TL;DR
Forex ang pinakamalaking merkado sa mundo ayon sa dami ng pag-trade at liquidity. Nagte-trade ng mga currency at forex derivative ang mga broker, negosyo, pamahalaan, at iba pang pang-ekonomiyang agent para mabigyang-daan ang internasyonal na komersyo.
Ginagamit din ng mga trader ang merkado para sa mga speculative na dahilan. May iba't ibang oportunidad sa arbitrage na makikita sa mga rate ng palitan at rate ng interes, kaya naman sikat ang merkado sa pag-trade ng malalaking dami o nang may leverage.
Ang forex market ay binubuo ng mga pares ng fiat currency at relatibong market price ng mga ito. Karaniwang binibili at ibinebenta ang mga pares na ito ayon sa lot. Ang isang karaniwang lot ay binubuo ng 100,000 unit ng base currency ng pares, pero may iba pang available na mas maliliit, hanggang 100 unit.
Kadalasang gumagamit ng leverage ang mga trader para mapataas ang mga halagang puwede nilang maipuhunan gamit ang kanilang kapital. Puwede ka ring makabawi sa panganib sa pamamagitan ng paggamit ng mga forward at swap para mag-trade ng pares ng currency para sa isang partikular na presyo sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang instrumentong ito sa iba pang diskarte at produkto sa pag-trade, nakakagawa ito ng iba't ibang oportunidad sa pamumuhunan para sa mga forex trader.
Panimula
Kahit na hindi ka talaga nagte-trade sa forex, madalas na malaki ang papel ng internasyonal na merkado ng mga currency sa pang-araw-araw mong buhay. Bagama't hindi naman palaging ramdam ang pagbaba ng stock market, puwedeng makaapekto sa presyo ng mga produkto at serbisyo ang pagbabago sa halaga ng currency mo. Kung nakapunta ka na sa ibang bansa, malamang na kinailangan mo ring magpapalit ng iyong currency at magbayad ng rate na nakadepende sa kasalukuyang mga quote at rate ng forex.
Ang forex ay isang natatanging klase ng asset na iba sa mga stock, commodity, at bond. Kapag pinag-usapan natin kung bakit ito naiiba, madaling makita kung bakit may ganoon kalaking merkado at pangangailangan para sa tunay na pandaigdigang forex market.
Ano ang Forex?
Ang forex market ay binubuo ng dalawang pangunahing aktibidad: pag-trade para makagawa ng mga pang-ekonomiyang transaksyon at speculative na pag-trade. Para sa mga kumpanya at iba pang entity na may mga operasyon sa mga internasyonal na merkado, kailangan ang pagbili at pagbebenta ng mga foreign currency. Isang pangunahing pinaggagamitan ng forex market ang pagkuha ng iyong mga pondo sa iyong bansa o pagbili ng mga produkto sa ibang bansa.
Sinusubukan ding kumita ng mga trader sa pamamagitan ng mga pangmatagalang oportunidad gaya ng mga pabago-bagong rate ng interes. Ang mga pangyayari sa ekonomiya at geopolitics ay nagdudulot din ng malalaking pagbabago-bago sa mga merkado ng currency sa paglipas ng panahon. Sa pamamagitan ng pagbili ng currency ngayon at paghawak dito, puwedeng kumita sa paglipas ng panahon. Puwede ka ring sumang-ayon sa mga rate ng palitan nang ilang taong mas maaga sa pamamagitan ng mga futures contract na pabor o kontra sa merkado.
Puwedeng maging mahirap ang forex trading para sa mas maliliit na user. Kapag hindi ka umutang o wala kang malaking inisyal na kapital, nagiging mas mahirap ang arbitrage at panandaliang pag-trade. Ang aspektong ito ang dahilan kung bakit ang malaking bahagi ng dami na nakikita natin sa foreign exchange market ay nagmumula sa mga internasyonal na bangko at pinansyal na institusyon.
Ano ang pares ng forex?
Ipinapakita ng GBP/USD ang presyo ng £1 na na-quote sa USD. Ipinapakita ang ratio na ito bilang numero, gaya ng 1.3809, na nagpapakitang ang £1 ay katumbas ng $1.3809. Ang GBP/USD ang isa sa mga pinakamadalas i-trade na pares at kilala sa tawag na cable. Ang bansag na ito ay hango sa isang transatlantic na cable noong ika-19 na siglo na nagpapasa ng rate na ito sa pagitan ng mga palitan sa London at New York.

Pagdating sa forex trading, marami kang mahahanap na liquid na merkado. Ang ilan sa mga pares na may pinakamataas na dami ng pag-trade ay ang USD/JPY, GBP/USD, USD/CHF, at EUR/USD. Kilala bilang mga pangunahin ang mga pares na ito at binubuo ang mga ito ng US dollar, Japanese yen, British pound sterling, Swiss franc, at euro.
Bakit nagte-trade ng forex ang mga tao?
Hindi lang tungkol sa speculation ang forex market. Sumasali sa FX trading ang mga bangko, negosyo, at iba pang party na nangangailangan ng access sa banyagang pera para makapagsagawa ng mga internasyonal na transaksyon. Maaga ring nagkakasundo ang mga kumpanya sa mga rate sa FX para mapirmi ang mga gastusin sa mga palitan ng currency sa hinaharap, na tinatawag na pag-hedge. Ang isa pang pinaggagamitan ay para makabuo ng mga reserba ang Mga Pamahalaan at maabot nila ang kanilang mga pang-ekonomiyang layunin, kabilang ang pag-peg sa currency o pagpapasigla sa pag-angkat/pagluluwas.
Para sa mga indibidwal na trader, may mga nakakaengganyo ring feature sa forex market:
- Sa pamamagitan ng leverage, nagagawa kahit ng maliliit na trader na makapamuhunan ng malalaking kapital kumpara sa kaya nilang ma-access nang direkta.
- Mababa ang mga gastos sa pagsali, dahil posibleng bumili ng maliliit na halaga ng currency. Puwede kang gumastos ng libo-libong dolyar sa pagbili ng share sa stock market, kumpara sa pagsali sa FX market sa halagang $100 lang.
- Puwede kang mag-trade sa halos anumang oras, kaya naman angkop ang forex para sa lahat ng iskedyul.
- Mataas ang liquidity sa merkado, at mababa rin ang bid-ask spread.
- Mga karaniwang produkto ang options at futures. Posible ang pag-short sa merkado para sa mga trader na ayaw lang na mag-spot buy at mag-spot sell sa kasalukuyang market price.
Saan nagte-trade ng forex ang mga tao?
Hindi gaya ng stocks na pangunahing nagte-trade sa mga centralized na palitan gaya ng NYSE o NASDAQ, nagaganap ang FX trading sa mga hub sa buong mundo. Puwedeng direktang mag-deal sa isa't isa ang mga kasali sa pamamagitan ng mga over-the-counter (OTC) na trade o puwede silang pumasok sa isang malaking network ng mga bangko at broker sa interbank na merkado.
Posibleng maging kumplikado ang pangangasiwa sa ganitong internasyonal na pag-trade ng currency dahil sa iba't ibang regulasyon ng bawat currency. Bagama't maraming hurisdiksyon ang may mga ahensyang sumusubaybay sa pag-trade sa loob ng domestic na merkado, limitado ang internasyonal na abot ng mga ito. Bagama't kailangan mong kumuha ng lisensya o sumailalim sa isang accredited na broker para sa iyong FX trading, hindi nito napigilan ang mga trader sa paggamit ng iba pang mas maluwag na merkado para sa kanilang mga aktibidad.
Apat na pangunahing zone ang bumubuo sa malaking bahagi ng dami ng FX trading: New York, London, Tokyo, at Sydney. Dahil walang sentro ang FX market, makakahanap ka ng brokerage na makakatulong sa iyong mag-trade ng FX sa buong mundo.
Maraming iba't ibang opsyong available para sa mga online na serbisyo sa brokerage na kadalasan ay libre. Wala kang babayarang direktang komisyon, pero magpapanatili ng spread ang mga forex broker sa pagitan ng presyong iniaalok nila at aktwal na market price. Kung nagsisimula ka pa lang, pumili ng brokerage na nagbibigay-daan sa iyo na mag-trade ng mga micro-lot. Tatalakayin natin ito mamaya, pero ito na ang pinaka-accessible na paraan para makapagsimula ka sa pag-trade sa forex.
Bakit natatangi ang forex trading?
Maraming aspekto ang forex na naiiba sa iba pang pinansyal na merkado:
- May malawak itong heograpikong saklaw. May 180 kinikilalang foreign currency sa buong mundo, na lumilikha ng mga merkado para sa mga ito sa halos bawat bansa.
- Lubos itong liquid at malaki ang dami ng pag-trade nito.
- Naaapektuhan ng iba't ibang pandaigdigang salik ang mga market price nito. Kabilang dito ang pulitika, mga pang-ekonomiyang kondisyon, speculation, mga remittance, at marami pa.
- Bukas ito para sa pag-trade nang halos 24 na oras bawat araw, limang araw bawat linggo. Dahil hindi ganap na sentralisado ang merkado, halos palaging may palitan o brokerage na bukas para magamit mo. Sarado ang mga merkado tuwing weekend, pero puwede pa ring mag-trade sa mga oras na sarado sa ilang platform.
- Puwedeng maging mababa ang mga margin ng kita nito maliban kung magte-trade nang marami. Sa pamamagitan ng malalaking trade, puwedeng kumita nang malaki sa maliliit na pagkakaiba sa rate ng palitan.
Paano nagte-trade ng forex ang mga tao?
May ilang opsyon sa forex na puwedeng piliin ng mga indibidwal na trader. Ang pinakasimpleng paraan ay ang pagbili ng pares ng currency sa spot market at paghawak dito. Halimbawa, bumili ka ng EUR sa pares na USD/EUR. Kung tataas ang counter currency, puwede mo itong ibenta sa iyong base currency para kumita.
Ang isang kapana-panabik na aspekto ng forex trading ay ang posibilidad na kumita mula sa mga differential ng rate ng interes. Nagtatakda ang mga bangko sentral sa buong mundo ng magkakaibang rate ng interes na nagbibigay ng mga oportunidad sa pamumuhunan para sa mga forex trader. Sa pamamagitan ng pagpapalit ng iyong pera at pagdedeposito nito sa isang bangko sa ibang bansa, posible kang kumita nang mas malaki kaysa sa pagdedeposito ng iyong mga pondo sa sariling bansa.
Gayunpaman, may mga dagdag na gastusin gaya ng bayarin sa remittance, singil ng bangko, at magkakaibang paraan ng pagbubuwis. Dapat mong isaalang-alang ang lahat ng posibleng karagdagang gastusin para maging epektibo ang mga diskarte mo. Madalas na maliit lang ang mga oportunidad at kita sa arbitrage, kaya magiging manipis ang mga margin mo. Kung may hindi inaasahang bayarin, puwede nitong maubos ang lahat ng inaasahan mong kita.
Ano ang pip?
Ang pip (percentage in point) ay ang pinakamaliit na dagdag sa presyong posibleng kitain ng isang pares sa forex. Kung titingnan ulit natin ang GBP/USD:

Ang 0.0001 na pataas o pababang paggalaw ang magiging minimum na halagang puwedeng maging galaw ng pares (1 pip). Gayunpaman, hindi lahat ng currency ay nagte-trade sa apat na decimal place. Sa karaniwan, ang anumang pares na may Japanese yen bilang quote ay may pip na 0.01 dahil sa kawalan ng decimalization ng currency.
Mga Pipette
May ilang broker at palitan na lumilihis sa pamantayan at nag-aalok ng mga pares na nagdaragdag ng bilang ng mga decimal place. Halimbawa, magiging lima ang decimal place ng GBP/USD kaysa sa nakasanayang apat. Kadalasan ay dalawang decimal place ang USD/JPY pero puwede itong umabot sa tatlo. Pipette ang tawag sa dagdag na decimal place na ito.
Ano ang lot sa forex trading?
Sa forex trading, binibili at ibinebenta ang mga currency sa mga partikular na halaga na tinatawag na mga lot. Hindi tulad ng mga stock market, tine-trade sa mga nakatakdang value ang mga lot na ito ng mga foreign currency. Kadalasan, ang isang lot ay binubuo ng 100,000 unit ng base currency sa isang pares, pero may mas maliliit na halagang puwede mo ring bilhin, kabilang ang mga mini, micro, at nano lot.
Lot | Mga Unit |
Karaniwan | 100,000 |
Mini | 10,000 |
Micro | 1,000 |
Nano | 100 |
Kapag gumagamit ng mga lot, madaling kalkulahin ang iyong mga kita at pagkalugi gamit ang mga pagbabago sa pip. Tingnan natin ang EUR/USD bilang halimbawa:

Kung bumili ka ng isang karaniwang lot ng EUR/USD, nakabili ka ng €100,000 sa halagang $119,380. Kung tataas ng isang pip ang pares at ibebenta mo ang iyong lot, magiging katumbas ito ng 10 unit na pagbabago sa quote currency. Sa pagtaas na ito, maibebenta mo ang iyong €100,000 sa halagang $119,390 at kikita ka ng $10. Kung tataas ng sampung pip ang presyo, kikita ka ng $100.
Kasabay ng pagiging mas digital ng pag-trade, bumaba ang popularidad ng mga karaniwang laki ng lot at napalitan ito ng mga mas flexible na opsyon. Sa kabilang panig naman, mas pinalaki pa ng mga dambuhalang bangko ang mga karaniwan nilang lot hanggang 1 milyon para umangkop sa dami ng tine-trade nila.
Paano gumagana ang leverage sa forex trading?
Ang isa sa mga natatanging katangian ng forex market ay ang relatibo nitong maliliit na profit margin. Para mapataas ang kita mo, kailangan mong lakihan ang dami ng tine-trade mo. Madali itong magagawa ng mga bangko, pero posibleng walang access ang mga indibidwal sa sapat na kapital kaya gagamit na lang sila ng leverage.
Tingnan natin ang EUR/USD na halimbawa. Kung gusto mong bumili ng isang lot ng pares na ito (€100,000), mangangailangan ka ng humigit-kumulang $120,000 sa kasalukuyang rate. Kung isa kang maliit na trader na walang access sa ganitong mga pondo, puwede mong ikonsidera ang pagkuha ng 50x na leverage (2% margin). Sa ganitong pagkakataon, $2,400 na lang ang kailangan mo para magkaroon ng access sa $120,000 sa merkado ng currency.
Kung bababa nang 240 pip ($2,400) ang pares, isasara ang posisyon mo, at mali-liquidate ang iyong account (mawawala mo ang lahat ng iyong pondo). Kapag naka-leverage, puwedeng humantong ang maliliit na paggalaw ng presyo sa mga biglaan at malalaking pagbabago sa iyong mga kita o pagkalugi. Papayagan ka ng karamihan sa mga broker na palakihin ang margin sa iyong account at kargahan ito kapag kailangan.
Paano gumagana ang pag-hedge sa forex?
Sa anumang floating na currency, palaging may posibilidad na gumalaw ang rate ng palitan. Habang sinusubukang pagkakitaan ng mga speculator ang volatility, may iba naman na nagpapahalaga sa katatagan. Halimbawa, para sa isang kumpanyang nagpaplanong magpalawak sa ibang bansa, posibleng gusto nilang mag-lock in ng isang rate ng palitan para maplano nang mas mahusay ang kanilang mga gastusin. Madali nila itong magagawa sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na pag-hedge.
Mga futures contract
Ipagpalagay natin na pumasok ka sa isang futures contract para bumili ng isang lot ng USD/EUR sa 0.8400 (bumili ng $100,000 sa halagang €84,000) pagkalipas ng isang taon. Posibleng sa Eurozone ka nagbebenta at gusto mong i-convert sa lokal na currency ang iyong mga kita pagkalipas ng isang taon. Sa pamamagitan ng futures contract, maaalis ang panganib na dala ng posibleng pagtaas ng U.S. dollar laban sa euro at makakatulong ito na mas maplano mo ang iyong mga pinansya. Sa ganitong pagkakataon, kung tataas ang US dollar, makakabili ng mas kaunting dolyar ang bawat euro kapag nagko-convert ng mga pondo pabalik sa lokal na currency.
Kapag tumaas ang US dollar at ang USD/EUR ay nasa 1.0000 pagkalipas ng isang taon, kung walang futures contract, ang magiging spot rate ay $100,000 para sa €100,000. Gayunpaman, sa halip na gamitin ang rate na ito, gagamitin mo ang dati nang napagkasunduang kontrata ng isang lot ng USD/EUR sa 0.8400 ($100,000 para sa €84,000). Sa simpleng halimbawang ito, makakatipid ka ng gastos na €16,000 kada lot, hindi pa kasama ang anumang bayarin.
Options
Nag-aalok ang options ng kaparehong paraan ng pagpapababa sa panganib sa pamamagitan ng pag-hedge. Pero hindi gaya ng futures, bibigyan ka ng options ng pagkakataong bumili o magbenta ng asset sa isang paunang tinukoy na presyo sa mismong partikular na petsa o bago sumapit ito. Pagkatapos bayaran ang presyo sa pagbili (premium), mapoprotektahan ka ng option contract sa mga hindi gustong pagtaas o pagbaba ng pares ng currency.
Halimbawa, kung may British na kumpanyang nagbebenta ng mga produkto at serbisyo sa US, puwede silang bumili ng GBP/USD call option. Sa pamamagitan ng instrumentong ito, makakabili sila ng GBP/USD sa hinaharap sa isang paunang tinukoy na presyo. Kung tataas o mapapanatili ng pound ang rate nito kapag magbabayad na sa US dollar, ang presyo lang na ibinayad para sa options contract ang mawawala ng kumpanya. Kung bababa ang pound laban sa dolyar, mahe-hedge na nila ang kanilang rate at makakakuha sila ng presyong mas maganda sa iniaalok ng merkado.
May saklaw na arbitrage sa rate ng interes
Dahil iba-iba ang mga rate ng interes sa buong mundo, puwedeng i-arbitrage ng mga forex trader ang mga pagkakaibang ito habang binabawi ang panganib na dulot ng gumagalaw na rate ng palitan. Ang isa sa mga pinakakaraniwang paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng may saklaw na arbitrage sa rate ng interes. Hine-hedge ng diskarteng ito sa pag-trade ang mga paggalaw ng presyo ng pares ng currency sa hinaharap para mapababa ang panganib.
Hakbang 1: Paghahanap ng oportunidad para mag-arbitrage
Tingnan natin bilang halimbawa ang EUR/USD na pares na may rate na 1.400. Ang rate ng interes para sa mga deposito sa Eurozone ay 1%, habang 2% naman sa USA. Kaya ang €100,000 na ipinuhunan sa Eurozone ay magbabalik sa iyo ng €1,000 na kita pagkalipas ng isang taon. Gayunpaman, kung maipupuhunan mo ang pera sa USA, makakapagbigay ito sa iyo ng €2,000 kita kung hindi mababago ang rate ng palitan. Gayunpaman, hindi isinasaalang-alang ng pinasimpleng halimbawang ito ang bayarin sa account, mga gastos sa bangko, at iba pang bayaring dapat mo ring ikonsidera.
Hakbang 2: Pag-hedge sa iyong rate sa FX
Gamit ang isang EUR/USD na futures contract para sa isang taon na may forward rate na 1.4100, masasamantala mo ang mas magandang rate ng interes sa Eurozone at magagarantiyahan mo ang isang naka-fix na return. Ang forward rate ay ang napagkasunduang rate sa FX na gagamitin sa kontrata.
Isang bangko o broker ang magkakalkula sa rate na ito gamit ang matematikal na formula na nagkokonsidera sa iba't ibang rate ng interes at sa kasalukuyang spot price. May idaragdag na premium o diskwento ang forward rate kumpara sa rate sa spot depende sa mga kondisyon sa merkado. Bilang paghahanda sa arbitrage, papasok tayo sa isang futures contract para magbenta ng isang lot ng EUR/USD sa rate na 1.41 pagkalipas ng isang taon.
Hakbang 3: Pagkumpleto sa arbitrage
Sa diskarteng ito, bibili ka ng isang lot ng EUR/USD sa 1.400 sa spot market para mabigyan ka ng €100,000 sa halagang $140,000. Kapag nasa iyo na ang mga pondo mula sa iyong spot trade, ideposito ang mga iyon sa USA sa loob ng isang taon na may 2% interes. Kapag natapos na ang taon, magkakaroon ka ng $142,800 sa kabuuan.
Ang susunod mong gagawin ay i-convert ang $142,800 pabalik sa euro. Gamit ang futures contract, ibebenta mo ulit (isho-short) ang $142,800 sa napagkasunduang rate na 1.4100, na magbibigay sa iyo ng humigit-kumulang €101,276.60.
Hakbang 4: Paghahambing sa mga kita
Paghambingin natin ang kita mo kapag na-hedge at hindi na-hedge ang rate, sa pagpapalagay na hindi magbabago ang lahat ng iba pang bagay. Pagkatapos isagawa ang diskarte sa saklaw na arbitrage sa interes sa USA, magkakaroon ka ng €101,276.60. Kung hindi ka nag-hedge, mayroon ka sanang €102,000, gaya ng nabanggit kanina. Ngayon, bakit naghe-hedge ang mga tao kung hahantong ito sa mas mababang kita?
Pangunahing naghe-hedge ang mga trader para maiwasan ang panganib na dala ng mga pagbabago-bago sa rate ng palitan. Malabong pumirmi ang isang pares ng currency sa loob ng isang taon . Kaya naman bagama't mas maliit ang kitang €723.40, nagawa nating magarantiyahan ang kahit man lang €1,276.60. Ang isa pang salik ay ipinagpalagay natin na hindi babaguhin ng bangko sentral ang rate ng interes sa loob ng isang taon, na hindi naman palaging nangyayari.
Mga pangwakas na pananaw
Para sa sinumang interesado sa internasyonal na ekonomiya, trade, at mga pandaigdigang kaganapan, nagbibigay ang forex market ng isang natatanging alternatibo sa mga stock at share. Mukhang hindi ganoong ka-accessible ang forex trading kumpara sa crypto o stocks para sa maliliit na mamumuhunan. Pero sa pagdami ng mga online broker at sa mas tumitinding kumpetisyon sa paghahatid ng mga pinansyal na serbisyo sa publiko, hindi ganoong kaeksklusibo ang forex. Maraming forex trader ang umaasa sa leverage para kumita nang malaki-laki. May mataas na panganib ng liquidation ang mga ganitong diskarte, kaya tiyaking nauunawaan mo nang husto ang mga mekanismo bago tumaya.