TL;DR
Ang mga decentralized application (mga DApp) ay mga application na gumagana sa mga network ng blockchain. Maraming iba't ibang DApp na maraming mapaggagamitan, gaya ng gaming, pananalapi, social media, at marami pang iba.
Bagama't puwedeng maging kamukha ng mga regular na mobile app sa iyong telepono ang mga DApp, iba ang sistema ng backend ng mga ito. Umaasa ang mga DApp sa mga smart contract sa ipinamahaging network sa halip na sa isang sentralisadong system para gumana. Dahil dito, ito ay nagiging mas transparent, desentralisado, at resistant sa mga pag-atake, pero nagbibigay rin ito ng ilang bagong hamon.
Panimula
Mula noong lumabas ang Bitcoin (BTC) mahigit isang dekada na ang nakaraan, nagbago na ang mga blockchain para makapag-unlock ng isang hanay ng mga bagong functionality at mapaggagamitan na higit pa sa currency. Isa sa mga bagong paraang ito ay ang paggawa ng mga decentralized application (DApp) para gumamit ng teknolohiya ng blockchain para mapahusay ang maraming tradisyonal na sektor at serbisyo.
Ano ang mga decentralized application (DApp)?
Ang mga decentralized application (DApp) ay mga digital na application o program na pinapagana ng mga smart contract at tumatakbo sa mga blockchain sa halip na sa mga sentralisadong server. Para itong mga regular na mobile app sa iyong smartphone at nag-aalok ito ng maraming iba't ibang serbisyo at function mula gaming hanggang pananalapi, social media, at marami pang iba.
Gaya ng iminumungkahi ng pangalan, tumatakbo ang mga DApp sa mga desentralisadong peer-to-peer network. Ayon sa isa sa mga naunang ulat, nasa mga DApp ang mga sumusunod na feature:
Open-source: Available sa publiko ang source code ng mga DApp, puwede itong i-verify, gamitin, kopyahin, at baguhin ng kahit sino. Walang iisang entity na kumokontrol sa karamihan ng mga coin o token nito. Ang mga user ay puwede ring magmungkahi at bumoto sa mga pagbabago sa DApp.
Desentralisado at secure gamit ang cryptographics: Para matiyak na magiging ligtas ang data, sine-secure ang lahat ng impormasyon ng DApp sa cryptographic na paraan at sino-store ito sa isang pampubliko at desentralisadong blockchain, na pinapanatili ng maraming user (o mga node).
Isang tokenized system: Puwedeng i-access ang mga DApp gamit ang cryptographic token. Puwedeng gumamit ang mga ito ng mga cryptocurrency na tulad ng ETH, o puwede itong bumuo ng native token gamit ang consensus algorithm, gaya ng Proof of Work (PoW) o Proof of Stake (PoS). Puwede ring gamitin ang token para bigyan ng reward ang mga contributor tulad ng mga minero at staker.
Sa malawak na kahulugang ito, ang blockchain ng Bitcoin ay puwedeng ilarawan bilang DApp — at posibleng ito ang pinakaunang DApp. Open-source ito, at live ang lahat ng data nito sa desentralisadong blockchain nito, umaasa ito sa isang crypto token, at ginagamit nito ang consensus algorithm na PoW. Pareho din ang iba pang blockchain na may mga feature na nasa itaas.
Gayunpaman, sa kasalukuyan, tumutukoy ang terminong “DApp” sa pangkalahatan sa lahat ng application na may mga functionality ng smart contract at gumagana sa mga blockchain network. Hindi sinusuportahan ng blockchain ng Bitcoin ang mga smart contract, kaya hindi ito ituturing na DApp ng karamihan ng mga tao.
Mula Hunyo 2022, nasa Ethereum network ang karamihan ng mga DApp. Nag-aalok ito ng mahusay na imprastraktura para madagdagan ng mga developer ng DApp ang mga mapaggagamitan. Pero habang ganap na nabubuo ang mga DApp, nagsimula na ang mga developer na bumuo nito sa iba pang blockchain, kasama na ang BNB Smart Chain (BSC), Solana (SOL), Polygon (MATIC), Avalanche (AVAX), EOS, atbp.
Paano gumagana ang mga DApp?
Ang mga DApp ay mga application na pinapagana ng mga smart contract. Gumagana ang backend code ng mga ito sa mga ipinamahaging peer-to-peer network. Gumagana ang smart contract bilang isang hanay ng mga naka-predefine na panuntunan na ipinapatupad ng computer code. Kapag natugunan at kung matutugunan ang ilang partikular na kondisyon, isasagawa ng lahat ng node ng network ang mga gawaing tinutukoy ng kontrata.
Kapag na-deploy sa blockchain ang isang smart contract, mahirap nang baguhin o sirain ang code. Kaya naman, kahit na mabuwag ang team sa likod ng DApp, maa-access pa rin ng mga user ang DApp.
Mga benepisyo ng mga DApp
Bagama't puwedeng maging magkamukha ang mga interface ng mga DApp at tradisyonal na application, nag-aalok ang mga DApp ng maraming benepisyo kumpara sa mga sentralisadong counterpart ng mga ito. Ang mga web app ay nagso-store ng data sa mga sentralisadong server. Kapag may isang nakompromisong server, puwedeng masira ang buong network ng app, kaya pansamantala o permanente itong hindi magagamit. Ang mga sentralisadong system ay puwede ring maapektuhan ng mga pag-leak o pagnanakaw ng data, na maglalagay sa mga kumpanya at indibidwal na user sa panganib.
Sa kabaliktaran, binubuo ang mga DApp sa mga ipinamahaging network nang walang sentral na awtoridad. Dahil walang isang punto ng pagpalya, hindi masyadong mahina ang mga DApp sa mga pag-atake, kaya naman napakahirap para sa masasamang-loob na i-hijack ang network. Matitiyak din ng P2P network na patuloy na gagana ang DApp nang may kaunting downtime, kahit na masira ang mga indibidwal na computer o parte ng network.
Dahil din sa pagiging desentralisado ng mga DApp mas may kontrol ang mga user sa impormasyong ibinabahagi nila. Dahil walang kumpanyang nagkokontrol sa personal na data ng mga user, hindi nila kailangang magbigay ng pagkakakilanlan sa totoong buhay para makagamit ng DApp. Sa halip, puwede silang gumamit ng crypto wallet para kumonekta sa mga DApp at ganap na makontrol kung anong impormasyon ang ibinabahagi nila.
Isa pang pakinabang ng mga DApp ay madaling makakapag-integrate ng mga cryptocurrency ang mga developer sa kanilang mga pangunahing functionality sa pamamagitan ng paggamit ng mga smart contract. Halimbawa, puwedeng gamitin ng mga DApp sa Ethereum ang ETH bilang bayad nang hindi nag-i-integrate ng mga third-party na provider ng pagbabayad.
Mga limitasyon ng mga DApp
May potensyal ang mga DApp na maging mahalagang bahagi ng hinaharap na walang censorship, pero may iba't ibang pananaw sa bawat sitwasyon. Nagsisimula pa lang ang pag-develop sa mga decentralized application, at hindi pa nalulutas ng industriya ang mga limitasyon gaya ng scalability, mga pagbabago sa code, at mababang user base.
Malaki-laking computing power ang kailangan para mapatakbo ang mga DApp, na puwedeng maka-overload sa mga network kung saan gumagana ang mga ito. Halimbawa, para makamit ang seguridad, integridad, transparency, at pagkamaaasahan na hinahangad ng Ethereum, kailangan nitong patakbuhin at i-store ng bawat validator ang bawat transaksyong isinasagawa sa network. Puwede itong makasama sa rate ng transaksyon kada segundo (transaction per second o TPS) ng system at humantong sa network congestion at napakatataas na bayarin sa gas.
Mahirap ding gumawa ng mga pagbabago sa isang DApp. Para mapaganda ang karanasan ng user at mapaigting ang seguridad, malamang na mangailangan ang isang DApp ng mga tuloy-tuloy na pagbabago para mag-ayos ng mga bug, i-update ang user interface, at magdagdag ng mga bagong functionality. Gayunpaman, kapag na-deploy na sa blockchain ang isang DApp mahirap nang baguhin ang backend code nito. Mangangailangan ito ng majority consensus mula sa mga node ng network para maaprubahan ang anumang pagbabago o pagpapahusay, na puwedeng matagal maipatupad.
Dahil sa dami ng mga DApp sa merkado, mahirap mamukod-tangi at makahimok ng maraming user ang isa. Para tumakbo nang mahusay ang isang DApp, kailangan nitong magkaroon ng network effect —kung mas maraming user ang isang DApp, mas mahusay ito sa pagbibigay ng mga serbisyo. Sa mas maraming user, puwede ring maging mas secure ang DApp at puwede itong maprotektahan sa mga hacker na nakikialam sa open-source code.
Mga sikat na mapaggagamitan ng DApp
Nag-aalok ang mga DApp ng bagong diskarte para sa mga negosyo sa maraming industriya para maabot ang mas maraming user. Kasama sa ilang sikat na mapaggagamitan ng DApp ang GameFi, decentralized finance (DeFi), entertainment, at pamamahala.
GameFi
Sumisikat ang mga GameFi DApp, na ipinapakita ng pamamayagpag ng Axie Infinity, isang play-to-earn na laro sa blockchain ng Ethereum. Ayon sa DappRadar, nakakita ang aktibidad ng gaming sa blockchain noong 2022 Q1 ng 2,000% pagtaas mula noong 2021. Nakahimok din ito ng 1.22 milyong natatanging aktibong wallet (unique active wallets o UAW) noong Marso 2022, kung saan mahigit 50% ng aktibidad ay nagmumula sa mga gaming DApp.
Hindi tulad ng mga tradisyonal na video game, karamihan ng mga gaming DApp ay nagbibigay sa mga user ng kumpletong kontrol sa kanilang mga asset sa laro. Nag-aalok din ang mga ito ng mga player ng mga pagkakataong i-monetize ang mga item na ito sa labas ng laro. Halimbawa, nagtatampok ang Axie Infinity ng mga character sa laro, virtual na lupa, at mga gaming item sa anyo ng mga NFT. Puwedeng i-store ng mga manlalaro ang mga ito sa mga crypto wallet, ilipat ang mga ito sa iba pang address ng Ethereum, o i-trade ang mga ito sa iba pang manlalaro sa mga marketplace ng NFT. Sa ecosystem, puwedeng makipagkumpitensya ang mga manlalaro sa isa't isa para mangolekta ng mga ERC-20 token na puwedeng i-trade sa mga palitan. Kadalasan, kung mas matagal silang maglalaro, mas marami silang puwedeng makuhang reward sa laro.
DeFi at mga DEX
Umaasa ang tradisyonal na pananalapi na kikilos ang mga pampinansyal na institusyon bilang mga tagapamagitan. Sa pamamagitan ng mga DApp, makakagamit ng mga pampinansyal na serbisyo ang lahat nang walang anumang sentral na awtoridad at mapapanatili nila ang buong kontrol sa kanilang mga asset. Puwede ring makinabang sa DeFi ang mga indibidwal na may mababang kita, dahil mag-aalok ito sa kanila ng access sa maraming iba't ibang pampinansyal na serbisyo sa di-hamak na mas mabababang halaga.
Paghiram at pagpapahiram ang mga pinakasikat na uri ng mga pampinansyal na serbisyo na ibinibigay ng mga decentralized application. Nag-aalok ang mga DeFi DApp ng agarang settlement ng transaksyon, kaunti hanggang walang credit check, at kakayahang gumamit ng mga digital asset bilang collateral. Puwedeng magkaroon ng dagdag na flexibility ang mga user sa mga marketplace ng pagpapahiram sa DApp. Halimbawa, mas may kontrol ang mga nagpapahiram sa kanilang mga pautang sa pamamagitan ng pagpili kung aling token ang ipapahiram at kung saang platform. Posible ring kitain ng mga user ang 100% ng interes na nakuha sa pautang dahil wala silang kailangang bayarang bayad sa tagapamagitan.
Ang mga decentralized exchange (DEX) ay isa pang mahalagang halimbawa ng mga pampinansyal na DApp. Pinapadali ng mga ganitong platform ang peer-to-peer na pag-trade sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga tagapamagitan gaya ng mga sentralisadong palitan ng crypto. Hindi kailangang isuko ng mga user ang kustodiya sa kanilang mga pondo. Sa halip na ilipat ang kanilang mga asset sa isang palitan, makikipag-trade sila nang direkta sa ibang user sa tulong ng mga smart contract. Isinasagawa ang mga order sa chain at nang direkta sa pagitan ng mga wallet ng mga user. Dahil hindi masyadong nangangailangan ng maintenance ang mga DEX, karaniwang mas mababa ang bayarin sa pag-trade ng mga ito kumpara sa mga sentralisadong palitan. Kasama sa ilang sikat na DEX ang Uniswap, SushiSwap, at PancakeSwap.
Entertainment
Mahalagang bahagi ng ating mga buhay ang entertainment. Sa mga DApp, ang mga pang-araw-araw na aktibidad na gustong ginagawa ng mga tao ay nagiging mga digital na karanasan kung saan puwede ring makakuha ng mga pampinansyal na insentibo. Halimbawa, inaalis ng Audius, na isang blockchain-based na desentralisadong platform para sa pag-stream ng musika, ang mga tagapamagitan sa tradisyonal na industriya ng musika para direktang mapag-ugnay ang mga artist at fan. Nagbibigay-daan ito sa mga curator ng musika na mas ma-monetize ang kanilang content at makagawa ng mga hindi nagbabagong rekord ng kanilang gawa sa blockchain.
Sinosolusyunan din ng mga DApp ang mga isyung kinakaharap ng mga user ng platform ng social media. Madalas na pinupuna ang mga sentralisadong bigatin sa social media gaya ng Twitter at Facebook dahil sa pag-censor ng mga post at maling pangangasiwa sa data ng user. Sa mga desentralisadong social DApp gaya ng Steemit, malayang nakakapag-interact at nakakapagpahayag ng opinyon ang komunidad dahil sa mas kaunting paghihigpit at censorship habang nagkakaroon ng mas dagdag na kontrol sa kanilang personal na impormasyon.
Pamamahala
Mabibigyang-kakayahan ng mga DApp ang mga user na magkaroon ng mas mabigat na tungkulin sa pamamahala sa mga online na organisasyon sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mekanismo ng pagpapasya na mas nakasentro sa komunidad. Sa tulong ng mga smart contract, ang mga user na may mga hawak na governance token ng isang partikular na proyekto sa blockchain ay puwedeng gumawa ng mga mungkahing pagbobotohan ng komunidad at makakaboto sila sa mga mungkahi ng iba nang hindi sila nakikilala.
Isa sa mga desentralisadong modelo ng pamamahala ang Mga Decentralized Autonomous Organization (DAO). Puwedeng ituring ang mga DAO bilang mga ganap na autonomous na DApp na gumagamit ng mga smart contract para magpasya nang walang sentral na awtoridad. Walang hirarkiya ang mga ito. Sa halip, mayroon itong mga economic na mekanismong nagtutugma ng mga interes ng organisasyon sa mga interes ng mga indibidwal na miyembro ng DAO.
Paano kumonekta sa mga DApp?
Para makagamit ng isang DApp, kailangan mo muna ng compatible na browser extension wallet gaya ng MetaMask, Trust Wallet, o Binance Chain Wallet. Ilang minuto lang i-set up ang mga ito. Nag-aalok pa ang iba ng mga pang-mobile na bersyon para madali itong ma-access.
Gamitin natin ang Trust Wallet bilang halimbawa para malaman kung paano ito ikonekta sa PancakeSwap sa BNB Smart Chain (BSC). Kung wala ka pang Trust Wallet, tingnan itong artikulo sa Academy kung paano ito i-install sa iyong smartphone.
Pagdeposito ng BNB sa Trust Wallet
Para makagamit ng mga DApp sa BSC, mangangailangan ka ng kaunting BNB para bayaran ang bayarin sa transaksyon. Halimbawa, puwede kang mag-withdraw ng BNB mula sa iyong Binance Spot Wallet.
Pumunta sa iyong Trust Wallet at i-tap ang [BNB Smart Chain]. Huwag i-click ang [BNB Beacon Chain]. Ang opsyong ito ay para sa BEP-2 BNB sa BNB Beacon Chain at hindi ito magagamit para magbayad ng bayarin sa transaksyon sa BSC.
I-tap ang [Tumanggap] para tingnan ang iyong address ng pagdeposito sa BNB. Pagkatapos, puwede mo nang kopyahin at i-paste ang address na ito sa iyong wallet para sa pag-withdraw o i-scan ang QR para maglipat.
Pagkatapos makumpirma ang transaksyon sa blockchain, makikita mo ang halaga ng BNB sa iyong homepage ng Trust Wallet.
Pagdaragdag ng CAKE sa iyong listahan sa Trust Wallet
Hindi kasama sa default na listahan ng mga token ng Trust Wallet ang mga DApp token gaya ng PancakeSwap (CAKE). Para makita ang CAKE sa iyong wallet, kailangan mo muna itong idagdag sa listahan.
I-tap ang [Magdagdag ng Mga Token] at hanapin ang “PancakeSwap”. Makikita mo ang CAKE sa iba't ibang blockchain. Dahil BSC ang gamit natin, i-tap para i-toggle ang button sa tabi ng [BEP-20 CAKE].
Dapat mo nang makita ang CAKE sa iyong listahan ng token sa Trust Wallet.
Ang susunod na hakbang ay ikonekta ang iyong Trust Wallet sa PancakeSwap. Puwede kang kumonekta sa pamamagitan ng built-in na mobile browser sa Trust Wallet o sa desktop.
Pagkonekta sa PancakeSwap sa pamamagitan ng browser ng Trust Wallet
1. I-tap ang [Browser] sa homepage ng Trust Wallet at pumunta sa website ng PancakeSwap.
2. Ipapakonekta sa iyo ang Trust Wallet mo. I-tap ang [Kumonekta].
Pagkonekta sa PancakeSwap sa pamamagitan ng browser sa desktop
1. Pumunta sa website ng PancakeSwap at i-click ang [Magkonekta ng Wallet].
2. I-click ang icon ng [Trust Wallet] at may makikita kang QR code sa screen.
3. Buksan ang iyong Trust Wallet app at pumunta sa [Mga Setting] - [WalletConnect].
4. I-tap ang [Bagong Koneksyon] at i-scan ang QR code.
5. Ipo-prompt ka sa app na payagan ang koneksyon. I-tap ang [Kumonekta].
Mga pangwakas na pananaw
Dinaragdagan ng mga DApp ang functionality ng Web sa pamamagitan ng pagpapahusay sa mga kumbensyonal na application gamit ang teknolohiya ng blockchain. Puwede pang magdala ang mga decentralized application ng mga mas makabagong mapaggagamitan sa merkado sa hinaharap. Gaya ng iniulat ng DappRadar, nagtala ang mga DApp ng halos 2.4 milyong pang-araw-araw na aktibong user hanggang Q1 2022, at inaasahang tuloy-tuloy na madaragdagan ang interes ng user. Gayunpaman, hindi pa natutugunan ng mga developer ng DApp at ng mga blockchain network kung saan sila gumagawa ang mga kasalukuyang limitasyon bago ito gamitin ng nakararami.