Paano Maaapektuhan ng Teknolohiyang Blockchain ang Industriya ng Pagbabangko
Home
Mga Artikulo
Paano Maaapektuhan ng Teknolohiyang Blockchain ang Industriya ng Pagbabangko

Paano Maaapektuhan ng Teknolohiyang Blockchain ang Industriya ng Pagbabangko

Intermediya
Na-publish Dec 2, 2019Na-update Apr 29, 2021
6m

Paano mababago ng blockchain ang kasalukuyang kalakaran sa pagbabangko?

Karaniwang nagsisilbing tagapamagitan ang mga bangko sa pandaigdigang ekonomiya sa pamamagitan ng pangangasiwa at pakikipag-ugnayan sa pinansyal na sistema gamit ang kanilang mga sariling ledger. Dahil ang mga ledger na ito ay hindi maaaring masiyasat ng publiko, napipilitang pagkatiwalaan ang mga bangko at ang kanilang mga imprastrakturang hindi na napapanahon.

May potensyal ang teknolohiyang blockchain na baguhin ang ayos hindi lang ng currency market ng mundo, kundi maging ang kabuuan ng industriya ng pagbabangko sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga tagapamagitang ito na papalitan ng trustless, borderless, at transparent na sistemang madaling ma-access ng kahit na sino.

May potensyal ang blockchain na pangasiwaan ang mas madali at mas murang mga transaksyon, palawakin ang access sa kapital, makagawa ng mas tiyak na seguridad ng mga datos, magpatupad ng trustless na kasunduan sa pamamagitan ng smart contracts, maging mas mabilis ang pagsunod sa patakaran, at iba pa.

Dagdag pa rito, dahil sa makabagong karakter ng blockchain, ang mga pamamaraan kung paano mag-uugnayan sa isa’t isa ang mga bagong pinansyal na building blocks ay maaaring humantong sa mga bagong uri ng pinansyal na serbisyo.


Anu-ano ang mga pangunahing benepisyo ng blockchain sa pagbabangko at pananalapi?

  • Seguridad: Tinatanggal ng mga arkitekturang nakabase sa blockchain ang mga puwang sa pagkakamali at pinapababa nito ang pangangailangan na ilagay ang mga datos sa kamay ng mga tagapamagitan.
  • Transparency: Naglalagay ang blockchain ng iisang pamantayan sa pagbabahagi ng proseso, at gumagawa ng iisang pinagkukunan ng katotohanan para sa lahat ng kalahok sa network.
  • Tiwala: Dahil sa transparent ledgers, nagiging madali para sa iba’t ibang partido ang magtulungan at magkasunduan.
  • Programmability: Nagbibigay-daan ang blockchain sa maaasahang automation ng mga proseso sa negosyo sa pamamagitan ng pagbuo at pag-implementa ng smart contracts.
  • Pagkapribado: Ang mga privacy technology na pinapagana ng blockchain ay nagbibigay-daan sa piling bahagian ng mga datos sa pagitan ng mga negosyo.
  • Performance: Dinisensyo ang mga network para magpanatili ng mataas na bilang ng mga transaksyon habang sinusuportahan ang interoperabilitysa pagitan ng iba’t ibang mga chain kayat nakagagawa ng magkakaugnay na web ng mga blockchain.


Mabilis na pagbabayad gamit ang blockchain

Minsan nagiging mahabang proseso ang pagpapadala ng pera sa kasalukuyang sistema ng pagbabangko, may kasamang singil para sa parehong bangko at mga kustomer, at maaaring mangailangan ng karagdagang beripikasyon at administrasyon. Sa panahon ng instant connectivity, hindi nakakasabay ang dating sistema ng pagbabangko sa ibang umuusad na teknolohiya. 

Kayang ibigay ng teknolohiyang blockchain ang mas mabilis na paraan ng pagbabayad na may mas mababang singil at walang pinipiling oras, walang pagitan, at may tiyak na seguridad na pareho sa iniaalok ng dating sistema.

Kung nais pang magbasa tungkol sa usaping ito, inirerekomenda naming basahin ang Mga Use Case ng Blockchain: Remittance.


Paglilikom ng pondo na direkta sa blockchain

Sa kasaysayan, ang mga negosyante na naghahanap ng mapagkukunan ng pondo ay nakadepende sa ibang mga namumuhunan tulad ng angel investors, venture capitalists, o mga banker. Nagiging matrabaho ang prosesong ito at nangangailan ng mahabang negosasyon tungkol sa valuation, equity splits, stratehiya ng kumpanya, at marami pang iba.

Nag-aalok ang Initial Coin Offerings (ICO) at Initial Exchange Offerings (IEO) sa mga nagsisimulang proyekto ng oportunidad para makalikom ng pondo nang hindi kinakailangan ang mga bangko at ibang pinansyal na institusyon. Dahil pinapagana ng mga blockchain, binibigyang-daan ng mga ICO ang mga kumpanya na magbenta ng kanilang token kapalit ng pondo sa palagay na ang mga token na ito ay makakalikha ng kita para sa mga namumuhunan. Nakagawian ng mga bangko ang pagpapataw ng malaking singil sa pangangasiwa ng securitization ng mga negosyo at Initial Public Offerings (IPO), ngunit makatutulong ang teknolohiyang blockchain para makaiwas sa mga singil na ito.

Mahalagang tandaan na bagamat may potensyal ang mga ICO na gawing demokratiko ang pangangalap ng pondo, may mga karampatang suliranin pa rin ang mga ito. Ang pagiging madali ng pagsisimula ng ICO ay nagbigay-daan sa mga proyekto na makalikom na malaking halaga ng pondo nang walang pormal o konkretong requirement para sa pagtupad sa kanilang mga pangako. Walang regulasyon sa kalakhan ng ICO market kaya’t isa itong malaking sapalaran para sa mga namumuhunan.


Asset tokenization sa blockchain

Ang pagbili at pagbenta ng securities at ibang assets tulad ng stocks, bonds, commodities, currencies, at derivatives ay nangangailangan ng kumplikado at magka-ugnay na galaw sa pagitan ng mga bangko, mga broker, mga clearinghouse, at mga exchange. Hindi lang dapat mahusay kundi walang ring kamalian ang prosesong ito. Katumbas ng karagdagang kumplikasyon ang dagdag sa oras at gastos.

Ginagawang simple ng teknolohiyang blockchain ang prosesong ito sa pamamagitan ng patong na teknolohiya na magpapadali sa tokenization ng lahat ng uri ng asset. Dahil karamihan sa mga financial asset ay digital na binibili at binebenta sa pamamagitan ng mga online broker, ang pagtokenize sa mga ito sa blockchain ay mas madaling solusyon para sa lahat. 

Sinisiyasat na ng ilang makabagong blockchain na kumpanya ang pagtokenize sa mga totoong asset tulad ng real estate, sining, at mga kalakal. Ginagawa nitong mas madali at mas mura ang proseso ng paglipat ng pagmamay-ari ng mga asset na may totoong halaga. Magbubukas din ito ng bagong mga daan para sa mga namumuhunan na may limitadong kapital sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na bumili ng bahagi lamang ng pagmamay-ari ng mga mamahaling asset - mga investment product na dating hindi nila mabili. 


Pagpapautang ng pera gamit ang blockchain

Nasarili na ng mga bangko at ibang kumpanyang nagpapautang ang sektor ng pagpahiram ng pera kaya’t nagagawa nilang mag-alok ng pautang sa mas mataas na interes at mahigpitan ang pagkuha ng kapital na nakabase sa credit score. Dahil dito, nagiging mahaba at mahal ang proseso ng pangungutang ng pera. Habang nakalalamang ang mga bangko, nakadepende ang ekonomiya sa mga bangko sa pamimigay ng pondo para sa mas mamahaling bagay tulad ng kotse at bahay. 

Nagbibigay-daan ang teknolohiyang blockchain sa sinuman sa mundo na makalahok sa bagong uri ng kalakaran sa pagpapautang na bahagi ng kilusang tinatawag na Decentralized Finance (DeFi). Para makagawa ng mas accessible na sistemang pinansyal, layon ng DeFi na ilagay ang lahat na financial applications sa blockchain.  
Ang peer-to-peer na money lending na pinapagana ng blockchain ay nagbibigay-daan sa sinuman na manghiram at magpahiram ng pera sa simple, ligtas, at murang paraan nang wala ang mga hindi makatwirang paghihigpit. Dahil sa mahigpit na kumpetisyon sa larangan ng pagpapautang, mapipilitan ang mga bangko na mag-alok ng mas magandang mga kundisyon sa kanilang mga kustomer.


Epekto ng blockchain sa pandaigdigan na trade finance

Labis na maabala ang pagsali sa international trade dahil sa maraming pandaigdigang panuntunan at regulasyon na ipinapataw sa mga nag-aangkat at nagluluwas. Nangangailangan ng manu-manong proseso na puno ng sulat-kamay na mga dokumento at ledger ang pagbabantay sa galaw ng mga kalakal at paglipat sa mga ito sa bawat hakbang.

Ginagawang posible ng teknolohiyang blockchain para sa mga kalahok sa trade finance ang pagkakaroon ng mas mataas na lebel ng transparency sa pamamagitan ng shared ledger na tiyak na binabantayan ang paggalaw ng mga kalakal sa mundo. Dahil ginagawang simple at madali ng tekbolohiyang blockchain ang kumplikadong mundo ng trade finance, malaki ang matitipid na oras at pera ng mga nag-aangkat, mga nagluluwas, at mga negosyo.


Mas ligtas na kasunduan sa pamamagitan ng smart contracts

Umiiral ang mga kontrata para protektahan ang mga tao at negosyo sa pagpasok sa mga kasunduan, ngunit kaakibat ng proteksyong ito ang malaking gastos. Dahil sa kumplikado ang mga kontrata, ang proseso ng pagbuo nito ay nangangailangan ng tulong ng mga legal na eksperto.  

Ginagawang posible ng smart contracts ang automation ng mga kasunduan sa pamamagitan ng tamper-proof at deterministic na code na tumatakbo sa blockchain. Ligtas na mananatili ang pera sa escrow at ibibigay lamang ito kapag nasunod ang mga kundisyon sa kasunduan. 

Pinapababa ng smart contracts ang pangangailangan ng tiwala para magkaroon ng isang kasunduan, kaya’t bumababa rin ang panganib na dala ng pinansyal na kasunduan at ang tiyansang humantong ito sa korte.


Integridad ng datos at seguridad na dulot ng blockchain

May dalang panganib na malagay sa alanganin ang datos kapag ibinabahagi sa mga pinagkakatiwalaang tagapamagitan. Dagdag pa rito, maraming pinansyal na institutsyon ang gumagamit pa rin ng papel sa patatago ng mga dokumento kaya’t malaki ang nagagastos sa pangangalaga ng mga record. 

Binigyang-daan ng mga teknolohiyang blockchain ang mas madaling mga proseso na ginagawang awtomatiko ang pagpapatunay at pag-uulat ng datos, i-digitize ang KYC/AML data at transaction history, at pahintulutan ang nasa oras na pagpapatunay ng mga pinansyal na dokumento. Nakatutulong ito sa pagpapababa ng panganib sa pagpapatakbo, banta ng pandaraya, at gastos sa paghahawak ng datos sa mga pinansyal na institusyon.
Kung nais pang magbasa tungkol sa usaping ito, inirerekomenda naming basahin ang Mga Use Case ng Blockchain: Digital Identity.


Pangwakas na ideya

Ang industriya ng pagbabangko at pananalapi ay isa sa mga malalaking sektor na mabebenepisyuhan ng blockchain. Marami ang potensyal na use cases nito, mula sa real-time na transaksyon hanggang sa tokenization ng assets, pangungutang, mas maayos na daloy ng international trade, mas matatag na mga digital na kasunduan, at marami pang iba. 

Hindi magtatagal ay malulutas ang mga balakid sa teknolohiya at regulasyon para makamit ang potensyal ng bagong pinansyal na imprastrakturang ito. 

Ang pagbabangko at pananalapi na nakatayo sa isang trustless, transparent, at borderless na pundasyon ay may malaking potensyal na maging mahusay sa pagbibigay-daan sa mas bukas at magkaka-ugnay na ekonomiya.