Ano ang Average True Range?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Average True Range?

Ano ang Average True Range?

Intermediya
Na-publish Sep 21, 2022Na-update Dec 23, 2022
4m

TL;DR

Ang Average True Range (ATR) ay isang karaniwang ginagamit na indicator ng technical analysis para sa pagtantya sa volatility ng merkado sa loob ng isang partikular na yugto. Ang ATR, na ginagamit bilang tool para tukuyin ang volatility, ay ginawa ng technical analyst na si J. Welles Wilder Jr. sa libro niyang "New Concepts in Technical Trading Systems", na inilathala noong 1978. 

Sa loob ng 14 na araw, magagamit ang ATR para kalkulahin at ibigay ang tinantyang volatility ng presyo sa iba't ibang true range para makatukoy ng average. Bagama't may iba't ibang benepisyo ang ATR, kasama na ang bilang tulong sa mga trader para matukoy ang mga stop-loss price, may ilang limitasyon ito.

Panimula

Kilalang-kilala ang pag-trade dahil sa volatility nito, lalo na sa mga cryptocurrency. Karaniwang nilalayon ng mga trader na sulitin ang mga paggalaw ng presyo na ito at sinusubukan nila itong hulaan. Isang posibleng paraan ang mga indicator ng technical analysis at volatility ng presyo gaya ng Average True Range (ATR). Para sa maraming trader, isa itong mahalagang tool na maunawaan at idagdag sa kanilang technical analysis toolkit. 

Ano ang Average True Range? 

Ginawa ang ATR ng technical analyst na si J. Welles Wilder Jr. noong 1978 bilang tool na panukat ng volatility. Mula noon, naging isa na ang ATR sa mga pinakakilalang anyo ng teknikal na indicator ng volatility

Isa na ngayon itong mahalagang bahagi ng iba pang indicator na tumutukoy sa paggalaw ng mga merkado ayon sa direksyon, gaya ng Average Directional Movement Index (ADXt ) Average Directional Movement Index Rating (ADXR). Gamit ang ATR, sinusubukan ng mga trader na tumukoy ng mainam na panahon para mag-trade ng mga volatile na pagbabago-bago.

Kinakalkula ng indicator ang average na presyo ng mga asset sa merkado sa loob ng 14 na araw. Hindi nagbibigay ang ATR ng impormasyon sa trend o direksyon ng presyo pero nag-aalok ito ng pananaw sa volatility ng presyo sa panahong iyon. Isinasaad ng mataas na ATR na mataas ang volatility ng presyo sa ibinigay na panahon, at isinasaad ng mababang ATR na mababa ang volatility ng presyo. 

Kapag tinutukoy kung gusto nilang bumili o magbenta ng mga asset sa nasabing panahon, ang mga mababa o mataas na volatility ng presyo na ito ang isinasaalang-alang ng mga trader. Mahalagang tandaan na tinatantya lang ng ATR ang volatility ng presyo at dapat lang itong gamitin bilang pantulong.

Paano mo kinakalkula ang Average True Range?

Para kalkulahin ang ATR, dapat mong hanapin ang pinakamataas na true range o TR ng isang partikular na yugto. Ang ibig sabihin nito ay kalkulahin ang tatlong iba't ibang range at piliin ang pinakamataas sa tatlo:

  1. Ang high ng pinakabagong yugto at ang low ng pinakabagong yugto

  2. Ang absolute value (nang binabalewala ang anumang negative sign) ng high ng pinakabagong yugto na binawasan ng nakaraang close price

  3. Ang absolute value ng low ng pinakabagong yugto na binawasan ng nakaraang close price

Puwedeng mag-iba ang yugto depende sa pinagtutuunang yugto ng trader. Halimbawa, sa crypto, puwedeng 24 na oras ang yugto, habang sa mga stock, puwedeng isa itong araw ng pag-trade. Para matukoy ang average true range sa isang yugto ng panahon (karaniwang 14 na araw), kinakalkula ang true range para sa bawat yugto at kinukuha ang kabuuan nito, at kumukuha ng simple average. 

Sa pagtukoy sa ATR ng nasabing panahon, matututo ang mga trader tungkol sa volatility ng mga presyo ng asset sa panahong iyon. Kadalasan, makikita ng isang trader ang ATR bilang isang linya sa kanyang mga chart. Sa ibaba, makikita mo na tumataas ang linya ng ATR habang tumataas ang volatility (sa alinmang direksyon ng presyo).

Bakit gumagamit ng Average True Range ang mga trader ng cryptocurrency?

Madalas na gumagamit ng ATR ang mga trader ng cryptocurrency para tantyahin ang volatility ng presyo sa isang yugto. Partikular na kapaki-pakinabang ang ATR sa crypto dahil sa mataas na volatility na nakikita sa mga merkado ng crypto. Isang karaniwang diskarte ang gumamit ng ATR para magtakda ng mga take-profit at stop-loss order.

Kapag gumagamit ng ATR sa ganitong paraan, maiiwasan mo ang noise sa merkado na nakakaapekto sa iyong mga diskarte sa pag-trade. Kung sinusubukan mong mag-trade ng pinaghihinalaang pangmatagalang trend, hindi mo gugustuhing isara nang maaga ng pang-araw-araw na volatility ang iyong mga posisyon.

Isang karaniwang paraan ang pag-multiply ng ATR sa 1.5 o 2, pagkatapos ay ang paggamit ng halagang ito para itakda ang stop-loss nang mas mababa kaysa sa iyong entry price. Hindi dapat umabot ang pang-araw-araw na volatility sa iyong stop-loss trigger price; kung aabot ito, isa itong magandang indicator na malaki ang ibinababa ng merkado.

Ano ang mga problema sa paggamit ng Average True Range?

Bagama't nagbibigay ang ATR ng mga benepisyo sa mga user nito dahil sa adaptability nito at pag-detect sa pagbabago ng presyo, mayroon itong dalawang pangunahing kahinaan:

1. Kadalasang bukas sa interpretasyon ang ATR. Puwede itong maging kahinaan dahil walang iisang value ng ATR ang malinaw na makakatukoy kung mababaliktad ang isang trend o hindi. 

2. Dahil volatility lang ng presyo ang sinusukat ng ATR, hindi nito sinasabi sa mga trader ang tungkol sa pagbabago sa direksyon ng presyo ng isang asset. Isang halimbawa ang kapag may biglang pataas sa ATR, posible na sa palagay ng ilang trader, kinukumpirma nito ang dati nang pataas o pababang trend, na puwedeng maging mali.

Mga pangwakas na pananaw 

Mahalaga ang ATR sa mga toolkit ng maraming trader para sa pag-unawa ng mga pattern ng volatility. Dahil isa sa mga pangunahing isinasaalang-alang ang volatility pagdating sa pag-trade ng cryptocurrency, partikular itong naaangkop sa mga digital na crypto asset. Ang kalakasan nito ay nasa pagiging simple nito, pero tandaan ang mga limitasyon nito kung magpapasya kang pag-eksperimentuhan ito sa iyong mga aktibidad sa pag-trade.