Ano ang KYC (Know Your Customer)?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Ano ang KYC?
Sino ang nagpapatupad sa pagsunod sa KYC?
Bakit natin kailangan ng KYC sa crypto?
Ano ang mga benepisyo ng KYC?
KYC at desentralisasyon
Mga argumento laban sa KYC
Mga pangwakas na pananaw
Ano ang KYC (Know Your Customer)?
Home
Mga Artikulo
Ano ang KYC (Know Your Customer)?

Ano ang KYC (Know Your Customer)?

Baguhan
Na-publish Aug 19, 2021Na-update Nov 16, 2022
5m

TL;DR

Sa mga pagsusuring Know Your Customer (KYC), kailangan ng mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo na matukoy at ma-verify ang kanilang mga customer. Ginagawa ito bilang bahagi ng kanilang mga pagsisikap na sumunod sa Anti-Money Laundering/Combating the Financing of Terrorism (AML/CFT) para labanan ang krimen sa pananalapi at matiyak ang due diligence ng customer.

Maagap na nilalabanan ng KYC ang kriminal na aktibidad sa pamamagitan ng pagkolekta at pag-verify sa impormasyon ng customer. Pinapataas ng mga pagsusuring ito ang tiwala sa industriya at nakakatulong ang mga ito sa mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo na pamahalaan ang kanilang mga panganib. Naging karaniwan na ang KYC sa mga palitan ng cryptocurrency. Gayunpaman, sinasabi ng ilang kritiko na inaalis nito ang mga aspekto ng pagiging hindi nakikilala at desentralisasyon kung saan sikat ang crypto.


Panimula

Ang KYC ay isang karaniwang kinakailangang panregulasyon na obligadong tugunan ng mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo. Pangunahing nilalabanan ng mga pagsusuring ito ang pagpopondo at pag-launder ng pera mula sa mga ilegal na aktibidad. Mahalaga ang KYC sa mga regulasyon sa anti-money laundering, kaya isa itong mahalagang proteksyon lalo na para sa mga cryptocurrency. Unti-unti, kinakailangan nang magpatupad ng mga pampinansyal na institusyon at tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo tulad ng Binance ng mahuhusay na pamamaraan para sa KYC para maingatan ang mga customer at ang mga asset nila.


Ano ang KYC?

Kung nagbukas ka ng account sa isang palitan ng cryptocurrency, malamang na kakailanganin mong kumumpleto ng pagsusuring KYC. Sa KYC, kailangang mangolekta ang mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo ng impormasyon para i-verify ang mga pagkakakilanlan ng kanilang mga customer. Halimbawa, puwedeng sa pamamagitan ito ng opisyal na pagkakakilanlan o mga bank statement. Tulad ng mga regulasyon sa AML, tumutulong ang mga patakaran ng KYC na malabanan ang money laundering, pagpopondo sa terorismo, pandaraya, at mga ilegal na paglilipat ng mga pondo.
Kadalasan, ang KYC ay isang proactive na diskarte sa halip na reactive. Kinukuha ng karamihan sa mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo ang mga detalye ng customer sa proseso ng pag-onboard bago sila gumawa ng mga pampinansyal na transaksyon. Sa ilang sitwasyon, puwedeng gawin ang mga account nang walang KYC pero limitado ang paggana ng mga ito. Halimbawa, pinapayagan ng Binance ang mga user na magbukas ng account pero pinaghihigpitan nito ang pag-trade hanggang sa makumpleto ang KYC.

Kapag kumukumpleto ng KYC, puwedeng hilingin sa iyong ibigay ang iyong:

  • ID na Bigay ng Gobyerno

  • Lisensya sa pagmamaneho

  • Pasaporte

Bukod pa sa pag-verify sa pagkakakilanlan ng customer, mahalaga ring kumpirmahin ang kanilang lokasyon at address. Magbibigay ang iyong mga dokumento ng pagkakakilanlan ng pangunahing impormasyon tulad ng pangalan at petsa ng kapanganakan mo, pero mas marami pang kailangan para malaman kung saan ka nagbabayad ng buwis, halimbawa. Malamang na kakailanganin mong kumumpleto ng mahigit sa isang yugto ng KYC. Kadalasan, kailangan ding i-verify ulit ng mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo ang pagkakakilanlan ng kanilang mga customer nang may regular na agwat.


Sino ang nagpapatupad sa pagsunod sa KYC?

Magkakaiba ang mga regulasyon sa KYC sa bawat bansa, pero nagkakaisa ang iba't ibang bansa tungkol sa pangunahing impormasyong kinakailangan. Sa US, itinakda ng Bank Secrecy Act at 2001 Patriot Act ang karamihan sa mga proseso ng AML at KYC na mayroon tayo ngayon. Bumuo ang mga bansa sa EU at Asia-Pacific ng sarili nitong mga regulasyon, pero marami itong pagkakatulad sa US. Ibinibigay ng mga regulasyong EU Anti-Money Laundering Directive (AMLD) at PSD2 ang pangunahing framework para sa mga bansa sa EU. Sa pandaigdigang antas, nakikipag-ugnayan ang Financial Action Task Force (FATF) para sa pakikipagtulungan ng maraming bansa tungkol sa mga kondisyon ng regulasyon.


Bakit natin kailangan ng KYC sa crypto?

Dahil alyas ang ginagamit sa cryptocurrency, madalas itong ginagamit para mag-launder ng mga ilegal na pondo at umiwas sa pagbabayad ng buwis. Kapag pinahusay ang regulasyon ng cryptocurrency, gaganda ang reputasyon nito at matitiyak na nababayaran ang mga buwis sa takdang panahon. May tatlong pangunahing dahilan kung bakit kinakailangan ang mga pagsusuring KYC sa industriya ng cryptocurrency:

1. Hindi mababawi ang mga transaksyon sa blockchain. Walang admin na tutulong kung magkamali ka, ibig sabihin, puwedeng manakaw o mailipat ang mga pondo at hindi na mabawi.

2. Medyo anonymous o hindi nakikilala (pseudonymous o gumagamit ng alyas) ang cryptocurrency. Hindi mo kailangang magsumite ng anumang personal na detalye para magbukas ng crypto wallet.

3. Hindi pa rin sigurado ang regulasyon pagdating sa mga buwis at pagiging legal ng crypto sa maraming bansa.

Bagama't mas tumatagal ang pag-set up ng account dahil sa KYC, may malinaw na mga benepisyo ito. Posibleng hindi ito makita ng average na customer, pero may malaking epekto ang KYC sa pagpapanatiling ligtas ng iyong mga pondo at paglaban sa krimen.


Ano ang mga benepisyo ng KYC?

Hindi lahat ng benepisyo ng KYC ay halata. Gayunpaman, marami pa itong nagagawa bukod sa paglaban sa pandaraya at mapapahusay nito ang sistema ng pananalapi sa kabuuan:

1. Mas madaling masusuri ng mga nagpapautang ang panganib sa pamamagitan ng pag-alam sa pagkakakilanlan at kasaysayan ng pananalapi ng customer. Humahantong ang prosesong ito sa mas responsableng pagpapautang at pamamahala ng panganib.

2. Nilalabanan nito ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan at iba pang uri ng pandaraya sa pananalapi.

3. Binabawasan nito ang panganib na magkaroon ng money laundering sa simula pa lang bilang proactive na hakbang.

4. Pinapataas nito ang tiwala, seguridad, at pananagutan ng mga tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo. Ang reputasyong ito ay puwedeng magkaroon ng epekto sa industriya ng pananalapi sa kabuuan at puwedeng humimok ng pamumuhunan.

 

KYC at desentralisasyon

Mula pa sa simula, nakatuon na ang mga cryptocurrency sa desentralisasyon at pagiging malaya sa pagkakaroon ng tagapamagitan. Gaya ng nabanggit, puwedeng gumawa ng wallet at humawak ng crypto ang sinuman nang hindi kinakailangang magbigay ng mga detalye tungkol sa kanilang mga sarili. Gayunpaman, dahil sa parehong mga dahilan, naging sikat na paraan ang crypto para sa money laundering.

Kadalasang hinihiling ng mga gobyerno at regulator sa mga palitan na kumumpleto ng mga pagsusuring KYC sa kanilang mga customer. Bagama't napakahirap ipatupad ang mandatoryong KYC para sa mga crypto wallet, mas angkop naman ito sa mga serbisyong nagpapalit ng fiat para maging crypto. Interesado ang ilang mamumuhunan sa mga cryptocurrency sa speculative na paraan, at mas aktibo namang pinapahalagahan ng iba ang mga pangunahing halaga at gamit nito.


Mga argumento laban sa KYC

Malinaw ang mga benepisyo ng KYC, pero kontrobersyal pa rin ito para sa ilang kritiko. Ang mga argumento laban sa KYC ay mas karaniwan sa mundo ng cryptocurrency dahil sa kasaysayan at background nito. Kadalasan, nagmumula ang karamihan sa mga kritisismo nito sa mga isyu sa privacy at gastos:

1. May dagdag na gastos sa pagsasagawa ng mga pagsusuring KYC na madalas na ipinapasa sa mga customer sa pamamagitan ng bayarin.

2. Ang ilang indibidwal ay walang dokumentasyon na kinakailangan para sa mga pagsusuring KYC, o baka wala silang nakapirming address. Dahil dito, nagiging mahirap para sa kanila na ma-access ang ilang partikular na pampinansyal na serbisyo.

3. Puwedeng magkulang sa seguridad ng data ang mga hindi responsableng tagapagbigay ng pampinansyal na serbisyo, at puwedeng manakaw ang iyong pribadong data dahil sa mga pag-hack.

4. Ikinakatwiran ng iba na laban ito sa desentralisasyon ng mga cryptocurrency.


Mga pangwakas na pananaw

Ang mga proseso ng KYC ay isang pamantayan ng industriya para sa mga pampinansyal na serbisyo at palitan ng crypto. Isa ito sa pinakamahahalagang ginagamit para malabanan ang money laundering at iba pang krimen. Puwedeng maging nakakairita ang mga pagsusuring KYC, pero nagbibigay ang mga ito ng mas maigting na seguridad. Bilang bahagi ng mas malalawak na hakbang ng AML, nagbibigay-daan sa iyo ang KYC na mag-trade sa mga palitan tulad ng Binance nang may higit na kumpiyansa at seguridad.