TL;DR
Ang Maximal Extractable Value (MEV) — na dating kilala bilang Miner Extractable Value — ay tumutukoy sa isang diskarte para magsama, mag-alis, o magbago ng pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon kapag gumagawa ng bagong block. Ang layunin ng MEV ay lumikha ng maraming karagdagang kita hangga't maaari. Pinakaangkop ang mga block producer sa paggawa nito dahil may kakayahan silang pumili at magsunod-sunod ng mga transaksyon.
Gayunpaman, puwede ring magbayad ng bayarin ang iba pang kalahok sa network (na kilala bilang mga searcher) para maglagay ng mga transaksyon kung makakakita sila ng pagkakataon sa MEV, gaya ng arbitrage, front-running, o liquidation. Pinakamadalas na nakikita ang MEV sa mga network na nakakagamit ng smart contract kung saan may kasamang mas kumplikadong impormasyon ang mga transaksyon sa blockchain.
Panimula
Ang MEV ay isang termino sa crypto na ginagamit para ilarawan ang sadyang pagbago sa pagkakasunod-sunod, pagsasama, o hindi pagsasama ng mga transaksyon kapag gumagawa ng bagong block (na idaragdag sa isang blockchain) para kumita nang malaki hangga't maaari. Isipin ito bilang dagdag na halaga na mapipiga sa isang block bukod pa sa karaniwang reward at bayarin sa gas sa pamamagitan ng pagpili kung aling mga transaksyon ang isasama, at sa kung anong pagkakasunod-sunod.
Pinakamadalas na naiuugnay ang MEV sa Ethereum network dahil sa malaking decentralized finance (DeFi) ecosystem nito. Kung mas kumplikado ang mga transaksyong kasama sa isang block — halimbawa, ang mga smart contract na nakakonekta sa pagpapahiram, paghiram, o pag-trade — magkakaroon ng mas maraming pagkakataon para magkaroon ng dagdag na kita ang mga block producer (ma-extract ang maximum na halaga) sa pamamagitan ng pagpapasya kung isasama ba o aalisin ang ilang partikular na transaksyon, o kung babaguhin ba ang pagkakasunod-sunod ng mga ito.
Ano ang MEV?
Noong unang inilabas ang konseptong ito, sa pangkalahatan, nauugnay ito sa Ethereum network, na gumamit ng proof-of-work (PoW) na mekanismo ng consensus noong panahong iyon. Dahil dito, ang mga minero ang may kakayahang baguhin ang pagkakasunod-sunod, magsama, o huwag magsama ng mga transaksyon kapag gumagawa ng mga block, at ang puwedeng magdesisyon tungkol dito para makakuha ng dagdag na halaga.
Humantong ito sa pagbuo sa terminong Miner Extractable Value para maipaliwanag ang phenomenon ng pag-extract na ito ng dagdag na kita hangga't maaari. Gayunpaman, noong Setyembre 2022, na-finalize ng Ethereum ang Merge, na isang teknikal na upgrade na nagpalit sa mekanismo ng consensus ng network mula PoW para maging proof-of-stake (PoS).
Dahil dito, hindi na mga minero kung hindi mga validator na ang gumagawa ng mga bagong block sa Ethereum network. Gayunpaman, hindi immune sa MEV ang mga PoS system. Gumagawa pa rin ng mga block, kaya sinumang pipili kung aling mga transaksyon ang isasama, at sa anong pagkakasunod-sunod, ay makakapagpasya sa paraang makakatulong sa kanyang mag-extract ng maraming pera mula sa isang block hangga't maaari. Bagama't nandiyan pa rin ang lumang konsepto ng MEV, ang ibig sabihin na raw nito ngayon ay Maximal Extractable Value, dahil hindi na ito eksklusibo sa mga minero.
Paano Gumagana ang MEV?
Para maunawaan kung paano gumagana ang MEV, kailangan ng pangunahing pag-unawa sa tungkulin ng mga block producer (mga minero man sila o mga validator). Napakahalaga ng kanilang tungkulin sa pag-secure at pagpapanatili ng mga blockchain network, at responsable sila sa pag-verify ng mga transaksyon at pagdaragdag ng mga ito sa network sa anyo ng mga block. Depende sa partikular na chain, kilala ang prosesong ito bilang pagmimina o pag-validate.
Sa madaling sabi, ginagarantiyahan ng mga block producer ang integridad ng mga transaksyon sa network at tinitiyak nila na patuloy itong gagana. Kung wala sila, walang bagong data na maidaragdag sa chain. Ang mga block producer ang nangongolekta ng data ng transaksyon ng user at nag-aayos ng mga ito sa mga block na idaragdag sa network chain.
Ang mahalagang bagay na dapat tandaan ay ang mga block producer ang bahala kung aling mga transaksyon ang isasama sa kanilang mga block. Ayon sa lohika, pinipili ang mga transaksyon batay sa kakayahang mapagkakitaan, ibig sabihin, ang may mga nakakabit na pinakamatataas na bayarin ang unang mapipili. Ito ang dahilan kaya nagbabayad ang mga user ng mas matataas na bayarin sa gas (o bayarin sa transaksyon) sa mga panahong abala — para matiyak na unang mapipili ang kanilang mga transaksyon. Kung pipiliin ng isang block producer ang mga transaksyong may pinakamatataas na bayarin, mas malaki ang kikitain niya. Dahil dito, mas matagal na maghihintay ang mga transaksyong may mas mabababang bayarin bago maisama ang mga ito sa isang block.
Gayunpaman, walang panuntunang nagsasabi na dapat piliin o pagsunud-sunurin ang mga transaksyon batay sa bayarin. Kapag may mas kumplikadong impormasyon ang mga transaksyon (tulad sa mga blockchain na nakakagamit ng smart contract), ang mga block producer ay puwedeng magsama, hindi magsama, o magbago ng pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon para madagdagan ang kanilang kita bukod pa sa mga karaniwang reward ng block at bayarin.
Halimbawa, sa pamamagitan ng pagpili ng ilang partikular na transaksyon kaysa sa iba at pagsusunod-sunod ng mga ito sa isang partikular na paraan, puwedeng magkaroon ng mga karagdagang kita dahil sa mga magreresultang pagkakataon sa arbitrage o liquidation sa chain. Ito ang likas na katangian ng MEV: ang proseso ng pagpili at pagsusunod-sunod ng mga transaksyon para madagdagan ang kita.
Mga searcher ng MEV
Bagama't mukhang mga block producer lang ang nakikinabang sa diskarteng MEV, malaking bahagi ng MEV ang sine-secure ng iba pang kalahok, na kilala bilang mga “searcher.” Gumagamit ang mga kalahok na ito ng mga pagpapatakbong partikular sa MEV na nagsusuri ng data ng network para maghanap ng mga mapagkakakitaang pagkakataon sa MEV.
Karaniwang napakatataas na bayarin sa gas ang binabayaran ng mga searcher sa mga block producer para matiyak na maipapatupad ang kanilang mga mapagkakakitaang transaksyon at diskarte sa MEV. Batay sa katwiran, depende sa kumpetisyon para isang pagkakataon sa MEV, puwedeng makatanggap ang isang block producer ng bayarin sa gas na hanggang 99.99% ng potensyal na kita ng isang searcher.
Halimbawa, tingnan natin ang arbitrage sa decentralized exchange (DEX), kung saan alam na ang mga searcher ay nagbabayad ng bayarin sa gas na may halagang lampas 90% ng kanilang kita sa MEV — ginagawa nila iyon dahil iyon lang ang paraan para matiyak na magpapatupad ng mapagkakakitaang trade ng arbitrage bago ang mga katulad na trade.
Mga Karaniwang Halimbawa ng MEV
Ang arbitrage, front-running, at liquidation ay lahat nag-aalok ng mga pagkakataon sa mga searcher at block producer na gustong kumita sa pamamagitan ng MEV. Sa ibaba, titingnan natin nang mas mabuti ang mga halimbawang ito para makapagbigay ng mas detalyadong pag-unawa kung ano ang MEV at kung paano ito gumagana.
Arbitrage
Kapag hindi pare-pareho ang presyo ng isang asset sa iba't ibang palitan, may pagkakataon agad sa arbitrage. Sa mundo ng crypto, puwedeng magkaiba ang presyo ng iisang token sa dalawang magkaibang DEX. Kapag may nakakita nito (isang arbitrageur), kikilos sila para mag-trade at pagkakitaan ang pagkakaiba. Nangyayari ang MEV kapag natukoy ng bot ng isang searcher ang nakabinbing transaksyon at nagpasok siya ng sarili niyang transaksyon bago ito para ma-extract ang halagang iniaalok ng pagkakataong iyon sa arbitrage.
Front-running
Masusulit ng mga searcher at block producer ang kakayahan nilang pagsunud-sunurin ang mga transaksyon sa isang block para mag-front run ng malaking buy order na nakabinbin pa rin sa pool ng transaksyon. Nangyayari ang MEV kapag may katulad na buy order na ipinasok bago ang trade na iyon para magkaroon ng mas magandang presyo bago pumasok ang malaking buy order, na magpapataas ng presyo ng digital na asset.
Isang katulad na diskarte ng MEV ang “sandwiching,” kung saan naglalagay ng buy order bago ang at ng sell order pagkatapos ng isang partikular na transaksyon sa paggalaw ng presyo, kaya naman nasusulit ang pressure sa presyo mula sa magkabilang panig.
Mga Liquidation
Nagbibigay-daan ang DeFi sa mga user na kumuha ng mga pautang gamit ang mga idinepositong digital na asset bilang collateral. Kung gagalaw ang merkado at babagsak ang halaga sa isang partikular na presyo, mali-liquidate ang posisyong iyon. Kadalasang nagbibigay ng reward o bayad ang mga sangkot na smart contract sa transaksyong magti-trigger sa liquidation.
Mayroon ditong pagkakataon sa MEV para sa sinumang searcher o block producer na nagpapagana ng mga bot para makakita ng ganitong uri ng transaksyon, at makakapagpasok ng sarili nilang transaksyon ng liquidation sa block bago ang kahit sino pang iba, kaya mae-extract nila ang halaga ng reward.
Mga Pangwakas na Pananaw: Ang Mga Bentahe at Kahinaan ng MEV
Ang MEV ay isang makatuwirang diskarte dahil sa pangkalahatan, ang mga gumagamit nito ay sumusubok na ma-maximize ang kanilang mga kita. Igigiit ng ilan na makikinabang dito ang mas malaking bahagi ng ecosystem sa pamamagitan ng pagtiyak na maitatama ang mga kakulangan sa lalong madaling panahon.
Halimbawa, ang mga searcher ng MEV na nag-uunahang makakuha ng halaga mula sa mga pagkakataon sa arbitrage ay puwedeng humantong sa mga mabilisang pagtatama ng presyo sa iba't ibang DEX. Gayundin, ayaw ng mga protocol sa pagpapahiram na hindi masuri ang mga mapanganib na pautang kung sakaling magiging hindi balansyado ang mga antas ng paggamit ng collateral, kaya humahantong ang pagtulak sa liquidation ng MEV sa pagbabayad sa mga nagpapahiram sa lalong madaling panahon.
Gayunpaman, ang MEV ay mayroon ding dalang ilang isyu na hindi dapat balewalain. Ang ilang pagpapatupad, gaya ng front-running at sandwiching, ay lumilikha ng hindi magagandang resulta para sa iba pang user, na napipilitang magbayad nang sobra sa kanilang mga trade, makaranas ng mas malaking slippage, o mawalan ng halaga sa isang sitwasyong maituturing na zero-sum na laro.
Dagdag pa rito, puwedeng humantong ang aktibidad ng searcher ng MEV sa mas matataas na bayarin sa gas at congestion sa network habang nagkukumpitensya ang mga ito na maipasok ang kanilang mga transaksyon sa mga block para makuha ang magreresultang halaga.
Sa pangunahing antas, kung ang halaga mula sa pagbabago ng pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon sa isang dating block ay mas malaki kaysa sa mga reward at bayarin ng susunod na block, dahil sa MEV, puwedeng maging makatuwiran sa usaping pinansyal na mag-commit ang isang block producer sa pagbabago ng pagkakasunod-sunod ng blockchain. Pagkatapos, magiging banta ito sa consensus at integridad ng network.
Habang patuloy na nagbabago nang mabilisan ang ecosystem, pangunahin na ngayong larangan ng pananaliksik at pagpapahusay sa industriya ang paghahanap ng mga solusyon sa mga problemang ito na may kinalaman sa MEV.