Ano ang DeFi 2.0 at Bakit Ito Mahalaga?
Home
Mga Artikulo
Ano ang DeFi 2.0 at Bakit Ito Mahalaga?

Ano ang DeFi 2.0 at Bakit Ito Mahalaga?

Intermediya
Na-publish Dec 13, 2021Na-update Sep 1, 2022
9m

TL;DR

Ang DeFi 2.0 ay isang pagkilos ng mga proyekto na lumulutas sa mga problema ng DeFi 1.0. Layunin ng DeFi na dalhin sa masa ang pananalapi pero nahirapan ito sa scalability, seguridad, sentralisasyon, liquidity, at accessibility sa impormasyon. Gustong labanan ng DeFi 2.0 ang mga ito at mas padaliin ang karanasan para sa mga user. Kung magtatagumpay ito, makakatulong ang DeFi 2.0 na bawasan ang panganib at mga kumplikasyong pumipigil sa mga user ng crypto na gamitin ito.

Mayroon na tayong iba't ibang gamit ng DeFi 2.0 na isinasagawa sa kasalukuyan. Sa ilang platform, puwede mong gamitin ang iyong mga LP token at mga LP token sa yield farm bilang collateral para sa pautang. Sa mekanismong ito, makakapag-unlock ka ng dagdag na halaga sa mga ito habang nakakakuha ka pa rin ng mga reward sa pool.

Puwede ka ring kumuha ng mga pautang na nababayaran nang mag-isa kung saan kumikita ang iyong collateral ng interes para sa nagpautang. Babayaran ng interes na ito ang pautang nang hindi magbabayad ng interes ang umutang. Kasama sa iba pang gamit ang insurance laban sa mga nakompromisong smart contract at pansamantalang pagkalugi (impermanent loss o IL).

Isang umuusbong na trend sa DeFi 2.0 ang pamamahala at desentralisasyon ng DAO. Gayunpaman, sa paglaon, puwedeng makaapekto ang mga pamahalaan at tagapagkontrol sa dami ng mga proyektong pinapatakbo. Tandaan mo ito kapag namumuhunan ka, dahil baka magbago ang mga iniaalok na serbisyo.


Panimula

Halos dalawang taon na mula noong sumikat ang DeFi (Decentralized Finance) noong 2020. Mula noon, nagkaroon tayo ng mga napakamatagumpay na proyekto sa DeFi gaya ng UniSwap, isang desentralisasyon ng pag-trade at pananalapi, at mga bagong paraan para kumita ng interes sa mundo ng crypto. Pero tulad na lang ng naranasan natin sa Bitcoin (BTC), may mga problema pa ring dapat lutasin sa napakabagong larangan. Bilang tugon, sumikat ang terminong DeFi 2.0 para ilarawan ang isang bagong henerasyon ng mga decentralized application (DApp) sa DeFi.

Mula Disyembre 2021, hinihintay pa natin ang tuluyang pagdagsa ng DeFi 2.0, pero nakikita na natin ang mga simulain nito. Alamin kung ano ang dapat abangan sa artikulong ito at kung bakit kailangan ang DeFi 2.0 para malutas ang mga kasalukuyang problema sa ecosystem ng DeFi.


Ano ang DeFi 2.0?

Ang DeFi 2.0 ay isang pagkilos na sumusubok na mag-upgrade at mag-ayos ng mga problemang nakikita sa orihinal na wave ng DeFi. Nanguna ang DeFi sa pagbibigay ng mga serbisyo sa desentralisadong pananalapi sa sinumang may crypto wallet, pero may mga kahinaan pa rin ito. Nakita na ng crypto ang prosesong ito sa mga pangalawang henerasyon ng blockchain gaya ng Ethereum (ETH) na nagpahusay sa Bitcoin. Kakailanganin ding tumugon ng DeFi 2.0 sa mga bagong regulasyon sa pagsunod na planong ipakilala ng mga pamahalaan, gaya ng KYC at AML.
Tumingin tayo ng halimbawa. Napatunayan nang ang mga liquidity pool (LP) ay napakamatagumpay sa DeFi, dahil nagbibigay-daan ito sa mga liquidity provider na kumita ng mga bayarin sa pag-stake ng mga pares ng mga token. Gayunpaman, kung magbabago ang ratio ng presyo ng mga token, may panganib na mawalan ng pera ang mga liquidity provider (pansamantalang pagkalugi). Puwedeng magbigay ng insurance laban dito ang isang protocol ng DeFi 2.0 kapalit ng maliit na bayarin. Nagbibigay ang solusyong ito ng mas malaking insentibo para mamuhunan sa mga LP at makinabang ang mga user, mga staker, at ang DeFi space sa kabuuan.


Ano ang mga limitasyon ng DeFi?

Bago natin talakayin nang detalyado ang mga paggagamitan ng DeFi 2.0, tuklasin natin ang mga problemang sinusubukan nitong lutasin. Marami sa mga isyu rito ay katulad ng mga problemang kinakaharap ng teknolohiya ng blockchain at mga cryptocurrency sa pangkalahatan:

1. Scalability: Ang mga protocol ng DeFi sa mga blockchain na may mataas na trapiko at bayarin sa gas ay kadalasang nagbibigay ng mga serbisyong mabagal at mahal. Puwedeng masyadong magtagal at maging magastos ang mga simpleng gawain.
2. Mga oracle at impormasyon mula sa third party: Nangangailangan ng mga mas de-kalidad na oracle (mga third party na pinagmumulan ng data) ang mga pampinansyal na produktong nakasalalay sa mga panlabas na detalye.
3. Sentralisasyon: Layunin dapat sa DeFi ang pagpapalaganap ng desentralisasyon. Gayunpaman, marami pa ring proyekto ang walang nakatakdang prinsipyo ng DAO.
4. Seguridad: Hindi napapamahalaan o nauunawaan ng karamihan ng mga user ang mga panganib na nasa DeFi. Nagse-stake sila ng milyon-milyong dolyar sa mga smart contract na hindi nila alam na alam kung ligtas. Bagama't may mga isinasagawang panseguridad na pag-audit, hindi na masyadong mahalaga ang mga ito habang nagkakaroon ng mga update.
5. Liquidity: Nakakalat ang mga merkado at liquidity pool sa iba't ibang blockchain at platform, kaya nahahati ang liquidity. Sa pagbibigay ng liquidity, nala-lock din ang mga pondo at ang kabuuang halaga ng mga ito. Kadalasan, hindi magagamit sa iba ang mga token na na-stake sa mga liquidity pool, kaya nagkakaroon ng inefficiency ng kapital.


Bakit mahalaga ang DeFi 2.0?

Kahit para sa mga nagho-HODL at sanay nang user, posibleng nakakatakot at mahirap maintindihan ang DeFi. Gayunpaman, layunin nitong padaliin ang pagpasok at gumawa ng mga bagong pagkakataong kumita para sa mga may-hawak ng crypto. Ang mga user na posibleng hindi makakuha ng pautang sa tradisyonal na bangko ay posibleng makakuha nito sa DeFi.

Mahalaga ang DeFi 2.0 dahil puwede nitong gawing demokratiko ang pananalapi nang hindi nakokompromiso ang panganib. Sinusubukang lutasin ng DeFi 2.0 ang mga problemang binanggit sa nakaraang seksyon, na nagpapaganda ng karanasan ng user. Kung magagawa natin ito at makakapagbigay tayo ng mas magagandang insentibo, makikinabang ang lahat.


Mga paggagamitan ng DeFi 2.0

Hindi natin kailangang maghintay ng mga gamit ng DeFi 2.0. May mga proyekto nang nagbibigay ng mga bagong serbisyo ng DeFi sa maraming network, kasama na ang Ethereum, Binance Smart Chain, Solana, at iba pang blockchain na may kakayahan sa smart contract. Dito, titingnan natin ang ilan sa mga pinakakaraniwan:

Pag-unlock ng halaga ng mga naka-stake na pondo

Kung nakapag-stake ka na ng pares ng token sa isang liquidity pool, makakatanggap ka ng mga LP token bilang kapalit. Sa DeFi 1.0, puwede mong i-stake ang mga LP token gamit ang yield farm para magpatong-patong ang iyong mga kita. Bago ang DeFi 2.0, hanggang dito na lang ang chain pagdating sa pagkuha ng halaga. Milyon-milyon ang naka-lock sa mga vault na nagbibigay ng liquidity, pero may potensyal na dagdagan pa ang efficiency ng kapital.
Dinaragdagan pa ito ng DeFi 2.0 at ginagamit nito ang mga LP token na ito sa yield farm bilang collateral. Puwedeng para ito sa isang pautang ng crypto mula sa isang protocol ng pagpapautang o para mag-mint ng mga token sa isang prosesong katulad ng MakerDAO (DAI). Nagbabago ang eksaktong mekanismo ayon sa proyekto, pero ang ideya, dapat ma-unlock ang halaga ng iyong mga LP token para sa mga bagong pagkakataon habang nakakakuha pa rin ng APY.

Insurance sa smart contract

Mahirap magsagawa ng pinaigting na due diligence sa mga smart contract maliban na lang kung isa kang sanay nang developer. Kung hindi mo ito alam, hindi kumpleto ang maisasagawa mong pagsusuri sa isang proyekto. Dahil dito, nagkakaroon ng malaking panganib kapag namumuhunan sa mga proyekto sa DeFi. Sa DeFi 2.0, posibleng kumuha ng insurance sa DeFi sa mga partikular na smart contract.

Isiping gumagamit ka ng yield optimizer at mayroon kang mga naka-stake na LP token sa smart contract nito. Kung makokompromiso ang smart contract, puwedeng mawala sa iyo ang lahat ng deposito mo. Sa isang proyektong insurance, puwede kang magkaroon ng garantiya sa iyong deposito gamit ang yield farm kapalit ng bayad. Tandaan na para lang ito sa isang partikular na smart contract. Kadalasan, hindi ka makakakuha ng payout kung nakompromiso ang kontrata ng liquidity pool. Gayunpaman, kung nakompromiso ang kontrata sa yield farm pero saklaw ito ng insurance, malamang na makakakuha ka ng payout.

Insurance sa pansamantalang pagkalugi

Kung mamumuhunan ka sa isang liquidity pool at magsisimula kang magmina ng liquidity, puwedeng humantong sa mga pampinansyal na pagkalugi ang anumang pagbabago sa ratio ng presyo ng dalawang token na na-lock mo. Kilala ang prosesong ito bilang pansamantalang pagkalugi, pero tumutuklas ang mga bagong protocol ng DeFi 2.0 ng mga bagong pamamaraan para makontrol ang panganib na ito.

Halimbawa, isipin ang pagdaragdag ng isang token sa isang LP na may isang panig kung saan hindi mo kailangang magdagdag ng pares. Pagkatapos, idaragdag ng protocol ang native token nito bilang kabilang panig ng pares. Makakatanggap ka ng bayarin mula sa mga pag-swap sa kaugnay na pares, at ganoon din ang protocol.

Sa paglipas ng panahon, ginagamit ng protocol ang bayarin nito para makabuo ng pondo ng insurance para ma-secure ang iyong deposito laban sa mga epekto ng pansamantalang pagkalugi. Kung hindi sapat ang bayarin para mabayaran ang mga nalugi, puwedeng mag-mint ng mga bagong token ang protocol para masaklawan ang mga iyon. Kung may mga sobrang token, puwedeng i-store ang mga iyon para sa ibang pagkakataon o i-burn para mabawasan ang supply.

Mga pautang na nababayaran nang mag-isa

Karaniwan, sa pagkuha ng pautang, may kasamang panganib na ma-liquidate at mga pagbabayad ng interes. Pero sa DeFi 2.0, hindi kailangang ganito ang sitwasyon. Halimbawa, isiping kukuha ka ng pautang na nagkakahalaga ng $100 mula sa nagpapautang ng crypto. Nagbigay sa iyo ang nagpapautang ng $100 na halaga ng crypto pero nanghihingi siya ng $50 bilang collateral. Kapag ibinigay mo ang iyong deposito, gagamitin ito ng nagpapautang para mabayaran ang pautang mo. Pagkatapos kumita ang nagpautang ng $100 gamit ang iyong crypto na may dagdag pa bilang premium, isasauli ang deposito mo. Wala ring panganib na ma-liquidate dito. Kung bababa ang halaga ng collateral na token, mas matatagalan lang na mabayaran ang pautang.


Sino ang may kontrol sa DeFi 2.0?

Sa lahat ng feature at gamit na ito, dapat itanong, sino ang nagkokontrol sa mga ito? Lagi namang may trend ng desentralisasyon sa teknolohiya ng blockchain. Hindi naiiba ang DeFi. Isa sa mga unang proyekto ng DeFi 1.0, ang MakerDAO (DAI), ang nagtakda ng pamantayan para sa pagkilos. Ngayon, nagiging pangkaraniwan nang manghingi ang mga proyekto ng opinyon sa komunidad nila. 

Marami ring platform token ang nagsisilbing mga governance token na nagbibigay sa mga may-hawak nito ng mga karapatang bumoto. Makatwirang asahan na magdadala ng dagdag na desentralisasyon ang DeFi 2.0 sa larangan. Gayunpaman, nagiging mas mahalaga ang tungkulin ng pagsunod at regulasyon habang humahabol ang mga ito sa DeFi.


Ano ang mga panganib ng Defi 2.0, at paano pigilan ang mga iyon?

Marami sa mga panganib ng DeFi 1.0 ang nasa DeFi 2.0 rin. Narito ang ilan sa mga pangunahing panganib at kung ano ang magagawa mo para mapanatiling ligtas ang iyong sarili.

1. Posibleng may mga backdoor, kahinaan, o ma-hack ang mga smart contract na ginagamit mo. Hindi rin garantiya na ligtas ang isang proyekto dahil sa pag-audit. Magsaliksik tungkol sa proyekto hangga't maaari at maunawaan na laging may sangkot na panganib sa pamumuhunan.
2. Posibleng makaapekto ang regulasyon sa iyong mga pamumuhunan. Nagiging interesado sa ecosystem ng DeFi ang mga pamahalaan at tagapagkontrol sa buong mundo. Bagama't makakapagdala ng seguridad at stability sa crypto ang mga regulasyon at batas, baka kailanganing baguhin ng ilang proyekto ang kanilang mga serbisyo habang nagkakaroon ng mga bagong panuntunan.
3. Pansamantalang pagkalugi. Kahit may insurance sa IL, malaki pa rin ang panganib para sa sinumang gustong makisangkot sa pagmimina ng liquidity. Hinding-hindi tuluyang mami-minimize ang panganib.
4. Baka mahirapan kang i-access ang iyong mga pondo. Kung magse-stake ka sa pamamagitan ng UI ng website ng isang proyekto sa DeFi, baka magandang ideyang hanapin din ang smart contract sa isang blockchain explorer. Kung hindi, hindi ka makakapag-withdraw kung magda-down ang website. Gayunpaman, kailangan mo ng kaunting kaalamang teknikal para direktang magamit ang smart contract.


Mga pangwakas na pananaw

Bagama't marami na tayong matagumpay na proyekto sa DeFi space, hindi pa natin nakikita ang buong potensyal ng DeFi 2.0. Kumplikado pa rin ang paksa sa karamihan ng mga user, at wala dapat gumamit ng mga pampinansyal na produkto na hindi nila lubos na nauunawaan. May mga dapat pang gawin sa paglikha ng pinasimpleng proseso, lalo na para sa mga bagong user. Nagtagumpay tayo sa mga bagong paraan para mabawasan ang panganib at kumita ng APY, pero kakailanganin nating maghintay para malaman kung talaga bang matutupad ng DeFi 2.0 ang mga pangako nito.


Disclaimer: Ang artikulong ito ay para lang sa pagbibigay ng kaalaman. Walang kaugnayan ang Binance sa mga proyektong ito, at walang pag-eendorso para sa mga proyektong ito. Ang impormasyong ibinibigay sa pamamagitan ng Binance ay hindi maituturing na payo o rekomendasyon sa pamumuhunan o pag-trade. Hindi mananagot ang Binance para sa anumang desisyon mo sa pamumuhunan. Humingi ng propesyonal na payo bago ka sumugal kaugnay ng pera.