Ano ang Taproot at Paano Makikinabang ang Bitcoin Dito
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Ang mga limitasyon ng network ng Bitcoin
Ano ang Taproot upgrade ng Bitcoin?
Paano gumagana ang Taproot?
Schnorr Signatures (BIP340)
Taproot (BIP341)
Tapscript (BIP342)
Paano makikinabang ang Bitcoin sa Taproot?
Bakit mahalaga ang Taproot upgrade? 
Mga pangwakas na pananaw
Ano ang Taproot at Paano Makikinabang ang Bitcoin Dito
Home
Mga Artikulo
Ano ang Taproot at Paano Makikinabang ang Bitcoin Dito

Ano ang Taproot at Paano Makikinabang ang Bitcoin Dito

Advanced
Na-publish Dec 2, 2020Na-update Dec 30, 2021
7m

TL;DR

Ang Taproot ay isang upgrade para sa network ng Bitcoin na ipinatupad noong Nobyembre 14, 2021. Kasama ng Schnorr signatures, ang Taproot ay isa sa mga pinakainaabangang upgrade sa teknolohiya ng Bitcoin mula noong ipinakilala ang SegWit. Layunin ng Taproot na baguhin ang paggana ng mga script ng Bitcoin para mapahusay ang privacy, scalability, at seguridad. Naging posible ito at ang higit pa sa pamamagitan ng pagsasama ng Taproot sa nauugnay na upgrade na tinatawag na Schnorr signatures.

Ang sinumang pamilyar sa komunidad ng cryptocurrency ay alam na ang privacy, scalability, at seguridad ay mga pangunahing alalahanin. Bagama't ang Bitcoin ang pinakasikat na cryptocurrency sa buong mundo, kailangan pa ring tugunan ang mga isyung ito. Nilalayon ng Taproot na gawin iyon.


Panimula

May mga tagumpay at naging problema ang Bitcoin, pero napatunayan ito bilang ang angkla na nagpapanatili sa crypto-verse na matatag. Anumang isyu ang lumitaw sa mga nakalipas na taon, tulad ng Mt. Gox na pag-hack o ang mga hard fork ng Bitcoin na hindi maganda ang reputasyon, sinuportahan pa rin ng komunidad ng crypto ang Bitcoin.

Pero may ilang partikular na isyu na hindi puwedeng balewalain – isa sa pinakamalaki ay ang tungkol sa privacy. Dahil isang pampublikong blockchain ang Bitcoin, puwedeng subaybayan ng sinuman ang mga transaksyong nangyayari sa network. Para sa ilan, malaking alalahanin ito.
Posibleng maging mas anonymous ka sa pamamagitan ng mga pamamaraang tulad ng paghahalo ng coin at CoinJoins. Gayunpaman, sa kasamaang-palad, hindi kaya ng alinman sa mga ito na gawing pribadong currency ang Bitcoin. Bagama't hindi rin iyan magagawa ng Taproot, puwede itong makatulong na mapahusay ang pagiging anonymous sa network. 

Inaasahan ng marami ang Taproot upgrade bilang ang unang pangunahing hakbang sa paglutas sa kawalan ng privacy ng Bitcoin at iba pang nauugnay na alalahanin. Noong Nobyembre 14, 2021, na-activate ang Taproot sa network ng Bitcoin matapos aprubahan ng mga minero sa buong mundo. Pero ano ang Taproot, at paano makikinabang ang Bitcoin dito? Talakayin natin.


Ang mga limitasyon ng network ng Bitcoin

Bagama't ito ang una at pinakasikat na nagawang cryptocurrency, nagkukulang ang network ng Bitcoin sa ilang partikular na bahagi, tulad ng mabagal na transaksyon. Noong una, ginawa ang Bitcoin para magproseso ng 7 transaksyon kada segundo, pero habang sumisikat at dumarami ang mga user ng network, bumilis din at tumaas ang bayarin sa transaksyon. Umabot ang average na bayarin sa transaksyon ng network ng Bitcoin sa all-time high na humigit-kumulang $60 nitong 2021 kasunod ng sobrang pagtaas ng presyo ng coin. Sinasabing ang mataas na bayarin at mabagal na transaksyon ang nagpapabagal sa paglago ng network ng Bitcoin. Para mapahusay ang kakayahan ng transaksyon, ipinatupad ng mga developer ang Segregated Witness (SegWit) upgrade noong 2017 para mas maraming transaksyon ang magkasya sa isang block. Pero mukhang nananatili pa rin ang matataas na bayarin. 

Isa pang limitasyon ay ang privacy nito. Bagama't nakabalangkas sa whitepaper nito na pribado ang mga transaksyon ng Bitcoin, nakikita ang lahat ng detalye ng transaksyon sa network ng Bitcoin. Nangangahulugan ito na posibleng malaman mo ang buong kasaysayan sa pagbili ng isang tao sa pamamagitan ng paghahanap ng kanyang address sa Bitcoin. 

Para masolusyunan ang mga limitasyon, pana-panahong nagpapatupad ang Bitcoin ng upgrade sa network nito. Gayunpaman, hamon ang pagbago sa network ng Bitcoin dahil sa desentralisadong katangian nito. Hindi iisang tao ang nagpapasya sa kung anong mga pagbabago ang dapat o hindi dapat ipatupad, kundi pinagpapasyahan ito ng komunidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng consensus.

Ano ang Taproot upgrade ng Bitcoin?

Ang Taproot ay isang soft fork na nagpapahusay sa mga script ng Bitcoin para gawin itong mas pribado, mas mahusay, at mapalaki ang kakayahan ng network na magproseso ng mga smart contract. Itinuturing ito bilang ang pinakamahalagang upgrade sa Bitcoin mula noong SegWit upgrade noong 2017.

Binubuo ang Taproot upgrade ng 3 magkakaibang Bitcoin Improvement Proposal (BIP), kasama ang Taproot, Tapscript, at ang core nito - ang bagong scheme ng digital na pirma na tinatawag na Schnorr signatures. Nilalayon ng Taproot na maghatid ng ilang benepisyo sa mga user ng Bitcoin, tulad ng pinahusay na privacy ng transaksyon at mas mababang bayarin sa transaksyon. Magbibigay-daan din ito sa Bitcoin na magpatupad ng mga mas kumplikadong transaksyon at ang posibilidad na mapalawak ang paggamit nito para makipagkumpitensya sa Ethereum, lalo na sa mga kakayahan ng smart contract at pagsuporta sa Decentralized Finance (DeFi) at non-fungible token (NFT) sa network.

Ang mungkahing Taproot ay unang ipinakilala ng developer ng Bitcoin Core na si Greg Maxwell noong Enero 2018. Noong Oktubre 2020, isinama ang Taproot sa library ng Bitcoin Core pagkatapos gumawa ng pull request si Pieter Wuille. Para ganap na ma-deploy ang upgrade, kailangang gamitin ng mga node operator ang mga bagong panuntunan sa consensus ng Taproot. Sa huli, nakatanggap ito ng suporta mula sa 90% ng mga minero at opisyal na na-activate noong Nobyembre 14, 2021 sa block 709,632.


Paano gumagana ang Taproot?

May 3 BIP na nagtutulungan para maisagawa ang Taproot upgrade. Naaapektuhan at natutulungan ng bawat BIP ang isa't isa sa iba't ibang paraan.

Schnorr Signatures (BIP340)

Pinapadali ng Schnorr signatures ang mas mabilis at mas secure na paraan ng pag-validate ng mga transaksyon sa network ng Bitcoin. Binubuo ito ng isang scheme ng cryptographic na pirma na binuo ni Claus Schnorr – isang German na mathematician at cryptographer. Bagama't prinotektahan ni Schnorr ang kanyang algorithm sa ilalim ng patent sa loob ng maraming taon, opisyal na nag-expire ang patent noong 2008. Bukod pa sa maraming benepisyo, pangunahing nakilala ang Schnorr signatures sa pagiging simple at epektibo nito sa pagbuo ng maiikling pirma.

Ang scheme ng pirma na ginamit ni Satoshi Nakomoto (ang gumawa ng Bitcoin) ay ang Elliptic Curve Digital Signature Algorithm (ECDSA). Pinili ang ECDSA sa halip na ang Schnorr signature algorithm dahil ginagamit na ito ng marami, nauunawaan na, secure, compact, at open-source.

Gayunpaman, ang pagbuo ng Schnorr Digital Signature Scheme (SDSS) ay puwedeng ang panimulang punto ng isang bagong henerasyon ng mga pirma para sa Bitcoin at iba pang mga blockchain network.

Isa sa mga pangunahing bentahe ng Schnorr signatures ay ang kakayahan nitong maglagay ng maraming key sa kumplikadong transaksyon ng Bitcoin at makagawa ng isang natatanging pirma. Ibig sabihin, puwedeng “pagsama-samahin” sa iisang Schnorr signature ang mga pirma mula sa maraming partidong kasama sa transaksyon. Kilala ito bilang pagsasama-sama ng pirma.

Sa katunayan, ginagawang posible ng Taproot na itago ang katotohanan na tumakbo talaga ang isang script ng Bitcoin. Halimbawa, dahil sa paggastos ng Bitcoin gamit ang Taproot, magagawang hindi nakikilala ang isang transaksyon sa isang Lightning Network channel, isang peer-to-peer na transaksyon, o isang sopistikadong smart contract. Ang sinumang sumusubaybay sa isa sa mga transaksyong ito ay walang makikita kundi isang peer-to-peer na transaksyon. Gayunpaman, mahalagang tandaan na hindi nito binabago ang katotohanang malalantad ang mga wallet ng inisyal na nagpadala at pinal na tatanggap.


Taproot (BIP341)

Nakuha sa Taproot ang pangalang Taproot upgrade. Hinango ito sa SegWit upgrade noong 2017 at gumagamit ng Merkelized Alternative Script Tree (MAST) para sukatin ang dami ng data ng transaksyon sa blockchain ng Bitcoin.

Ang mga transaksyon sa network ng Bitcoin ay pinoprotektahan ng mga pampubliko at pribadong key. Para gastusin ang digital na asset sa isang wallet, kailangang magbigay ang gumagastos ng pirma para ipakitang siya ang totoong may-ari bago siya makapaglipat ng coin. Bukod pa sa mga transaksyong nangangailangan ng isang pirma, puwede ring gumamit ang mga gumagastos ng iba't ibang feature para gawing mas kumplikado ang mga transaksyon ng Bitcoin, kasama ang mga timelock na release, multi-signature (multisig) na kinakailangan, at iba pa. 

Gayunpaman, nangangailangan ang mga kumplikadong multi-signature na transaksyong ito ng maraming input at pirma na ive-verify, na nagdaragdag ng napakaraming data sa blockchain at nagpapabagal sa transaksyon. Kasabay nito, awtomatikong isinisiwalat ang impormasyon ng transaksyon sa blockchain, na posibleng maglantad ng sensitibong data tungkol sa address ng mga may-ari. 

Pagkatapos ma-integrate ang MAST, puwedeng mabawasan ang dami ng kinakailangang script at pag-verify, dahil puwedeng kumatawan sa maraming script ang isang MAST na transaksyon. Kaya kapag ipinadala sa MAST ang isang kumplikadong transaksyon ng Bitcoin, hindi kailangan ang Merkle tree para sa pagproseso ng mga transaksyon. Sa halip na lahat ng detalye, ang mga naisagawang kondisyon lang ng transaksyon ang pinapayagan ng MAST na mai-commit sa blockchain. Puwede nitong lubhang mabawasan ang dami ng data na kinakailangang i-store sa network. Hindi lang ito nagbibigay ng mas mahusay na scalability at mas mataas na efficiency sa blockchain ng Bitcoin, nag-aalok din ito ng mas mahusay na privacy para sa mga user ng Bitcoin.


Tapscript (BIP342)

Ang Tapscript ay isang coding language upgrade sa Bitcoin Script para bigyang-daan ang 2 pang BIP. Koleksyon ito ng mga opcode, mga tagubilin sa transaksyon na ginagamit para tukuyin kung paano magsasagawa. Dahil sa mas maraming available na space sa mga block, inaasahang magbibigay ito ng higit na flexibility para sa mga bagong feature, at posibleng makatulong sa network ng Bitcoin na sumuporta at gumawa ng mga smart contract sa hinaharap.


Paano makikinabang ang Bitcoin sa Taproot?

Tulad ng tinalakay natin, naghatid ang Taproot ng malalaking pagpapahusay sa privacy ng Bitcoin at pinahusay nito ang mga pinaggagamitan nito. Kasama sa iba pang posibleng benepisyo:

1. Pinahusay na scalability ng network sa pamamagitan ng pagbabawas sa dami ng data na ililipat at iso-store sa blockchain;

2. Higit pang transaksyon sa bawat block (mas mataas na TPS rate);

3. Mababang bayarin sa transaksyon.

Isa pang benepisyo sa Taproot ay ang hindi na pagiging malleable ng mga pirma, na isang alam na panganib sa seguridad sa network ng Bitcoin. Sa madaling salita, ang pagiging malleable ng pirma ay nangangahulugang posibleng baguhin ang pirma ng transaksyon sa teknikal na paraan bago ito makumpirma. Sa paggawa nito, papalabasin ng pag-atake na hindi kailanman nangyari ang transaksyon. Dahil dito, malalantad ang Bitcoin sa  double-spending na problema, na puwedeng sumira sa integridad ng ipinapamahaging ledger.


Bakit mahalaga ang Taproot upgrade? 

Sa pag-activate ng Taproot, inaasahang papahusayin nito ang functionality ng network ng Bitcoin na mangasiwa ng mabibilis at maaasahang transaksyon. Bago ang Taproot, nasa mga pag-develop pa rin sa Layer 1 ang protocol ng Bitcoin habang nakapagsimula na ang iba sa Layer 2 at mga DApp, tulad ng Ethereum. Pagkatapos ng upgrade, bubuksan ng Bitcoin ang daan nito para mag-deploy ng mga smart contract at posibleng palawakin nito ang mga pinaggagamitan nito para saklawin ang mga trending na merkado ng NFT at DeFi sa hinaharap. 

Habang nagiging mas mahusay ang network ng Bitcoin na may mas mabababang bayarin, puwede nitong mabigyan ng insentibo ang mas maraming transaksyon at mas malawak na paggamit. Bukod pa rito, mapapanatili ng mga user ang kanilang privacy para sa mga transaksyon, kaya magiging mas mapagkumpitensya ang BTC sa iba pang privacy coin sa merkado.


Mga pangwakas na pananaw

Ang Taproot ay isang upgrade sa Bitcoin na inaabangan at sinusuportahan ng marami. Dahil ipinatupad ito kasama ng Schnorr signatures, nakakakita tayo ng kapansin-pansing paghusay pagdating sa privacy, scalability, seguridad, at higit pa. Puwede ring makaakit ang mga upgrade na ito ng higit pang interes sa Lightning Network at humimok na maging pamantayan sa industriya ang multisig.

Anuman ang iyong pagkakasangkot sa komunidad ng Bitcoin, ang mga idinagdag na benepisyo ng pinabuting privacy, kahusayan, at seguridad ay malamang na makaapekto sa iyong karanasan sa paggamit ng Bitcoin.