TL;DR
Ang pamamayani ng Bitcoin ay ang share ng orihinal na cryptocurrency, ang BTC, sa capitalization ng buong merkado ng cryptocurrency. Mula noong binuo ito noong 2009, matagal-tagal na nanatili ang Bitcoin bilang nag-iisang digital asset at kaya naman, natural lang na saklaw nito ang lahat ng capitalization ng merkado ng crypto. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, nagsimulang magbago ang mga bagay-bagay. Noong taong 2013, nagsilabasan ang unang grupo ng mga altcoin na nagdagdag ng value ng mga ito sa formula ng market cap ng crypto. Noong 2015 lumabas ang Ethereum — ang pinakamalapit na katunggali ng Bitcoin na naglabas ng currency na ether — at noong 2017, humantong ang ICO boom sa patuloy na paghina ng pamamayani ng BTC at pag-abot nito sa pinakamababa, at nakabawi lang ito sa lampas 50% sa loob ng ilang buwan. Sa kasalukuyan, kinakahararp ng pamamayani ng BTC ang pinakamatindi nitong kumpetisyon sa mga DeFi, NFT, at metaverse token, at lampas 20,000 cryptocurrency na hindi bitcoin.
Panimula
Ang Bitcoin, ang unang cryptocurrency sa mundo, ay inilunsad sa publiko noong 2009 ng isang anonymous na developer o grupo ng mga developer na kilala bilang Satoshi Nakamoto. Mula noon, sa kabila ng paglabas ng mga kakumpitensya, nanatili ang Bitcoin bilang pinakamalaki at pinakamahal na cryptocurrency sa mundo. Nagbigay-inspirasyon din ang pinagbabatayang teknolohiya nito sa pag-develop ng libo-libong bagong cryptocurrency na sama-samang tinatawag bilang mga alternative coin, o mga altcoin.
Ang katayuan ng Bitcoin kumpara sa lahat ng iba pang digital asset ay mahalaga at nagsasaad pa rin ng estado ng kabuuang merkado ng crypto. Para masukat ang market cap ng bitcoin kumpara sa mas malaking bahagi ng merkado ng crypto, gumagamit ang mga trader at analyst ng ratio na tinatawag na pamamayani ng Bitcoin, na kilala rin bilang pamamayani ng BTC.
Ano ang Pamamayani ng BTC?
Ang pamamayani ng BTC ay ang share ng Bitcoin sa pangkalahatang value ng merkado ng crypto. Kinakalkula ito sa pamamagitan ng paghahati sa market cap ng BTC sa kabuuang market cap ng cryptocurrency.
Pero bakit ito mahalaga? Noon, ginamit ng mga trader ang pamamayani ng BTC para makatulong na maunawaan kung nasa pataas o pababang trend ang mga altcoin laban sa bitcoin. Halimbawa, ang isang sikat na teorya ay papasok sa bull market ang merkado ng crypto kung pataas ang trending ng mga altcoin. Halimbawa, noong 2017, nang malaki ang inihina ng pamamayani ng BTC, pumalo ang mga presyo ng altcoin (sa halip na bumagsak ang presyo ng BTC), kasabay ng pagpasok ng buong merkado sa bull phase.
Mula sa Isang Cryptocurrency Tungo sa Libo-libo
Noong 2011, lumabas ang unang altcoin, ang litecoin, at noong 2013 — na binansagang “the year of the Bitcoin” ng Forbes magazine — mabilis na dumami ang mga bagong altcoin na pumapasok sa merkado. Pagdating ng Mayo 2013, may hindi bababa sa sampung token sa merkado ng crypto, kasama na ang litecoin (LTC) at XRP ng Ripple.
Kasabay noon, pumalo ang presyo ng bitcoin habang mas maraming namumuhunan ang nakatuklas sa mundo ng digital asset sa unang pagkakataon. Gayunpaman, kahit na may ilang baguhang makakakumpitensya, nasa 95% pa rin ang pamamayani ng BTC noong panahong ito.
Ang paglabas ng Ethereum
Noong 2015, inilunsad ni Vitalik Buterin at ng isang team ng mga developer ang Ethereum (ETH) network. Nilayon nitong kalabanin ang Bitcoin bilang blockchain na nagbigay-daan sa mas maraming mapaggagamitan bukod pa sa mga pinansyal na serbisyo gaya ng paglilipat ng pera. Hindi naapektuhan ang Bitcoin ng kakumpitensyang native token ng Ethereum, ang ether (ETH), at nanatili pa rin ito sa 90-95% sa merkado ng crypto. Nagsimula lang magbago ang mga bagay-bagay noong 2017 — ang simula ng initial coin offering (ICO) boom.
Pamamayagpag ng ICO
Ang mga initial coin offering (ICO), na isang sikat na pamamaraan ng crowdfunding para sa mga nagsisimula pa lang na proyekto ng crypto, ay naging sikat na trend mula 2017 hanggang 2018. May humigit-kumulang 2000 natatanging ICO noong panahong ito, kung saan $10 bilyon ang nalikom sa kabuuan. Nagsimulang dumaloy ang mga pondo mula sa bitcoin papunta sa marami sa mga mas bagong altcoin na nagsilabasan noon. Naniwala ang ilang namumuhunan sa mga nakakahikayat, pero hindi pa napapatunayang mapaggagamitan, habang mas interesado naman ang iba sa pagkita sa malalaking pagbabago-bago ng presyo.
Dahil sa walang katulad na pagdami ng mga kakumpitensyang altcoin, naranasan ng pamamayani ng Bitcoin ang kauna-unahan nitong malaking pagbaba, at bumagsak ito sa all-time low na humigit-kumulang 37% noong Enero 2018.
Crypto winter noong 2018
Bagama't nakatawag ito ng pansin sa crypto, panandalian lang ang ICO boom. Naisip ng mga namumuhunan na maraming proyektong ICO ang walang pangunahing prinsipyo o may mga kaduda-dudang kasanayan sa negosyo. Ang ilang proyekto ay naging puntirya pa nga ng pagsisiyasat ng U.S. at iba pang awtoridad hinggil sa pagkontrol. Hindi nagtagal, nangibabaw sa industriya itong negatibong sentimyento, kaya naman sumailalim ang buong merkado ng crypto sa matagal na panahon ng pagbagsak ng presyo at kawalan ng pag-asenso.
Pagbawi ng Bitcoin
Sa pagbagsak ng presyo ng maraming altcoin at pangkalahatang pagkadismaya ng mga namumuhunan sa mga ICO, unti-unting bumalik sa lampas 50% ang pamamayani ng BTC noong mga huling buwan ng 2018.
Noong 2019, nakaranas ng bahagyang pag-angat ang presyo ng Bitcoin, kung saan nag-trade ito sa humigit-kumulang $7,000 sa katapusan ng taon, habang umabot sa pinakamataas ang pamamayani ng BTC sa humigit-kumulang 70% noong Setyembre. Gayunpaman, hindi masyadong nagbago ang digital asset hanggang noong tinamaan ang mundo ng pandemya ng COVID-19 noong 2020.
Ang merkado ng COVID
Simula noong 2020 — pagkatapos ng panandaliang pagbagsak na dulot ng COVID — sumailalim ang merkado ng crypto sa record-breaking na bull run. Kasabay nito, umabot sa 72% ang pamamayani ng BTC noong Enero 2021, na siyang pinakamataas nitong tally simula 2017, bago ito bumagsak sa 39% noong kalagitnaan ng 2021.
Dahil sa nagbabadyang pandemya, maraming taong nababagot at hindi makaalis sa bahay ang nag-day trading at namuhunan para magpalipas ng oras. Samantala, para ma-offset ang pagbagsak ng ekonomiya dulot ng pandemya, namigay ng pera ang mga gobyerno sa buong mundo para mapasigla ang naghihikahos nilang ekonomiya. Malaki-laking bahagi ng mga pondong ito ang ipinuhunan ng mga retail trader sa mga stock, forex, o sa merkado ng crypto sa unang pagkakataon.
Ngayon, pagkatapos bigyang-pansin ng media ang crypto sa huling kalahati ng 2020, unti-unting naging nakakahikayat na opsyon ang mga altcoin, kahit na delikado ito, para sa mga retail na namumuhunan, lalo na sa mga baguhang gustong kumita nang mabilisan. Halimbawa, tumaas ang presyo ng shiba inu (SHIB) nang mahigit 40 milyong porsyento noong 2021.
Dagdag pa rito, ang mabilis na paglago ng mga inobasyong tulad ng decentralized finance (DeFI) at mga NFT, na pangunahing nasa mga kakumpitensyang blockchain gaya ng Ethereum at Solana (SOL), ay nakaambag sa pagkawala ng mas malaki pang market share ng bitcoin. Halimbawa, ang presyo ng Solana mula $1.50 ay umabot sa pinakamataas na $250 noong 2021 pagkatapos makapukaw ng interes sa institusyon at retail sa pinagbabatayang teknolohiya nito.
Mula noon, nahirapang lumampas sa 50% ang pamamayani ng BTC. Ang kamakailang mabagal na paglago ng pamamayani ng BTC ay posibleng may kinalaman sa ETH 2.0, ang pinakahihintay na paglipat ng Ethereum sa proof-of-stake, sa tuloy-tuloy na bear market.
Mga Pangwakas na Pananaw
Sa mga kamakailang taon, lumiit ang market share ng Bitcoin dahil sa paglago ng merkado ng altcoin. Hindi tulad noong mga naunang taon, kung kailan napakakaunti ng mga kakumpitensya, nakikipagkumpitensya na ngayon ang Bitcoin sa mga DeFi token, sa sumisikat na sektor ng NFT, at sa libo-libo pang ibang cryptocurrency.
Sa kabila nito, Bitcoin pa rin ang nangungunang cryptocurrency pagdating sa market cap, at malabong mawala ang pamamayani ng BTC sa nalalapit na hinaharap. Una sa lahat, maraming namumuhunan ang nagtuturing sa Bitcoin bilang store of value dahil sa may limitasyong supply nito — kaya naman “digital gold” ang bansag dito.
Pero pinakamahalaga sa lahat, nagkaroon ng lamang sa kumpetisyon sa merkado ng digital asset ang status ng Bitcoin bilang pinakaunang cryptocurrency sa industriya. Gayunpaman, ayon sa kasaysayan, na kung may darating na mas maganda, hindi na masyadong magtatagal ang bentahe bilang unang mover. Hindi pa natin alam kung may iba pang cryptocurrency na mamamayani sa merkado ng crypto katulad ng Bitcoin.