Pagpapaliwanag sa Proof of Burn
Pagpapaliwanag sa Proof of Burn
Home
Mga Artikulo
Pagpapaliwanag sa Proof of Burn

Pagpapaliwanag sa Proof of Burn

Intermediya
Na-publish Dec 5, 2018Na-update Feb 23, 2023
5m

Bagama't karamihan ng mga blockchain system ay gumagamit ng consensus algorithm na Proof of Work (PoW) o Proof of Stake (PoS), sinusuri ang Proof of Burn (PoB) bilang posibleng alternatibo sa mga iyon.

Sa pangkalahatan, resposable ang mga consensus algorithm ng blockchain para sa pagpapanatilihing secure ang network at sa pag-verify at pag-validate ng mga transaksyon.

Gumagawa ang isang Proof of Work na blockchain, gaya ng sa Bitcoin, ng sitwasyon kung saan nagkukumpitensya ang mga minero para makahanap ng valid na solusyon sa isang kumplikadong problema sa cryptography. Ang unang minerong makakahanap ng solusyon para sa isang partikular na block ay magbo-broadcast ng kanyang proof of work (ang hash ng block) sa kabuuan ng network. Pagkatapos, ive-verify ng ipinamahaging network ng mga node kung valid ba ang patunay na iyon o hindi. Kung valid ito, magkakaroon ang minero ng karapatang permanenteng idagdag ang block na iyon sa blockchain at bibigyan din siya ng reward na mga bagong gawang Bitcoin.

Pagdating sa mga Proof of Stake na blockchain, iba ang paraan ng paggana ng consensus algorithm. Sa halip na gumamit ng mga function ng pag-hash, gumagamit ang PoS algorithm ng mga digital na pirma na nagpapatunay sa pagmamay-ari ng mga coin. Ginagawa ang pag-validate ng mga bagong block ng tinatawag na mga block forger at minter, na pinipili sa tukoy na paraan. Kung mas maraming coin ang na-stake ng isang forger, mas malaki ang tsansang mapili bilang validator ng block. Gayunpaman, hindi tulad ng mga PoW system, hindi nagbibigay ng mga reward ng block ang karamihan ng mga PoS system, at ang makukuha lang ng minter sa pag-validate ng isang block ay ang bayarin sa transaksyon.

Bagama't may mga pagkakatulad ang Proof of Burn algorithm sa PoW at PoS, mayroon itong sariling partikular na paraan ng pagkakaroon ng consensus at pag-validate ng mga block.


Proof of Burn (PoB)

May higit sa isang bersyon ng PoB, pero malamang na ang konsepto ng Proof of Burn na binuo ni Iain Stewart ang pinakakinikilala sa mundo ng cryptocurrency. Iminungkahi ito bilang mas sustainable na alternatibo sa consensus algorithm na PoW.

Sa pangkalahatan, ang Proof of Burn ay mukhang Proof of Work algorithm pero may mas mabababang rate ng pagkonsumo ng enerhiya. Ang proseso ng pag-validate ng block ng mga PoB-based na network ay hindi nangangailangan ng malalakas na computational resource at hindi nakasalalay sa malakas na hardware para sa pagmimina (tulad ng mga ASIC). Sa halip, sadyang binu-burn ang mga cryptocurrency bilang paraan para “mamuhunan” ng mga resource sa blockchain, para hindi kailanganin ng mga kandidatong minero na mamuhunan sa mga pisikal na resource. Sa mga PoB system, namumuhunan ang mga minero sa mga virtual na rig ng pagmimina (o virtual mining power).

Sa madaling sabi, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pag-burn ng coin, naipapakita ng mga user ang commitment nila sa network, at nagkakaroon sila ng karapatang “magmina” at mag-validate ng mga transaksyon. Dahil kumakatawan ang proseso ng pag-burn ng mga coin sa virtual mining power kapag mas maraming coin ang binu-burn ng isang user na pabor sa system, mas marami siyang mining power, at samakatuwid, mas malaki ang tsansa niyang mapili bilang susunod na validator ng block.


Paano gumagana ang Proof of Burn?

Sa ilang salita, ang proseso ng pag-burn ng mga coin ay binubuo ng pagpapadala nito sa isang pampublikong nave-verify na address kung saan nagiging hindi accessible at walang pakinabang ang mga ito. Kadalasan, ang mga address na ito (na kilala bilang mga eater address) ay random na binubuo nang walang anumang nauugnay na pribadong key. Natural lang na binabawasan ng proseso ng pag-burn ng mga coin ang availability sa merkado at lumilikha ito ng economic scarcity, kaya naman nagkakaroon ng potensyal na pagtaas sa halaga nito. Pero higit pa roon, ang pag-burn ng coin ay isa pang paraan ng pamumuhunan sa seguridad ng network.

Isa sa mga dahilan kung bakit secure ang mga Proof of Work na blockchain ay ang katotohanan na kailangan ng mga minero na mamuhunan ng napakaraming resource para kumita sila sa wakas. Ibig sabihin nito, magkakaroon ang isang minero ng PoW ng lahat ng insentibo para kumilos nang matapat at tulungan ang network para maiwasang masayang ang mga inisyal na pamumuhunan. 

Katulad ang ideya sa mga Proof of Burn algorithm. Pero sa halip na mamuhunan sa kuryente, paggawa, at computational power, secure dapat ang mga PoB blockchain sa pamamagitan ng pamumuhunan gamit ang mga pag-burn ng coin at wala nang iba pa.

Katulad ng mga PoW blockchain, magbibigay ang mga PoB system ng mga reward ng block sa mga minero at sa loob ng isang partikular na tagal ng panahon, inaasahan na masasaklawan ng mga reward ang inisyal na pamumuhunan sa mga na-burn na coin.

Gaya ng nabanggit kanina, may iba't ibang paraan ng pagpapatupad ng consensus algorithm na Proof of Burn. Bagama't isinasagawa ng ilang proyekto ang kanilang pagmiminang PoB sa pamamagitan ng pag-burn ng mga Bitcoin, nagkakaroon ng consensus ang iba sa pamamagitan ng pag-burn ng sarili nitong native coin.


Proof of Burn vs Proof of Stake

Isang bagay na pinagkapareho ng PoB at PoS ay ang katotohanan na kailangang ipuhunan ng mga validator ng block ang kanilang mga coin para makalahok sa mekanismo ng consensus. Gayunpaman, sa mga PoS blockchain, kailangang i-stake ng mga forger ang kanilang mga coin, kung saan karaniwang nila-lock ang mga ito. Pero kung magpapasya silang umalis sa network, puwede nilang bawiin ang mga coin na iyon at ibenta ang mga ito sa merkado. Samakatuwid, walang permanenteng scarcity sa merkado sa ganitong sitwasyon dahil inaalis lang sa sirkulasyon ang mga token sa loob ng isang partikular na tagal. Sa kabilang banda, kailangang sirain ng mga validator ng block ng PoB ang kanilang mga coin habambuhay, na gumagawa ng permanenteng economic scarcity.


Mga Bentahe at Kahinaan ng Proof of Burn

Ang mga bentahe/kahinaan na nakalista rito ay batay sa mga pangkalahatang argumento ng mga tagasuporta ng PoB at hindi dapat ito ituring na mga napatunayang impormasyon. May mga kontrobersya tungkol sa mga argumentong ito na nangangailangan ng karagdagang pagsusuri para makumpirmang valid o invalid.


Mga Bentahe 

  • Mas sustainable. Mas mababang pagkonsumo ng power. 

  • Hindi kailangan ng hardware para sa pagmimina. Ang mga pag-burn ng coin ay mga virtual na rig ng pagmimina.

  • Binabawasan ng mga pag-burn ng coin ang supply na nasa sirkulasyon (market scarcity).

  • Naghihikayat sa pangmatagalang paninindigan ng mga minero.

  • Malamang na hindi masyadong sentralisado ang pamamahagi/pagmimina ng coin.


Mga Kahinaan 

  • Sinasabi ng ilan na hindi talaga eco-friendly ang PoB dahil binubuo ang mga binu-burn na Bitcoin sa pamamagitan ng PoW na pagmimina, na nangangailangan ng napakaraming resource.

  • Hindi subok na gumagana nang mas malawakan. Kailangan ng karagdagang pagsusuri para makumpirma ang efficiency at seguridad nito.

  • Malamang na naaantala ang pag-verify ng trabahong ginawa ng mga minero. Hindi ito kasingbilis sa mga Proof of Work blockchain.

  • Ang proseso ng pag-burn ng coin ay hindi laging transparent o madaling i-verify ng karaniwang user.