Ano ang Blockchain Bridge?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Blockchain Bridge?

Ano ang Blockchain Bridge?

Intermediya
Na-publish Jun 22, 2022Na-update Nov 11, 2022
7m

TL;DR

Ang blockchain bridge ay isang protocol na nagkokonekta ng dalawang blockchain para mabigyang-daan ang mga interaction sa pagitan ng mga ito. Kung nagmamay-ari ka ng bitcoin pero gusto mong lumahok sa aktibidad sa DeFi sa network ng Ethereum, magagawa mo iyon sa tulong ng blockchain bridge nang hindi mo ibinebenta ang iyong bitcoin. Mahalaga ang mga blockchain bridge para magkaroon ng interoperability sa mundo ng blockchain.

 

Panimula

Para maunawaan kung ano ang blockchain bridge, kailangan mo munang maunawaan kung ano ang blockchain. Ang Bitcoin, Ethereum, at BNB Smart Chain ay ilan sa mga pangunahing ecosystem ng blockchain, na lahat ay umaasa sa iba't ibang consensus protocol, programming language, at panuntunan sa system. 

Ang blockchain bridge ay isang protocol na nagkokonekta ng dalawang blockchain na magkahiwalay ayon sa pananalapi at teknolohiya para mabigyang-daan ang mga interaction sa pagitan ng mga ito. Gumagana ang mga protocol na ito na parang pisikal na tulay na nagdurugtong ng isang isla papunta sa isa pa, kung saan ang mga isla ay magkakahiwalay na ecosystem ng blockchain.

Samakatuwid, nagbibigay-daan ang mga blockchain bridge sa tinatawag na interoperability, ibig sabihin, puwedeng makipag-interact sa iba ang mga digital asset at data na naka-host sa isang blockchain. Interoperability ang pundasyon ng internet: Ginagamit ng mga computer sa buong mundo ang parehong hanay ng mga bukas na protocol para makipag-usap sa isa't isa. Sa mundo ng blockchain, kung saan maraming natatanging protocol, mahalaga ang mga blockchain bridge sa pagbibigay-daan sa parehong dali ng pagpapalitan ng data at halaga. 


Bakit natin kailangan ang mga blockchain bridge?  

Sa pag-unlad at paglawak ng mundo ng crypto, isa sa mga pinakamahalagang limitasyon ay ang kawalan ng kapasidad ng iba't ibang blockchain na gumana nang sama-sama. May sariling panuntunan, token, protocol, at smart contract ang bawat blockchain. Nakakatulong ang mga blockchain bridge na buwagin ang mga dibisyong ito at pagsama-samahin ang mga isolated na ecosystem ng crypto. Sa magkakakone-konektang network ng mga blockchain, madaling makakapagpalitan ng mga token at data ang mga ito. 

Maliban sa pagbibigay-daan sa mga cross-chain na paglilipat, nagbibigay ng iba pang benepisyo ang mga blockchain bridge. Nagbibigay-daan ang mga ito sa mga user na mag-access ng mga bagong protocol sa iba pang chain at nagbibigay-daan ang mga ito sa mga developer mula sa iba't ibang komunidad ng blockchain na makapagtulungan. Sa madaling salita, ang mga blockchain bridge ay isang napakahalagang bahagi ng interoperable na hinaharap ng industriya ng blockchain.

 

Paano gumagana ang mga blockchain bridge? 

Ang pinakakaraniwang mapaggagamitan ng blockchain bridge ay paglilipat ng token. Halimbawa, gusto mong ilipat ang iyong bitcoin (BTC) sa network ng Ethereum. Isang paraan ay ibenta ang iyong BTC at pagkatapos ay bumili ng ether (ETH). Gayunpaman, magkakaroon ito ng bayarin sa transaksyon at malalantad ka sa volatility ng presyo. 

Puwede mo ring makamit ang layuning ito sa pamamagitan ng paggamit ng blockchain bridge nang hindi ibinebenta ang iyong crypto. Kapag nag-bridge ka ng 1 BTC sa isang Ethereum wallet, ila-lock ng isang kontrata ng blockchain bridge ang iyong BTC at gagawa ito ng katumbas na halaga ng Wrapped BTC (WBTC), na isang ERC20 token na compatible sa network ng Ethereum. Mala-lock sa isang smart contract ang halaga ng BTC na gusto mong i-port, at maiisyu o mami-mint ang mga katumbas na token sa destinasyong blockchain network. Ang wrapped token ay isang tokenized na bersyon ng isa pang cryptocurrency. Naka-peg ito sa halaga ng asset na kinakatawan nito at karaniwan itong mare-redeem para dito (unwrapped) sa anumang punto.

Sa pananaw ng user, may ilang hakbang ang prosesong ito. Halimbawa, para magamit ang Binance Bridge, pipiliin mo muna ang chain kung saan gusto mong mag-bridge at tutukuyin mo ang halaga. Pagkatapos, idedeposito mo ang crypto sa isang address na binuo ng Binance Bridge. Pagkatapos maipadala ang crypto sa address sa panahon ng palugit, papadalhan ka ng Binance Bridge ng katumbas na halaga ng mga wrapped token sa kabilang blockchain. Kung gusto mong i-convert pabalik ang iyong mga pondo, dadaan ka lang sa kabaliktarang proseso.

 

Anong mga uri ng mga blockchain bridge ang mayroon? 

Puwedeng ikategorya ang mga blockchain bridge ayon sa mga function, mekanismo, at antas ng sentralisasyon ng mga ito. 

Mga custodial vs. non-custodial bridge

Isang karaniwang kategorisasyon ang hatiin ang mga blockchain bridge sa dalawang uri: custodial (sentralisado) at non-custodial (desentralisado). 

Sa mga custodial bridge, kailangang magtiwala ng mga user sa sentral na entity para mapatakbo ang system nang maayos at ligtas. Dapat magsagawa ng mabusising pananaliksik ang mga user para matiyak na mapagkakatiwalaan ang entity na ito. 

Tumatakbo ang mga non-custodial bridge sa desentralisadong paraan, at umaasa ang mga ito sa mga smart contract para mapamahalaan ang mga proseso ng pag-lock at pag-mint ng crypto, kaya hindi na kailangang magtiwala sa isang bridge operator. Sa ganitong sitwasyon, halos katulad ng pinagbabatayang code ang seguridad ng system.

Mga blockchain bridge ayon sa mga function

Ang isa pang klasipikasyon ay batay sa kung paano gumagana ang isang blockchain bridge. Kasama sa ilang halimbawa ang mga wrapped asset bridge at sidechain bridge.

Nagbibigay-daan ang mga wrapped asset bridge sa interoperability ng crypto, halimbawa, ang pag-port ng mga bitcoin sa network ng Ethereum sa pamamagitan ng pag-wrap ng BTC sa Wrapped BTC (WBTC), na isang ERC20 token na compatible sa network ng Ethereum. Ikinokonekta ng mga sidechain bridge ang parent blockchain sa child sidechain nito, na nagbibigay-daan sa interoperability sa pagitan ng dalawa. Kailangan ito dahil posibleng magkaiba ang mga mekanismo ng consensus ng parent at sidechain. Isang halimbawa ang xDai Bridge, na nagkokonekta ng mainnet ng Ethereum sa Gnosis Chain (dating xDai blockchain), na isang Ethereum-based na stable payment sidechain. Sine-secure ang xDai ng isang hanay ng mga taga-validate na iba sa mga nagpapanatili ng network ng Ethereum. Nagbibigay-daan ang xDai Bridge sa madaling paglilipat ng halaga sa pagitan ng dalawang chain.

Mga blockchain bridge ayon sa mga mekanismo 

May mga one-way (unidirectional) bridge at two-way (bidirectional) bridge. Sa one-way bridge, puwede lang mag-bridge ng mga asset ang mga user sa isang destinasyong blockchain pero hindi pabalik sa native blockchain nito. Sa mga two-way bridge, puwedeng mag-bridge ng asset sa magkabilang direksyon. 

 

Mga benepisyo ng mga blockchain bridge

Ang pinakamahalagang benepisyo ng mga blockchain bridge ay ang kakayahang pahusayin ang interoperability. 
Nagbibigay-daan ang mga ito sa palitan ng mga token, asset, at data sa iba't ibang blockchain, sa pagitan man ng layer 1 at layer 2 protocol o iba't ibang sidechain. Halimbawa, sa WBTC, mae-explore ng mga user ng bitcoin ang mga decentralized application (dapp) at serbisyo ng DeFi ng ecosystem ng Ethereum. Napakahalaga ng interoperable na sektor ng blockchain sa tagumpay ng industriya sa hinaharap.

Isa pang bentahe ng mga blockchain bridge ay pahusayin ang scalability. Kaya ng ilang blockchain bridge ang napakaraming transaksyon, na nakakadagdag sa efficiency. Halimbawa, ang Ethereum-Polygon Bridge ay isang desentralisadong two-way bridge na gumagana bilang solusyon sa pag-scale sa network ng Ethereum. Bilang resulta, puwedeng makinabang ang mga user sa mas mabibilis na transaksyon at mas mabababang gastusin sa transaksyon.

 

Mga panganib ng mga blockchain bridge

Gayundin, may ilang limitasyon ang mga blockchain bridge. Nasamantala na ng mga attacker ang mga kahinaan ng mga smart chain ng ilang blockchain bridge. Napakalalaking halaga ng crypto ang nadispalko na ng masasamang loob mula sa mga cross-chain bridge. 

Sa mga custodial bridge, puwedeng malantad ang mga user sa mga custodial na panganib. Ayon sa teorya, posibleng nakawin ng sentralisadong entity sa likod ng isang custodial bridge ang mga pondo ng mga user. Kapag gagamit ka ng mga custodial bridge, pumili ng mga kilala nang brand na may mga pangmatagalang track record. 

Isa pang potensyal na teknikal na limitasyon ay ang mga bottleneck ng rate ng transaksyon. Puwedeng mapigilan ng bottleneck sa kapasidad sa throughput ng isang chain ang malawakang interoperability ng blockchain. 

Bagama't maiibsan ng bridge ang congestion sa abalang network, hindi malulutas ang isyu sa scalability kapag inilipat sa ibang chain ang mga asset dahil hindi laging magkakaroon ang mga user ng access sa parehong hanay ng mga dapp at serbisyo. Halimbawa, hindi available ang ilang dapp ng Ethereum sa Polygon Bridge, na naglilimita sa bisa ng pag-scale nito. 

Panghuli, sa mga blockchain bridge, puwedeng malantad ang mga pinagbabatayang protocol sa mga panganib na nauugnay sa pagkakaiba sa tiwala. Dahil nagkokone-konekta ang mga blockchain bridge ng iba't ibang blockchain, kasinglakas lang ng pinakamahinang bahagi ang pangkalahatang seguridad ng magkakakone-konektang network. 

 

Ano ang hinaharap ng mga blockchain bridge? 

Ang internet ay isang sistemang nagdudulot ng malaking pagbabago dahil na rin sa mataas na interoperability nito. Napakahalaga ng mga blockchain bridge sa pagpapahusay sa interoperability at malawakang paggamit ng industriya ng blockchain. Nagbigay-daan ang mga ito sa ilang mahalagang inobasyon, na nagbigay-daan sa mga user na magpalitan ng mga asset sa pagitan ng maraming protocol ng blockchain. Malaki ang inilago ng mga blockchain bridge pagdating sa bilang ng mga bridge, user, at kabuuang dami ng transaksyon.  

Malamang na patuloy na madaragdagan ang pangangailangan sa mga blockchain bridge habang lumilipat sa Web3 ang internet. Sa mga inobasyon sa hinaharap, puwedeng magkaroon ng mas mahusay na scalability at efficiency ang mga user at developer. Posibleng magkaroon ng mga makabagong solusyon para matugunan ang mga panganib sa seguridad na nauugnay sa mga bridge. Mahalaga ang mga blockchain bridge sa pagbuo ng interoperable, bukas, at desentralisadong mundo ng blockchain. 


Mga pangwakas na pananaw

Itinutulak ng mga tuloy-tuloy na inobasyon ang pag-unlad ng industriya ng blockchain. Nandiyan ang mga nagpasimulang protocol gaya ng mga network ng Bitcoin at Ethereum, na sinusundan ng napakaraming alternatibong layer 1 at layer 2 blockchain. Malaki ang itinaas ng bilang ng mga crypto coin at token. 

Dahil magkakahiwalay ang mga panuntunan at teknolohiya, kailangan ng mga blockchain bridge para mapagkone-konekta ang mga ito. Ang ecosystem ng blockchain na pinag-uugnay-ugnay ng mga bridge ay mas buo at interoperable, na nagbibigay ng mga pagkakataon para sa mas mahusay na scalability at efficiency. Dahil sa maraming pag-atake sa mga cross-chain bridge, tuloy pa rin ang paghahanap ng mas secure at matibay na disenyo ng bridge.