang bahagi na kinakailangan, gaya ng digital na patunay ng pagmamay-ari, paglilipat ng halaga, pamamahala, at accessibility. Pero ano ba mismo ang ibig sabihin ng mga ito?

Kung sa hinaharap, tayo ay magtatrabaho, makikisalamuha, at bibili ng mga virtual item sa metaverse, kailangan natin ng secure na paraan ng pagpapakita ng pagmamay-ari. Kailangan din nating maramdaman na ligtas ang paglilipat ng mga item na ito at ng pera sa metaverse. Bilang pangwakas, gugustuhin din nating magkaroon ng papel sa pagdedesisyong nangyayari sa metaverse kung magiging napakalaking bahagi ito ng ating mga buhay.

Mayroon nang ilang pangunahing solusyon sa ilang video game, pero maraming developer ang crypto at blockchain ang ginagamit bilang mas mainam na opsyon. Nagbibigay ang blockchain ng desentralisado at transparent na paraan ng pangangasiwa sa mga paksa, habang mas sentralisado ang pag-develop ng video game.

Nakakakuha rin ng impluwensya sa mundo ng video game ang mga developer ng blockchain. Pangkaraniwan ang gamification sa Decentralized Finance (DeFi) at GameFi. Mukhang magkakaroon ng mga sapat na pagkakatulad sa hinaharap na baka nga maging mas integrated pa ang dalawang mundo. Ang mga pangunahing aspekto ng blockchain na angkop sa metaverse ay:

1. Digital na patunay ng pagmamay-ari: Sa pamamagitan ng pagmamay-ari ng wallet na may access sa iyong mga pribadong key, mapapatunayan mo agad ang pagmamay-ari sa aktibidad o isang asset sa blockchain. Halimbawa, puwede kang magpakita ng eksaktong transcript ng iyong mga transaksyon sa blockchain habang nasa trabaho para magpakita ng accountability. Ang wallet ay isa sa mga pinaka-secure at pinakamahusay na paraan para sa pagtatakda ng digital na pagkakakilanlan at patunay ng pagmamay-ari.
2. Digital collectibility: Kung kaya nating itakda kung sino ang nagmamay-ari sa isang bagay, kaya rin nating ipakita na orihinal at natatangi ang isang item. Para sa metaverse na gustong magsama ng mga aktibidad na mas makatotohanan, mahalaga ito. Gamit ang mga NFT, makakagawa tayo ng mga bagay na 100% natatangi at hinding-hindi makokopya nang eksakto o mapepeke. Puwede ring kumatawan ang blockchain sa pagmamay-ari ng mga pisikal na item.
3. Paglilipat ng halaga: Mangangailangan ang metaverse ng secure na paraan para maglipat ng halaga na pinagkakatiwalaan ng mga user. Hindi kasing-secure ng crypto sa blockchain ang mga in-game currency sa mga multiplayer na laro. Kung gugugol ang mga user ng maraming panahon sa metaverse at kung kikita pa sila roon, mangangailangan sila ng maaasahang currency.
4. Pamamahala: Mahalaga rin dapat sa mga user ang kakayahang kontrolin ang mga panuntunan ng iyong pakikipag-ugnayan sa metaverse. Sa totoong buhay, puwede tayong magkaroon ng mga karapatan sa pagboto sa mga kumpanya at bumoto ng mga pinuno at pamahalaan. Mangangailangan din ang metaverse ng mga paraan para magpatupad ng patas na pamamahala, at ang blockchain ay isa nang napatunayang paraan ng paggawa nito.
5. Accessibility: Puwedeng gumawa ng wallet ang kahit sino sa buong mundo sa mga pampublikong blockchain. Hindi tulad ng bank account, hindi mo kailangang magbayad ng anumang pera o magbigay ng anumang detalye. Kaya naman isa ito sa mga pinaka-accessible na paraan para mamahala ng pananalapi at isang online na digital na pagkakakilanlan.
6. Interoperability: Tuloy-tuloy na pinapahusay ng teknolohiya ng blockchain ang compatibility sa pagitan ng iba't ibang platform. Nagbibigay-daan ang mga proyektong tulad ng Polkadot (DOT) at Avalanche (AVAX) sa paggawa ng mga custom na blockchain na puwedeng makipag-ugnayan sa isa't isa. Kakailanganing magkonekta ng maraming proyekto ang isang metaverse, at may mga solusyon na para dito ang teknolohiya ng blockchain.


Ano ang trabaho sa metaverse?

Gaya ng nabanggit namin, pagsasama-samahin ng metaverse ang lahat ng aspekto ng buhay sa iisang lugar. Bagama't maraming tao ang nagtatrabaho na sa bahay, sa metaverse, makakapasok ka sa 3D na opisina at makakaugnayan mo ang mga avatar ng iyong mga katrabaho. Posibleng nauugnay rin sa metaverse ang iyong trabaho at posible na direktang magagamit sa metaverse ang susuwelduhin mo rito. Sa katunayan, may mga katulad nang anyo ang mga ganitong uri ng mga trabaho.

Nagbibigay na ngayon ang GameFi at mga play-to-earn na modelo ng tuloy-tuloy na mapagkakakitaan para sa mga tao sa buong mundo. Ang mga online na trabahong ito ay mahuhusay na kandidato para sa pagpapatupad sa metaverse sa hinaharap, dahil ipinapakita ng mga ito na handa ang mga tao na gugulin ang kanilang oras sa pamumuhay at pagkita sa mga virtual na mundo. Ni wala ngang 3D na mundo o avatar sa mga play-to-earn na larong tulad ng Axie Infinity at Gods Unchained. Gayunpaman, ang prinsipyo ay puwede itong maging bahagi ng metaverse bilang paraan para kumita ng pera sa online lang na mundo.


Mga halimbawa ng metaverse

Bagama't wala pa tayong iisang naka-link na metaverse, marami tayong platform at proyektong katulad ng metaverse. Kadalasan, kasama rin sa mga ito ang mga NFT at iba pang elemento ng blockchain. Tumingin tayo ng tatlong halimbawa:

SecondLive

‌Ang SecondLive ay isang 3D na virtual na kapaligiran kung saan nagkokontrol ng mga avatar ang mga user para sa pakikisalamuha, pag-aaral, at pagnenegosyo. Mayroon ding marketplace ng NFT ang proyekto para sa pakikipag-swap ng mga collectible. Noong Setyembre 2020, nag-host ang SecondLive ng Harvest Festival ng Binance Smart Chain bilang bahagi ng unang anibersaryo nito. Nagpakita ang virtual expo ng iba't ibang proyekto sa ecosystem ng BSC na puwedeng tuklasin ng mga user at kung saan sila puwedeng makipag-interact.


Axie Infinity

Ang Axie Infinity ay isang play-to-earn na laro na nagbigay sa mga manlalaro mula sa mga umuunlad na bansa ng pagkakataong magkaroon ng regular na kita. Sa pamamagitan ng pagbili o pagtanggap ng regalong tatlong creature na kilala bilang mga Axie, puwedeng magsimulang mag-farm ng Smooth Love Potion (SLP) token ang isang manlalaro. Kapag ibinenta ito sa bukas na merkado, puwedeng kumita ng humigit-kumulang $200 hanggang $1000 (USD) ang isang tao depende kung gaano kadalas siya maglaro at sa market price.

Bagama't hindi nagbibigay ang Axie Infinity ng isang 3D character o avatar, nagbibigay ito sa mga user ng pagkakataong magkaroon ng trabahong parang pang-metaverse. Baka narinig mo na ang sikat na kuwento ng mga Pilipinong gumagamit dito bilang alternatibo sa full-time na trabaho o kabuhayan.


Decentraland

Ang Decentraland ay isang online na digital na mundo kung saan pinagsasama-sama ang mga social na elemento at mga cryptocurrency, NFT, at virtual real estate. Bukod pa rito, kailangan ding magkaroon ng aktibong tungkulin ang mga manlalaro sa pamamahala sa platform. Tulad ng iba pang laro sa blockchain, ginagamit ang mga NFT para kumatawan sa mga cosmetic collectible. Ginagamit din ang mga ito para sa LAND, isang 16x16 na metrong parcel ng lupa na mabibili ng mga user sa laro gamit ang cryptocurrency na MANA. Ang kumbinasyon ng lahat ng ito ay gumagawa ng kumplikadong crypto-economy.


Ano ang hinaharap ng metaverse?

Ang Facebook ay isa sa mga nangungunang nagtutulak ng paggawa ng pinag-isang metaverse. Partikular itong interesante para sa metaverse na pinapagana ng crypto dahil sa proyektong Diem stablecoin ng Facebook. Hayagang binanggit ni Mark Zuckerberg ang mga plano niyang gumamit ng proyekto sa metaverse para suportahan ang remote na pagtatrabaho at pagandahin ang mga pagkakataong kumita para sa mga taong nasa mga umuunlad na bansa. Dahil sa pagmamay-ari ng Facebook ng mga platform ng social media, komunikasyon, at crypto, mayroon itong magandang panimula sa pagsasama-sama ng lahat ng ito sa iisang mundo. Tina-target din ng iba pang malalaking kumpanya ng teknolohiya ang paggawa ng metaverse, kasama na ang Microsoft, Apple, at Google.
Pagdating sa metaverse na pinapagana ng crypto, mukhang ang susunod na hakbang ay ang higit pang integration sa pagitan ng mga marketplace ng NFT at mga 3D virtual universe. Puwede nang ibenta ng mga may-hawak ng NFT ang kanilang mga produkto mula sa iba't ibang pinagmulan sa mga marketplace gaya ng OpenSea at BakerySwap, pero wala pang sikat na 3D platform para dito. Sa mas malawakan, posibleng gumawa ang mga developer ng blockchain ng mga sikat na application na parang pang-metaverse na mas maraming organic na user kaysa sa isang malaking tech giant.


Mga pangwakas na pananaw

Bagama't malamang na malayo-layo pang magkaroon ng isang nagkakaisang metaverse, nakakakita na tayo ng mga pag-unlad na posibleng humantong sa paggawa nito. Mukhang isa na naman itong sci-fi na gamit ng teknolohiya ng blockchain at mga cryptocurrency. Walang katiyakan kung talaga bang aabot tayo sa punto ng pagkakaroon ng metaverse. Pero sa ngayon, nakakaranas na tayo ng mga proyektong parang pang-metaverse at patuloy na dumadalas ang paggamit natin ng blockchain sa ating mga pang-araw-araw na buhay.