TL;DR
Ang isang piraso ng metaverse real estate ay isang NFT na nagbibigay sa may hawak ng digital na pruweba ng pagmamay-ari ng lupa sa isang metaverse platform. Sa karamihan ng mga sitwasyon, puwedeng pakinabangan ang lupa para sa pag-advertise, pakikipag-socialize, entertainment, at higit pa. Ang halaga ng bawat plot ng lupa ay nakadepende sa mga salik na ito, pati na sa pangkalahatang sentimyento sa merkado, collectibility, at kasikatan ng platform.
Panimula
Magkaugnay ang konsepto ng metaverse at digital real estate. Pero gaya ng maraming trend sa crypto, hindi nakapagbigay ng sapat na linaw ang coverage ng media. Gaya lang din ng ibang pamumuhunan, mahalagang maintindihan muna ang ideya ng metaverse real estate bago bumili ng anumang digital na lupa. Kumpara sa mga purong artistic na non-fungible token (NFT), mas madaling maunawaan ang metaverse real estate dahil sa simple nitong utility at mga pinaggagamitan.
Paano nagkakaroon ng real estate sa metaverse?
Para sa mga bago sa metaverse, parang kabalintunaan ang digital real estate. Lubos na magkaugnay ang ideya ng pisikal na pag-aari at real estate. Pero kahit hindi pisikal ang blockchain-based na real estate sa metaverse, nagbibigay ito ng kapareho — o baka nga mas matitibay — na karapatan sa pagmamay-ari ng isang plot ng (digital na) lupa. Ang pagmamay-ari ng lupa sa isang laro, komunidad, o iba pang platform ay kinakatawan ng (NFT).
Dahil non-fungible ang mga NFT (ibig sabihin, natatangi ang bawat isa) at secure na napapatunayan ang digital na pagmamay-ari ng mga ito, nagsisilbi ang mga ito bilang mga deed ng pag-aari sa digital real estate. Puwedeng i-trade, bilhin, at ibenta ang isang NFT ayon sa halaga nito sa merkado, na hango sa iba't ibang salik.
Posibleng ang metaverse real estate mo ay nasa isang sikat na lugar kung saan mataas ang digital foot traffic, kaya naman akma itong maging advertising space. Pinapataas din ng mga benepisyo ng pag-stake at iba pang utility ang halaga ng lupa. Ang partikular na metaverse platform kung nasaan ka ang tutukoy sa halaga ng lupa mo.
May ilang metaverse platform na nagbibigay-daan sa iyong mag-personalize sa isang partikular na antas, para magawa at maplano mo ang sarili mong espasyo, mga event, at mga karanasan. Kasama sa mga halimbawa ang Snoopverse sa The Sandbox at content ng Netflix sa Decentraland.
Ang nakakaengganyo sa metaverse real estate
Para maunawaan kung ano ang nakakaengganyo sa metaverse real estate, mahalagang huminto sandali para tingnan ang pang-engganyo ng mga NFT sa kabuuan. Sa teknolohikal na antas, nagbibigay ang mga NFT ng lehitimong digital na pruweba ng pagmamay-ari. Mahalaga ito sa isang mundo kung saan napakadali nang kumopya ng mga file nang walang anumang kapansin-pansing pagkakaiba.
Pagkatapos, kailangan nating tingnan ang aspekto ng collectibility. Dati pa, mahilig na ang mga tao sa pagkolekta ng mga bagay para sa iba't ibang dahilan. Bukod sa pag-e-enjoy at collectibility, puwedeng magbigay ang NFT ng mga aktwal na benepisyo gaya ng mas mataas na utility sa isang laro o platform.
Ang isa pang pang-engganyo ng mga NFT ay ang potensyal ng mga ito sa pamumuhunan, kaya naman marami ang humahawak sa mga ito para sa ispekulasyon. Sa pangkalahatan, kapag malakas ang merkado, sinusundan ng mga presyo ng NFT ang mga papataas na presyo ng merkado. Sa ilang pagkakataon, ang mga bull run ng NFT ay resulta rin ng hype mula sa celebrity at media sa teknolohiya.
Maraming tao ang bumibili ng mga metaverse real estate NFT dahil sinusunod ng mga ito ang lahat ng nabanggit na prinsipyo. Halimbawa, bumili ang JPMorgan ng lupa sa Decentraland dahil sa mga sumusunod:
1. Utility: Puwede silang makapag-host ng mga virtual na bisita sa pag-aari nilang Sandbox at gumawa ng isang immersive na karanasan.
2. Collectibility: Highly collectible na piraso ng pop culture ang metaverse real estate na makakatulong sa mga gawain sa marketing.
3. Mga speculative na katangian: Malamang na hindi bibili ang JPMorgan ng lupa kung hindi ito maibebenta nang may tubo o kung hindi tataas ang kita nito sa pamamagitan ng pagkuha ng customer.
Ano ang puwede mong gawin sa metaverse real estate?
Metaverse lang ang limitasyon ng virtual real estate. Kaya naman malaki ang potensyal nito sa ating mga social at propesyonal na buhay. Maliban sa pamumuhunan at pag-trade, ang potensyal na ito ang hihimok ng paggamit sa teknolohiya sa pangmatagalan. Ang anumang kayang saklawin ng metaverse ay mailalapat din sa metaverse real estate. Ang mga eksaktong paggagamitan at detalye ay magdedepende sa platform mo, pero sa teorya, wala itong limitasyon.
Puwedeng idisenyo ng mga indibidwal na user, creative, at brand ang kanya-kanya nilang mga karanasan batay sa kung ano ang iniaalok ng partikular nilang real estate. Nagaganap lahat sa mga plot ng digital land ang mga concert, meeting, trade show, art exhibition, at brand launch. Kaya naman isang napakahalagang tool ang metaverse real estate sa pag-socialize at marketing. Kabilang sa malalaking brand na kasalukuyang nag-eeksperimento sa format ang mga sumusunod:
1. HSBC: Bumili ng piraso ng lupa sa The Sandbox sa unang quarter ng 2022 para sa planong gumawa ng mga bagong karanasan sa brand.
2. Samsung: Gumawa ng virtual na karanasang tinatawag na Samsung 837X sa Decentraland at nag-host ng mga event gaya ng #RecycleUp Fashion Show.
3. South China Morning Post: Nag-develop ng digital na bersyon ng Hong Kong Star Ferry Pier sa The Sandbox.
Ang paglago ng metaverse real estate
Dahil sa mabilis na pagdami ng tagasubaybay at pagtaas ng sales ng metaverse real estate, napansin ito ng media, publiko, at ng mga namumuhunan sa buong mundo. Ayon sa data mula sa Influencer Marketing Hub, "tumaas ang average na presyo ng isang parcel sa mga pangunahing metaverse platform mula $1,265 at naging $12,684," na nagpapakita ng sampung beses na pagtaas mula Enero 2021 hangggang Pebrero 2022. Ayon sa ulat ng McKinsey, "mahigit $120 bilyon na ang pumasok sa industriya ng metaverse sa 2022 — lampas doble sa $57 bilyon noong 2021."
Para sa isang nagsisimula pa lang na industriya, kamangha-mangha ang mga numero. Gayunpaman, ang mabilis na paglago sa market capitalization ay hindi agad nangangahulugang magiging matagal o matatag ang merkado. Malamang ay kailangan nating palipasin ang hyper-growth na yugtong ito para makita ang tunay na halaga ng lupa sa metaverse. Gayunpaman, ilang maaagang namumuhunan na ang nakinabang sa paglago ng metaverse. Halimbawa, naibenta sa halagang halos kalahating milyong dolyar ang isang plot ng lupang malapit sa pag-aari ni Snoop Dogg.
Ano ang nakakaapekto sa presyo ng NFT na virtual na lupa?
Nailarawan natin sa maikling paraan ang pang-engganyo ng NFT virtual land, pero tingnan nating mabuti ang tatlong pangunahing salik na nagdidikta sa presyo nito:
1. Utility: Ang bawat platform, laro, o universe sa metaverse ay may tukoy na utility para sa virtual real estate nito. May ilang pinapayagan ang matataas na antas ng pag-customize, habang ang iba naman ay nagbibigay sa iyo ng mga in-game na benepisyo o nagpapataas ng stat mo. Kung may partikular na magandang katangian ang iyong NFT virtual land, makakahingi ito ng mas mataas na presyo sa bukas na merkado.
2. Platform: Gaya ng nabanggit sa itaas, ang platform kung nasaan ang lupa mo ang tutukoy sa utility nito. Maliban doon, nakakaapekto rin sa halaga ng iyong NFT land ang brand name at reputasyon ng platform. Para rin itong kakayahan ng Nike o Adidas na maningil nang medyo mataas kumpara sa hindi masyado kilalang brand, kahit na pareho ang kalidad.
3. Ispekulasyon: Kadalasan, ang ideya na puwedeng tumaas ang halaga ng iyong metaverse real estate sa hinaharap ay sapat na para maapektuhan ang presyo nito. Kung ganito ang sentimyento ng buong merkado at bullish ito sa presyo ng lupa sa metaverse, nagiging malaking salik ang ispekulasyon sa pagtukoy ng presyo.
Mga pangwakas na pananaw
Ang pangmatagalang paggamit at pakikinabang sa metaverse real estate ay hind lang nakadepende sa hype: nakadepende rin ito sa mga aktwal na pinaggagamitan at utility para magtagumpay. Gayunpaman, nakakahangang makita ang narating ng metaverse real estate sa loob lang ng maikling panahon. Habang patuloy na sumisikat at lumalaki ang metaverse, mas nagiging mature din ito. Kaya naman, magandang maging pamilyar sa digital na pag-aari para sa sinumang potensyal na user o namumuhunan na interesado sa hinaharap ng metaverse.