Ano ang Stop-Limit Order?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Stop-Limit Order?

Ano ang Stop-Limit Order?

Baguhan
Na-publish Dec 9, 2018Na-update May 22, 2023
7m

TL;DR

Pinagsasama ng stop-limit order ang isang stop trigger at isang limit order. Nagbibigay-daan ang mga stop-limit order sa mga trader na itakda ang minimum na halaga ng kita na masaya silang makuha o ang maximum na halagang handa nilang gastusin o mawala sa isang trade. Kapag nakapagtakda ka na ng stop-limit order at naabot ang trigger price, awtomatikong maglalagay ng isang limit order, kahit na naka-log out o offline ka. Puwede kang maglagay ng mga stop-limit order sa madiskarteng paraan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga antas ng resistance at support at sa volatility ng asset.

Sa isang stop-limit order, ang stop price ay ang trigger price para maglagay ng limit order ang palitan. Ang limit price ay ang presyo kung saan ilalagay ang iyong order. Puwede mong i-customize ang limit price, na kadalasang itinatakda nang mas mataas kaysa sa stop price para sa isang buy order at mas mababa para sa isang sell order. Sinasakop ng pagkakaiba ang mga pagbabago sa market price sa pagitan ng oras kung kailan na-trigger ang stop price at kung kailan inilagay ang limit order.


Panimula

Kung gusto mong magsimulang aktibong mag-trade sa halip na mag-HODL, malamang na kakailanganin mong gumamit ng higit pa kaysa sa mga market order. Ang stop-limit order ay nagbibigay ng higit na kontrol at pagiging nako-customize. Posibleng nakakalito para sa mga baguhan ang konsepto, kaya talakayin muna natin ang pangunahing pagkakaiba ng mga limit, stop-loss, at stop-limit order.


Limit order vs. stop-loss order vs. stop-limit order

Ang mga limit order, stop-loss order, at stop-limit order ay ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng order. Nagbibigay-daan sa iyo ang mga limit order na magtakda ng hanay ng mga presyo kung saan masaya kang mag-trade, nagtatakda ang stop-loss order ng stop price na nagti-trigger ng market order, at pinagsasama ng stop-limit order ang mga aspekto ng dalawa. Talakayin pa natin ito:

Limit order

Kapag nagtakda ka ng limit order, pipili ka ng maximum na presyo ng pagbili o minimum na presyo ng pagbebenta. Awtomatikong susubukan ng iyong palitan na punan ang limit order kapag naabot ng o mas mataas ang market price kaysa sa limit price mo. Kapaki-pakinabang ang mga order na ito kapag mayroon kang target na presyo ng pagpasok o paglabas, at ayos lang sa iyong maghintay para matugunan ng market ang mga kondisyon mo.

Kadalasan, naglalagay ang mga trader ng mga sell limit order nang mas mataas sa kasalukuyang market price at ng mga buy limit order nang mas mababa sa kasalukuyang market price. Kung maglalagay ka ng limit order sa kasalukuyang market price, malamang na maipatupad ito sa loob ng ilang segundo (maliban na lang kung isa itong merkado na mababa ang liquidity).

Halimbawa, kung ang market price ng Bitcoin ay $32,000 (BUSD), puwede kang magtakda ng buy limit order sa $31,000 para bumili ng BTC sa sandaling umabot ang presyo sa $31,000 o mas mababa. Puwede ka ring maglagay ng sell limit order sa $33,000, ibig sabihin, ibebenta ng palitan ang iyong BTC kung umabot sa $33,000 o mas mataas ang presyo.

Stop-limit order

Gaya ng nabanggit, pinagsasama ng stop-limit order ang stop trigger at limit order.  Nagdaragdag ang stop order ng trigger price para mailagay ng palitan ang iyong limit order. Tingnan natin kung paano ito gumagana.


Paano gumagana ang stop-limit order?

Ang pinakamahusay na paraan para maunawaan ang stop-limit order ay ang hatiin ito sa mga bahagi. Gumaganap ang stop price bilang trigger para maglagay ng limit order. Kapag naabot ng merkado ang stop price, awtomatiko itong gagawa ng limit order na may custom na presyo (limit price).

Bagama't puwedeng magkapareho ang mga stop price at limit price, hindi ito kinakailangan. Sa katunayan, mas ligtas para sa iyo na itakda nang medyo mas mataas ang stop price (trigger price) kaysa sa limit price para sa mga sell order. Para sa mga buy order, puwede mong itakda ang iyong stop price nang medyo mas mababa kaysa sa limit price. Pinapataas nito ang tsansang mapunan ang iyong limit order pagkatapos nitong ma-trigger.


Mga halimbawa ng mga buy at sell stop-limit order

Buy stop-limit

Isiping kasalukuyang nasa $300 (BUSD) ang BNB, at gusto mong bumili kapag nagsimula itong pumasok sa isang bullish trend. Gayunpaman, ayaw mong masyadong magbayad para sa BNB kung mabilis itong magsisimulang tumaas, kaya kailangan mong limitahan ang presyong babayaran mo.

Ipagpalagay na sinasabi sa iyo ng technical analysis mo na posibleng magsimula ang isang uptrend kapag lumampas ang merkado sa $310. Nagpasya kang gumamit ng buy stop-limit order para magbukas ng posisyon, kung sakaling lumampas nga ang merkado sa sinasabing presyo. Itinakda mo ang iyong stop price sa $310 at ang limit price mo sa $315. Sa sandaling umabot sa $310 ang BNB, maglalagay ng isang limit order para bumili ng BNB sa halagang $315. Posibleng mapunan ang iyong order sa presyong 315 o mas mababa. Tandaan na $315 ang iyong limit price, kaya kung mabilis itong mahihigitan ng merkado, posibleng hindi mapunan nang buo ang order mo.

Sell stop-limit

Ipagpalagay na bumili ka ng BNB sa halagang $285 (BUSD), at $300 na ito ngayon. Para maiwasang malugi, nagpasya kang gumamit ng stop-limit order para magbenta ng BNB kung bumalik ang presyo sa presyo noong pumasok ka. Nag-set up ka ng sell stop-limit order na may stop price na $289 at limit price na $285 (ang presyo noong bumili ka ng BNB). Kapag umabot ang presyo sa $289, maglalagay ng isang limit order para magbenta ng BNB sa $285. Posibleng mapunan ang iyong order sa presyong 285 o mas mataas.


Paano maglagay ng stop-limit order sa Binance?

Sabihin nating kakabili mo lang ng limang BTC sa halagang $31, 820.50 (BUSD) dahil naniniwala kang malapit nang tumaas ang presyo.


Sa sitwasyong ito, baka gustuhin mong magtakda ng stop-limit sell order para hindi ka gaanong malugi kung mali ang hinala mo at magsimulang bumagsak ang presyo. Para magawa iyon, mag-log in sa iyong account sa Binance at pumunta sa merkado ng BTC/BUSD. Pagkatapos, i-click ang tab na [Stop-limit] at itakda ang stop at limit price, kasama ng halaga ng BTC na ibebenta.

Kung naniniwala kang isang maaasahang antas ng support ang $31, 820, puwede kang magtakda ng stop-limit order nang medyo mas mababa lang sa presyong ito (kung sakaling hindi ito ma-hold). Sa halimbawang ito, maglalagay tayo ng stop-limit order para sa 5 BTC kung saan $31,790 ang stop price at $31,700 ang limit price. Talakayin natin ito nang isa-isa.


Kapag nag-click ka sa [Magbenta ng BTC], may lalabas na window ng kumpirmasyon. Tiyaking tama ang lahat at pindutin ang [Maglagay ng Order] para kumpirmahin. Pagkatapos ilagay ang iyong stop-limit order, makakakita ka ng mensahe ng kumpirmasyon. Puwede ka ring mag-scroll pababa para makita at mapamahalaan ang iyong mga bukas na order.


Tandaan na ipapatupad lang ang stop-limit order kung at kapag naabot ang stop price. Ibig sabihin nito, mapupunan lang ang limit order kung umabot ang market price sa iyong limit price o mas maganda pa. Kung na-trigger ang iyong limit order (ng stop price), pero hindi umabot ang market price sa presyong itinakda mo o mas maganda pa, mananatiling bukas ang limit order.

Kung minsan, baka mapunta ka sa isang sitwasyon kung saan masyadong mabilis bumagsak ang presyo, at nalampasan ang iyong stop-limit order nang hindi ito napupunan. Sa ganitong sitwasyon, baka kailanganin mong umapela sa mga market order para mabilis na umalis sa trade.


Mga bentahe ng paggamit ng stop-limit order

Nagbibigay-daan sa iyo ang stop-limit order na i-customize at planuhin ang mga trade mo. Hindi natin laging matitingnan ang presyo, lalo na sa 24/7 na merkado ng crypto. Isa pang bentahe ay nagbibigay-daan sa iyo ang stop-limit order na magtakda ng angkop na halaga ng kita na makukuha. Kapag walang limitasyon, mapupunan ang iyong order ng kung ano man ang market price. Mas gusto ng ilang trader na mag-hold kaysa magbenta anuman ang mangyari.


Mga disbentahe ng paggamit ng stop-limit order

Pareho ang mga disbentahe ng mga stop-limit order at limit order, pangunahin na dahil walang garantiyang maipapatupad ang mga ito. Magsisimula lang mapunan ang isang limit order kapag naabot nito ang isang partikular o mas mataas na presyo. Gayunpaman, puwedeng hindi kailanman maabot ang presyong iyon. Bagama't puwede kang gumawa ng agwat sa pagitan ng iyong limit price at stop price, baka hindi sapat ang agwat na iyon kung minsan. Puwedeng malampasan ng mga asset na masyadong volatile ang spread na inilagay mo sa iyong order.

Puwede ring maging problema ang liquidity kung walang sapat na taker para punan ang iyong order. Kung nag-aalala ka dahil hindi gaanong napupunan ang iyong mga order, pag-isipang gumamit ng fill or kill. Tinutukoy ng opsyong ito na dapat lang ipatupad ang iyong order kung ganap itong mapupunan. Gayunpaman, tandaan na kapag mas maraming kondisyon ang idinaragdag mo sa iyong order, mas malamang na hindi talaga ito maipatupad.


Mga diskarte sa paglalagay ng mga stop-limit order

Ngayong napag-aralan na natin ang mga stop-limit order, ano ang pinakamahusay na paraan para gamitin ang mga ito? Narito ang ilang pangunahing diskarte sa pag-trade para gawing mas epektibo ang iyong mga stop-limit order at maiwasan ang ilan sa mga disbentahe ng mga ito.  

1. Pag-aralan ang volatility ng asset kung saan ka naglalagay ng stop-limit order. Inirekomenda na namin ang pagtatakda ng maliit na spread sa pagitan ng stop order at limit order para lumaki ang tsansang mapunan ang iyong limit order. Gayunpaman, kung volatile ang asset na tine-trade mo, baka kailanganin mong itakda nang medyo mas malaki ang iyong spread. 
2. Isipin ang tungkol sa liquidity ng asset na tine-trade mo. Partikular na kapaki-pakinabang ang mga stop-limit order kapag nagte-trade ng mga asset na may malaking bid-ask spread o mababang liquidity (para maiwasan ang mga hindi gustong presyo dahil sa slippage).
3. Gumamit ng technical analysis para matukoy ang mga antas ng presyo. Magandang ideya na itakda ang iyong stop price sa antas ng support o resistance ng isang asset. Isang paraan para matukoy ang mga antas na ito ay sa pamamagitan ng technical analysis. Halimbawa, puwede kang gumamit ng buy stop-limit order na may stop price na medyo mas mataas sa mahalagang antas ng resistance para samantalahin ang paglampas ng merkado. O kaya, magtakda ng sell stop-limit order na medyo mas mababa sa antas ng support para matiyak na makakaalis ka bago pa lalong bumagsak ang merkado.
Kung hindi ka sigurado kung ano ang mga antas ng support at resistance, tingnan ang Paliwanag sa Mga Pangunahing Kaalaman Tungkol sa Support at Resistance.


Mga pangwakas na pananaw

Ang stop-limit order ay isang mabisang tool na makakapagbigay sa iyo ng higit na kakayahan sa pag-trade kaysa sa mga simpleng market order. Isa pang pakinabang nito ay hindi mo na kakailanganing aktibong mag-trade para makumpleto ang order. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng maraming stop-limit order, madaling mapapamahalaan ang iyong mga pag-hold bumagsak man o tumaas ang presyo.