Pagpapaliwanag sa Ichimoku Clouds
Pagpapaliwanag sa Ichimoku Clouds
HomeMga Artikulo
Pagpapaliwanag sa Ichimoku Clouds

Pagpapaliwanag sa Ichimoku Clouds

Intermediya
Published Jun 10, 2019Updated Apr 29, 2021
6m
Isang paraan sa technical analysis ang Ichumoku Cloud na pinagsasama ang iba’t ibang indicator sa isang chart. Ginagamit ito sa mga candlestick chart bilang isang kasangkapan sa trading na nagbibigay ng makabuluhang impormasyon tungkol sa potensyal na support at resistance price zones. Ginagamit ito bilang isang forecasting tool, at maraming trader ang gumagamit nito sa tangkang pagtukoy sa mga hinaharap na direksyon ng trend at market momentum.

Binuo ang konsepto ng Ichimoku Cloud noong huling bahagi ng 1930s ng isang Hapong peryodista na si Goichi Hosada. Ganunpaman, noong lamang 1969 nailathala ang kanyang makabagong istratehiya sa trading, matapos ang ilang dekada ng pag-aaral at pagpapabuti sa teknikal na aspeto nito. Tinawag ito ni Hosada na Ichimoku Kinko Hyo, na nangangahulugang “balanseng chart sa unang tingin.”


Paano ito gumagana?

Ipinapakita ng sistemang Ichimoku Cloud ang mga datos na parehong base sa mga nangunguna at nahuhuling indicator, at binubuo ang chart ng limang linya:

  1. Conversion Line (Tenkan-sen): 9-period na average ng paggalaw.

  2. Base Line (Kijun-sen): 26-period na average ng paggalaw.

  3. Leading Span A (Senkou Span A): ang average na paggalaw ng Conversion at Base Lines na nai-project ng 26 na period sa hinaharap.

  4. Leading Span B (Senkou Span B): 52-period na average na paggalaw na nai-project ng 26 na period sa hinaharap.

  5. Lagging Span (Chikou Span): ang closing price ng kasalukuyang period na nai-project ng 26 na period sa nakaraan.

Ang espasyo sa pagitan ng Leading Span A (3) at Leading Span B (4) ang gumagawa sa cloud (Kumo), na siyang pinakamahalagang elemento sa sistemang Ichimoku. Ang dalawang mga linya ay nai-project ng 26 na period sa hinaharap para makapagbigay na makabuluhang impormasyon sa forecasting, at ganun din ay itinuturing na leading indicators. Ang Chikous Span (5) naman ang lagging indicator na nai-project ng 26 periods sa nakaraan.

Sa default, makikitang kulay berde o pula ang mga cloud para madali itong basahin. Nabubuo ang berdeng cloud kapag mas mataas ang Leading Span A (berdeng cloud na linya) kaysa sa Leading Span B (pulang cloud na linya). Ang pulang cloud naman ay resulta ng kabaliktarang sitwasyon.

Mahalagang tandaan na di tulad ng ibang mga paraan, ang moving averages na ginagamit ng istratehiyang Ichimoku ay hindi base sa mga closing price ng mga candle. Sa halip, kinakalkula ang average base sa high at low point na naitala sa isang period (high-low average). 

Halimbawa, ang standard equation para sa siyam na araw na Conversion Line ay:

Conversion Line = (9d high + 9d low) / 2


Mga setting ng Ichomoku

Matapos ang higit tatlong dekada ng pananaliksik at pagsusuri, napagpasyahan ni Goichi Hosada na ang (9, 26, 52) na mga setting ang may pinakamagandang resulta. Sa mga panahong iyon, kabilang ang Sabado sa mga araw ng pagnenegosyo sa Japan, kaya ang numerong 9 ay kumakatawan sa isang linggo at kalahati (6 + 3 na araw). Ang mga numerong 26 at 52 ay kumakatawan sa isa at dalawang buwan, ayon sa pagkakabanggit.

Bagamat mas pinipili pa rin ang mga setting na ito sa karamihan ng mga konteksto sa trading, laging nakakapag-adkust ang mga chartist para maging angkop ang mga ito sa iba’t ibang istratehiya. Sa mga cryptocurrencymarket, halimbawa, maraming trader ang nag-aadjust sa Ichimoku settings para maipakita ang 24/7 na mga market - madalas nagbabago mula (9, 26, 52) sa (10, 30, 60). Ang iba ay umaabot pa sa pag-adjust ng settings sa (20, 60, 120) bilang paraan para mapababa ang mga maling signal.

Ganunpaman, may kasalukuyang debate tungkol sa kahusayan ng pagbabago ng settings. Bagamat iginigiit ng ilan na may katuturan ang pag-adjust sa mga ito, sinasabi ng ilan na ang pag-abandona sa standard na settings ay makasisira sa balanse ng sistema at magreresulta sa maraming signal na walang halaga.


Pagkilatis sa chart

Mga trading signal ng Ichimoku

Dahil sa maraming elemento nito, iba’t ibang signal ang nabubuo ng Ichimoku Cloud. Maaring hatiin ang mga ito sa momentum at trend-following na mga signal.

Mga momentum signal: ay nabubuo base sa relasyon sa pagitan ng market price, Base Line, at Conversion Line. Ang mga bullish na momentum signal ay nagagawa kapag alinman o parehong Conversion Line at ang market price ay gumalaw sa ibabaw ng Base Line. Ang mga bearish na momentum signal ay nagagawa kapag alinman o parehong Conversion Line at market price ay gumalaw sa ibaba ng Base Line. Ang pagsalubong sa pagitan ng Conversion Line (Tenkan-sen) at ng Base Line (Kijun-sen) ay madalas tinatawag na TK cross.

Mga trend-following signal: ay nabubuo base sa kulay ng cloud at sa position ng market price ayon sa cloud. Tulad ng nabanggit, ang kulay ng cloud ay kumakatawan sa pagkakaiba ng mga Leading Span na A at B.

Sa madaling sabi, kapag patuloy na nasa itaas ng mga cloud ang mga presyo, mas mataas ang posibilidad na ang asset ay isang upward trend. Salungat naman nito, ang mga presyong gumagalaw sa ibaba ng cloud ay masasabing isang bearish sign, indikasyon ng downtrend. Maliban sa ilan, maaaring ituring ang isang trend na flat o neutral kapag ang presyo ay gumagalaw nang palihis sa loob ng cloud.

Ang Lagging Span (Chikou Span) ay isa namang elemento na makatutulong sa mga trader para makita at makumpirma ang potensyal na pagbaliktad ng trend. Nakapagbibigay ito ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalakasan ng price action, at posibleng pagkumpirma sa bullish trend kapag gumagalaw sa itaas ng market price, o isang bearish trend kapag sa ibaba. Karaniwang ginagamit ang Lagging Span kasabay ng iba pang parte ng Ichomoku Cloud, at hindi nito lamang mag-isa.

Pagbubuod:

  • Mga Momentum signal

    • Paggalaw ng market price sa itaas (bullish) o ibaba (bearish) ng Base Line.

    • TK cross: Paggalaw ng Conversion Line sa itaas (bullish) o ibaba (bearish) ng Base Line.

  • Mga Trend-following signal

    • Paggalaw ng market price sa itaas (bullish) o ibaba (bearish) ng cloud.

    • Pagbabago ng kulay ng Cloud color mula pula na nagiging berde (bullish) o mula berde na nagiging pula (bearish).

    • Lagging Span sa itaas (bullish) o ibaba (bearish) ng market prices.


Mga support at resistance level

Magagamit din ang Ichimoku chart sa pagtukoy sa mga support at resistance zone. Karaniwan na ang Leading Span A (green cloud na linya) ay nagsisilbi bilang support line tuwing mga uptrend at bilang resistance line tuwing mga downtrend. Sa parehong kaso, madalas gumagalaw ang candlestick palapit sa Leading Span A, ngunit kung ang presyo ay gumalaw papasok sa cloud, ang Leading Span B ay maaari ring magsilbi bilang support/resistance line. Dagdag pa rito, ang pagproject ng parehong Leading Span sa 26 na period sa hinaharap ang nagbibigay-daan sa mga trader para umasa sa potensyal na pagdating ng support at resistance zones.


Kalakasan ng mga signal

Nakadepende ang nagagawang kalakasan ng mga signal ng Ichimoku Cloud sa kung pipila ang mga ito sa mas malawak na trend. Ang signal na bahagi ng mas malaki at mas malinaw na trend ay laging mas malakas kaysa sa isang mabilis na napuputol salungat ng nangingibabaw na trend.

Sa ibang salita, ang bullish signal ay maaaring maging mapanlinlang kung walang kasamang bullish trend. Kaya tuwing nabubuo ang isang signal, mahalagang kilalanin ang kulay at position ng cloud. Isa ring dapat isaalang-alang ang trading volume.

Tandaan na ang paggamit ng Ichimoku na may mas maikling timeframe (mga intraday chart) ay madalas nakagagawa ng malabo at maling signal. Sa pangkalahatan, ang mga may mahabang timeframe (arawan, lingguhan, buwanang mga chart) ay makagagawa ng mas maaasahang momentum at trend-following na mga signal.


Pangwakas na ideya

Inilaan ni Goichi Hosada ang higit 30 taon ng kanyang buhay sa pagbuo at pagpulido sa sistema Ichimoku, na ginagamit na ngayon ng milyon-milyong mga trader sa buong mundo. Bilang isang paraan sa charting na maraming nagagawa, parehong ginagamit ang Ichimoku Clouds sa pagtukoy ng market trends at momentum. Ganun din, nagagawang madali ng Leading Spans para sa mga chartist ang pag-abang sa potensyal na lebel ng support at resistance na kinakailangan pang subukin.

Bagamat mukhang matrabaho at kumplikado ang mga chart sa unang tingin, hindi sila umaasa sa pag-iisip ng tao tulad ng sa ibang mga paraan ng technical analysis (gaya ng pagguhit ng mga trend line). At sa kabila ng patuloy na debate tungkol sa Ichimoku settings, masasabing madaling gamitin ang istratehiyang ito. 

Ganunpaman, tulad sa ibang mga indicator, dapat itong gamitin kasabay ng iba pang mga technique para makumpirma ang trend at mapababa ang mga panganib sa trading. Ang dami ng impormasyon na ipinapakita ng chart ay maaari ring magmukhang labis para sa mga nagsisimula. Para sa mga trader na ito, magandang maging komportable sa ibang mga panimulang indicator bago talakayin ang Ichimoku Cloud.