Home
Mga Artikulo
Mga Pyramid at Ponzi Scheme

Mga Pyramid at Ponzi Scheme

Baguhan
Na-publish Nov 28, 2018Na-update Feb 14, 2023
5m

Panimula

Karamihan ng mga indibidwal na namumuhunan sa Bitcoin – o lumalahok sa mga event ng Initial Coin Offering (ICO) – ay karaniwang nag-aalala sa dalawang bagay. Una, ang Return of Investment (ROI), na kumakatawan sa mga kikitain nila sa paglaon mula sa inisyal na pamumuhunan. Pagkatapos, may pangalawang alalahanin, na nauugnay sa tindi ng panganib na sangkot sa pamumuhunan. Kapag masyadong mataas ang mga panganib, mas malamang na mawala ang inisyal na pamumuhunan ng mga namumuhunan (nang bahagya o tuluyan), na hahantong sa negatibong ROI.

Natural lang na laging may panganib na sangkot sa anumang pamumuhunan. Gayunpaman, tumitindi ang panganib sa mga sitwasyon kung saan hindi inaasahang nasasangkot ang mga namumuhunan sa mga Ponzi o pyramid scheme, na ilegal sa karamihan ng mga bansa. Kaya naman, napakahalagang matukoy ang mga scheme na ito at maunawaan kung paano gumagana ang mga ito.


Ano ang Ponzi scheme?

Ang mga Ponzi scheme ay ipinangalan kay Charles Ponzi, isang Italian swindler na lumipat sa North America at sumikat dahil sa kanyang mapanlokong sistema ng pagkita. Noong umpisa ng dekada '20, naloko ni Ponzi ang daan-daang biktima at napatakbo niya ang kanyang scheme – na tumakbo nang lampas isang taon. Sa pangkalahatan, ang Ponzi scheme ay isang mapanlokong scam sa pamumuhunan kung saan binabayaran ang mga naunang namumuhunan ng perang nakolekta mula sa mga bagong namumuhunan. Ang problema sa ganitong scheme ay hindi na talaga mababayaran ang mga namumuhunan sa dulo.

Medyo ganito ang hitsura ng tumatakbong Ponzi scheme: 

  1. Ang isang promoter ng isang pagkakataon sa pamumuhunan ay kumuha ng $1000 sa isang namumuhunan. Nangako siyang bayaran ang inisyal na halaga nang may 10% interes sa katapusan ng isang paunang tinukoy na panahon (hal., 90 araw). 

  2. Nakakuha ang promoter ng dalawang dagdag na namumuhunan bago makumpleto ang 90 araw na panahon. Magbabayad siya ng $1100 dolyar sa unang namumuhunan mula sa $2000 na nakolekta mula sa pangalawa at pangatlong namumuhunan. Malamang na hihikayatin din niya ang unang namumuhunan na ipuhunan ulit ang $1000. 

  3. Sa pamamagitan ng pagkuha ng pera sa mga bagong namumuhunan, nababayaran ng impostor ang mga ipinangakong kita sa mga naunang namumuhunan, na makakakumbinsi sa kanila na mamuhunan ulit at mag-imbita ng mas maraming tao.

  4. Habang lumalaki ang sistema, kailangang makahanap ang promoter ng mas marami pang bagong namumuhunan na sasali sa scheme. Kung hindi, hindi niya mababayaran ang mga ipinangakong kita.

  5. Sa paglaon, hindi na mapapanatili ang scheme at ang promoter ay mahuhuli o maglalaho na nang tangay ang perang hawak niya.


Ano ang pyramid scheme?

Ang pyramid scheme (o pyramid scam) ay tumatakbo sa sektor ng negosyo bilang isang modelong nangangako ng mga bayad o reward para sa mga miyembrong hindi lang sasali sa scheme, pero makakapagpa-enroll din ng mga bagong miyembro. 

Halimbawa, isang mapanlokong promoter ang nag-alok kina Alice at Bob ng pagkakataong bumili ng mga karapatan sa distributorship sa isang kumpanya sa halagang $1000 bawat isa. Kaya ngayon, may karapatan silang magbenta ng mga distributorship mismo, at may makukuha silang parte para sa bawat karagdagang miyembrong mare-recruit nila. Ang $1000 nakolekta sa sarili nilang benta ng mga distributorship ay ibabahagi sa promoter sa hating 50/50. 

Sa sitwasyon sa itaas, kakailanganing magbenta ng tigdalawang distributorship sina Alice at Bob para mabawi nila ang kanilang puhunan, dahil kikita sila ng $500 sa bawat benta. Ang responsibilidad na magbenta ng dalawang distributorship para mabawi ang inisyal na puhunan ay maipapasa sa kanilang mga customer. Sa paglaon, masisira ang scheme, dahil parami nang parami ang mga miyembrong kailangang magpatuloy ng proseso. Ang hindi mapapanatiling pag-usad ng scheme ang dahilan kung bakit ilegal ang mga pyramid scheme.

Karamihan ng mga pyramid scheme ay hindi nag-aalok ng produkto o serbisyo at pinapanatili lang ng perang nalikom mula sa pag-recruit ng mga bagong miyembro. Gayunpaman, puwedeng ipresenta ang ilang pyramid scheme bilang lehitimong kumpanya ng multi-level marketing (MLM) na nagpapanggap na nagbebenta ng isang serbisyo o produkto. Pero kadalasan, ginagawa lang nito iyon para itago ang pinagbabatayang mapanlokong aktibidad. Samakatuwid, maraming kumpanya ng MLM na may mga kaduda-dudang etika ang gumagamit ng mga modelo ng pyramid, pero hindi lahat ng kumpanya ng MLM ang mapanloko.


Ponzi vs. pyramid

Mga Pagkakatulad

  • Pareho itong mga anyo ng panloloko sa pananalapi na nangungumbinsi sa mga biktima na mamuhunan ng pera sa pamamagitan ng pangangako ng magandang kita.

  • Pareho itong nangangailangan ng regular na pasok ng pera ng mga bagong namumuhunan para maging matagumpay at manatiling aktibo.

  • Kadalasan, hindi nag-aalok ng mga totoong produkto o serbisyo ang mga scheme na ito.

Mga Pagkakaiba

  • Karaniwang ipinepresenta ang mga Ponzi scheme bilang mga serbisyo sa pamamahala ng pamumuhunan, kung saan naniniwala ang mga kalahok na ang kikitain nila ay resulta ng lehitimong pamumuhunan. Sa pangkalahatan, ninanakawan ng impostor ang isa para mabayaran ang isa pa.

  • Nakabatay ang mga pyramid scheme sa network marketing at inaatasan nito ang mga kalahok na mag-recruit ng mga bagaong miyembro para kumita ng pera. Samakatuwid, bawat kalahok ay kumukuha ng komisyon bago ipasa ang pera sa tuktok ng pyramid.


Paano protektahan ang iyong sarili

  • Huwag basta-basta maniwala. Malamang na hindi matapat ang isang pagkakataon sa pamumuhunan na nangangako ng mabilisan o malaking kita, nang may maliit na puhunan. Totoo ito lalo na kapag namumuhunan sa isang bagay na talagang hindi pamilyar o mahirap maintindihan. Kung mukha itong masyadong maganda para magkatotoo, malamang na ganoon nga.

  • Mag-ingat sa mga hindi hinihinging pagkakataon. Karaniwang red flag ang isang hindi inaasahang imbitasyong sumali sa pangmatagalang pagkakataon sa pamumuhunan.

  • Imbestigahan ang nagbebenta. Dapat imbestigahan ang entity na nagpo-promote ng pagkakataon sa pamumuhunan. Nakarehistro at sinusubaybayan ng mga naaangkop na namamahalang lupon ang isang mapagkakatiwalaang financial advisor, broker, o kumpanya ng brokerage.

  • Huwag magtiwala. Mag-verify. Dapat legal na nakarehistro ang mga lehitimong pamumuhunan. Ang unang dapat gawin ay hingin ang impormasyon ng pagrerehistro. Kung hindi nakarehistro ang pagkakataon sa pamumuhunan, dapat magbigay mg maganda at makatuwirang paliwanag. 

  • Siguraduhing naiintindihan mo ang pamumuhunan. Hinding-hindi ka dapat mamuhunan ng pera sa isang bagay na hindi mo ganap na nauunawaan. Siguraduhing gamitin ang mga resource na available at maging napakaingat sa mga pagkakataon sa pamumuhunan na nababalot ng mga sikreto.

  • Magsumbong. Sa tuwing may nakikitang pyramid o Ponzi scheme ang mga namumuhunan, mahalagang isumbong ang mga ito sa mga naaangkop na awtoridad. Makakatulong itong protektahan ang mga namumuhunan sa hinaharap para hindi sila mabiktima ng parehong scam.


Pyramid scheme ba ang Bitcoin?

Puwedeng igiit ng iba na malaking pyramid scheme ang Bitcoin, pero hindi talaga ito totoo. Pera lang ang Bitcoin. Isa itong desentralisadong digital currency na sine-secure ng mga mathematical algorithm at cryptography, at magagamit itong pambili ng mga produkto at serbisyo. Tulad na lang ng fiat na pera, magagamit din ang mga cryptocurrency sa mga pyramid scheme (o iba pang ipinagbabawal na aktibidad), pero hindi iyon nangangahulugan na mga pyramid scheme ang crypto o mga fiat currency.

Share Posts
Magrehistro ng isang account
Gamitin ang iyong nalalaman sa pamamagitan ng pagbubukas ng account sa Binance ngayon.