Paano Magmina ng Bitcoin
Home
Mga Artikulo
Paano Magmina ng Bitcoin

Paano Magmina ng Bitcoin

Intermediya
Na-publish May 17, 2021Na-update Nov 11, 2022
7m


TL;DR

Ang pagmimina ay ang proseso kung saan nave-verify at naidaragdag sa blockchain ang mga transaksyon ng Bitcoin. Ang layunin ng mga minero ay makahanap ng wastong solusyon sa mga kumplikadong problema sa matematika. Ang mga minerong nakakalutas sa mga puzzle na ito ay binibigyan ng reward na mga bagong bitcoin at bayarin sa transaksyon. 

Noong umpisa, nakakasali ang mga user ng Bitcoin sa pagmimina gamit ang mga personal na computer nila. Ngayon, para sa mapagkakakitaang pagmimina, kailangang gumamit ng mga napakaespesyal na rig ng pagmimina. Dahil napakahirap magmina nang mag-isa, maraming minero ang nagpapasyang sumali sa isang pool ng pagmimina para lumaki ang tsansa nilang makakuha ng reward ng block, na paghahati-hatian ng mga miyembro ng pool.


Panimula

Tinitiyak ng pagmimina ng Bitcoin na updated ang blockchain sa mga lehitimong transaksyon. Noon, isa itong natatanging solusyon sa pagbuo ng tiwala sa kapaligirang hindi nangangailangan ng tiwala. Batay rito, sentro ang pagmimina sa modelo ng seguridad ng Bitcoin.

Nakakaengganyo ang ideya ng pagmimina at pagtanggap ng BTC bilang kapalit. Bagama't lipas na ang mga araw ng pagmimina gamit ang CPU ng computer, hindi laging kailangang magmay-ari ng pisikal na machine para makapagmina. Pero bago ka makapagdesisyon kung angkop sa iyo ang pagmimina, talakayin natin nang mabilisan kung paano gumagana ang pagmimina ng Bitcoin.


Ano ang pagmimina ng Bitcoin?

Kapag gumawa ng bagong transaksyon sa Bitcoin ang isang user, kailangan niyang hintaying i-verify at kumpirmahin ng iba pang user ng network (mga node) ang validity nito. Responsable ang mga minero sa pagkolekta ng mga bagong nakabinbing transaksyon at pagpapangkat ng mga ito sa isang kandidatong block (bagong block na hindi pa nava-validate).

Ang layunin ng minero ay maghanap ng valid na block hash para sa kandidatong block niya. Ang block hash ay isang string ng mga numero at titik na nagsisilbing natatanging ID para sa bawat block. Narito ang isang halimbawa ng block hash:

0000000000000000000b39e10cb246407aa676b43bdc6229a1536bd1d1643679


Para makagawa ng bagong block hash, kailangang kunin ng minero ang block hash ng nakaraang block, ang data ng kandidatong block niya, isang nonce, at kailangan niyang isumite itong lahat sa pamamagitan ng isang hash function.

Gayunpaman, dapat makahanap ang minero ng isang nonce na – kapag isinama sa lahat ng data – bubuo ng block hash na nagsisimula sa isang partikular na dami ng mga zero. Nagbabago ang dami ng mga zero ayon sa hirap ng pagmimina. Pinapatunayan ng valid na block hash na ginawa ng minero ang kinakailangang trabaho para ma-validate ang kandidatong block niya (samakatuwid, ang Proof of Work).
Pagkatapos makuha ang mga nakabinbing transaksyon at magawa ang kandidatong block niya, ang nonce lang ang puwedeng baguhin ng isang minero, at iyon ang ginagawa ng mga rig ng pagmimina. Sa isang masusing proseso ng trial and error, binabago ng mga machine para sa pagmimina ang nonce at hina-hash ng mga ito ang pinagsamang data nang maraming beses hanggang sa makahanap ang mga ito ng solusyon sa block na iyon (ibig sabihin, isang hash na nagsisimula sa isang partikular na dami ng mga zero).

Kapag may nahanap nang valid na hash ang isang minero, puwede na niyang i-validate ang kanyang kandidatong block at kolektahin ang mga reward na bitcoin. Sa sandali ring ito nagiging nakumpirma mula sa nakabinbin ang mga transaksyon ng blockchain na kasama sa block na iyon.


Magkano ang kinikita ng isang minero ng Bitcoin

Bawat bagong block ay nagbibigay sa kaukulang minero ng reward ng block, na binubuo ng mga kakabuo lang na bitcoin (block subsidy), kasama ang bayarin sa transaksyon. Dahil halos buong reward ng block ay gawa sa block subsidy, tinatawag itong reward ng block ng karamihan ng mga tao (nang hindi isinasaalang-alang ang bayarin).
Pagdating sa Bitcoin, nagsimula ang block subsidy sa 50 BTC noong 2009 at kinakalahati ito sa bawat 210,000 block (humigit-kumulang apat na taon). Dahil sa mga halving event na ito, bumaba sa 25 BTC ang reward sa pagmimina noong 2012, pagkatapos ay naging 12.5 BTC noong 2016, at sa huli, naging 6.25 BTC noong 2020. Inaasahang mangyayari ang susunod na halving event sa 2024. Mula noong Mayo 2021, nagbibigay ang reward ng block sa mga minero ng humigit-kumulang $300,000 kada block.
Gayunpaman, marami pa ring salik na dapat isaalang-alang kapag nagsusuri ng kagamitan sa pagmimina at kakayahang kumita. Mahalagang sukatang dapat tingnan ang bilis ng paggawa ng mga random na nonce ng isang rig ng pagmimina at pagsubok nito sa mga iyon. Kilala ang figure na ito bilang hash rate at mahalaga ito sa tagumpay ng isang minero ng Bitcoin. Kapag mas mataas ang hash rate, mas mabilis mong masusubukan ang mga random na input na ito.

Isa pang mahalagang sukatan ang pagkonsumo ng enerhiya ng isang rig ng pagmimina. Kung mas marami kang ginagastos sa kuryente kaysa sa kinikita mo sa pagmimina, nawawala ang kakayahang kumita.


Paano magsimulang magmina ng Bitcoin

Dahil desentralisado at open-source ang Bitcoin, kahit sino ay puwedeng sumali sa pagmimina. Noon, puwede mong gamitin ang iyong personal na computer para magmina ng mga bagong block. Pero habang humihirap ang pagmimina, kailangan mo na ngayon ng mas malalakas na machine (mas tatalakayin pa ito sa ibaba).

Ayon sa teorya, puwede mo pa ring subukang magmina ng mga bitcoin gamit ang iyong personal na computer, pero halos walang tsansang makahanap ng valid na hash. Medyo mabilis i-compute ang hash function, pero mas matagal kalkulahin ang napakaraming random na input. Kaya naman kailangan mo na ngayon ng espesyal na hardware bago mo pa subukang maging minerong kumikita.


Anong kagamitan para sa pagmimina ang dapat kong gamitin?

Sa pangkalahatan, puwede mong subukang magmina ng mga cryptocurrency gamit ang CPU, GPU, FPGA, o ASIC machine (tatalakayin namin ang mga ito sa ilang sandali). Puwede pa ring minahin ang ilang altcoin gamit ang mga GPU card. Puwede ring maging opsyon ang mga FPGA machine depende sa algorithm, hirap, at gastusin sa kuryente ng pagmimina. Pero pagdating sa Bitcoin, ang mga rig ng pagmimina ng ASIC ang pinakamahusay.


CPU (central processing unit)

Gumagana ang mga CPU gaya ng versatile na chip na responsable para sa pamamahagi ng mga tagubilin sa iba't ibang bahagi ng isang computer. Hindi na mahusay ang mga CPU para sa pagmimina ng cryptocurrency.


GPU (graphics processing unit)

Puwedeng iba-iba ang silbi ng mga GPU, pero karaniwang ginagamit ang mga ito para magproseso ng graphics at ipakita ang mga ito sa isang screen. Nahahati-hati ng mga ito ang mga kumplikadong gawain sa ilang mas maliit na gawain para mapahusay ang performance. Puwedeng minahin ang ilang altcoin gamit ang mga GPU, pero depende ang husay sa algorithm at hirap ng pagmimina.


FPGA (field-programmable gate array)

Puwedeng i-program at i-reprogram ang FPGA para magkaroon ng iba't ibang function at gamit. Puwedeng i-customize at mas abot-kaya ang mga ito kaysa sa mga ASIC pero hindi masyadong mahusay ang mga ito para sa pagmimina ng Bitcoin.


ASIC (application-specific integrated circuit)

Ang ibig sabihin ng ASIC ay application-specific integrated circuits, ibig sabihin, idinisenyo ang mga computer na ito para sa iisang layunin. Ang mga rig ng pagmimina ng ASIC ay para lang sa pagmimina ng mga cryptocurrency. Hindi masyadong nako-customize at mas mahal ang mga ASIC kaysa sa mga FPGA, pero dahil sa mga hash rate at pagkonsumo ng enerhiya ng mga ito, ito ang pinakamahusay na opsyon para sa pagmimina ng Bitcoin. 


Mga pool ng pagmimina

Napakababa ng tsansang makapagmina ka ng block nang mag-isa. Kung sasali ka sa isang pool ng pagmimina ng crypto, maisasama mo ang iyong computing power sa iba pang minero. Kapag matagumpay na nakapagmina ng block ang pool, makakatanggap ang bawat minero ng porsyento ng mga naminang bitcoin. Naaayon ang mga reward ng pool sa ibibigay mong power sa pagmimina.


Paano sumali sa isang pool ng pagmimina?

Kapag sasali ka sa isang pool gamit ang iyong lokal na hardware, kakailanganin mong i-configure ang iyong software para makipagtulungan sa iba pang minero. Karaniwang kasama sa proseso ang pag-sign up para sa isang account at pagkonekta sa isang server ng pool ng pagmimina.

Kung mayroon kang rig ng pagmimina, mainam na magsimulang magmina sa Binance Pool ng BTC at iba pang SHA-256 algorithm-based na coin. Awtomatikong magpapalipat-lipat ang iyong rig ng pagmimina sa BTC, BCH, at BSV para ma-maximize ang iyong mga return, na binabayaran gamit ang BTC.

Magkakaroon ka ng ideya kung magkano ang posible mong kitain sa page ng Binance Pool. Ipinapadala sa iyong Bitcoin wallet ang mga kita sa BTC araw-araw.


Pagmimina sa cloud

Kung gusto mong makaiwas sa mga mas teknikal na hakbang, puwede ka ring sumali sa isang farm ng pagmimina sa cloud, kung saan ang mga may-ari ng farm na ang bahala sa hardware at software. Sa pangkalahatan, sa pagmimina sa cloud, karaniwang magbabayad ka ng ibang taong magmimina para sa iyo. Pagkatapos, inaasahang ibabahagi sa iyo ng may-ari ng farm ang mga kita. Gayunpaman, napakadelikado ng opsyong ito dahil walang garantiya na may makukuha kang kita sa puhunan mo. Maraming serbisyo ng pagmimina sa cloud ang mga scam pala, kaya mag-ingat.


Mga pangwakas na pananaw

Mainam kung mayroon kang mga pangunahing kaalaman kung paano gumagana ang pagmimina ng Bitcoin. Sa tamang kumbinasyon ng hardware at software, kahit sino ay puwedeng magsimulang magmina at mag-ambag sa kaligtasan ng network ng Bitcoin. Kahit na maisip mong hindi para sa iyo ang pagmimina, puwede ka pa ring mag-ambag sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng Bitcoin node.

Napakataas ng panimulang puhunan sa mapagkakakitaang pagmimina, at marami itong kaakibat na panganib. Nakasalalay rin ang iyong mga kita sa mga kondisyon ng merkado at mga panlabas na salik gaya ng mga presyo ng kuryente at mga pagpapahusay sa hardware. Siguraduhing magsasaliksik ka muna bago ka gumastos ng kahit magkano sa isang rig ng pagmimina.