Ano ang Solana (SOL)?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Paano gumagana ang Solana?
Ano ang Proof of History?
Mga pangunahing feature ng Solana
Ano ang SOL token?
Paano mag-store ng SOL?
Mga pangwakas na pananaw
Ano ang Solana (SOL)?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Solana (SOL)?

Ano ang Solana (SOL)?

Intermediya
Na-publish May 27, 2021Na-update Feb 9, 2023
7m

TL;DR

Ang Solana ay isang network ng blockchain na nakatuon sa mabibilis na transaksyon at mataas na throughput. Gumagamit ito ng natatanging paraan para pagsunud-sunurin ang mga transaksyon para mas mapabilis ito. Magagawa ng mga user na bayaran ang kanilang bayarin sa transaksyon at makipagtransaksyon sa mga smart contract gamit ang SOL, ang katutubong cryptocurrency ng network.

Panimula

Pagdating sa teknolohiya ng blockchain, scalability ang isa sa pinakamalalaking hamon. Habang lumalaki ang mga network na ito, madalas na nakakaranas ang mga ito ng mga limitasyon pagdating sa bilis ng transaksyon at mga oras ng kumpirmasyon. Layunin ng Solana na tugunan ang mga limitasyong ito nang hindi kinokompromiso ang seguridad o desentralisasyon.

Itinatag noong 2017 ni Anatoly Yakovenko mula sa Solana Labs, gumagamit ang blockchain ng Solana ng isang bagong paraan ng pag-verify ng mga transaksyon. Nakakaranas ng mga isyu sa scalability at bilis ang Bitcoin, Ethereum, at marami pang ibang proyekto. Gamit ang isang paraang tinatawag na Proof of History (PoH), kayang humawak ng blockchain ng Solana ng libo-libong transaksyon bawat segundo.


Paano gumagana ang Solana?

Ang Solana ay isang third-generation na Proof of Stake na blockchain. Nagpapatupad ito ng isang natatanging paraan ng paggawa ng isang trustless na system para sa pagtukoy sa oras ng transaksyon, na tinatawag na Proof of History.
Talagang mahalaga para sa mga cryptocurrency ang pagsubaybay sa pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon. Ginagawa ito ng Bitcoin sa pamamagitan ng pagbubulto ng mga transaksyon sa mga block gamit ang isang timestamp. Dapat i-validate ng bawat node ang mga block na ito sa paraang may consensus sa iba pang node. Dahil sa prosesong ito, mas humahaba ang panahon ng paghihintay para kumpirmahin ng mga node ang isang block sa buong network. Iba ang diskarte ng Solana. Tingnan nating mabuti.

Ano ang Proof of History?

Ang lahat ng event at transaksyon sa Solana ay naka-hash gamit ang SHA256 na function sa pag-hash. Ang function na ito ay tumatanggap ng input at gumagawa ng isang natatanging output na sobrang hirap mahulaan. Kinukuha ng Solana ang output ng isang transaksyon at ginagamit ito bilang input para sa susunod na hash. Dahil dito, built-in na sa naka-hash na output ang pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon.

Ang prosesong ito ng pag-hash ay gumagawa ng isang mahaba at walang putol na chain ng mga naka-hash na transaksyon. Gumagawa ang feature na ito ng isang malinaw at nave-verify na pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon na idaragdag ng validator sa isang block, nang hindi na nangangailangan ng isang kumbensyonal na timestamp. Nangangailangan din ang pag-hash ng isang partikular na haba ng panahon bago makumpleto, ibig sabihin, mabilis na mave-verify ng mga validator ang tagal ng panahong lumipas.

Iba ang Proof of History sa prosesong ginagamit ng Bitcoin bilang bahagi ng mekanismo nito ng consensus na Proof of Work. Ang mga block sa Bitcoin ay malalaking grupo ng mga hindi magkakasunod na transaksyon. Sa tuwing may minero ng BTC na magdaragdag ng oras at petsa sa block, magmimina siya batay sa lokal niyang oras. Puwedeng mag-iba ang oras depende sa iba pang node, o puwede pa nga itong maging mali. Ngayon, kailangang alamin ng mga node kung valid ang timestamp.

Sa pamamagitan ng pagsusunod-sunod ng mga transaksyon sa isang chain ng mga hash, mas kaunti ang impormasyong ipoproseso at ita-transmit ng mga validator sa bawat block. Ang paggamit ng naka-hash na bersyon ng pinakabagong status ng mga transaksyon ay lubos na makakabawas ng oras sa pagkumpirma sa isang bagong block.

Mahalagang maunawaan na hindi isang mekanismo ng consensus ang Proof of History. Sa halip, isa itong paraan ng pagpapaikli sa tagal ng pagkumpirma sa pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon. Kung isasabay ito sa proof of stake, mas madali na ang pagpili ng susunod na validator para sa isang block. Mas maikli na ang panahong kakailanganin ng mga node para i-validate ang pagkakasunod-sunod ng mga transaksyon, ibig sabihin, mas mabilis makakapili ang network ng bagong validator.


Mga pangunahing feature ng Solana

Ayon sa kanilang blog, nakabuo ang team ng Solana ng walong pangunahing teknikal na feature para tulungan ang blockchain na matapatan ang mga kakayahan ng isang sentralisadong system. Posibleng Proof of History ang pinakakapansin-pansin sa mga ito, pero mayroon din sila ng mga sumusunod:
  • Tower BFT — isang bersyon ng Practical Byzantine Fault Tolerance na naka-optimize sa PoH
  • Turbine — isang protocol sa pag-propagate ng block

  • Gulf Stream — protocol sa pagpapasa ng transaksyon na walang Mempool

  • Sealevel — Parallel na run-time ng mga smart contract

  • Pipelining — isang Unit ng Pagpoproseso ng Transaksyon para sa pag-optimize ng pag-validate

  • Cloudbreak — Horizontally-Scaled na Database ng Mga Account

  • Mga Archiver — Pagtatago sa pamamagitan ng distributed ledger

Ang mga feature na ito ay nakakabuo ng isang network na may mataas na performance na may 400ms na bilis ng block at nakakapagpatakbo ng libo-libong transaksyon bawat segundo. Para sa paghahambing, ang bilis ng block ng Bitcoin ay humigit-kumulang 10 minuto, at ang Ethereum naman ay humigit-kumulang 15 segundo.
Puwedeng i-stake ng mga may hawak ng SOL ang kanilang mga token bilang bahagi ng mekanismo ng consensus sa PoS ng blockchain. Gamit ang isang compatible na crypto wallet, puwede mong i-stake ang iyong mga token sa mga validator na nagpoproseso ng mga transaksyon ng network. Pagkatapos, ibabahagi ng isang matagumpay na validator ang ilang reward sa mga nag-stake. Sa mekanismong ito ng pagbibigay ng reward, nabibigyan ng insentibo ang mga validator at delegator para kumilos sila sa ngalan ng kapakanan ng network. Noong Mayo 2021, may humigit-kumulang 900 validator ang Solana, kaya naman sapat ang pagiging desentralisadong network nito.

Ano ang SOL token?

Ang SOL ay ang katutubong cryptocurrency ng Solana, na ginagamit bilang isang utility token. Kailangan ng mga user ang SOL para magbayad ng bayarin sa transaksyon kapag naglilipat o kapag nakikipag-ugnayan sa mga smart contract. Nagbu-burn ang network ng SOL bilang bahagi ng modelo nito sa pag-deflate. Puwede ring maging mga validator ng network ang mga may hawak ng SOL. Gaya ng Ethereum, binibigyang-daan ng Solana ang mga developer na makabuo ng mga smart contract at makagawa ng mga proyekto batay sa blockchain.

SPL protocol ang ginagamit ng SOL. Ang SPL ang pamantayan ng token ng Solana blockchain, katulad ng ERC20 sa Ethereum. May dalawang pangunahing pinaggagamitan ang SOL token:

  1. Pagbabayad ng bayarin sa transaksyon na ipinapataw kapag ginagamit ang network o mga smart contract.

  2. Pag-stake ng mga token bilang bahagi ng mekanismo ng consensus na Proof of Stake.

Ang paggawa ng mga DApp sa Solana ay nagreresulta rin sa mga bagong paggagamitan ng SOL. Halimbawa, gumagawa ang Chainvote ng isang (decentralized finance) DeFi na app ng pagboto para sa pamamahala ng kumpanya kung saan ginagamit ang mga SOL token para bumoto. Nagkaroon ng halos 30 beses na pagtaas ang presyo ng Solana sa unang dalawang quarter ng 2021, kaya naman popular itong piliin ng mga mamumuhunan at speculator.


Paano mag-store ng SOL?

Puwede kang mag-store ng mga SOL token sa sollet.io crypto wallet (binuo ng Serum Academy), Trust Wallet para sa mga mobile device, at iba pang wallet na nakakasuporta sa SPL. Kung gusto mong i-stake ang iyong SOL, kakailanganin mong gumamit ng wallet na nakakasuporta sa pag-stake. Puwede kang gumamit ng SolFlare wallet o gumamit ng mga command-line na tool ng Solana. Bibigyang-daan ka ng iyong wallet na gumawa ng account sa pag-stake at italaga ang iyong mga SOL token sa isang validator.

Mga pangwakas na pananaw

Bilang isang medyo bagong proyekto, naihatid ng Solana ang mga benepisyong ipinapangako nito pagdating sa bilis at scalability. Maganda rin ang naging performance ng presyo ng token nito, kaya naman interesado rito ang mga mamumuhunan. Gayunpaman, nagsisimula pa lang ang pagtanggap at paggamit sa mismong network.

Hangga't hindi natin nakikita ang pagbigat ng trapiko at mas marami pang paggagamitan ng Solana, hindi natin malalaman kung maghahatid ba talaga ng pagbabago sa mundo ng cryptocurrency ang bilis nito. Maganda naman ang pagkakaroon ng mabilis na network, pero mararanasan lang ang mga benepisyo nito kapag mas marami nang tao ang gumagamit nito at kapag mas marami na tayong mapaggagamitan.