TL;DR
Ang peer-to-peer (P2P) trading ay ang direktang pagbili at pagbebenta ng mga cryptocurrency sa mga user nang walang tagapamagitan. Pinagkokonekta ng mga P2P na palitan ang mga mamimili at nagbebenta at nagbibigay ang mga ito ng layer ng proteksyon sa pamamagitan ng mga serbisyo ng escrow, system ng feedback / rating, at resolusyon ng hindi pagkakasundo.
Kasama sa mga bentahe ng P2P trading ang pandaigdigang accessibility, maraming opsyon sa pagbabayad, walang bayarin sa transaksyon, at mga naka-personalize na alok. Gayunpaman, mayroon din itong mga disbentahe, gaya ng mas mabagal na pag-trade at mas mababang liquidity kaysa sa mga centralized exchange (CEX).
Panimula
Ang P2P na pag-trade ng cryptocurrency ay isang paraan ng pagbili at pagbebenta ng mga cryptocurrency nang direkta sa pagitan ng mga user nang hindi nangangailangan ng sentrong tagapamagitan. Puwedeng gumamit ng P2P na palitan ang mga user para mag-access ng pandaigdigang marketplace, maraming opsyon sa pagbabayad, at mga naka-personalize na alok. Gayunpaman, may mga disbentahe rin ang P2P trading, gaya ng mas mabagal na pag-trade at mas mababang liquidity. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga bentahe at disbentahe ng P2P trading at kung paano ito mapapakinabangan ng mga tao.
Ano ang P2P trading?
Tumutukoy ang P2P na pag-trade ng crypto sa direktang pagbili at pagbebenta ng mga cryptocurrency sa mga user, nang walang third party o tagapamagitan. Hindi ito katulad ng pagbili at pagbebenta ng mga cryptocurrency gamit ang CEX, kung saan hindi ka puwedeng makipagtransaksyon nang direkta sa mga kabilang partido.
Ang CEX ay gagamit ng mga chart at market order aggregator para tantyahin ang mga kasalukuyang market price at tukuyin ang mainam na pagkakataon para bumili, magbenta, o humawak ng iyong crypto. Kapag handa ka nang bumili o magbenta, ipapasok ng palitan ang iyong order sa order book nito at papangasiwaan nito ang transaksyon para sa iyo.
Depende sa uri ng order na ginagamit mo, ang mga epektong tulad ng slippage ay posibleng mangahulugan na hindi mo makukuha ang eksaktong presyo na gusto mo. Sa kabilang banda, sa P2P trading, magkakaroon ka ng ganap na kontrol sa presyo, tagal ng settlement, at kung kanino mo pipiliing magbenta at bumili.
Paano Gumagana ang P2P na Palitan?
Isipin ang P2P na palitan kung paano mo rin iisipin ang Facebook Marketplace — magkapareho ang mga ito dahil pinagkokonekta ng mga ito ang mga mamimili at nagbebenta. Gayunpaman, posibleng maging mahirap ang pagbili o pagbebenta ng isang bagay sa Facebook Marketplace dahil hindi magkakilala ang magkabilang partido at mahirap bumuo ng tiwala.
Ano ang mangyayari kapag nakatanggap ng bayad ang nagbebenta, at pagkatapos at na-block niya ang mamimili at hindi niya ipinadala ang produktong binili ng mamimili? Sa sitwasyong ito, mawawalan ng pera ang mamimili dahil sa panloloko.
Ang layunin ng mga P2P na palitan ay hindi lang pagkonektahin ang mga mamimili at nagbebenta, pero pati na rin magbigay sa kanila ng layer ng proteksyon sa pamamagitan ng pag-secure ng mga transaksyon at pagbabawas ng panganib ng panloloko. Ang mga mamimili at nagbebenta ay makakapag-browse ng mga crypto ad at makakapag-post ng sarili nilang mga ad habang tinatamasa ang proteksyong ito, na ginawang posible ng mga system ng feedback at rating.
Dagdag pa rito, gumagamit ng escrow ang P2P na palitan para i-secure ang binibili at ibinebentang crypto hanggang sa makumpirma ng magkabilang partido ang transaksyon. Halimbawa, kung nagbebenta ka ng Bitcoin kapalit ng fiat na pera, ie-escrow ng Binance ang iyong Bitcoin (BTC). Kapag natanggap mo na ang fiat na pera, puwede mong kumpirmahin ang transaksyon at ire-release ang BTC sa wallet ng mamimili.
Kung hindi nasiyahan sa transaksyon ang alinmang partido, puwede silang maghain ng apela para lutasin ang isyu sa kabilang partido, o magpatulong sa Customer Support ng Binance. Gayunpaman, tandaan na dapat ihain ang apela habang isinasagawa ang proseso ng order, habang nakabinbin pa ang order.
Mga Bentahe ng P2P Trading
Pandaigdigang marketplace
Isang bentahe ng paggamit ng lokal na P2P na palitan ng Bitcoin ay nagbibigay ito sa iyo ng access sa pandaigdigang merkado ng mga mamimili at nagbebenta ng cryptocurrency. Halimbawa, naa-access ang ilang P2P na palitan sa daan-daang bansa, na nagbibigay-daan sa iyong bumili at magbenta ng mga cryptocurrency sa mga tao sa buong mundo sa loob lang ng ilang minuto.
Maraming paraan ng pagbabayad
Posibleng hindi nag-aalok ang mga tradisyonal na palitan ng maraming opsyon sa pagbabayad gaya ng mga P2P na palitan. Halimbawa, nag-aalok ang Binance P2P ng mahigit 700 paraan ng pagbabayad, kasama na ang pagbabayad ng cash sa personal. Puwede itong makatulong sa mga taong mas gusto ng mga harapang transaksyon o walang access sa bank account.
Walang bayarin sa pag-trade para sa mga taker
Bagama't naniningil ang ilang palitan ng cryptocurrency ng nakatakdang bayad o porsyento sa bawat trade, ang iba naman ay nagbibigay-daan sa mga trader na kumonekta at magsagawa ng mga transaksyon nang libre — siguraduhing tingnan ang mga tuntunin at kondisyon bago ka magpasyang gumamit ng isang P2P na palitan.
Mga secure na transaksyon sa pamamagitan ng escrow
Gaya ng nabanggit sa itaas, gumagamit ng mga serbisyo ng escrow ang ilang palitan ng cryptocurrency para parehong maprotektahan ang mga mamimili at nagbebenta. Kapag pinipiling mag-secure ng transaksyon gamit ang escrow, ang mga pondo ay hinahawakan ng palitan at nire-release lang kapag natugunan ng magkabilang partido ang mga tuntunin ng transaksyon.
Dapat kumpletuhin ang mga transaksyon sa loob ng isang partikular na yugto ng panahon; kung hindi maisasagawa ng mamimili ang pagbabayad ng fiat sa loob ng tinukoy na panahon, makakansela ang order at ibabalik ang cryptocurrency sa wallet ng nagbebenta.
Mga naka-personalize na alok
May kumpletong kontrol ang mga nagbebenta sa presyo ng bentahan, rate ng palitan, paraan ng pagbabayad, at kung ilan ang handa nilang ibenta sa bawat transaksyon. Ganito rin ang sitwasyon para sa mga mamimili (presyo ng bilihan, paraan ng pagbabayad, at kung magkano ang handa nilang gastusin sa bawat transaksyon). Hangga't magkatugma ang mga tuntunin ng magkabilang partido, puwedeng magkaroon ng deal.
Mga disbentahe ng P2P Trading
Mas mabagal na pag-trade
Bagama't puwedeng magsagawa ng P2P na transaksyon halos agad-agad kapag nakumpirma na ng magkabilang partido ang transaksyon, posibleng antalahin ng isang partido ang transaksyon sa iba't ibang dahilan. Sa tradisyonal na pag-trade, hindi mo kailangang hintaying kumpirmahin ng mamimili o nagbebenta ang transaksyon bago ka makapagpatuloy.
Mababang liquidity
Natural lang na mas mababa ang liquidity ng mga P2P na palitan kaysa sa mga CEX dahil sa katangian ng proseso. Dahil dito, posibleng mas gusto ng mas malalaking trader na kailangang kumumpleto ng malalaking transaksyon na gumamit ng mga over-the-counter (OTC) na pag-trade, o bumili / magbenta sa pamamagitan ng karaniwang palitan.
Paano Makikinabang ang Mga Tao sa Pag-trade nang P2P?
Ang P2P trading ay isang maginhawang paraan para mamuhunan sa cryptocurrency. Hindi lang ito nagbibigay-daan sa iyong direktang bumili o magbenta ng cryptocurrency sa iba, nagbibigay-daan din ito sa iyong makaiwas sa ilan sa bayarin sa transaksyon na nauugnay sa mga tradisyonal na palitan. Narito ang tatlong paraan kung paano ginagamit ng mga tao ang P2P trading para sa kapakinabangan nila:
Arbitrage sa fiat
Nagbibigay ang P2P trading ng mga pagkakataon sa arbitrage sa fiat na pera. Halimbawa, sa mahigit 100 fiat currency na mapagpipilian mula sa Binance, may pagkakataon kang makinabang sa mga pagkakaiba sa presyo sa pagitan ng mga fiat currency na ito.
Nagsisimula ang mga arbitrageur sa pamamagitan ng pagkalkula sa mga pagkakaiba sa presyo at mga potensyal na kita bago magsagawa ng anumang pagbili. Nasa ibaba ang isang halimbawa kung paano male-leverage ng isang arbitrageur ang mga pagkakaiba sa presyo.
Pag-trade ng BTC/USD: Kung ang buy price ay $21,000 o €23,100 (magkaiba ng presyo ang mga merkado ng USD at EUR) at ang sell price ay $20,800 o €22,880, ang pagbili ng Bitcoin at pagbebenta agad nito sa USD ay hahantong sa pagkalugi ng $200 o €220 (sell price - buy price).
Pag-trade ng BTC/EUR: Kung ang buy price ay $21,364 o €23,500 at ang sell price ay $21,182 o €23,300, ang pagbebenta ng Bitcoin gamit ang USD at pagbebenta nito sa EUR ay hahantong sa $182 o €200 na kita.
Ipinapakita ng halimbawa sa itaas kung paano posibleng maging mas mataas ang bentahe ng pagbili ng BTC sa merkado ng US at pagbebenta nito kapalit ng EUR kaysa sa pagbili at pagbebenta lang sa pambansang merkado.
Arbitrage sa pagitan ng iba't ibang palitan
Nagbibigay ang P2P trading ng maraming pagkakataon para sa mga arbitrageur, dahil kadalasan, may malalaking pagkakaiba sa presyo ang mga palitan. Maraming gumagamit ng P2P trading para bumili at magbenta ng mga crypto asset para makinabang sa mga pagkakaibang ito.
Puwede silang mag-arbitrage sa pagitan ng iba't ibang palitan, kadalasan ay sa pamamagitan ng pagbili at pagbebenta ng parehong asset para masulit ang pagkakaiba sa presyo nito sa iba't ibang palitan.
Halimbawa, kung ibinebenta ang Bitcoin nang $21,000 sa palitan A at $21,100 sa palitan B, ang pagbili nito sa A at pagbebenta nito agad sa B ay hahantong sa pagkita ng mamimili ng $100 kada Bitcoin.
Mag-publish ng mga buy at sell ad
Sa paraang ito, makakapag-post ka ng ad sa isang platform ng P2P trading, at puwede mong itampok ang asset na interesado kang bilhin o ibenta at ang presyo kung saan ka handang makipagtransaksyon. Kapag naka-post na ang iyong ad, ang iba pang user sa platform na makakakita rito ay magpapasya kung gusto nilang makipag-trade sa iyo.
Kung magpapasya ang isa pang P2P user na makipag-trade sa iyo, papadalhan ka niya ng kahilingan sa pag-trade. Kapag tinanggap mo ang kahilingan, puwedeng kumpletuhin ng magkabilang partido ang trade. Kapag pumili ka ng mas mataas na presyo kaysa sa market price, tiyak na mas kikita ka.
Halimbawa, puwede kang mag-publish ng advertisement para bumili ng Bitcoin sa halagang $20,000 at isa pang advertisement para magbenta ng Bitcoin sa halagang $20,200. Sa ganitong paraan, puwede kang kumita ng $200 para sa bawat 1 Bitcoin na makikipagtransaksyon ka.
Ano ang mga Panganib ng Arbitrage?
Bagama't puwedeng maging kapaki-pakinabang ang arbitrage sa isang trader, may sarili itong mga panganib at gastusin. Halimbawa, dahil sa mga pagbabago sa rate ng pailtan, puwedeng bumaba ang halaga ng isang currency o asset. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng mawalan ng pera ang isang trader kung bababa ang halaga ng kanilang asset bago nila ito maibenta sa ibang merkado.
Dagdag pa rito, may bayarin sa bangko na nauugnay sa paglilipat ng mga asset sa pagitan ng mga merkado, na puwedeng makabawas sa mga kita. Puwede ring magkaroon ng iba pang hindi direktang gastusin, gaya ng gastos sa pagpopondo sa mga transaksyon at ng opportunity cost ng hindi pamumuhunan ng mga pondo sa iba.
Ligtas ba ang P2P Trading?
Sa pangkalahatan, ligtas ang P2P trading pero karaniwang nakadepende rin ito sa palitan at sa mga hakbang panseguridad nito. Bagama't mas mataas ang panganib ng pagnanakaw at mga scam sa mga mas lumang P2P na palitan, talagang pinaigting ng maraming mas bagong platform ng P2P trading ang kanilang mga hakbang panseguridad.
Ang isang nangungunang P2P na palitan ngayon ay may serbisyo ng escrow, mga regular na update sa seguridad, at mahigpit na proseso ng pag-verify sa pagkakakilanlan (bukod sa iba pang hakbang) para mapanatiling ligtas ang mga user. Gayunpaman, kahit na may mga nakatakdang mahuhusay na proteksyon, lahat ng aktibidad ng pag-trade ay may dalang mga panganib — at hindi naiiba ang P2P trading.
Mga Pangwakas na Pananaw
Ang P2P na pag-trade ng cryptocurrency ay isang paraan para bumili at magbenta ng mga cryptocurrency nang walang sangkot na tagapamagitan. Sa P2P trading, makokontrol mo ang mga presyo, kabilang partido, at tiyempo ng iyong mga transaksyon. Puwede itong ihalintulad sa Facebook Marketplace pero mayroon itong dagdag na antas ng seguridad sa pamamagitan ng mga system ng feedback, rating, at serbisyo ng escrow.
Ang pandaigdigang marketplace na ito ay nagbibigay ng access sa iba't ibang opsyon sa pagbabayad, kasama na ang mga transaksyon ng cash sa personal. Bagama't posibleng mas mabagal at hindi masyadong liquid ang mga P2P na transaksyon kumpara sa mga nasa CEX, ang mga handang maghintay at gusto ng pag-personalize sa kanilang mga trade ay puwedeng makinabang sa arbitrage at iba pang pagkakataon na iniaalok ng P2P trading.
Iba pang Babasahin
Paano Maaapektuhan ng Teknolohiyang Blockchain ang Industriya ng Pagbabangko
Ano ang Teknolohiyang Blockchain? Isang Komprehensibong Gabay
Disclaimer at Babala sa Panganib: Ibinibigay sa iyo ang content na ito nang ganito para lang sa mga layunin ng pagbibigay ng pangkalahatang impormasyon at pagtuturo, nang walang kahit anong isinasaad o pinapatunayan. Hindi dapat ito ituring na pinansyal na payo, at hindi rin nito nilalayong irekomenda ang pagbili ng anumang partikular na produkto o serbisyo. Puwedeng maging volatile ang mga presyo ng digital asset. Puwedeng bumaba o tumaas ang halaga ng iyong pamumuhunan at puwedeng hindi mo mabawi ang halagang ipinuhunan. Ikaw lang ang responsable sa iyong mga desisyon sa pamumuhunan at walang pananagutan ang Binance Academy sa anumang pagkaluging puwede mong matamo. Hindi pinansyal na payo.