Paano Gumawa ng DAO?
Home
Mga Artikulo
Paano Gumawa ng DAO?

Paano Gumawa ng DAO?

Intermediya
Na-publish Feb 18, 2022Na-update Nov 11, 2022
7m

TL;DR

Ang DAO ay isang uri ng pamamahala na karaniwang ginagamit para sa mga DApp, proyekto, at crypto-investment fund. Sikat ang mga DAO dahil sa pagiging bukas at desentralisado ng mga ito, pati na sa kakayahan nitong gumana gamit ang mga kusang naipapatupad na smart contract. Sa paggawa ng DAO, kailangan ang isang teknikal na solusyon para mapamahalaan ang iyong mga proposal at boto. May iba't ibang open-source na opsyong available batay sa iyong mga pangangailangan.


Panimula

Dahil desentralisasyon ang pundasyon ng crypto, sikat na modelo ng pamamahala ang mga DAO sa mundo ng blockchain. Gamit ang kaunting teknikal na kaalaman at ilang tool, mabilis kang makakapagpagana ng DAO. Pero bago ang lahat, may maganda ka dapat na plano at komunidad na susuporta sa iyo. Tingnan natin ang mga pinakabatayang kaalaman sa kung ano ang kailangan sa iyong DAO at paano ka magse-set up nito.


Ano ang DAO?

Ang ibig sabihin ng DAO ay Decentralized Autonomous Organization. Ayon sa pangalan nito, ang DAO ay isang organisasyong ino-automate ng computer code kung saan puwedeng sumali ang lahat (hangga't natutugunan nila ang ilang batayang kinakailangan). Dahil independiyente ito, mga smart contract ang tumutulong sa pagpapatakbo ng karamihan ng mga proseso nang hindi kailangang pakialaman ng mga tao. Ang DAO ay binubuo at pinamamahalaan ng komunidad, kung saan kolektibo nilang pinamamahalaan ang mga pondo at proyekto nito.
Nakilala ang mga DAO sa venture capital fund ng Ethereum noong 2016 na “The DAO”. Sa kasamaang-palad, sa tatlong linggong pagbebenta ng token, inatake ang proyekto dahil sa isang bulnerabilidad sa code. Pagkalipas ng ilang panahon, naibalik ang mga pondo sa pamamagitan ng isang hard fork. Sa kabila ng mga hamon sa simula, mas napaganda ang konsepto ng DAO sa paglipas ng mga taon, at isa na ito sa mga pinakasikat na modelo ng pamamahala para sa mga Decentralized Finance (DeFi) na proyekto.
Iba-iba ang bawat DAO, pero pare-pareho ang sinusunod na mga batayang prinsipyo ng karamihan. Ang bawat taong may hawak ng token ng pamamahala ng DAO ay may kakayahang bumoto na katumbas ng dami ng token na pag-aari niya. Ang mga may-hawak ay puwedeng magbigay ng mga proposal ng mga pagbabago sa kung paano gagana ang DAO.


Bakit ako gagawa ng DAO?

Para sa mga proyektong crypto, may ilang malalaking bentahe ang mga DAO. Malamang, ang pinakamahalagang bentahe ay ang pagdepende ng modelo sa mga smart contract. Sa pamamagitan ng mga on-chain na piraso ng code na ito, hindi ganoong nagdedepende ang mga DAO sa input ng mga tao para gumana ang mga ito. Halimbawa, puwedeng i-post ang mga resulta ng isang proposal nang on-chain at awtomatiko nitong iti-trigger ang iminumungkahing pagbabago. Hindi puwedeng i-censor ang isang bagong proposal, at sa teknikal ay hindi madadaya ang mga boto.

Kapaki-pakinabang ang mga DAO sa pag-oorganisa ng mga komunidad, lalo na kung karamihan sa kanila ay anonymous. Kadalasan ay walang pananagutan sa tunay na pagkakakilanlan, at kailangan mong magtiwala sa mga taong hindi mo kilala. Sa DAO, nagkakaroon sila ng pagkakataong organisahin ang kanilang mga sarili sa epektibong paraan gamit ang teknolohiyang sumisigurado sa integridad. Mas madali rin ito kumpara sa paggawa ng tradisyonal na organisasyon o entity dahil may mga internasyonal na team ang maraming proyekto. Bilang panghuli, mura ang DAO para sa functionality nito na mag-organisa ng mga tao. Puwede kang mag-set up nito nang libre o magbayad ng kaunting halaga para makagawa nito.

Tandaang mabuti na pananagutin ka ng DAO sa mga desisyon nito. Sa pamamagitan ng desentralisasyon ng kapangyarihan, hindi mo na ganap na kontrolado ang iyong proyekto. Kung magpapasya kang pabayaan na lang ang pagdedesisyon sa pamamahala, halos palaging may mga negatibo itong kahihinatnan.


Ano ang kailangan sa DAO?

Maliban sa iba pang bagay, dapat matugunan ng isang matagumpay na DAO ang kahit man lang limang bagay sa ibaba:

1. May layunin dapat ang isang DAO. Ang mga DAO ay isang simpleng paraan para organisahin ang mga tao o pondo. Kung wala kang magandang batayang proyekto at dahilan, walang papangasiwaan ang DAO.
2. May mekanismo dapat ng pagboto ang isang DAO. Ito ang pangunahing paraan kung paano nakikipag-ugnayan ang mga tao sa DAO at kung paano sila nagsasagawa ng mga pagbabago. May iba't ibang paraan para gawin ito. Puwede kang gumawa ng sarili mong mekanismo ng pagboto o gumamit ng third-party na provider, na pag-uusapan natin mamaya. Puwede ring pagbotohan sa iyong DAO na baguhin ang mekanismo sa susunod, pero dapat ay magkaroon ka muna ng mekanismo.
3. May token ng pamamahala o share system dapat ang isang DAO. Paano mapapatunayan ng mga tao ang kanilang karapatan sa isang opinyon sa DAO? Napakakaraniwan na ng token ng pamamahala, at kadalasan, posibleng utility token din ito. Mas karaniwan ang shares system sa mga pondo kung saan nagdedeposito ng mga cryptocurrency ang mga user sa DAO kung saan mamumuhunan.
4. May komunidad dapat ang isang DAO. Mas nagiging matatag ang desentralisasyon kapag mas maraming tao ang sasali at lalahok sa pamamahala ng iyong DAO. Sa ganitong paraan, maipapamahagi sa mas maraming stakeholder ang kapangyarihan.
5. May paraan dapat ang isang DAO na pamahalaan ang mga pondo nito. Karamihan sa mga DAO ay magkakaroon ng treasury o access sa crowdfunding. Kadalasan ay ipinapatupad ito sa isang multi-signature wallet, na puwedeng gamitin kung papayag ang lahat ng pangunahing kalahok.


Paano ako gagawa ng aking DAO? 

Sa teknikal na banda, mangangailangan ka ng mekanismo sa pangangasiwa ng mga boto at proposal. May iba't ibang open-source na solusyong puwedeng gamitin. Aragon ang isa sa mga sikat na opsyon para sa Ethereum blockchain. Snapshot ang isa pang opsyong gumagana sa iba't ibang blockchain. Ang lahat ng ito ay magbibigay ng halos magkakatulad na istruktura, pero puwedeng mag-iba-iba ang mga proseso ng mga ito. May ilang DAO system na gumagana gamit ang on-chain polling, habang ang iba naman ay off-chain. Ang eksaktong dapat piliin ay nakadepende dapat sa kung ano ang mahalaga sa iyong DAO.
Huwag kalimutang magkaroon ng sapat na crypto para masagot ang iyong bayarin sa transaksyon kapag dine-deploy ang iyong DAO sa isang blockchain.


Aragon

Sa Aragon, makakagawa ka ng DAO sa Ethereum, Polygon, Andromeda, o Harmony. Nagbibigay ang proyekto ng open-source na software sa pamamagitan ng pag-enable ng Aragon client sa paggawa ng mga naka-customize na DAO. Pinapagana rin ang proyekto sa pamamagitan ng DAO at may sarili itong non-profit organization para pamahalaan ang mga nakakalap na pondo ng Aragon.

Simple lang ang paggawa ng DAO na nakabatay sa Aragon. Kailangan mong:

1. Magkaroon ng Ethereum Name Service domain.
2. Magkaroon ng sapat na dami ng crypto para sa bayad sa paggawa ng DAO (0.2 ETH at bayad sa gas).
3. Gumawa ng organisasyong naka-link sa ENS domain gamit ang Aragon DApp. May iba't ibang preset na istruktura ng organisasyon na puwede mong gamitin.
4. I-configure ang iyong mga setting, gaya ng tagal ng botohan at porsyento ng suportang kailangan, at pagkatapos ay ilunsad ang DAO.
Makakahanap ka ng higit pang impormasyon sa FAQ ng Aragon.


Snapshot

Ang Snapshot ay isang nako-customize na off-chain na mekanismo sa pagboto. Gumagamit ito ng mga digital signature sa pamamagitan ng mga wallet para bumoto batay sa isang snapshot ng mga may-ari ng token. May pipiliing isang partikular na block, at ililista ang lahat ng hinahawakan ng mga may-ari ng token at/o mga staker. Pinipigilan nito ang mga user sa pagbili ng higit pang token para maimpluwensyahan ang isang nakabukas na botohan. Mainam na panatilihing off-chain ang mga boto para sa mga multi-chain na proyekto kung saan may mga token ng pamamahala ang mga user sa iba't ibang blockchain.

Para gawin ang iyong sistema ng pagboto sa Snapshot, kailangan mong:

1. Magkaroon ng ENS domain. Nasa Ethereum mainnet dapat ito, anuman ang blockchain kung nasaan gumagana ang proyekto mo.
2. I-link ang Snapshot sa iyong ENS domain.
3. I-customize ang mga setting ng iyong space, gaya ng mga admin, mga diskarte sa kapangyarihan ng pagboto, mga tuntunin, atbp.
4. I-verify ang iyong space. Kabilang dito ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 1,000 miyembro at pagkakaroon ng pruweba ng pag-aari ng nauugnay na proyekto.
Makikita mo ang kumpletong tagubilin sa docs ng Snapshot.


DAOstack Alchemy

Ang DAOstack Alchemy ay isang tool sa paggawa ng mga DAO sa Ethereum at Gnosis Chain (dating tinatawag na xDAI). Sa pamamagitan ng kanilang UI, puwede kang makagawa ng simpleng DAO, magdagdag ng mga miyembro ng DAO, at puwede mong buksan ang iyong organisasyon. Mula noong isinulat ito, ang bayad sa pag-set up ng DAO sa Ethereum ay humigit-kumulang 0.2 Ether (ETH), pero hindi mo kailangan ng ENS dito.

Para gumawa ng DAOstack DAO, ikonekta ang iyong wallet sa kanilang DApp, sundin ang apat na hakbang na ipinakita, at ibigay ang iyong bayad. Mangangailangan ka ng humigit-kumulang 0.2 ETH para matagumpay na ma-deploy ang DAO.


Mga halimbawa ng mga matagumpay na DAO

Kung kailangan mo ng inspirasyon sa mga pinakaepektibong patakaran at pag-set up, tingnan ang ilan sa matatagumpay na DAO sa crypto. Ang ilan ay nagpapagana ng mga napakadetalyado at bukas na organisasyon na tumatakbong parang malalaking negosyo. Kasama sa ilang halimbawang puwedeng tingnan ay ang mga sumusunod:

MarketDAO

Ang MakerDAO ang isa sa mga pinakauna at pinakamatagumpay na DAO sa merkado. Pinamamahalaan ng organisasyon ang crypto-collateralized na DAI stablecoin. Pinaghahati nila ang mga proposal sa Mga Poll ng Pamamahala para sa mga hindi teknikal na desisyon, at Mga Executive na Botohan para sa mga pagbabago sa smart-contract. Makakasali ang sinumang may hawak ng MKR, ang DAO token ng pamamahala ng proyekto. 

Aave

Ang Aave ay isang DeFi na platform sa pagpapahiram sa Ethereum na nagbibigay-daan sa mga may-hawak ng ERC-20 token na AVVE o naka-stake na AAVE na sumali sa DAO nito. Bukod pa sa mga pagbabago sa proyekto, pinagbobotohan din sa pamamahala ng Aave ang mga bagong proyekto na binuo sa pamamagitan ng protocol at ng Aave Grants para pondohan ang mga ideya.

Uniswap

Ang Uniswap ay isang multi-chain na Automated Market Maker (AMM) na naging inspirasyon para sa maraming DeFi na proyekto. Isa ito sa pinakamalalaking desentralisadong palitan, at puwedeng bumoto at gumawa ng mga proposal ang mga may-hawak ng UNI. Para magsumite ng bagong proposal, may hawak ka dapat na hindi bababa sa 0.25% ng kabuuang supply ng UNI. Para sa masiglang talakayan, may forum ng pamamahala para mapagdebatehan ng mga miyembro ng komunidad ang mga pagbabago.


Konklusyon

Sa teknikal na aspekto, madali lang ang paggawa ng sarili mong DAO, pero mahirap ang matagumpay na pagpapatakbo rito. Gaya ng nalaman mo, maraming simpleng tool na available para makapagsimula ka agad. Gayunpaman, ang susi sa paggawa ng iyong DAO ay ang iyong proyekto at komunidad.